ANG LEONG MANGINGIBIG

Patuloy ang panunuyo ng leon hanggang sa isang araw ay nagtapat na ito sa matanda.

Ni DOLORES T. DUNGO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 14, 1948)

BATAMBATA pa raw noon ang mundo at diumano ay ang mga hayup at ibon ay mga nakapagsasalitang katulad ng tao.

            May isa raw dalaga na anak ng isang magkakahoy na walang katulad ang ganda. May bituin daw ang kanyang mga mata, may rosas sa mga pisngi, may saga sa labi, at may mga ngiping perlas. Ang buhok daw niya na sing-itim ng dagat kung sa langit ay walang isa mang bituin ay alun-alon pa.

            Tunay nga raw na napakaganda at sadyang napakabait pa ang diwatang ito ng Kabundukan. Kaya’t ang lahat nang sa kanya’y makakita ay tunay na humahanga. Kataka-taka bang ang mga kabinataan sa bundok ay mamintuho sa kanya?

            Isang araw, samantalang ang dalaga ay sumasalok ng tubig sa ilog ay nakita siya ng hari ng kagubatan ang mabangis na leon.

            Gutom na gutom ang leon nang sandaling iyon kaya’t bigla nitong sinugod ang dalaga.

            “Naku po!” ang hiyaw nito na napabulagta sa malaking takot.

            Sadya sanang susunggaban na ng leon ang diwata ngunit biglang natigilan nang kanyang mamasdan ang kay tamis-tamis na mukha nito, ang mahaba at malago niyang buhok at ang wari’y nililok niyang katawan.

            “Anong gandang babae!” ang nasambit ng leon.

            Kaagad na nalimutan ang kanyang gutom at humalili ay ang paghanga sa kagandahang noon lamang niya nakita.

            Nakapikit ang mata ng dalaga na naghihintay ng kagat ng leon, ngunit kay tagal-tagal na niyang hindi humihinga sa takot ay ano ba’t wala siyang nararamdamang anumang sakit. Ni yabag ng leon ay wala rin siyang marinig.

            Unti-unting iminulat ng dalaga ang kanyang mga mata. Anong gulat niya nang makitang ang leon ay natitigilan at nakapako ang mata sa kanya.

            “Naku po! Kakainin ako ng leon!” ang muli niyang wika na nangangatal ang buong katawan at boses.

            “Huwag kang matakot, O Binibining maganda pa sa buwan at mga bituin. Kita’y hindi sasaktan! Nanaisin ko pa ang aking kamatayan bago ko saktan ang dulo ng iyong daliri,” ang paliwanag ng leon.

            Kinusot ng dalaga ang kanyang mga mata. Anong tatamis na salita ang binitiwan ng leon!

            “Hindi kaya ako nanaginip?” ang kanyang tanong.

            “Hindi ka nanaginip, Dalagang walang katulad ang ganda. Ang hindi ko malaman ay baka ako ang nangangarap lamang sapagka’t hindi ako makapaniwala na may babaing katulad mo sa kariktan.”

            Napaupo ang dalaga sa narinig na ito. Muli niyang kinusot ang kanyang mapupungay na mata at, “Hindi mo nga ba ako papatayin?”

            “Ako ay naging alipin ng iyong kagandahan. Ang bangis ko at tapang ay aking nalimutan, at ang humalili ay paghanga sa iyong kariktan.”

            Napangiti ang dalaga. Lumakas ang kanyang loob.

            “Kung gayon, ako’y makauwi na? Hindi mo kaya ako biglang sakmalin pagkatalikod ko?” ang may himig pang pangangambang tanong ng dalaga.

            “Hinding-hindi,” ang mariing tangi ng leon. “Ngunit ako ay sasabay sa iyong pag-uwi maaari kaya?”

            “At bakit pa?” ang mabilis na usisa ng dalaga.

            “Upang iligtas kita sa maraming hayop na ngayo’y naggala,” ang katuwiran ng leon.

            Kaya’t nagkasabay na lumakad ang dalagang may sunong na banga ng tubig at ang isang kay laki-laking leon.

            Napasigaw ang ama ng dalaga nang makita ang dalagang dumarating. Kumalog ang kanyang mga tuhod.

            “Huwag po kayong matakot, Ama ko. Ang leong ito ay isang mabait na kaibigan.”

            “At matuling ikinuwento ng dalaga ang nangyari sa tabi ng ilog.”

            “Kung gayon ay magtuloy ka muna sa aming kubo,” ang anyaya ng matanda habang nagpapahid ng malamig ng pawis.

            “Salamat po, ngunit bukas na ako babalik. Paalam na sa inyo at may gagawin pa ako.”

            Nang makaalis ang leon ay saka pa lamang nakahinga nang maluwag ang mag-ama.

            “At babalik pa raw!” ang puna ng matanda.

            “Naku, akala ko po, Ama, ay katapusan ko na kanina.”

            “At sino ang hindi mag-aakala ng gayon ay sa kay rami na raw napatay ang leong iyan! Pati raw mga kapuwa hayop niya sa kagubatan ay natatakot sa kanya, dahil sa kanyang mga pinapatay at kinakain.”

            Matagal pang nag-usap ang mag-ama nang tungkol sa leon.

            Kinabukasan ay isang kapapatay-patay na lamang na usa ang hila-hila ng leon sa may hagdan ng bahay ng mag-ama.

            “Ito ay isang munti kong alaala,” ang kanyang sabi.

            “Maraming salamat sa iyo,” ang halos ay panabay na sagot ng mag-ama na biglang nagkatinginan.

            At simula na noon ay naging araw-araw nang panauhin ng mag-ama ang leon. At sa tuwing namang darating ay may pasalubong na lupa, kambing o usa.

            “Aba, mukhang nagkakagusto pa yata sa iyo ang leon,” ang biro ng ama.

            “Ilayo mo po ako sa tukso,” ang wika ng dalaga na hindi kinukutuban ng ang isang hayop ay mangingibig sa isang tao.

            Mula nang magdadalaw ang leon sa bahay ng dalaga, ay parang pinalis naman ang mga kabinataan na manliligaw nito. At sino nga naman ang hindi matakot maging-kaagaw ng leon?

            Patuloy ang panunuyo ng leon hanggang sa isang araw ay nagtapat na ito sa matanda.

            “Nais kong maging asawa ang iyong anak. Kailan ko ba siya maiuuwi sa kagubatan?”

            “Ha? Ano? Diyata?” ang sunud-sunod na wika ng matanda at biglang nabitiwan anng hawak na pambayo ng bigas.

            “Aba, at ano ba ang akala ninyo? Manunuyo ba ako nang wala akong hangarin?” ang biglang nanlisik ang matamg tanong ng leon.

            Natakot ang matanda kaya’t dali-dali siyang nagbago ng pananalita.

            “Bayaan mo’t kakausapin ko ang aking anak.”

            “Pagbutihin mo ang pagkausap at kung hindi ay baka malipol ang lahat ng tao rito sa bundok!” ang bala ng leon sabay talikod. “Babalik ako bukas upang malaman ang kanyang pasiya,” ang habol pa ng leon.

            Napaiyak ang dalaga nang malaman ang banta ng leon. Nagulo ang isip ng matanda. At kapuwa sila hindi nakakain at hindi rin sila makatulog magdamag.

            Luha, dasal, at pag-iisip ng paraan ang sa dalaga. Mga paghilakbot naman at pagmumuni-muni ang sa matanda.

            Nang mag-uumaga na ay lungkot na lungkot ang mag-ama dahil sa wala pa silang nabubuong paraan ay gayong pumuputok na ang araw.

            Walang anu-ano ay biglang napabangon ang amang nakahiga. “Nalalaman ko na ang ating gagawin! Mainam na paraan ang ating gagawin! Mainam na paraan, oo napakainam,” ang may palatak pang wika niya.

            Ang dalaga ay madaling lumapit sa ama at buong pananabik na nagtanong. “Ano pong paraan ang naisip ninyo, Ama?”

            At halos ay pabulong na ipinaliwanag ng matanda ang kanilang gagawin.

            Nasiyahan ang dalaga sa sinabi ng ama kaya’t masayang-masaya siyang nagluto ng agahan. Pagkakain niya ay naligo siya at saka niya inilugay ang mahabang buhok at nilagyan pa ito ng mga bulaklak. Nagbihis siya ng marikit at saka siya naupo sa hagdan ng kanilang kubo.

            Anong ganda ng dalaga!

            Hindi siya nagtagal sa paghihintay. Patakbong dumarating ang leon at napansin ng dalaga na ito ay wala nang dalang pasalubong. Napuna rin niya na namumula ang mata nito at humihingal pa wari.

            Kung galit o pagod man ang leon ay dagling napawi ang damdaming ito nang makita ang diwata.

            “Magandang umaga, Binibini,” ang masayang bati nito.

            “Magandang umaga naman,” ang sagot ng dalaga. “Kami ay nag-usap na ng tatay at ako ay pumapayag nang pakasal sa iyo.”

            “Siyanga ba? Hindi mo ba ako binibiro?” ang natutuwang tanong ng leon.

            “Bakit kita bibiruin, nguni’t, bago tayo pakasal ay mayroon lamang akong nais hilingin. Masunod mo kaya?”

            “Ang bawa’t hilingin mo ay utos na aking susundin sa lalong madaling panahon, kaya’t sabihin mo na kaagad.”

            “Ay baka hindi mo gawin?” ang malaming na tanong ng dalaga na lalong pinapungay pa ang mga mata.

            “Kahi’t ikasubo ko sa kuko ng kamatayan ay aking tutupdin ang iyong hiling,” ang mabilis na pangako ng leon na nagniningning ang mga mata sa katuwaan.

            “Nalalaman mo, ay kahi’t na raw anong buti nang pagsasama ng mag-asawa ay may dumarating ding mga sandali ng pagsasamaan ng loob at…”

            “Ngunit hindi sasama ang loob ko sa iyo kailan man,” ang putol ng leon.

            “Aba, mahirap mong maipangako iyan. Wala pa raw mag-asawang hindi nagkasamaan ng loob kahi’t na minsan.”

            “O, ipagpalagay na natin, ay ano ang ibig mong gawin ko? Sabihin mo agad at kahi’t pa aking buhay ay…”

            “Aba, at bakit ko nanaisin ang iyong buhay ay di hindi natuloy ang ating kasal?”

            “Eh, ano nga ang ibig mong gawin ko?” ang nananabik na ulit ng leon.

            “Alam mo’y halos magdamag akong hindi natulog kagabi sa pag-aalaala. Kung tayo ay kasal na at may isama ka ng loob sa akin, ay pihong isang sikad mo ng iyong paang may matatalim na kuko ay mamamatay ako, at sa isang kagat mo lamang ay lagot ang aking buhay,” ang maydulo pang buntong-hiningang paliwanag ng mutya ng kabundukan.

            “Ngunit hindi kita sasaktan at…”

            “Oo na nga, ngunit mamamatay naman ako sa nerbiyos sa pag-aalaala sa lahat ng sandali, kaya’t kung sadyang mahal mo ako ay ipabunot mo na muna ang iyong matatalas na ngipin at ipaalis mo ang matatalim mong kuko bago tayo pakasal.”

            Matagal na natigilan ang leon. Ano ang mangyayari sa kanya kapag nawala ang kanyang santada?

            “Pumapayag ka ba, mahal ko, ang malambing na ulit ng dalaga na may kasaliw pang hagod sa likod ng leon.

            Sa malamyos na hagod ng dalaga ay nahibang ang leon.

            “Oo, ngayon din. Tawagin mo ang iyong ama.”

            Ang matanda ay dumating at dito ay ipinagtapat ng leon ang hiling ng dalaga.

            “Kung sa bagay ay mahirap sa akin ang walang ngipin at walang kuko, ngunit susundin ko upang mapanatag ang loob niya. Kaya’t ako’y inyong tulungan. Bunutin lamang ninyo ang aking ngipin at kuko,” ang pakiusap pa niya.

            Mabilis na kumuha ng palakol at itak ang matanda. Buong lakas niyang pinagpapalakol ang mga ngipin ng leon hanggang sa ito ay mangatanggal. Pagkatapos ay pinagtataga niya ang mga kuko.

            Duguan ang bibig at paa ng leon, at malambot pa siya sa gulay nang matapos.

            “Siya, nasunod na ang iyong hiling. Sumama ka na ngayon sa akin,” ang wika ng leon sa dalaga.

            Sa salitang ito ay naglabasan ang may limang tao.

            Sunud-sunod na bato, palo at taga, ang umabot sa mabangis na leon na parang tupang maamo sa pagkawala ng ngipin at kukong pamatay sa mga tao at kapuwa hayop.

            At namatay ang hari ng mga hayop sa pangingibig sa paraluman ng kabundukan.