MGA LANTANG BULAKLAK NG ROSAS

Nang sumunod na maglaba si Adela ay muli siyang nakakita ng bulaklak na inaanod ng tubig. Biglang kumaba ang kanyang dibdib nang tumanaw siya sa dakong pinanggagalingan ng agos at mamataan niya ang isang lalaking mabilis na nagkubli.

Ni BENJAMIN P. PASCUAL

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Oktubre 24, 1960)

MALALIM ang dakong iyon ng ilog na aming pinaliliguan. Ayon kay Hernan, ang dakong iyon ay sadyang pinalalim ng mga mangingisda upang mapangisdaan Ang dakong mababaw ng ilog ay nasa kabilang ibayo.

Kay-sarap magbabad sa tubig! Nagpapapasalamat ako sa kaibigan kong si Hernan sa pagkayaya sa aking magbakasyon sa Baliwag sa nalalapit na pista ng kanilang nayon. Tahimik ang nayon at ang dakong ilog ay pinapagkaroonan din ng katahimikang sa magulong lunsod ng Maynila na pinanggalingan ko ay hindi ko masumpungan. Sa kinamakalawahan pa ang pista ng nayon at inakala rin ni Hernan na mabuti nang maligo muna kami sa ilog nang hapong iyon.

Nakaupo kami noon sa isang balsang kawayan. Namamahinga kami pagkatapos ng matagal na paglangoy. At nasa ganoon kaming anyo nang magdaan sa aming harap, na inaanod ng tubig, ang isang bagay na sa palagay ko’y kakatwa para kay Hernan. Isang bulaklak ng water lily. Kunot-noong sinunan ni Hernan ng tanaw ang papalayong halamang-tubig. Wari’y nakapagbigay sa kanya ng pagtataka ang bagay na iyong tanging sa tubig lamang nabubuhay at maaaring makita.

—Madalang ba ang water lily, Hernan, o hindi ka pa nakakita ng ganyang bulaklak-tubig? — puna kong nakangiti.

Napatawa si Hernan. —Naalala ko lamang ang isang pangyayaring naganap sa baryong ito, — sabi niya. —Isang kuwento ng pag-ibig. Sariwa pa sa alala ng mga tagarito ang pangyayaring iyon. Maigagawa mo ng kuwento kung gusto mo.

At ikinuwento ni Hernan ang isang malungkot na kasaysayan ng pag-ibig.

ANAK si Adela ng pag-asawahang Takyo at Sela na nagtitira sa nayong iyon. Maganda si Adela sa karaniwang may mahabang buhok at may ugaling mapag-isa. Sa baryong iyo’y hindi mabilang ang nanliligaw sa kanya. Nguni’t sa lipon ng mga nagsisiligaw na iyon ay wala pang napupusuan si Adela. Tila wala pa sa loob niya ang pag-aasawa.

Naglalaba si Adela sa pampang ng ilog isang umaga nang sa pag-angat niya ng tingin ay mapansin niya ang isang bulaklak ng rosas na inaanod sa tubig. Kinuha niya ang bulaklak at itinabi. Nguni’t nang sumunod siyang maglaba, nang makakita siya uli ng rosas na tangay-tangay ng agos, ay naghinala na siya – may kung sinong nagpapaanod ng mga bulaklak na iyon, at kaypala’y nagkukubli sa mapunong kasukalan na pinanggagalingan ng agos ng tubig.

Nang sumunod na maglaba si Adela ay muli siyang nakakita ng bulaklak na inaanod ng tubig. Biglang kumaba ang kanyang dibdib nang tumanaw siya sa dakong pinanggagalingan ng agos at mamataan niya ang isang lalaking mabilis na nagkubli.

Kasama niya noon ang nakababata niyang kapatid na lalaki!

—Nakita mo ba ‘yong mamang nakita ko? — kumakaba ang dibdib na tanong niya sa kapatid.

—Oo. Biglang nagtago, e, — sagot ng kanyang kapatid.

Nang umuwi si Adela ay napapatawa siya sa sarili. Ngayo’y natitiyak na niyang ang mga bulaklak ay ginagawang tagapagsabi ng loobin ng isang kung sino.

Ganoon nang ganoon: tuwing-maglalaba si Adela ay nakakukuha siya ng bulaklak ng rosas sa tubig. Ang mga bulaklak, tulad din ng una, ay kinukuha niya ipinapatong sa kabatuhan habang siya’y naglalaba at sinasabuyan ng tubig upang huwag matuyo sa init ng araw. Pagdating sa bahay, ang mga iyo’y maingat niyang inilalagay sa isang kahon ng tabako.

Isang umaga’y hindi nakatiis si Adela. Nang muling makakita siya ng dalawang bulaklak ng rosas na magkapanunod na tinatangay ng agos ay naglakas-loob na siya. Ibig niyang makilala ang lalaki, kung sinuman iyon. Iniwan niya ang kanyang paglalaba. Kunwa’y mayroon lamang siyang kukunin. Lumigid siya ng daan patungo sa pinagbubuhatan ng agos. Huling-huli niya ang isang lalaking nakaupong nagkukubli sa isang punong sasa.

Napagulat ang lalaki nang siya’y makita. Noon lamang niya nakita ang lalaking iyon. Payat at tila may sakit. Marak ang maputlang mukha at nanlalalim ang maiitim na mga mata.

—Kayo pala ang nagpapaanod ng mga bulaklak! —nawika ni Adela.

Napayuko ang lalaki. Hindi nakapagsalita ng kahit ano. Maya-maya pa’y tumalikod na lamang at lumakad na palayo.

Nang sumunod na maglaba si Adel, gaya ng sinasapantaha niya’y wala na siyang nakitang bulaklak na inaanod ng tubig. Nguni’t bago tumanghali, samantalang nagbabanlaw siya ng mga damit, ay namataan niya ang lalaking lumalakad na patungo sa kanya. Sumasal ang kaba ng kanyang dibdib.

—Naglakas-loob akong lumapit sa ‘yo, — narinig niyang sabi ng lalaki sa tinig ng kimi at mahina, —para…humingi sana ng paumanhin sa…tungkol sa mga bulaklak.

Nag-angat ng mukha si Adela upang kunwa’y sinuhin ang lalaki. Sa kanya nakatuon ang maiitim na mga mata nito. Kinusa niyang huwag sumagot.

—Hindi ko ginawa ‘yon sa hangad na magbiro, — patuloy ng lalaki. —Maluwat ko nang nakikitang naglalaba ka rito. Kaypala’y ibig ko lang maipamalay sa ‘yong may isang…ibig makipagkilala.

Matagal bago nagawang magsalita ni Adela.

—Hindi ko maintindihan kung bakit gayon pang paraan ang ginawa ninyo para makipagkilala, — ani Adela na nagpipigil na mangiti.

—Hindi madali para sa akin ang makipagkilala sa paraang gawa ng ginagawa ng iba, — sabi ng lalaki, —Gaya ng nakikita mo na…na ako’y may sakit.

Hindi nagsalita si Adela. Nang muling magsalita ang lalaki ay may bahid na ng kapanatagan sa tinig nito.

—Madalas akong nagpapahinga roon tuwing umaga. —At itinuro ng lalaki ang dakong pinanggagalingan ng mga bulaklak. —Ewan ko kung ano’ng pumasok sa isip ko nang paanuran kita ng mga bulaklak. Marahil natatakot akong humarap sa ‘yo. Isang katawa-tawang bagay ang ginawa ko, ano?

Ang tanong ay naghihintay ng sagot, at tumango si Adela.

—Wala naman akong napakalaking hangarin sa pagkikipagkilala, —patuloy ng lalaki. “Marahil ay ibig ko lamang makipagkaibigan. Bago ako sa lugar na ito, alam mo. Ang pangalan ko’y Sergio. Tagarito ang aking ama’t ina, pero masasabing sa Maynila ako nagbinata dahil sa doon ako nag-aral. Nakapisan ako ro’n sa isang kapatid ng aking ama. Kilala mo siguro si Ba Piryon?

Napatingin si Adela sa mukha ng lalaki. Kilala nga niya ang pangalang tinukoy nito. Sa Ba Piryon ay isa sa mga kilalang angkan sa kanilang nayon. Iginagalang ito roon. Ang bahay nito’y may kalayuan sa kanila. Tumango siya.

—Siya ang aking ama, — sabi ng lalaki. —Kaya ako narito ay pinauwi niya ako may ilang buwan na ngayon…dahil nga sa sakit ko. Dito raw ako magpagaling. —Nakita ni Adela na ngumiti ang lalaki. —’Yon ang sabi ng aking ama. Pero alam ko at alam niya na ako’y di na gagaling. Mahirap ipaliwanag ang sakit ko.

Sinabi iyon ng lalaki sa paraang parang walang anuman sa kanya ang bagay na iyon.

—’Yan marahil ang dahilan kung bakit gusto kong magkaro’n ng kaibigan, — sabi ng lalaki. “Hindi na kita aabalahin sa paglalaba mo. Sa ibang araw kung maaari, ay ibig ko sanang sumaglit dito…makipag-usap.

Tumango si Adela. Ang binanggit nitong sakit ay nag-iwan ng kaguluhan sa kanyang dibdib.

Malayo na ang lalaki ay sinusundan pa niya ng tingin, hanggang sa ang patpating anyo niyon ay mawala sa pinanggagalingang bulaos. At saka pa lamang nalaman ni Adela na samantalang kausap siya ng lalaki ay nawala sa loob niya ang ginagawang pagbabanlaw ng damit.

Naging madalas ang pagpunta-punta ni Sergio sa ilog kung umaga. Mauupo ito sa batuhang pinaglalabhan ni Adela at magbabalitaan sila – si Sergio, ng naging buhay-buhay niya sa Maynila; si Adela ng buhay sa makipot niyang daigdig. Kung minsa’y inihahatid ni Sergio si Adela sa pag-uwi.

At naganap ang isang pangyayaring hindi inaasahan ninuman. Napabalitang si Adela at ang binatang-Maynila ay nag-iibigan. Malinaw ang mga palatandaan: ang pagkikita sa ilog, ang masasayang pag-uusap, ang paghahatid-hatid ni Sergio kay Adela. Isang kataka-takang bagay iyon para sa mga nakakikilala kay Adela. Hindi nila maubos-isipin kung bakit sa dinami-rami ng nagkakagusto kay Adela ay papatol ito sa isang maysakit.

Kumalat ang bulung-bulungan.

—Dalawang “M” lamang naman ang nakuha ni Adela ke Sergio, — anang isang masiste. —Mayaman at Malapit nang mamatay!

Ang bulung-bulunga ay umabot sa ama’t ina ni Adela. Isang gabi’y itinanong ng matandang lalaki kay Adela kung totoo ang balita tungkol sa kanila ni Sergio. Inamin ni Adela na totoo iyon.

—Masakit damdamin ang balitang kumakalat, — anang ama ni Adela. —Hangga’t maaga’y tigilan mo ang pakikitungo sa lalaking ‘yon. At ano’ng mahihita mo sa lalaking kung kayo’y nagsasama na’y maaaring magisnan mo na lamang na patay sa iyong tabi?

Hindi kumibo si Adela.

—O baka di mo alam ang sakit na leukemya? —paglilinaw ni Mang Takyo. —Iya’y iyong nauubusan ng dugo sa katawan. Hindi ‘yon gumagaling. At ‘yan ang sakit ni Sergio. May balita sa labasan na kaya ‘yan pinauwi rito no’ng ama e dahil sa di na mapagaling sa Maynila. Nagsawa na raw ang mga doktor do’n sa kasasalin sa kanya ng dugo, na nagiging tubig din. Tubig!

—Alam ko, Ama. Sinabi sa ‘kin ni Sergio. Sinabi rin niyang may doktor na nagsabi sa kanya na ang buhay niya’y di na tatagal nang dalawang taon.

—At sa kabila niya’y ginusto mo pa rin siya? Nasisiraan ka na ba ng bait?

—Iniibig ko siya, Ama. Isa pa, ang nangyayaring ito sa amin…ay siya nang pinakadakilang bagay na nangyari sa kanyang buhay. Maligaya siya…at ayokong maputol ang kaligayahang iyon.

—Pero tanggapin mo ang katotohanang lanta na ang kanyang katawan! Parang…lunong alimasag!

Tumingin si Adela sa labas ng bintana. Matagal bago siya nagsalita, at may ningning ang kanyang mga mata. —Di iilang beses na sinuri ko ang aking damdamin, Ama, at natuklasan kong ang pag-ibig ko sa kanya’y hindi pangkatawan lamang. Higit pa sa roon. Sa kaligayahan niya’y higit akong naliligayahan. Sana’y maipaliwanag ko sa inyo itong mabuti, Ama.

—Nasisiraan ka nga ng bait!

Ngunit dumating ang sandaling nakita rin nina Adela at Sergio ang pangit na anyo ng kanilang kalagayan. Isang umaga, samantalang humahakbang si Sergio sa batuhan ay nadupilas ang isang pa nito at ang ulo ay napabagok sa isang nakausling bato. Nang tumindig si Sergio, nakita ni Adela na may malaking sugat ito sa noo. Nguni’t hindi iyon ang ikinatigil ni Adela sa pagdalo kay Sergio, kundi ang malaking sugat nito sa bahagya nang dinaluyan ng dugo.

Nagtama ang kanilang tingin, at dinama ni Sergio ang sugat nito, minasdan ang dugong kumapit sa palad. Isang mapit na ngiti ang sumungaw sa mga labi ni Sergio, at marahan itong lumakad palayo. Sa pag-aakala ni Adela na dinamdam ni Sergio ang kanyang pagkagulumihanan at nagmamadali siyang sumunod.

—Natigilan lamang ako, Sergio, — sabi niya. —Hi…hindi ko alam ang tungkol do’n!

—Alam ko. —Hinawakan ni Sergio sa magkabilang balikat si Adela. —Bukas, Adela…ay ibig kong bumalik sa Maynila.

—Bakit?
—Nakita mo. Ilang panahon pa, tubig na lamang ang tumatakbo sa aking mga ugat. Naiintindihan mo ba ang ibig kong sabihin? Hindi tayo dapat magpatuloy. Matagal nang hindi tayo dapat magpatuloy, at ang sarili ko na rin ang sinisisi ko ngayon. Naging makasarili ako sa paghahangad na dumama pa ng kaligayahang sisira naman sa kinabukasan ng iba…sa kinabukasan mo.

Napayakap nang mahigpit si Adela kay Sergio, at kasabay ng luha ang gumaralgal na mga katagang nulas sa kanyang mga labi.

—Hindi, Sergio. Ang kinabukasan ko…o anumang mangyayari sa ‘kin pagkatapos ng araw na ito…ay mapagaganda lamang ng ngayon, sa piling mo. Wala kang masisirang kaligayahan sa akin sa darating na panahon pagka’t ang kaligayahang iyo’y nasa akin na, ngayon.

Saglit na nagtama ang kanilang paningin.

—Kung totoong kakaunti na lamang ang panahong nalalabi sa atin, Sergio, — sabi ni Adela, —ay gusto kong maging lubos na maligaya ang panahong iyon. Sasama ako sa iyo sa Maynila…kahit saan…ngayon.

DITO tinapos ni Hernan ang kanyang salaysay.

Papalubog na ang araw. Ang maiitim na kabundukan sa kabila ng palanas na kabukiran ay nabahagya na lamang matanaw na lumalaganap na dilim ng dapitahapon. Malamig na ang hanging nararamdaman ko sa kangi-kangina’y nag-iinit na balat ng aking likod. Malamig na rin ang tubig ng ilog. Sa pagkakasalampak namin ni Hernan sa balsang kawayan ay namalagi siyang nakatunghay nang matagal sa tubig.

—Sa panahong ito, masasabi mong mahirap para sa isang babae na makagawa ng gaya ng ginawa ni Adela, — sabi ni Hernan upang wari’y bigyan ng angkop na pagwawakas an gkanyang kuwento. —Isang taon lamang silang nagsama. Dito inilibing si Sergio.

Sa kabilang ibayo, sa nalalabi pang liwanag ay nabanaagan ko ang paglapit sa pampang ng isang may kagulangan nang babae. Nakapusod ang kanyang buhok. Tumingin siya nang ilang saglit sa amin, at pagkatapos ay tumanaw nang matagal sa mapunong kasukalan sa dako pa roon. Napatingin sa kanya si Hernan.

—Ayun ang Adela ng aking kuwento, — sabi niyang mahina. —Tuwing hapo’y napaparito siya…ay tumitingin doon. —Inginuso ni Hernan ang mapunong kasukalan sa dako roon.

Minasdan ko ang babae sa pagkakatayo niya sa pampang. Gusto kong makita ang kanyang mukha, basahin kung anong damdamin mayroon iyon. Sapagka’t alam kong sa pagkakatingin niya sa kasukalan ay hindi siya roon nakatitig kundi sa isang kahapong nagdaan sa kanyang buhay. Nguni’t laganap na ang karimlan, at siya’y isa na lamang anino.