Ni Gemiliano Pineda
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Abril 6, 1959)
SA simula ay naghinala si Mila na may asawa at anak si Nardo, nang makita niya ito, nang di siya nakikita, na may akay na dalawang bata. Ngunit nagpaliwanag ang binata. Sinabing yaon ay mga pamangkin niyang iniuwi buhat sa lalawigan sapagka’t namatay ang kanilang ina na kanyang tanging kapatid.
Nguni’t kahit na pumayag si Mila sa kanyang pamanhik na antalahin pa ang isang taon ang paglagay sa magaling, kinabahan pa rin si Nardo. Kahit nangako si Mila na magpapakatibay at magtatapat, sa tinig niyon ay tila may kinatatakutan siyang karupukan ng isang damdamin. Ngunit hindi niya mapababayaan ang mga pamangking isinumpa sa kapatid nang naghihingalo na ito na kanyang aarugain.
Ang mga alalahaning yaon ukol kay Mila at sa kanilang suyuan ay napapawi sa kanyang isip kung nasa bahay na siya at kinakalaro ang kalugud-lugod na mga pamangkin.
Nguni’t si Nardo ang nakatatalos na tatlong taong pinapaghintay niya si Mila. Ipinangako niyang matapos lamang siya ng pag-aaral sa inibersidad ay lalagay na sila sa magaling. Tapos na siya ngayon. Ngunit siyang pagkamatay nga ng kanyang kapatid. Naiwan sa kanya ang mga anak nitong ulila nang lubos sapagkat una pa sa kapatid niyang si Mameng ay nasawi sa isang sakuna ang kanyang bayaw.
Subalit malaki mang hirap at panahon ang ginugugol niya ang kanyang mga pamangkin, ay nasumpungan naman ni Nardo ang labis-labis na kasiyahan at kaligayahang iginaganti sa kanya ng mga iyon.
Pagdating niya ng bahay tuwing hapon, bahagya pa lamang naririnig ang kanyang mga hakbang na papanhik, ay nag-uunahan na ang dalawang bata sa pagsalubong sa kanya…
“O, baka kayo mahulog!” ang lagi niyang salubong sa kanyang mga pamangkin. Na sabik na sabik na yumayakap sa kanya at hinahagkan siya ng matatamis na halik ng mga musmos. At sa mga gayong sandali ay parang nalulunod ang puso ni Nardo sa isang naiibang uri ng kaligayahan… kaligayahang kaibang-kaiba kaysa nararamdaman niya kung kapiling si Mila…
Ilang buwan pa ang matuling na nagdaan. Wiling-wili na si Nardo sa mga kalikutan sa kanyang mga pamangkin. Kung hapon, bago sila maghapunan ay nilalaro niya ang dalawa. Kilik ang bunso, na kung tawagin niya’y Litos, siya’y palakad-lakad sa harap ng kanilang tirahan, samantalang si Melba, ang nakatatandang kapatid, ay susunud-sunod sa kanya at siya’y pinagkakausap. Kung minsa’y nauupo silang tatlo sa may balkonahe… at nakikipaghagisan siya ng bola sa magkakapatid. At tuwing siya’y aalis naman upang pumasok sa upisina ay matagal ang kanilang pagpapaalaman : di mabilang na halik ang pinabaon sa kanya. Kaya naman, tuwing hapon, kalimitang siya’y may pasalubong na kendi o biskuwit para sa dalawa… Sila na na rin ang dumurukot sa kanyang bulsa kapag nagkukunwari siyang nakalilimot sa pasalubong… “A…” ang naisip ni Nardo, “ngayon ko lamang napagkilala at naunawaan ang kaligayahang maaaring lasapin ng isang ama, kaya maaari pala siyang magpakakuba sa gawain alang-alang lamang sa kanyang mga supling.
Datapuwat sa kabila ng kalugurang nangingibabaw sa damdamin ni Nardo tuwing makikita ang kanyang mga pamangking umaasa sa kanya ng kalinga at pagmamahal ay nililigalig naman ang kanyang puso ng isang suliranin: ang pagpapalagayan nila ni Mila.
Naging kapansin-pansin para kay Nardo ang ipinagbago ni Mila ng pakikiharap sa kanya, mula noong malaman nito na siya’y tagapagkupkop ng dalawang pamangkin. Nalalaman ni Nardo na maaaring ipagdamdam ni Mila ang sinabi niyang pagpapaliban muna ng kanilang kasal, nguni’t siya’y umasa sa katapatan ng pangungusap ng dalaga. Talagang itatanong niya noon kay Mila kung matatangkilik pa rin niya ang mga ulila, pagkatapos na sila ay makasal.
Ngunit hindi na niya itinuloy. Iba na ngayon si Mila, malamig na. Mapait man sa kanyang puso ay sinikap na limutin ang dalagang kauna-unahang pinagsanlaan ng kanyang pag-ibig. Nabalitaan na lamang niya at sukat na si Mila ay laging kasama-sama ng isang binatang malapit sa kanilang pook at sa malas ay nagkakamabutihan na sila. Kaya’t upang di siya mapagwikaang lumimot sa sumpaan nang walang kapali-paliwanag, ay dinalaw din niya si Mila isang hapon. Ngunit hindi man lamang ngumiti si Mila nang siya’y patuluyin sa bulwagang dati-rati’y parang pangalawang langit para kay Nardo.
Hindi na kinailangan pang magsalita nang mahaba si Nardo. Si Mila na rin ang nagbigay wakas sa kanilang may ilang taong matamis na pagpapalagayan, nang sabihin nito:
“Nardo, alam ko kung bakit ka pa naparito. Ibig mong matiyak kung tunay ngang ako ay may ibang kasintahan. At hindi mo ako maaaring sisihin. Hindi ako maaaring makapaghintay na palakihin mo ang iyong mga pamangkin!”
“Hindi kita sinisisi, Mila,” malumanay na tugon ni Nardo at siya’y tumayo. “Lamang ay hindi mo ako binigyan ng kaunti pang panahon. Ngayo’y huli na… Gayunma’y hinahangad ko ang iyong kaligayahan, Mila.”
Iniabot ni Nardo ang kanyang palad. Nakipagkamay naman si Mila, bagamat naramdaman niyang ang palad ng dalaga ay malamig at nanginginig.
Nang araw na yaon, maging ang kanyang mga pamangkin ay nakapansin sa panlulungkot ni Nardo. Hindi niya nilaro ang mga bata.
Salamat at natuklasan naman ni Nardo na ang karamihan man pala ng mga gawain, ang pag-aalaala at pag-aalaga sa maliliit niyang pamangkin, ay naging mabisang pampalimot sa kasawiang sinapit.
Samantalang nawiwili si Nardo sa kanyang mga pamangkin ay unti-unti namang nalilibing sa alaala si Mila at ang humaliling larawan sa kanyang gunamgunam ay si Teresita, isang dalagang ang tahana’y katapat na katapat ng tintirhan ng binata.
Tuwing umaga halos, kung umaalis si Nardo patungong opisina, ay nakikita niya si Teresita na nagdidilig ng mga halamang nasa paligid ng kanilang tahanang katamtaman ang laki. Gayundin, kung hapon, naaabutan ni Nardo na si Teresita ay tumutugtog ng piyano, kaya ang binata ay nanunungaw at minamasdan ang dalaga sa kanyang pagtugtog. Kung minsan ay nagkakatama ang kanilang binabawi ng dalaga.
Lingid sa kaalaman ni Nardo, si Teresita ay madalas ding tumitingin sa dako ng binata. Ang nakaaakit sa kanya ay ang dalawang bata, lalung-lalo na ang batang babaing lilimahing taong gulang. Napakaganda ng batang yaon, palibhasa’y likas na kulot ang buhok, at may biloy pa sa pisngi. Kung naglalaro ang batang yaon sa munting bakuran sa kanilang tapat, si Teresita ay madalas na nakadungaw at ang tinitingnan lamang ay ang bata. Aywan ba niya kung bakit siya’y nagagaanan ng dugo sa batang yaon at kung wariin niya sa sarili ay nais niyang mayakap ito, mahagkan at masamyo ang halimuyak ng kanyang mga musomos na pisngi.
Nakikita ni Teresita na ang lalaking sa palagay niya’y ama ng mga bata ay laging makisig manamit. Kung minsa’y ibig mag-alinlangan ni Teresita: nagtataka siya kung bakit gayong bata pa ang ayos ng lalaking yaon (si Nardo na nga) ay may dalawa nang anak. Naisip ni Teresita na maaaring nabalo ito sa kanyang asawa at ang pinag-iiwanan ng kanyang mga anak ay ang matanda na niyang ina.
Sa natuyong batis
ng isang pag-irog,
may agos ng tubig
na muling aagos!

Napapansin ni Teresita na madalas siyang titigan ng lalaki sa kanilang tapat. Ibig-ibig niyang ngumiti palibhasa’y magkapitbahay lamang sila, datapuwa, ang likas na kahinhinan ay siyang pumipigil sa kanya. Ibig sana niyang iparamdam sa lalaking yaon na siya’y di mapagmalaki, bagamat sarili ang bahay na tinitirhan at may maluwag na pamumuhay sapagkat ang kanyang ama ay isang mangangalakal sa lalawigan. Si Teresita ay nag-iisang anak na nakapagtapos ng pag-aaral ng piyano sa konserbatoryo.
Hindi maubus-isipin ni Nardo kung paano niya makikilala ang dalaga sa kanilang tapat, na alam niyang nagngangalang Teresita, sapagka’t yaon ang narinig niyang tawag ng ina nito. Sa araw-araw na pagkakita niya sa dalaga ay nararamdaman niyang nagsusupling sa pitak ng kanyang dibdib ang isang taimtim na paghanga sa kagandahang kung pangkaraniwan man ay parang hiyas na tampok sa katauhan ni Teresita. Kung minsa’y ibig-ibig na ni Nardo na mangahas pumanhik sa tahanan at pakilalang siya’y isang binata at ang dalawang bata ay mga pamangkin lamang niya… hindi mga anak. Naghihinala siyang kaya nagiging mailap ang mga mata ng dalaga ay dahilan sa ang pagkaalam marahil sa kanya ay balo o may-asawa.
Isang hapon, nang siya’y papanhik na sa kanilang tirahan, ay nalipos ng pagtataka si Nardo nang mapansin niyang hindi siya sinalubong ng dalawang bata. At sa halip ay narinig niyang sa dakong itaas ay umiiyak si Litos (ang maliit na bata), samantalang ang kanya namang ina ay nagwiwikang: “Tahan na, Litos… tahan na…!”
Patakbong pumanhik si Nardo na mabilis ang kaba ng dibdib.
Hindi niya sukat akalain ang tagpong bumulaga sa kanyang mga mata: sa sopa ay nakahiga ang maliit na si Litos, umiiyak at may benda ang noo. Ngunit nakapanunghay sa kanya ang kanyang nanay at saka… ang dalagang nasa kanilang tapat… si Teresita!
Hindi nakapagsalita si Nardo. Napatayo si Teresita nang siya ay mapansin. Hawak pa ng dalaga ang benda.
“Iyang si Litos..Napakalikot kasi… Kung hindi kay Aling Teresita ay nahulog sana siya sa semento!” anang ina ni Nardo.
“Bakit, nahulog ba sa hagdan?” sambot kaagad ni Nardo.
“Oo…mabuti na lamang at nagkataong papalabas sa kalye si Aling Teresita, at nakita niyang umuukyabit si Litos sa barandilya ng hagdan… at nasambot niya ang bata nang makabitaw! Mabuti’t ilang baytang lamang ang kinahulugan!”
“Naku, maraming-maraming salamat sa inyo, Aling Teresita…” ang nawika ni Nardo at noon lamang niya natingnan sa malapitan ang dalagang napakagaganda pala ng mga mata.
“Wala pong anuman iyon… Talaga pong may kalikutan lamang ang mga bata kapag maliit pa… “ ani Teresita. “Sa palagay ko nama’y hindi napinsalaan ang iyong anak… nilagyan ko na ng benda ang kanyang ulo sapagkat dumugo ng bahagya…”
“E… eh… Aling Teresita… alam ninyo…” ang parang nauumid na sabad ni Nardo. “Hindi ko po sila mga anak. Ang dalawa pong iya’y mga pamangkin ko…patay na ang kanilang ama’t ina… at ako naman po’y binata pa…”
“A, ganoon… ang akala ko, e…” at hindi na tinapos ni Teresita ang kanyang sasabihin. Bahagyang ngiti ang sumilay sa labi. Aywan kung bakit nakaramdam siya noon ng isang kasiyahang hindi mawari…” Kung gayo’y magpapaalam na muna ako sa inyo, hane?”
“Hintay muna kayo, Aling Teresita…” ang pigil ni Nardo. “Hindi man lamang kayo nakatikim ng kahit ano …”
“Aba, huwag na… katatapos ko pa lamang … ako’y pasimbahan lamang kanina… Ipasyal naman ninyo sa amin ang inyong mga anak… e… mga pamangkin…”
“Opo… opo!…” ang mabilis na tugon ni Nardo, na sa mga mata’y biglang kumislap ang kaligayahang bunga ng pagkakabatid na sa wakas ay nagkaroon din siya ng daan upang makakilala si Tresita.
Nakaalis na si Teresita ay ngingiti-ngiti pa sa sarili si Nardo. Kung pagwariin niya ay giliw na giliw si Teresita sa kanyang mga pamangkin, sapagkat hinagkan pa sa pisngi si Litos, at gayundin si Melba, bago tuluyang nanaog…
Hindi naman nagluwat ang puso ni Nardo sa pangangarap. Natagpuan niya sa kaibuturan ng dibdib ni Teresita ang isang mapagpalang pagmamahal na malaon nang nakalaan sa kanya.
At nang sila’y pagbubuhulin sa harap ng dambana, ay naibulong pa ni Teresita: “Nardo hindi ka na ngayon tatawaging binatang ama…”








