Ibig lumabo ang kanyang mga mata kanginang nakatingin siya kay Ines, at upang mapigil ang damdaming namumuyo sa kanyang dibdib, lumapit nga siya sa bintana at tumingin sa labas.

Ni AUGUSTO E. FUENTES

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 4, 1962)

PILIT na inilayo ni Julian ang tingin kay Ines na nakasalampak sa sahig, sa harap ng isang maliit na aparador na bukas. Naihiwalay na nito ang mga damit na pinili. Lumapit si Julian sa bintana. Tumingin siya sa ibaba, sa daan, sa nagsasalimbayang mga sasakyan, sa mga taong nagsisipaglakad.

            Subali’t hindi niya waring nakikita ang mga dyip, mga auto, trak, at mga taong laman ng lansangan. Si Ines ang kanyang nakikita kahit na nakatalikod siya sa asawa, na hindi niya matagalang pagmasdan. Ibig lumabo ang kanyang mga mata kanginang nakatingin siya kay Ines, at upang mapigil ang damdaming namumuno sa kanyang dibdib, lumapit nga siya sa bintana at tumingin sa labas.

            Iilang araw na lamang at hustong isang taon na silang kasal. Ginugunita niya ngayon, hindi dahil sa sinadya niya ang paggunita. Hindi niya mapigilan ngayon ang pagbabalik ng mga gunitang humantong sa kanilang pagtataling-puso sa lumang bisita, sa maliit na nayon ng Bulihan, at nagpatuloy hanggang sa kasalukuyang sila ay naninirahan sa isang pinto ng isang maliit na aksesorya sa Sampalok.

            “Payag akong pakasal tayo,” sabi noon ni Ines, “pero may kasunduan.”

            “Anong kasunduan?” tanong niya noon.

            “Aba, at nalimutan na! Pagkatapos ng isang taon,” paliwanag ni Ines, “at hindi tayo magkasundo, maghihiwalay tayo. Madalas ko nang masabi iyon mula nang mapatango mo ako. Baka isip mo’y nagbibiro ako. Bago tayo pakasal, ipangako mong hindi ka susuway sa kasunduang iyan.”

            Kapwa anak-mahirap sila ni Ines. Magsasaka lamang kapwa ang kani-kanilang magulang. Subali’t mga magsasakang masipag at masinop at may hangarin na ang kanilang mga anak man lamang ay mabigyan ng pagkakataong makahulagpos sa pagkakatali sa pagbubungkal ng lupang hindi naman kanila.

            Kapwa nakatapos sa haiskul sila ni Ines dahil sa pagpapakasakit ng kani-kanilang magulang. Mga bata pa sila nagkahulihan na ng loob. Magkasama na sila maging noon pa mang hindi pa sila nag-aaral. Kapwa sila nagpapastol ng kalabaw. Si Ines ang bantay kung sinasalakay nila ang manggahan ni Tandang Saro. Si Julian ang umaakyat. Naghahati sila sa manggang kanilang inumit. Ganoon din kung panahon ng duhat. O bayabas, o kaya’y sampalok, o balubad.

            Si Julian ang nagdadala ng mga libro ni Ines nang sila ay pumapasok na sa maliit na paaralan ng nayon. Laging nadudulas si Ines sa pilapil.

            “Napakalampa mo naman,” sasabihin niya noon. “Akina nga iyang mga libro mo.”

            “Mangyari,” isasagot naman ni Ines, “ang dami mong kuwento, hindi ko na tuloy maasikasong tingnan ang nilalakaran ko.”

            Ang mga kuwento niya noon, kahit na sila ay mga bata pa, ay ukol sa kahirapan ng buhay sa bukid.

            “Sabi ni Amang,” wika niya noon, “mag-aral daw akong mabuti. Baka raw matuto ako at makakuha ng trabaho sa Manila. Wala raw mangyayari sa buhay dito kahit na anong sipag mo.”

            Noong malapit nang magdalaga si Ines at sila ay kapwa nasa haiskul na sa kabayanan, pinagsasama nila ang kanilang bagong pagkain. Sabay silang pumapasok at umuuwi sa Bulihan. Siya ang nagsusunong ng batya ni Ines kung ito’y naglalaba sa sangka at nilalaban naman ni Ines ang damit niya.

            Hindi mahirap isipin na sa inihaba-haba ng panahon ng kanilang pagkakalapit, ay mauwi iyon sa pagkakaunawaan. Hindi lamang ang kanilang mga puso, kundi pati ang kanilang mga hangarin sa buhay. Nagkaisa nang malaon ang kanilang mga paniniwala sa buhay. Sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa darating na panahon.

            “Ayaw kong sumali sa timpa-timpalak-kagandahang iyan,” minsan ay sinabi ni Ines kay Julian, nang si Ines ay ginagawang kandidata sa pagkarenya sa pista sa Bulihan. “Ano ang mahihita ko riyan?”

            “Pero isa ka sa pinakamagaganda sa Bulihan… at sa akin ay pinakamaganda ka,” sabi niya, at totoo sa loob niya iyon.

            Inirapan siya ni Ines. “Gastos iyan,” anito. “Gastos sa kasali sa timpalak, at gastos sa buong nayon. Hindi ko malaman kung bakit hirap na hirap na ang buhay dito sa Bulihan e puro pagkakagasta pa ang naiisipan.”

NAGKAKAIBIGAN na sila. Magtatapos na sila ng haiskul.

            “Hahanap ako ng mapapasukan sa Manila,” sabi niya nang nalalapit na ang kanilang pagtatapos. “Magpapatuloy ako ng pag-aaral. Sa gabi.”

            “Hanggang dito na lamang ako,” nagunita niyang sagot ni Ines noon, “gusto ko ring magpatuloy. Pero… mahirap sa isang babae ang lumuwas… magtrabaho at mag-aral. Gusto ko sanang makatapos ng edukasyon… makapagturo at nang tayo’y… magkatulungan sa hinaharap.”

            Naalaala ni Julian ngayon na maluwat siyang hinddi nakaimik nang marinig niya ang sinabi ni Ines.

            “Iilan ba ang mga kababaryo natin,” patuloy ni Ines, “na lumuwas at napilitang bumalik. Ang mga lalaki’y bumalik sa pagsasaka… at ang mga dalaga naman ay iilan ang nakabalik. Ang ilan ay napasama at hindi makaharap sa mga kababaryo.”

            “Maaari bang hindi nila matandaan iyon!” tuyot na saad ni Julian.

            “Kung sisipot ako ngayon sa Bulihan…”

            “Di kasi naman,” agaw ni Julian, “magsisiputak ang mga malabiga sa Bulihan. Napakarurunong ng dalawang iyan kasi, sasabihin nila.  Ayaw pa rito sa Bulihan. Hindi nasiyahan sa pagsasaka. Mataas ang lipad.

            “At iiyak ang Inang ko… magpapanangis ang Inang mo…”

            “Mag-uusap ang Amang ko at Amang mo. Iiling ang Amang ko… tatango naman ang Amang mo. Kapwa hindi masalita ang magbalaeng iyon.”

            “Pakasal na tayo,” naisipan niyang sabihin kay Ines. Biglang pumasok sa isip niya ang katotohanan ng sinabi ng katipan. At ayaw naman niyang sila ay magkalayo. “Bahala na. Lumuwas tayo. Makakakikita rin ako ng mapapasukan. Mag-aaral ako sa gabi… at kung malaki-laki na ang sahod ko… mag-aral ka rin. Ang inaalaala ko lang…”

            “Ano’ng inaalaala mo?” kagyat na tanong ni Ines.

            “Na baka kung nahihirapan ka na sa Manila…”

            “Ikaw nga… baka kung hirap ka na… pumapasok sa trabaho sa araw… nag-aaral sa gabi… at pakainin pa ako,” at naalaala niyang siya ay biglang natawa noon.

            “Me kasunduan tayo,” aniya, “hindi ba? Kung di magkakasundo…maghihiwalay tayo.”

            “Ito naman!” kunwari’y pagalit na hadlang ni Ines noon. “Ang paghihiwalay agad ang nasa isip.”

            Hindi gaanong tumutol ang mga magulang nila sa balak nilang iyon ni Ines. Malaki pa ang naging tutol ng mga iyon sa pinagkasunduan nila ni Ines na ang kasal nila ay maging tahimik. Sila-sila lamang. Walang handaan.

            “Ano ang sasabihin ng mga kababaryo natin,” tutol ng kanilang mga magulang. “Ni sabaw man lamang ay hindi tayo magpapahigop?”

            “Uutangin lamang natin ang gagastahin,” tutol ni Ines. “Sino ang magbabayad? Wala naman tayo.”

            “Lalo kayong dadalahirain ng mga tao rito,” sabi ng ina ni Ines. “Ngayon pa lamang madalas nang pag-usapan na lumalabis ang dunong ninyo. Hindi kayo nagdadadalo sa mga handaan. Dumalo naman sa patay… sa tatlong gabi… o palaglag-luksa, hindi kayo kumakaing dalawa. Ke-seselan daw ninyo.”

            “Hindi sa maselan, Inang,” paliwanag ni Ines noon. “Ayaw lamang namin na makaragdag pa kami ni Julian sa gugol ng mga naulila na wala rin naman na gaya natin.”

            NALAGOT ang daloy ng mga gunitang iyan nang marinig ni Julian na tawagin ni Ines ang kanyang pangalan. Binawi niya ang mga mata sa pagtingin sa mga sasakyang nagdaraan at ibinaling kay Ines na sandaling tumigil sa pagpili ng mga damit sa aparador.

            “Ano ang gagawin mo… mag-iisa ka sa bahay?”

            “Bahala na,” sagot ni Julian at pilit niyang ibinalik ang pansin sa daan.

            Ayaw ni Julian na siya ay magsalita pa ng marami. Napag-aralan na niya sa loob nang may isang taon nang nakaraan na huwag maging masalita. Alam na niya, sa marami nang pagkakataon, na nauuwi sa hindi pagkakaunawaan ang kanilang salitaan dahil lamang sa hindi niya sinusuri muna ang isasagot kay Ines. Lalo na ngayon na ang pangarap niyang makapag-aral din si Ines ay hindi pa natutupad. Nakaalis na sila sa isang silid ng isang barungbarong na una nilang tinirhan, at nakalipat na sila sa isang maliit na pinto ng isang aksesorya. Subali’t ang kinikita niya, kahit na umiibag at siya ay nakapag-aaral sa gabi, ay hindi pa sapat upang makapagpatuloy ng pag-aaral si Ines.

            Iniisa-isa niya nang mga sandaling ito ang pagpapakasakit ni Ines, pagpapakasakit na sa palagay niya ay hindi niya natutumbasan. Ang pagtitipid ni Ines sa kanilang gastos. Ang paglalaba nito ng kanilang mga damit. Ang paglilinis ng kanilang bahay, na napapansin maging ng ilang kakilala niya sa opisina na paminsan-minsan ay nakumbida niya. Ang pananahi ng sariling damit ni Ines sa halip na magpapagawa sa modista. Ang panunulsi ng kanyang mga damit. Naalaala niya tuloy ang unang pagkakagalit nila. Dinatnan niyang namamalantsa si Ines ng damit ng isa nilang kapitbahay.

            “Iniinsulto mo na ‘ata ako!” mainit na sabi niya noon.

            “Hindi makabibinat ito,” sagot sa kanya ni Ines, subali’t sa kabila ng pagbibiro ni Ines ay bumigat ang kanyang pagdaramdam at pagkahiya.

            “Ipinamumukha mo lamang ‘ata sa akin,” sabi niya noon, “na hindi kita kayang buhayin.”

            Natatandaan ni Julian kung saan humantong ang pag-uusap nilang iyon. Ilang araw ring hindi sila nag-uusap. At si Ines din, nang malamig na ang ulo niya, ang unang bumati at nagpaliwanag sa kanya na ginawa nito ang pamamalantsa ng damit ng iba sa hangad na makatulong sa kanya.

            “Nagagalit ka pa ba?” tanong ni Ines isang gabing sila ay nakahiga na, at gaya ng dati, mula nang sila ay magkatampuhan, ay iniingatan niyang huwag madikit sa asawa.

            Maluwat na noon na ibig niyang humingi ng tawad kay Ines. Ibig na niyang sila ay muling mag-usap. Subali’t kung bakit hindi niya maibuka ang kanyang bibig.

            “Ikaw nga,” nagmamadali niyang tugon. “Baka galit ka pa sa akin.” At niyakap niya ang asawa

            “Mali ka, Julian,” sabi ni Ines noon. “Ang ibig ko’y makatulong. Kalimutan mo nang ibig ko pang magpatuloy ng pag-aaral. Magkakasakit ka sa ginagawa mong pagtatrabaho at pag-aaral sa gabi. Ayaw kong mabiyuda agad.”

NARINIG niya uling nagsasalita si Ines. Bumaling na naman si Julian at tumingin sa asawa na nakasalampak pa rin sa sahig sa harap ng nakabukas na maliit na aparador ng damit.

            “Naibukod ko na ang mga damit mo,” sabi ni Ines.

            “Bakit mo pa pinagpaguran?”

            “Ang mga pantalon,” patuloy ni Ines na waring hindi narinig ang asawa, “ay sa gawing kanan. Ang mga karsensilyo ay kasunod, sa gawing kaliwa. Ang mga kamiseta naman ay siyang sumunod. At ang mga polo ay nakabukod… sa itaas, sa tapat ng mga pantalon. Iyong kaisa-isa mong barong-tagalog ay katabi ng mga polo. Ang mga panyolito at medyas ay dine sa ibaba nakasalansan.”

            “Parang batang maliit ako sa ginagawa mong iyan,” wika niya, ngunit ibig niyang kagatin ang kanyang labi sa sinabi niyang kagatin ang kanyang labi sa sinabi niyang iyon.

            Nakita ni Julian na dumukot sa tapat ng dibdib si Ines. Inilabas ni Ines ang panyolita nito at idinampi sa mga mata. Pagkatapos ay itinakip sa ilong at suminga sa panyolito. Kumurap-kurap si Julian; ibig manlabo ang kanyang mga mata.

            “Isang taon na ang nakaraan,” ani Ines. “Matatandaan nila sa Bulihan ang kasunduan natin… at alam kong inaasahan nilang babalik ako pagkatapos ng isang taon…”

            “Maaari bang hindi nila matandaan iyon!” tuyot na saad ni Julian.

            “Kung sisipot ako ngayon sa Bulihan…”

            “Di kasi naman,” agaw ni Julian, “magsisiputak ang mga malabiga sa Bulihan. Napakarurunong ng dalawang iyan kasi, sasabihin nila. Ayaw pa rito sa Bulihan. Hindi nasiyahan sa pagsasaka. Matataas ang lipad.

            “At iiyak ang Inang ko… magpapanangis ang Inang mo…”

            “Mag-uusap ang Amang ko at Amang mo. Iiling ang amang ko… tatango naman ang Amang mo. Kapwa hindi masalita ang magbalaing iyon.

            Isinara ni Ines ang maliit na maletang karton na puno ng mga damit na kanyang dadalhin.

            “Tumawag ka na nga ng taksi,” sabi ni Ines.

            Bumaling na muli si Julian sa gawing daan. Ilang sandaling sinala niya ang mga sasakyang nagsasalimbayan. Pinara niya ang isang taksi, at hindi siya umalis sa bintana hangga’t hindi humihinto ang sasakyan sa tapat ng kanilang pinto sa ibaba.

            Matuling lumapit si Julian sa asawa. Hinawakan ito sa dalawang kilikili at marahang tinulungan sa pagtayo. Nagpapahid ng luha si Ines.

            “Huwag kang umiyak…”

            “Nasa paminggalan ang pagkain mo… marami akong nilutong adobong tuyo… piniritong isda at manok… paksiw… at iskabetse. Hindi mapapanis agad. Sinaing na lamang ang lulutuin mo at iiinit mo ang ulam… Alam mo kung nasaan ang kape at matamis.

            Bitbit ng isang kamay ni Julian ang maliit na maleta at alalay naman ng isa pang kamay si Ines. Dahan-dahan ang kanilang pagbabasa makipot at matarik na hagdan. Mahigpit na kagat ni Julian ang kanyang labi. Lumalabo na naman ang kanyang mata. Awang-awa siya sa asawa.

            “Isang taon ang nakaraan,” sabi ni Ines, “at sa halip na ako’y ihatid mo sa Bulihan… sa Maternity mo ako ihahatid. Hindi naman ako siguro magtatagal doon… ikaw na ang bahala sa iyong bihisan… at ang iyong pagkain, kasya na siguro sa iyo ang iniwan ko hanggang sa ako’y makabalik…”

            Dumiin ang pagkakakagat ni Julian sa kanyang labi. Tanging ang paghigpit lamang ng kanyang kamay na nakahawak kay Ines ang naghimaton ng pagmamahal na namumuo sa kanyang dibdib.