ANG HUNYO AY KAHIT KAILAN

Hinagkan niya si Victoria, sa pisingi, sa leeg.

Ni BIENVENIDO A. RAMOS

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 10, 1974)

“BASTA gusto ko sa June.”

            “Sa June?”

            “Oo. Kasi, maganda raw iyon June bride.”

            “Pero, maulan na ‘yon, a. Simula na ‘yon ng pagsisiyam.”

            “E, ma’no? Ayaw mo lang ‘ata, e.”

            Tumawa ang lalaki.

            “Ayaw? Aba, maski na bukas. Hmmm… June… maulan. Ibig sabihin, malamig… maginaw. Mabuti. Mabuti. Maaasikaso ko’ng…”

            “Ang alin?”

            Tumawa.

            “Dahil nag-uulan, wala nang panaugan. At kung walang panaugan…”

            Kinurot ng babae ang lalaki.

            “Siguro, July lang, meron na.”

            “July? Ang dali naman.”

            “Kasi, dahil tag-ulan na nga ang June, at wala nang panaugan ng bahay. Me over time. Me… Aray…”

            Hinimas-himas ng lalaki ang braso.

            “Masakit ba?”

            “Masakit pa kesa noong ako’y…”

            Tumingin ang babae sa lalaki. Hindi makaunawa.

            “Parang nakagat ng langgam.” Tumawa ang lalaki. “Pero, sabi nga namin noon… parang nabagsakan ng kampana. Ang sakit…”

            “Ang alin?”

            “E, iyon… Talaga, takot ko. Kaya lang dyahi sa kapwa bata ko. Diyata’t sila lang.

            “Ang alin?”

            “E, iyon… ‘yong… ano ang tawag… Ku, basta iyon. Lahat kami’y dumaraan doon… lahat ng lalaki.”

            Natigilan ang babae.

            “E, kami… kami ba’y hindi dumaraan doon? Sa sinasabi mo?”

            Nagtawa ang lalaki. “Wala naman kayong…” Kumamot sa ulo. “Kami lang… Alam mo na?”

            Nagtawa ang babae. “Siguro, ang gusto mong sabihin… e ‘yong ginawa ke Kuya ko noon. Nagpunta sila ng nanay sa doktor. Nang magbalik, si Kuya ay tumakbo sa silid, iika-ika. Tinanong ko nga kung bakit… sabi, masama raw naming makita. Dahil baka raw… me sinabi pana kamatis.”

            Tumawa ang lalaki. “‘Yon ang kamatis na pagpaka’y hinog na…” Nagtawa uli.

Nagtawa rin ang babae.

ANG usapa’y naganap may limang taon na ang nakararaan. Ang Hunyo ay hinintay. Dumaan.

            “Listak, nagtanan ba naman si Kuya,” sabi ni Vicky kay Lino. “Nag-iiyak ako. Pero ayaw ng nanay. Magkakasukob daw sa taon. Masyadong old-fashioned.”

            “E, paano?”

            “Mag-antay tayo ng isa pang June. Puwede?”

            “Ano pa’ng magagawa ko? Maghintay. Kaya lang, isa pang taon ang masasama sa kulubot ng…”

            “Ikaw lang ba? Ako nga, halata na rin,” mapait ang tawa ni Vicky. “Di na yata makuha sa make-up.”

            “Parang pantalon, nararagdagan ang pileges,” pagak ang tawa ni Lino.

            “Sa isa na, ha?”

            “Okey… sa isa na.”

NASA baryo sila. Kung bakit tuwing hapon, napapansin ni Lino na nalalagas ang dahon ng matandang punong akasya. Kung bakit napansin niya: nagbuntis ang kanilang dumalaga, nag-anak ng pitong biik. Kung bakit napansin niya: malungkot ang paglubog ng araw.

            Si Victoria ay malimit humarap sa salamin. Bubunutin ang ilang kilay. Hihimasin ang pisngi. Hindi pa yata nasasayaran ng halik, nangungulubot na. (Naiisip niya ang huling biyahe ng Bicol Express na sinakyan ng kanyang kuya, at ng kanyang hipag, para magbakasyon sa mga biyenan ng kuya niya sa Albay.)

            Napansin niyang nalalagas ang dahon ng kanyang rosas. Dinidilig niya naman. Bakit? Bakit?

            At bubuntunghininga siya. Kay tagal naman ng June. Kay tagal.

MAYO, limang magkakapatid sina Lino. Ang ama nito ay kartero. Si Lino, sa sariling sikap, bilang self-supporting student, ay nakatapos ng commerce.

            Naulan minsan ang ama ni Lino. Nilagnat. Napulmunya. Nagarahe.

            “Paano kaya, anak, sa pasukan? Naku, e magko-college na si Boy. Ang amang mo, e…”

            Nakaunawa si Lino.

            “Di ako na, Inang, ang magsu-support ke Boy,” sabi.

            Tumingin sa kanya ang ina. “Totoo ba? Naku, ang anak ko!” naluluha ang matanda. “Totoo nga ang sabi nila riyan, pambihira ka raw anak. Responsable.”

            Totoo nga kaya iyon? Sa ubod ng kanyang sarili, may gumuguho. May nagigiba. Kay gandang pangarap. Mauulang gabi, malalamig na gabi sa piling ng mabangong si Victoria.

            Ngayon, ang pangarap ay nagkapakpak, lumipad. Palayo.

            “Im, sorry, Vicky,” sabi niya.

            “Kelangan kong suportahan muna si Boy. At least… hanggang sa makapagtrabaho uli ang aking ama.”

            Gimbal, si Victoria ay nawalan ng kibo. Nakita ni Lino kung paano sinugatan ng kanyang sinabi ang kasintahan.

            “Sorry…”

            Ang tugon ay iyak. Hikbi. Patakbong pumasok si Victoria sa silid. Sa silid na iyong sana’y aampon sa kanilang pagsasarili. Sa silid na iyong sana’y sarado, habang walang tila ang ulan sa labas.

            Kay layo ng tag-ulan. Kay layo ng Hunyo.

HANGGANG kailan ang paghihintay? Si Boy ay kailan magtatapos? Apat na taon. Apat na mahahabang taon. Ang kanyang ama, oo nga’t gumaling, ay tila nangangailangan ng pahinga. Mahina. Payat.

            “Pagbutihin mo, Boy, ang pag-aaral,” sabi ni Lino sa kapatid. Pigil ang kanyang damdamin. Pigil.

            “Tinototoo ko naman, Kuya,” sabi Boy. “Alam ko, nahihirapan ka. Lalo ngayon, mahal ang pasahe. Ang hirap namang mag-boarding kasi. At ikaw rin ang me sabi, mag-uwian ako. Mag-commute. Baka kasi mabarkada.”

            “Talaga?”

            Iniwan ni Lino ang kapatid sa mga libro nito. Gusto niyang puntahan si Victoria. Ngunit ano ang sasabihin niya? Paano niya aaliwin ang kasintahan?

            Hindi niya alam ang gagawin. Ayaw niyang manaog. Tinungo niya ang bintana. Ang bintana’y nakaharap sa lubugan ng araw.

            Ang araw ay mapulang-mapula, tila itlog na ipiniprito sa isang dagat na mantika. Walang mantika ang kawali. Ang handaan ay naghihintay. Ang simbahan ay nakaulukbot, labas-masok ang mga naghahangad na palukob sa pakpak ng matrimonyo.

            Sumagi sa isip niya: ikinasal na si Giling. Si Julian ay nagtanan noong nagdaang linggo. May akay-akay nang maliit si Luis. Si Narding, na kaibigang karnal niya, at kasama pa niya sa paninilong kay Victoria, ay malimit magdaan sa harap-bahay nila, kasama ang asawang pala simbahin, na sapagka’t buntis ay walang iniwan sa kanilang bibeng nangingitlog kung maglakad.

            Sa gabi, sa gabing malalamig, yayakapin niya ang unang may tulong-laway. Mauulinigan niya ang kaluskos ng nalalaglag na bunga at dahon ng akasya.

            Ngayon, nakita niya ang langkay ng mga ibong pauwi sa pugad. Naghuhunihan. Tila nagdiriwang, na pagkatapos ng maghapon, ay hihimlay na sa piling ng mga inakay, dala ang bulate at bunga ng ipil na ginalugad sa kung saan man naghanap ito sa maghapon.

            “Si Boy ay second year na. Sa kailan at gagradwet na siya. Pagkatapos…”

            Maikli ang sulat na ipinadala niya kay Victoria. Ipinadala sa bata niyang kapatid na si Erning.

            “Ano ang sabi?”

            “’Ala, Kuya. Umiyak, e.”

            May umaagnas sa kanyang puso. Nagtiimbagang. May pasiyang naghasik ng mahimalang binhi.

            Kinabukasan ay dumalaw siya kina Victoria.

            “Mahirap na nakatali ka,” sabi. Nakangiti pa nga siya, pero ano ang itinatago ng ngiti?

            “Kaya, mabuti pa…me lumiligaw rin lang…”

            “Gusto mong mag-asawa na ‘ko sa… iba?”

            Hindi nakahuma si Lino.

            “Akala mo ba’y ganoon kadali ang… magpalit ng kausap?”

            “Baka lang ‘ka ko…”

            Umiyak si Victoria, at nagpigil si Lino na yakapin ang babae.

            “Pero, matatagalan pa…”

            “E, ma’no. Nakapaghintay na ako ng isa, dalawang taon…”

            “Ikaw, e. Sige…”

            Tuwing dadalaw siya at magpapaalam, parang ayaw na niyang magbalik. Ano pa ang pag-uusapan nila? Ano pa ang sasabihin niya?

            Saka, ayaw na niyang makita si Victoria sa anyo nitong nakatawa, pero naghihirap. Nakangiti, pero nagdurusa. Ayaw na niyang magkunwari.

“PAN-last trip ‘ata?” Si Narding iyon. Kasama nito ang asawang kung maglakad ay parang bibeng mangingitlog.

            Tumawa si Lino. “Paano, hinihintay pa ang shuttle bus na magbibiyahe sa buwan.”

            “Talagang honeymoon, ha?”

            Nagtawa si Narding. “Kaya lang, baka mag-menopause. Di baleng damatan ang lalaki, pero ang babae…”

            “Treinta y tres pa lang siya,” sabi ni Lino.

            “Nagpapagunita lang ako, pare,” sabi ni Narding. Niyaya na nito ang asawa. Hindi na bibeng mangingitlog ang asawa ni Narding. Nakapangitlog na kasi.

“DI ba mabuti, kuya, e magmedyor ako ng accounting?”

            Natigilan si Lino.

            “Mabuti, ba, kelangan ngayon iyan. Madaling mapasok sa trabaho.”

            “Pero, kelangan, Kuya, na mag-review… at additional burden para sa iyo.”

            “Oo nga.” Nag-isip siya.

            Ang kanyang ama ay gusto nang pumasok, pero sabi ng doktor ay hindi na raw puwede. Mahina ang puso. May asthma.

            “Kung medyor mo’y accounting, dapat kang umeksamin para maging CPA.”

            “Dagdag na gastos,” sabi ni Boy.

            “Bahala na,” sabi ni Lino.

            Naisip niya: lumayo pa ng isang hakbang ang Hunyo. Pero, makauunawa si Victoria. Makaunawa pa.

ILAN na bang linggong hindi siya dumadalaw kay Victoria? Mula sa trabaho, tuluy-tuloy siya sa bahay. At tinitiis niyang huwag makipagkita sa katipan. Para ano pa? Para ke?

            Ang kapatid niyang bunso, si Erning, ay humahangos. Dungisan.

            “Kuya,” sabi. “Napapatawag ka ni Vicks… niyon…”

            “Sinong Vicks?”

            “‘Yong babaing maganda, ‘yong girlfriend mo…”

            Naririnig kasi ni Erning na Vicky kung tawagin niya si Victoria. Sa baryo nila, lumalagapak na Toyang ang palayaw nito.

            “Bakit daw?”

            “Ewan. Basta pumunta ka raw sa kanila.”

            Baka tinanggap na rin ni Victoria ang mungkahi niyang makipagkalas na ito, pakasal sa ibang nanliligaw? Baka, nainip na ito at ipinasiyang huwag nang maghintay. Baka. Maraming baka ang sumagi at tumakas.

            Nakatsinelas lang, hindi na siya nagbihis nang mahusay. Karaniwang polosirt ang isinuot. Sa likod-bahay nagdaan. Tumagos sa duluhan. Ang bahay nina Victoria ay nakatalikod sa bukid, nakaharap sa isang munting ilog, ligid ng sagingan at mga halaman, at medyo may kalayuan sa pinakamalapit na kapitbahay.

            Tahimik iyon. Gaya ng dati, nasa itaas na siya nang tumawag. Wala yatang tao. Tahimik.

            “Masok ka.”

            Kay tagal niyang pinanabikang marinig ang tinig na iyon, gayong wala pang isang buwang di niya narinig. Pumasok siya. Si Victoria ay wala sa kabahayan. Walang ibang tao.

            “Gandang umaga po, Tata Siso, Nana Isyang,” bigay-galang.

            “Umalis sina Inang,” sabi mula sa silid.

            Kaya pala wala, naisip ni Lino. Umupo siya sa namataang silyon. Dumampot ng isang lumang magasin. Naghintay.

            “Bakit mo ba ako… ipinatawag?” sabi niya. Hindi pa niya nakikita si Victoria. Ngunit bukas ang pinto ng silid.

            “Ang layo mo naman,” sabi. “Dine nga tayo mag-usap.”

            “Saan?” May garalgal ang tinig ni Lino.

            Tumindig siya. Alam niyang nasa silid si Victoria. Nadama niya ang isang panghihina.

            Bumungad siya sa pinto. Ayaw niyang tumuloy.

            Nagulat siya nang makarinig ng hikbi. Napasugod ng pasok. Ang nakita niya ay isang babaing nakadukmo sa palad.

            “Bakit?” tanong niya.

            “Bakit daw? Kung di ka pa ipatawag?”

            “Paano’y…”

            Hikbi. Hindi alam ni Lino na nakapasok siya ng silid. Hindi niya alam, nakaupo siya sa kama ni Victoria. Hindi niya alam, nahawakan niya ito sa braso. Naibilang. Nakita niya ang luhaang mukha.

            Hindi siya handa sa gayong pagkakataon, sa damdaming ibibigay ng gayong pagkakataon, at sa pagbiling ni Victoria, biglang kumapit ito sa kanyang leeg. Umiiyak pa rin ang babae.

            Naramdaman ni Lino na tila siya isang lobong hinipan, pumintog, at sumambulat. Sumabog.

            Iginalang niya si Victoria. Kay tagal na iginalang. Kung magkasama sila, ni hindi niya tinangkang hagkan ito. Kahit may pagkakataon.

            Marahil, ang tagal ng pagtitimpi ay nabubulagnos. Yaon ay batas ng kalikasan: ang napupuno ay umaapaw. Sumasabog sa paghanap ng lagusan.

            Hinagkan niya si Victoria, sa pisngi, sa leeg. Gumapang sa labi. At siya’y sumisid sa isang dagat na walang tubig. Iyon lamang.

            Kay tagal nilang naghintay ay kay ikli pala ng panahon. Halos wala pang isang oras ay dumating ang Hunyo. Maulan. Malamig. Nakatitighawing uhaw.

            NAGULAT ang buong Atlag nang walang sabi-sabing ikasal sina Lino at Victoria. Walang napagsabihan. Walang kinumbida kundi malalapit na kamag-anak.

            Nagtawa si Narding nang magkita sila ni Lino. “Akala ko’y June…”

            “Nagkasubuan na, e,” sabi. “Biglaan.”

            Si Boy ay pinapag-aaral pa rin ni Lino, at ngayon, hindi na niya napapansin ang pagkalagas ng mga dahon ng akasya. Ang nakita niya’y ang pagsipot ng mga murang usbong at ang pamumulaklak ng matandang puno.