Ni JOSE FLORES SIBAL
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 19, 1950)
NANG matanaw ni Angel ang tahanan nina Teresa ay biglang bumagal ang nagmamadaling hakbang ng kanyang mga paa. Sumasal din ang kaba ng kanyang puso at nanlamig ang buo niyang katawan. Kasabay nito ay nawala sa kaisipan ng mga mata ang magandang larawan ng dalaga. At nang masalat ng kamay ang bungkos ng salaping papel sa bulsa ng pantalon ay tuluyan nang napatigil ang mga paa ng binata. At sa pagkakatungo ni Angel, ay nagbalik sa gunita ang mga katagang sinabi ni Mang Juan, ama ni Teresa.
“Nasabi na ni Teresa sa akin, ang inyong tipanan, Angel,” ang natatandaan niyang wika ng matanda, isang gabing dalawin niya ang dalaga, may isang linggo na ngayon ang nakararaan. “At ako ay sunud-sunuran lamang sa kagustuhan ng aking anak sapagkat wala sa akin ang kanyang ikaliligaya. Kaya, ang maipapayo ko sa inyo ay ito: Nais ko sanang lumagay na kayo sa tahimik na kalagayan. Sa malao’t madali ay iyan din ang inyong kauuwian, hindi ba?”
Nasisiyahang tumango si Angel.
“Iyan nga po sana ang nais kong mangyari,” dugtong pa niya.
“Mabuti,” nagliwanag ang mukha ng natutuwang ama. “Ngunit, Angel, marahil naman ay hindi mo na ipagtatanong ang aming kabuhayan. Kami ay maralita lamang. Ang kaunti kong kinikita ay kulang pa sa aming mag-anak. Malaking kakulangan sa aming buhay kung si Teresa ay mag-aasawa pagkat hindi na namin maaaring asahan ang kanyang kinikita. Kaya…”
“Matutulungan din namin kayo,” agaw ng binata, “kahit na kami ni Teresa ay…”
“Nalalaman ko iyan,” sambot ni Mang Juan. “At pinasasalamatan kita sa maganda mong hangarin. Subalit higit yatang mabuti ang aking naisipan, kung hindi mo ako bibiguin. At sa palagay ko, kung banal ang iyong nilalayon sa aking anak ay di mo ako hihiyain.
“Ano po iyon,” naitanong ni Angel, na, ang mga mata’y isinulyap kay Teresang nakaupo sa isang panig ng bulwagan.
“Ganito sana ang ibig kong mangyarii, Angel. Bago kayo pakasal ni Teresa ay ibig kong tulungan mo kaming mag-anak. Isang libong piso lamang ay makasasapat na sa aming mga pangangailangan. Mag-asawa man si Teresa ay…
“Isang libong piso?” napalakas ang pagsasalita ni Angel nang hindi niya namamalayan.
“Oo, Angel, isang libong piso,” lalong maliwanag na ulit ni Mang Juan.
Napatungo si Angel. At naramdaman niyang bigla siyang pinawisan. Ni sa pangarap ay hindi niya inaasahang magmumula sa bibig ng matanda ang mga katagang iyon. Ibig niyang matawa nang malakas nang maisip ang kahulugan ng paghingi ng salapi ng kanyang magiging biyenan. Ipinagbibili pala ng matanda ang pag-ibig ng kanyang anak. Gayunman ay nagawa pa rin ni Angel ang ngumiti. Masaya rin ang mukhang tinugon ang ama ni Teresa.
“At… kung ako po ay walang isang libong piso?” pagkakaila niya.
Napailing ang matanda. Matapos pagmasdan ang binata ay marahang tumayo at lumapit sa bintana. Ang tabakong nangangalahati pa lamang ay ipinukol sa lupa. Saka muling hinarap si Angel.
“Kung wala, Angel, ay ikinalulungkot ko at labis na dinaramdam na pagbawalan muna kita nang pakikipagkita kay Teresa.”
“Ngunit…”
“Iyan naman ang hihilingin ko ngayon!” putol at patapos na wika ni Mang Juan.
Nang gabing yaon ay malungkot na umuwi si Angel pagkat hindi man lamang niya nakaniig si Teresa. Nang kinabukasan ay hindi rin niya matagpuan sa pinapasukan nitong tindahan ng damit, gayon na lang ang panlulumo ng binata. Ibig na rin niyang maniwala na ang sinabi ni Mang Juan ay kagustuhan din ng dalaga. Kaya nang makaraan ang dalawang araw na hindi nila pagkikita ay minabuti ni Angel na limutin na si Teresa. Sa kanya, kay Angel, ay mabuti na ang gayon pagkat hindi maaatim ng puso na tanggaping kabyak ang isang babaing higit na nagpapahalaga sa salapi kaysa pag-ibig. Kung sabagay, ay mahal na mahal niya ang dalaga. Pinanghihinayangan niya ang lahat nang namagitan sa kanilang dalawa. Datapwat sa tuwing magugunita ang mga kataga ni Mang Juan ay nagdadalawa agad ang kalooban. At kung iibigin mangyari ng matanda ay maaari sapagkat higit pa roon ang salaping naiimpok.
Kaya, mula noon ay napilitan siyang kumain nang nag-iisa. Ngunit sa tao, sagana ka man sa lahat ng bagay, “salapi, pagkain alahas, damit” at nahihiga ka man sa ginto at pilak ay walang halaga kung lagi kang nagdadalamhati. Kagaya ni Teresa, sa loob lamang ng dalawang buwan ay malaki na ang ipinangayayat.
“Hindi na,” nagagalit na bulong sa sarili, sa tuwing sasagi sa alaala ang dalagang katipan. “Makapag-aasawa rin ako na hindi kailangang bilhin ang kanyang pag-ibig!”
At iyon nga ang kanyang ginawa. Lumayo. Lumimot. Tinikis niyang huwag makipagkita kay Teresa. At upang magtagumpay ang hangarin niyang makalimot ay muling binuhay ang kinaugalian niyang pagsusugal, pagkat sa sugal nagmula ang tinatamasa niyang kasaganahan sa salapi.
Isang linggo siyang nagbumabad sa mga sugalan. Maghapon at magdamag. Doon na siya kumakain at natutulog. Ngunit si Angel ay pasinumpa. Sa loob ng isang linggo, ni minsan man ay hindi siya nakaranas na manalo. Lagi siyang natatalo. At ang binabagsakan ng sisi ay si Teresa, sa dahilang palagi niyang naalaala.
“Mabuti ay umuwi muna,” ang naibulong sa sarili, isang hapong limas sa limas na ang kanyang bulsa. “Bukas na ako babawi.”
Ngunit nang dumating siya ng bahay ay nakatuwaan niyang bilangin ang nalalabi pa niyang salapi. Tukso o himala ay hindi matiyak ni Angel nang matapos siya sa pagbibilang. Walang labis walang kulang sa isang libong piso ang nalalabi niyang kayamanan.
“Isang libong piso!” natawa si Angel.
Kasabay nito ay nabuo naman sa salamin ng kaisipan ang magandang larawan ni Teresa.
“Alin kaya ang mabuti?” tinatanong ni Angel ang kanyang anino sa salamin. “Ipatalo sa sugal ang isang libong piso o bayaran ko na ang pag-ibig ni Teresa.”
“Mabuti ang huli,” narinig niya waring tugon ng kanyang anino.
“Siyanga?”
Lalo nang natawa si Angel. Tila nga mabuti ang huli. Mapa-sa-kanya si Teresa, ang babaing pinakamamahal niya sa halagang isang libong piso lamang. Susunod sa kanyang kagustuhan, paglilingkuran siya, maaari din naman niyang alipinin, pagkat si Teresa ay binili ng kanyang salapi. Hindi na kailangan ang pag-ibig. Ang iniibig ng dalaga ay ang isang libong piso.
Muling natawa si Angel. Humalakhak… malakas at mahaba…
“Ano? Angel, hindi ka ba aakyat?”
Nagitla si Angel. Napataas ang mukha upang sundan ang pinagmulan ng tinig na iyon. Nakita na lamang niyang pinanununghan siya ng dalaga.
“Bakit ka nagtatawa?” ulit ni Teresa.
“Wala… wala, may nagunita lamang ako,” at si Angel ay napatungo. “Wala ba ang tatay?” Naitanong niya nang siya ay nasa balkon na.
“Nasa loob,” tugon ni Teresang nagpauna na sa bulwagan.
Sumunod si Angel. Nakatawa si Mang Juan nang siya ay batiin. At lalo ang nagliwanag ang mukha ng ama ni Teresa nang sabihin niyang susundin niya ang kahilingan nito. Kaharap ang dalaga nang ipagkaloob ni Angel ang isang libong piso.
Ngunit nang magkasalubong ang kanilang mga mata ay hindi na pag-ibig at pagmamahal ang liwanag na itinatapon kundi poot at pagkamuhi. Kinakabahan ang dalaga.
“Nagagalit ka ba sa akin?” naitanong niya nang sila ay magkasarilinan.
“Hindi,” malamig na tugon.
“Bakit malamig ang pakikitungo mo sa akin? Pinanghihinayangan mo ba ang salapi mong ipinagkaloob sa aking ama?”
“Hindi,” may katigasan niyang pakli.
Nagsawalang-kibo na lamang ang babae. Nalalaman niyang nagdaramdam si Angel. Ngunit iniiwasan niyang sila ay magkagalit.
Si Angel sa kabilang dako ay nagpipigil din. Hindi niya masabi nang harapan ang tunay niloloob niya sa dalaga. At nang sila ay makasal ay lalo nang lumubha ang sama ng loob. Nanghinayang si Angel sa ginawa niyang pagsuyo kay Teresa. Sinsisi niya ang kanyang sarili kung bakit labis niyang inibig ang babae. At ngayon, ngayong kasala na sila ay magagawa niyang lahat ang ibig niyang gawin. Bakit niya susuyuin? Bakit niya mamahalin? Ang paniniwala ni Angel, si Teresa ay hindi umiibig sa kanya. Ang iniibig ni Teresa ay salapi. Kaya, sugatan man ang damdamin, alipinin man niya at paluhain ay walang kailangan. Walang karapatang tumutol si Teresea sa kanyang kagustuhan pagkat binili niya ng isang libong piso, ang puso at kaluluwa nito!
Dalawang buwan ang matuling lumipas. Dalawang buwang walang kasing pait sa puso ni Teresa. Sa araw-araw na ginagawa ng Diyos ay wala siyang ginawa kundi kumain nang nag-iisa, matulog nang nag-iisa. Sa simula ay hinihintay niya ang pag-uwi ni Angel. Ngunit siya pa ang masama, siya pa ang sinisinghal kung sabihin niyang hindi pa siya kumakain pagkat hinihintay niya ang kanyang pagdating.
“Bakit ka maghihintay? Dala ko kaba ang palayk? Bakit hindi ka kumain? Kailangan pa ba kitang subuan?” ang nanggigigil na wika ni Angel.
Kaya, mula noon ay napilitan siyang kumain nang nag-iisa. Ngunit sa tao, sagana ka man sa lahat ng bagay, “salapi, pagkain alahas, damit” at nahihiga ka man sa ginto at pilak ay walang halaga kung lagi kang nagdadalamhati. Kagaya ni Teresa, sa loob lamang ng dalawang buwan ay malaki na ang ipinangayayat.
Tinabangan siya sa pagkain. Nanlalim ang mga mata. At namutla ang mukha. Makita man siya ni Angel ay hindi man lamang siya batiin. Hindi man lamang matanong kung siya ay kumain na o hindi pa. Sapat na ang siya ay titigan at pagkatapos ay talikuran.
“Aalis ka na naman?” Isang gabi ay hindi na antiis ni Teresang di batiin ang asawa. “Dalawang gabi ka nang nagsusugal. Magpahinga ka na muna at bukas ka na magbalik, Angel.”
Parang walang narinig si Angel. Nagpatuloy pa rin sa kanyang pagbibihis. Sa gayon ay lumapit si Teresa at pinigil suya sa bisig.
“Angel, kung ako’y mahal mo ay…”
Natawa ang lalaki.
“Mahal? Ako bay ay mahal mo, Teresa?” patanong na tugon.
“Kailangan mo pa bang itanong sa akin, Angel, ang bagay na iyan? Hindi pa ba sapat ang ako’y narito sa iyong piling? Kung hindi…”
“Kung hindi sa isang libong piso!” dugtong ni Angel. “Kung hindi sa isang libong piso, Teresa, ay hindi ka mapapasa akin. Nalimot mo na ba?” pakutyang wika ni Angel.
Parang sinampal si Teresa sa kanyang narinig. Napayuko siya at hindi nasansala ang mabilis na pag-agos ng luha sa magkabila niyang pisngi.
“Angel… kung nalalaman mo lamang…” ang sa pag-itan ng mga hikbi ay nasabi ng babae.
“Ang alin. Teresa?” lalong nakayayamot na turing ni Angel. “Ang nalalaman ko ay ito. Ikaw ay binili ko. Naiintindihan mo? Binili kita. Ang halaga ng iyong puso at pag-ibig ay isang libong piso. Walang labis, walang kulang. At mula ngayon ay huwag mo akong pakikialaman sa aking mga ginagawa… pagkat ikaw ay alipin ko lamang!”
Nang matapos si Angel sa pagbibihis ay isinilid naman sa isang maleta ang lahat ng kanyang mga damit.
“Makasusuyang buhay ito,” malakas na sambit. “Kung hindi ako aalis ay baka…”
Bitbit ang maleta ay mabilis na lumabas sa silid si Angel. Ngunit humadlang ang babae. At pinigil siya sa bisig.
“Bitiwan mo ako, Teresa, kung ayaw mong masaktan! Aalis ako upang humanap ng isang babaing hindi nagbibili ng puso at kaluluwa!” Nanunuya pa niyang dugtong.
Napaurong si Teresa. Hindi na nanginginig ang mga labi. Wala na ring luha ang kanyang mga mata. At buo na at matatag ang tinig nang magsalita.
“Kung gayon, Angel, ay dalhin mo ang iyong kayamanan!” at sa tapat ng dibdib sa loob ng kamison ni Teresa ay isang maliit na talaan ang iniabot kay Angel.
“Ano ito?” Nagtataka si Angel.
Ang hawak niya ay isang librito ng isang kilalang bangko sa Siyudad, na, may nakalagak na isang libong piso, sa pangalan nilang mag-asawa.
Dahan-dahang napaupo si Angel. Hindi niya malaman kung ani ang kanyang sasabihin. Kung ano ang kanyang iisipin. Napatungo na lamang siya sa hiya sa asawa.
“Ako ay hindi mo binili. Ni hindi rin ipinagbili sa iyo ng aking ama ang aking pag-ibig. Ang dahilan ng lahat ay ito. Nabatid ng aking magulang na ikaw ay isang pusakal na sugarol. Kaya, sumang-ayon man siya sa ating pag-iibigan ay napagkaisahan naming itayo sa isang matatag na katayuan ang ating pagmamahalan, sapagkat walang kaligayahang hindi natatapos kung lagi nang nagdarahop at ipinakikipagsapalaran sa sugal. Kung ang salaping iyan ay nasa iyong pag-iingat ay natitiyak kong matagal nang natalo sa sugal. Hindi mo ba naiisip ang kinabukasan Angel? Hindi ba mahalaga sa iyo, kung paghandaan ko ang ating hinaharap sa ika bubuti rin nating dalawa?”
Hindi na makatiis si Angel sa kanyang mga naririnig. Ngayon niya nakilala ang kanyang pagkakamali. Noon lamang lumiwanag sa paningin ang mali niyang paniniwala. Napaluhod siya sa paanan ng asawa upang ikubli ang kanyang mga luha.
“Teres, patawarin mo ako! Mula ngayon ay hindi na ako magsusugal! Paniwalaan mo ako!”
“Akal ko ay aalis ka?” Ibig nang matawa ng babae.
“Kung ako ay mahalo mo, Teresa, ay tutulungan mo akong mapaligaya kita sa habang buhay!”
“Akala mo ba’y makakaalis ka?” patanong na tugon ng babae. “Hindi mo ako maitatakwil kailanman!”
At sabay silang nagtawa, magkayapak nang buong higpit ngunit kapwa may luhang umaagos sa kanilang mga mata. Luha ng kaligayahan at tagumpay ng isang pag-ibig na haharap sa darating na pagsubok ng buhay.








