MALAKI NA HO AKO, MANG DANNY

“Iyan ba?” bulalas niya. “Hindi ko inaasahang ganyan kabata.”

Ni LUALHATI T. BAUTISTA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Agosto 1, 1966)

KAGAGALING niya sa ibang bansa at nagsadya siya sa pasulatang iyon upang magsaliksik sa mga lumang magasing nangakaaklat at nakahanay nang maayos sa mga estante sa aklatan, nang matapunan niya ng pansin ang babaing iyon na nakaupo sa harap ng makinilya sa mesa ng isang kagawad na babae, (na wala sa gayong oras) at nagbabasa ng Liwayway. Bago sa kanya ang mukha ng babaing iyon at ibinulong sa kanya ni Mr. Alsona na ito ay contributor. Nang sabihin sa kanya nito ang pangalan ay napagulat siya, sapagkat ang ipininta niya sa isip na Edelisa Garcia, (nababasa niya ang mga kuwento nito,) ay isang matabang babae na mga treinta’y singko na ang gulang.

            “Iyan ba?” bulalas niya. “Hindi ko inaasahang ganyan kabata.”

            “At hindi mo rin aasahan na sa kabila ng malulungkot na kuwento niyan ay iyan ang pinakamagulo sa lahat ng nagpupunta rito,” nakangiting sabi ni Mr. Alsona.

            Nang mapansin niyang nakamata sa kanya si Edelisa ay ngumiti siya rito, na ginanti nito ng matipid na ngiti rin, saka tila napahiyang ibinalik ang tingin sa binabasa. Nang si Mr. Alsona ay magbalik sa pinakaopisina ng pasulatan, siya ay lumapit kay Edelisa at kinausap ito.

            Nagpakilala siya. At nakita niyang biglang nangislap ang mga mata nito.

            “A, kayo ba ho?” pabiglang sabi. “Oho nababasa ko rin ang mga kuwento niyo. Naks, ang gaganda ng mga kuwento niyo, puro tungkol sa girls!”

            Natawa siya. “Iyon lang naman ang pinakamagandang paksain, e, girls!”

            Nang lisanin niya ang pasulatan ay kinalimutan na niya si Edelisa.

            May isang linggo pagkaraan, sa pasulatan ding iyon, nang magsadya siya, ay isang sulat ang iniabot sa kanya ng isang kagawad.

            “Talagang gulat ako sa ‘yo. Kadarating mo pa lang dito sa Pilipinas at wala pang naisusulat na istorya dito e may tagahanga ka na.”

            “Tangahanga!” nagtatawang sabi niya.

            Binuksan niya ang sulat. At nabasa niya sa pambati ang ganito: Dear Mr. Danilo Sales. At sa hulihan: Kumusta ho nang marami. Edelisa.

            Hindi niya akalain.

NGUNIT si Danilo Sales ay abala sa pagdidirihe ng isang pelikulang Tagalog at ang sulat ni Edelisa, matapos na ibulsa niya sa pantalon, ay kinalimutan na rin niya. Naaalala lamang niya na sasagutin nga pala niya iyon kung siya ay napupunta sa pasulatan.

            At hindi iilang ulit na mula noon ay nakikita niya si Edelisa, sa tuwing mapupunta siya sa pasulatan. Lalapit siya at kakausapin ito, (kung may hinanakit man si Edelisa sa pagkakabasura niya sa sulat nito ay hindi niya alam, sapagka’t ang mukha nito ay walang sinasabi.) Kukumustahin ang pagsusulat, bibiruhin na turuan siyang magsulat, at magpapaalam, sapagka’t natitiyempuhan siyang lagi nang nagmamadali.

            At kadalasan, kung mapupunta naman siya nang wala si Edelisa ay sasalubungin siya ni Mr. Alsona ng: “Sayang, kaalis lang ni Edelisa, hinahanap ka. Tatawa siya.” Siguro, sinasabi mo ring pirmi kay Edelisa na hinahanap ko siya, ano?

            At kung minsan naman ay wala sa loob na nauuna siya sa pagtatanong:

            “Si Edelisa, wala ba?”

            “Hanapan kayo nang hanapan, oo!”

            At minsan ay ibinulong sa kanya ni Mr. Alsona:

            “Crush na crush sa ‘yo iyong batang iyon, baka akala mo!”

ISANG hapon, papalabas na siya sa pasulatan, nang sa pagpihit ni Danilo sa seradura ng pinto ay siya namang pagtulak doon ng isa pang kamay at nang mapatingin din ito sa mukha nito ay napatingin din ito sa mukha niya, at sila ay nagkatinginang saglit, at nagkatawanan pagkatapos. Pabiglang inakbayan niya ang dalaga at pumasok silang muli sa pasulatan.

            “Ang tagal nating hindi nagkita, a. Galing ka ba sa eskuwelahan?”

            “Papasok pa ilang ho. Pero alas-singko’y medya pa ho ang klase ko.”

            “A, ngayon, wala akong importanteng lakad, magkakausap tayo nang matagal.”

            Nagtuloy sila sa aklatan. Napansin niya: sinalubong si Edelisa ng nanunuksong ngiti ng iba pang kabataang manunulat na naroon na para bang nagpapahiwatig ng: Aha, nahuli mo rin, ha!

            Naupo sila.

            “Sige, ngayon, turuan mo akong magsulat.”

            Pumiksi si Edelisa, na may kasamang irap. “Tama na nga kayo. Malay kong magsulat. Kung ibig n’yo, jerk na lang ang ituturo ko se’nyo.”

            “Ayoko ng jerk,” biro niya. “Hindi pagkakakuwartahan iyon. Ang ibig ko’y iyong pagkakakuwartahan.”

            “Patuturo kayo sa ‘kin, kayo nga diyan, ang husay-husay n’yo. Lalo na pag tungkol sa girls!”

            “Ba’t ba iginiglit mong pirmi na mahusay ako sa girls? Sige nga, magsabi ka ng sinulat ko na girls ang paksa.”

            Lumabi si Edelisa.

            “Kung mahusay ako sa girls, tatanda ba ‘kong binata nang ganito?”

            Si Edelisa naman ang natawa. “Sabihin n’yo, kaya hindi na kayo nag-asawa, kasi ayaw n’yo sa isa lang.”

SIYA ay masasabing matanda na ngang binata, naisip ni Danilo Sales nang gabing iyon. Naging lubha siyang abala sa pagsusulat, sa paghahanap ng maisusulat sa paglibot, sa kanyang gawain bilang direktor ng pelikula at ang pag-aasawa na isinaisantabi niya muna noong kanyang kabataan ay hindi na magkapuwang halos sa isipan niya. Nang gabing iyon, naisip niya ang pagitan ng treinta’y sais at disinuwebe. At naisip niya na ano kaya ang mangyayari kung magkaroon ng asawang napakagulo at napakahilig sa jerk?

            Pagkaraan, siya ay natawa.

ISANG kuwento na naman ang kanyang naisip at muli, siya ay nagmaleta ng damit at nagtungo sa isang kalapit na bansa upang doon magsulat. May dalawang buwan pagkatapos, nagbalik si Danilo Sales sa Pilipinas at pinasimulan ang pagsasapelikula ng kanyang nobela. At siya’y naging lubhang abala na naman upang maalaala pa si Edelisa.

            May ilang buwan ding hindi sila nagkita ni Edelisa. Nagdaan ang mahahalagang okasyon nang hindi man lamang sila nagkabatian sa isa’t isa. Pebrero na nang magkita silang muli, at si Edelisa ay niyaya niyang magmeryenda.

            “Saka na lang ho,” pagtanggi ni Edelisa, at kapansin-pansin na hindi taglay ng mukha ng dalaga ang dating ngiti na laging nakapinta roon. “Naghihintay ang nanay ko. Me pupuntahan kasi kami.”

            “Pabayaan mo muna ang nanay mo. Ang tagal nating hindi nagkita, e.”

            “Sige na ho.”

            Medyo pumormal siya sa tila handang-pangatawanang pagtanggi ng dalaga.

            “Hindi tumatanggap si Danilo Sales ng sagot na hindi. Ibig kong malaman mo iyan.”

            Hindi ka kumibo si Edelisa. At sila ay nagtuloy sa isang palamigan sa Abenida Rizal.

            “Ngayon, kuwentuhan mo ako ng tungkol sa sarili mo,” sabi niya nang makahingi na sila ng pagkain sa tagapagsilbi.

            “Kayo ang magkuwento sa akin ng tungkol sa inyo.”

            Binuksan niya ang usapan. Tungkol sa mga kuwento ng dalaga.

            “Di ba iyo rin iyong ang kuwento’y tungkol sa isang dalagang matapos mabigo sa pag-ibig ay ayaw nang umibig pa?”

            “Oho.”

            Tumawa siya.

            “Ang korni, ‘no ho?”

            “Hindi naman. Hindi lang ako kumporme na matapos mabigo ang isang tao ay mawawalan na siya ng pag-asa. Hangga’t nabibigo nga ang isang tao ay lalo at lalong dapat siyang umasa, upang huwag maging napakapait ng kabiguan.”

            Tungkol sa paglalakbay niya sa ibang bansa. Sa Vietnam.

            “Tatlo lang kaming nakakita ng Hanoi,” binanggit niya ang dalawang kasama. “Ngayon ang Hanoi ay hindi na libreng pasukin ng sino pa man.”

            Sa Sweden.

            “Kaya nga masasabi kong atrasado ang Pilipinas. Mabagal ang pag-usad ng sibilisasyon dito. Dito, pag nagsama ang isang lalaki at isang babae nang hindi kasal, sila ay nagiging marumi sa mata ng lipunan. Samantalang sa Sweden ay mayroon niyong tinatawag na trial marriage o pagsubok na kasal, ang pagsasama nang hindi kasal. Upang makilala nilang lubos ang kanilang sarili. Kung sa panahon ng kanilang pagsasama ay hindi sila maging maligaya, sila ay maaaring paghiwalayin, ayon sa kanilang kagustuhan.”

            Tungkol kay James Bond.

            “Idolo mo pala si James Bond, ha!”

            “Gusto ko ang mga pelikula niya.”

            “Bata ka pa nga,” sabi niya, at nakita niyang umasim ang mukha ng kausap.

            “Ang mga taong katulad nila, na ang panahon ay iniuukol sa pagpapaunlad sa kanilang sarili lamang, at hindi sa pagpapaunlad sa sibilisasyon, ay hindi dapat na hangaan. Sabagay, ito ay pansariling kuro ko. Bawa’t tao ay may kanya-kanyang kuru-kuro, mangyari pa.”

            Nagpatuloy si Edelisa:

            “Tanyo ho. Ang lalaki halimbawa, nakakapasok sa mga klab, sa bar, sa mga bahay na pula, kahit para mag-usyoso lang. Sa babaae ba’y puwede iyon? Puwera na lang kung doon siya nagtatrabaho.

            “Katulad ko na lang,” sabi uli ni Edelisa na ni hindi na hinintay ang kanyang sagot. “Minsan, ibig kong magpunta sa ibang lugar, kahit man lang sa Baguio halimbawa, nang mag-isa, para humanap ng bagong karanasan, natatakot naman akong gawin. Gayong makailang ulit nang narating ko ang Baguio! Kaya kung minsan, parang medyo inggit ako sa mga lalaki. At sa mga manunulat na lalaki, na kaya nakapagsusulat ng iba-ibang paksa ay dahil malayang nakakakuha ng iba-ibang karanasan.”

            “Ewan ko rin,” sabi ni Danny. “Ako’y hindi sang-ayon diyan. Ke lalaki, ke babae, sa ganang akin, ang tao ay dapat na magkaroon ng ganap na pagtitiwala sa kanyang sarili; ito ang pinakamalaking puhunan ng isang tao sa pagtatagumpay. Gagawin mo ang ganito, magtiwala kang magagawa mo, at makikita mong nagsisikap ka na magawa iyon. Pupunta ka sa gano’n, igiit mo sa sarili na makakapunta ka at kaya mong alagaan ang sarili mo, makita mo’t makakarating ka roon. Haharapin mo si ganoong tao, huwag mong isipin na mas mataas ang kalagayan niya sa ‘yo at nakakahiya at ikaw maliit. Isipin mo na pareho kayong tao. Na kayo ay pantay. Na wala kang dapat ikahiya, at masisikap mong maalis ang inferiority complex mo. Sabagay, hindi para sa ‘yo ito at ikaw naman ay hindi mahiyain. Ang mga ito ay bahagi ng paglaki ng isang tao. Hindi ko na sasabihin sa iyo ngayon na ikaw ay bata pa; ayokong sumama uli ang mukha mo. Sa edad mo na halos beinte na, ikaw ay malaki na, Edelisa. Dapat na ikaw ay maging malaki na.

            “M-malaki na ho ako, Mang Danny.”

            Nagtawa siya. “Malaki ka lang sa katawan. Mabulas ka. 5’3. Pero sa isip ay musmos ka pa. Ni hindi ka pa puwedeng mag-asawa, a!” pabirong dugtong niya.

            Nakita niyang ang mga labi ni Edelisa ay nagtiim.

“MATAGAL nang hindi nasisipot dito, a,” sagot na kanya ni Mr. Alsona nang itanong ni Danny si Edelisa.

            “Sabi ni Ellen ay nasa  Baguio raw… ewan ko!”

            “Sa… Baguio?”

            “Ikaw kasi, e. Sabi mo yata sa kanya, bata pa siya. Ipakikita raw niya sa ‘yo na malaki na siya at…” nagtawa si Mr. Alsona, “at puwede na raw siyang mag-asawa!”

            Hindi siya makakibo.

            “Dangkasi ka naman, e…”

            “S-sino raw ang kasama sa Baguio?”

            “Mag-isa!”

AT natuklasan ni Danny na ngayon ay natatakot siya para kay Edelisa. Hindi napakalayo ng Baguio, ngunit si Edelisa ay nag-iisa, at natitiyak niya na ang pakay nito roon ay upang buuing pilit ang pagtitiwala sa sarili, nagsisikap itong lumaki, para sa kanya, “alam niyang para sa kanya!” at kung may mangyari kay Edelisa… A, hindi niya mapipigil na sisihin ang sarili! Nanaog siya sa pasulatan na balot ng agam-agam.

NGAYON ay lulan siya ng humahagibis na Galaxie paakyat sa Baguio. Buo sa sariling hindi siya babalik sa Maynila nang hindi kasama si Edelisa. Pag nakita niya si Edelisa, sasabihin niya na huwag na itong magpumilit na lumaki. Pakasal tayo, sasabihin niya, at ako na ang magpapalaki sa ‘yo!