Ni ANDREA AMOR TABLAN
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 17, 1946)
I.
BAGO pa lamang nakapag-aayos ng buhok ni Epi’y pumasok na sa loob ng silid-bihisan si Cirio’t masuyo siyang inanyayahang mag-agahan. Tahimik nilang pinagsaluhan ang masasarap na pagkaing inihanda ng kanilang mga utusang walang malamang gawin sa pagdudulot ng ikasisiyang loob nila.
Pagkakai’y nagtindig si Cirio, nilapitan ang maganda niyang ginang at ginawaran ito ng isang halik sa noo’t saka tuluyan nang nanaog upang magtungo sa kanyang tanggapan. Nagbalik sa silid-bihisan si Epi upang muling pahiran ng pulbos ang kanyang mga pisngi at lagyan ng mapupula ang kanyang mga labi. Napangiti si Epi sa larawang nakita niya sa salamin ng kaharap na tokador. Maganda pa rin siya’t kaakit-akit gayong may apat na taon na silang nagiging magkaisang palad ni Cirio Almante. May ningning pa ang kanyang mga mata, may gayuma ang kanyang mga titig, may pukyutan ang kanyang mga ngiti’t sariwang-sariwa ang kanyang katawan. Sa kagandahan niyang pinatingkad ng kung anu-anong pampagandang sa ibang lupain pa nanggaling ay sino ang magsasabing ang dalawampu’t siyam na taon ay nagdaan na sa kanyang ulo?
Ganito pala ang maging maybahay ng isang mayaman, ang naisip ni Epi sa sarili. Ang lahat ng gawain sa tahanan o sa labas man nito’y nagagampanan ng mga utusan. Lahat nang maibiga’y nabibili maging gaano kamahal man ito. Pagdating sa bahaging ito ng kanyang pagdidilidili’y natigilan si Epi. Nangunot ang kanyang noo’t nangulimlim ang kanyang mga mata. Hindi, ang tutol ng kanyang puso, hindi ang lahat ng bagay ay nabibili ng salapi. Katunaya’y wala pa siyang kapag-ipag-ibig kay Cirio hanggang nang mga sandaling yaon gayong maraming taon na rin naman silang nagsasama sa lilim ng iisang bubong. Sa likod ng mga pagsuyo’t pagpapalayaw sa kanya ng kanyang asawa’y tila wala pa rin siyang kasiyahang loob at waring may ibang hinahanap ang kanyang pusong lalong nagiging malungkutin habang lumalakad ang araw, lalong nagiging masungit sa lalaking katali ng kanyang buhay at lalong nababagot sa mga layaw ng katawang kanyang nalalasap sa piling nito.
II
Nasa Amerika si Cirio nang si Epi’y maging kalihim sa bahay-kalakal ng mga Almante sa Maynila. Katipan ni Epi si Melchor, isang binatang bago pa lamang nagtatayo ng pangalann sa pagkamanananggol. Dahil sa isang usaping ipinanalo ni Melchor sa hukuman sa Maynila’y inanyayahan siya ng mayamang kanyang naipagtanggol na sa kanilang bayan sa Samboangga magtayo si Melchor ng bupete upang matulungan niya ito. Inakala ng binatang isa na itong pagkakataon upang siya’y madaling makaipon ng salapi, kaya nagagalak na tinanggap ang alok ng mayamang “cliente” at malungkot na nagpaalam sa giliw.
“Melchor,” ani Epi, “maganda nga sana ang iyong hangarin tungkol sa ating hinaharap, ngunit nangangamba akong baka kung makatagpo ka na ng magandang dalagang anak ng mga asendero sa Mindanaw ay di mo man lamang ako magunita.
Isang nag-aapoy na halik ang itinugon ng manananggol sa giliw na di pa ma’y naninibugho na.
“Hinahamak mo ang kadakilaan ng aking damdamin, Epi.” Iisa ang aking puso’t iisa ang pag-ibig na namamahay sa pusong iyan. Pag-alis ko rito’y sa iyo maiiwan ang puso ko’t pag-ibig, kaya’t umaasa akong pakaka-ingatan mo ang mga ito’t di mo tutulutang mapagayon lamang. Kung nababatid ko lamang ang katiyakan ng aking patutunguhang kabuhayan disi’y isinama na kita upang kailan ma’y di na tayo maghiwalay.
Inihilig ng dalaga ang kanyang ulo sa dibdib ng katipan at saka malungkot na nagturing:
“Huwag ka sanang makalilimot, Melchor. Sa sandaling matiyak mong ako’y maaari mo nang ipatawag ay lihaman mo ako agad, hane?”
Ang magkasi’y naghiwalay na ang bawa’t isa’y nananalig sa katapatan ng kanilang mga puso’t umaasang pagdating ng araw ay matutupad ang kanilang pangarap.
III
Isang maharlikang salo-salo ang inihandog ng matandang may-ari ng bahay kalakal sa karangalan ng kanyang anak na si Cirio dahil sa pagkakapagtapos nito ng karunungan sa pangangalakal sa isang pamantasan sa Amerika. Sabihin pa, mayaman ang may handog ng piging kaya lahat ng bigatin sa Maynila’t karatig na lalawigan ay naroon di’t nakikipagsaya. Lahat yata ng mga dalagang kabilang sa mataas na lipunan na naanyayahan sa piging na yaon ay humanga sa kagandahang lalaki’t katalinuhan ng tanging tagapagmana ng mga Almante. Isa’t isa’y nagkimkim ng lihim na paghanga sa binatang walang kamalay-malay na siya’y nagiging tudlaan ng mga matatayog na pangarap ng mga dalagang nang gabing yao’y kanya rin namang hinahangaan. Marahil ay sadya ngang bulag ang pag-ibig sapagka’t sa dinamidami ng mga dalagang yaong halos ay magpatalisod na sa kanya upang akitin ang kanyang pansin ay wala siyang nabalingan ng kanyang tingin maliban kay Epi, ang maralitang kalihim ng kanyang ama. Tila nga naman tukso na kung sino ang kinahuhumalingan niya’y siya namang walang kaloob-loob sa kanya.
Nang ilipat kay Cirio ang pamamahala sa bahay kalakal ng kanyang ama’y wala siyang unang ginawa kundi ang taasan ang sahod ni Epi. Lahat ng mabubuting pagpapasunod ay ipinamalas niya sa kalihim upang malapit ang kalooban nito sa kanya. Nang inaakala ni Ciriong tila mabuti na ang palagay sa kanya ng dalaga’y binuksan niya rito ang kanyang puso, subali’t sa una pa lamang na pagpapahayag ng pag-ibig ni Cirio’y tumanggap na siya ng masaklap na kabiguan sapagka’t ipinagtapat sa kanya ng dalagang siya’y mayroon nang katipan. Katulad ng bayaning habang nasusugata’y lalong tumatapang ay lalong nagsigasig si Cirio na makamtan ang pag-ibig ng dalagang totoong naging matimbang sa kanyang puso hanggang sa maisipan na niyang daanin ito sa gahasa yayamang hindi niya makuha sa mabuting pakikiusap. Nagtagumpay si Cirio sa pakana niyang ipinain kay Epi.
Isang tanghali’y ipinatawag niya sa tanggapan si Epi’t diumano’y mayroon siyang kalatas na ipagagawa. Tumalima ang dalaga sa utos ng kanyang pinuno, subali’t nang siya’y mapaloob na sa loob ng silid-tanggapan ng binata’y bigla siyang niyapos nito’t siniil ng halik at sa apat na sulok ng tanggapa’y kumislap ang liwanag ng mga kamerang sadyang ipinalagay ni Cirio roon upang ang pagyapos niya’t paghalik sa dalaga’y magkaroon ng larawan.
Naging kaisang puso ni Cirio si Epi. Maringal ang kanilang pag-iisang dibdib. Isang magarang tahanan, dalawang kotseng bagumbago’t sari-saring hiyas ang kabilang sa mga handog na tinanggap nila sa araw ng kanilang kasal. Nagliwaliw sila sa Amerika ng may ilang buwan bago sila nagtigil sa kanilang magarang tahanan. Lahat nga ng layaw ay idinudulot ni Cirio sa kanyang magandang maybahay, at ni minsan ay di siya nagkulang sa kanyang tungkuling pagiging asawa ni Epi, subali’t ang hinintay niyang giliw, ang inaasam niyang pagmamahal na uusbong sa puso nito pagkalipas ng ilang taong pagiging magkaisang-puso nila’y di niya nadama. Patuloy si Epi sa malamig na pakikisama sa kanya, wala ang init ng kanyang kinasasabikan. Kung sa bagay ay wala naman siyang maidaraing na ipinagkulang ni Epi sa pagiging maybahay niya. Sa lipunang kanilang kinabibilanga’y inuuliran si Epi sa pagiging mabuting ginang ng isang may salapi. Magiliw siyang makiharap sa kapuwa, walang paanyayang di nila dinadaluhang mag-asawa’t palagi rin naman silang nagpipiging bilang ganti sa mga paanyayang kanilang tinatanggap. Bukas ang kanyang palad sa mga kawanggawa. Walang dumaing sa kanyang di niya tinutulungan, anupa’t maliban na lamang sa giliw at init ng pagmamahal na hinahanap ni Cirio’y wala nang maipipintas na butihing ginang.
Malimit na mapabuntung-hininga si Cirio kapag nagugunita ang pakikitungo sa kanya ni Epi, subali’t di naman niya masisisi o masumbatann ito sapagka’t sa pilit lamang niya ito nakuhang pakasal sa kanya.
IV.
Isang pasinaya ang idaraos nang gabing yaon sa isang panggabing klub sa Maynila alang-alang sa pagiging hukom ni Melchor sa Maynila. Kabilang ang mag-asawang Epi’t Cirio sa mga inanyayahan. Halatang-halata ni Cirio ang kasiyahang loob na namumugad sa dibdib ng asawa nang gabing yaon kaya’t siya’y dili ang hindi pinasukan ng kaunting panibugho. Nababatid niya ang pinagdaanan ng dalawa kaya gayon na lamang ang sama ng loob. Nang malapit na silang manaog ay nagdahilan siyang masakit ang ulo, ipinasundo ang kanyang ama’t siyang pinasama kay Epi.
Nagalak si Epi nang hindi makasama si Cirio. Sadyang hangad niya’y matunghayan ang mukha ng kanyang kasintahan nang hindi kapiling ang kanyang kabiyak ng dibdib. Nagkita ang dalawa, nagsayaw sila’t nagkaniig. Ang mga damdaming nakukuyom sa kanilang mga dibdib ay pamuling nabuksan at sila’y nagkaunawaan. Matagal na sandaling nawala sila sa bulwagang pinagsasayawan. Paano’y nagtungo sila sa liblib na sulok upang magkasarilinan.
“Melchor, hindi ka nagbabago,” ani Epi. Ikaw rin ang dating Melchor, mapusok at mabilis.
“Ikaw nama’y lalong gumanda sa aking paningin, Epi, bagay sa iyo ang maging mayaman.”
Dinamdam ni Epi ang tinurang iyon ni Melchor.
“Tinutuya mo yata ako,” ang sabi niya.
“Hindi, Epi, kailan ma’y di kita maaaring tuyain. At hindi rin naman kita sinisisi sa nangyaring ito sa atin. Ako ang may kasalanan, lumayo ako sa iyo nang wala sa panahon.”
“Kapuwa tayo walang sala, Melchor. Naging laruan tayo ng kapalaran.”
“Kumusta, maligaya ka ba naman sa piling niya?”
Hindi umiimik si Epi. Dalawang patak ng luha ang kumislap sa kanyang mga mata.
Naawa si Melchor. Pinisil ang kanyang mga palad.
“Ako ma’y di maligaya, Epi.”
“May kaisang palad ka na ba?”
“Wala!”
“Bakit?”
“Sapagka’t ikaw ang una’t huli kong pag-ibig.”
“Melchor!”
“Epi!”
Nagkadiit ang kanilang mga dibdib, nagkalapat ang kanilang mga labi. Nang bumitiw si Epi sa pagkakayapos sa leeg ni Melchor ay maputlang-maputla siya. Maputla rin naman ang binatang hukom.
“Epi, talagang tayo ang magkaisang palad! Hindi ko matatagalan ang malayo pang muli sa piling mo. Hilingin mo kay Cirio ang iyong kalayaan. Napagbigyan mo na siya, kailangang ikaw naman ang kanyang pagbigyan. Kung talagang mahal ka niya’y ipagkakaloob niya sa iyo ang kaligayahang di mo maaring masumpungan sa kanyang piling.”
“Melchor, walang batas na nagpapawalang bisa sa kasal dito sa ating bayan. Ikaw ay isang hukom, batid mong mahigpit ang ating mga batas…”
“Epi, sa Amerika’y maaari kang tumigil at humingi ng diborsyo. Pumayag ka lamang ay tuturuan kita ng mga hakbang na dapat mong gawin.”
“Epi!… Epi!…” ang kanilang pag-uusap ay pinutol ng sunud-sunod na tawag ng ama ni Cirio.
“Epi! Saan ka ba naroon iha?”
“Bukas,” ang bulong ni Epi kay Melchor. “Sa dating tagpuan, hintayin mo ako. Marahan niyang itinulak ang binata sa likod ng isang pintuan at saka humarap sa matandang naghahanap.
“Papa,” aniya. “Narito ako.” Masyadong mainit sa loob kaya ako lumabas dine. May kailangan ka ba, Papa?”
“Tumawag sa telepono si Cirio. May karamdaman daw siya. Kung hindi kahiya-hiya’y umuwi na tayo.”
“Oo, Papa. Tena sa loob. Magpaalam na tayo.”
Kinakabahan si Epi. Habang daan ay iniisip niya kung paano niya mabubuksan kay Cirio ang tungkol sa kanilang paghihiwalay. Bukas ng umaga’y hihintayin siya ni Melchor. Umaasa itong sila’y magiging magkasama habang buhay. Pumayag kaya itong ipagkaloob sa tunay na may-ari ang kanyang katauhang nakuha nito sa pilit? Tunay na may-ari! Sino ba kina Melchor at Cirio ang tunay na nagmamay-ari sa kanya?
Litung-lito si Epi nang siya’y pumanhik kaya siya’y napadupilas at kumakalabog ang katawang nahulog sa ibaba.
Nang siya’y matauha’y una niyang nakita ang maputlang mukha ni Cirio at ang manggagamot na sinundo nito. Pinagala niya ang kanyang mga mata sa loob ng silid. Nang ibaling niya ang kanyang paningin sa may bintana ay nakita niyang mataas na ang araw. Umaga na pala! Nagunita niya ang tipanan nila ni Melchor. Tinangka niyang bumangon nguni’t nanghihina ang kanyang katawan.
“Masama sa inyo ang kumilos, Ginang Almante.” Ang tila mula sa malayo’y naulinigan niyang turing ng manggagamot. “Kung nais ninyong matuloy ang bagong buhay na pumipintig sa inyong sinapupuna’y magtiis-tiis na muna kayong manatiling tahimik sa higaan sa loob ng ilang araw.”
Ipinikit ni Epi ang dalawa niyang mata. Isang dasal ang narinig ni Ciriong inuusal nito.
“Tumunog ang timbre ng telepono.”
“Halow!” Ang tugon ni Cirio.
“Sino po ba sila? Ah, Hukom Santos! Opo… Hintay kayo sandali.”
Binalingan ni Cirio ang nakahigang asawa.
“Ibig ka raw makausap ni Melchor. Ilapit ko ba sa iyo ang telepono?”
Tumango si Epi.
Lumabas sa silid si Cirio.
Nang muli siyang pumasok ay nakangiti sa kanya ang maysakit.
“Cirio,” anito. “Itanong mo sa manggagamot kung maaari tayong magbakasyon sa Bagyo simula sa isang linggo. Nais kong lumayo sa Maynila. Malayong-malayo. Sa eroplano tayo lumulan upang di ako matigtig.”
Isang ngiti ng kasiyahang loob ang nagpaliwanag sa maputlang mukha ni Cirio.








