Ni LEVY B. DE LA CRUZ
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 10, 1963)
NAPAUNAT nang matanaw ang mga dumarating. Napatayo siya.
“Sandali lamang, pare,” paalam niya sa kausap.
Hindi pinansinn ni Masong ang makahulugang pagsusulyapan ng mga nangakaupo sa balkon nang makitang lumabas siya. Nagpatuloy siyang lumapit sa hagdanan. Sinalubong niya ang mga kaibigan ng kanyang anak na si Nato. Ang mga kaibigang ito ang kasama ni Nito sa paliligo sa ilog nang ito ay malunod at mamatay. Ngayo’y nakaburol sa kanilang bahay.
Hindi nakaila kay Masong ang pagbabantulot ng mga dumarating nang makita siya. Napatuon ang kanyang tingin sa hawak ng mga itong isang malaking korona ng mga bulaklak: palungpalungan, yellow bell, alas-kuwatro, kamya, asusena—halos lahat na yata ng mga bulaklak na sa mababang paaralan lamang ng nayon makukuha. At naisip niyang makukuha lamang ang mga bulaklak na iyon kung hihingi ng pahintulot sa prinsipal, at karaniwan nang ang mga mag-aaral sa mababang paaralan ay takot sa prinsipal, katulad ng pagkatakot niya at ng kanyang mga kamag-aaral noong siya ay nag-aaral doon. Hindi na napansin ni Masong ang walang ayos na pagkakatusok ng mga bulaklak sa binigkis na tangkay ng water lily. Pinapanlabo ng damdamin ang kanyang mga mata.
“M-mang Masong… dinalhan ho namin si Nato.”
“Isang tinig na maliit, kimi, (katulad ng tinig ng kanyang si Nato!) ang nagpakislot kay Masong.”
“Oho, Mang Masong… dadalawin namin si Nato!” sambot ng isa pang tinig.
Napatitig si Masong sa mga mukhang iyon, sa mga matang iyon.
“Magsipanhik kayo, mga anak…”
“Huwag mo silang mapanhik-panhik, Masong!”
Napalingon si Masong pagkarinig sa tinig ng asawa. Nagsasalita ito sa pagitan ng mga hagulgol. Pigil ng ilang kababaihan at pilit na ipinapasok sa kabahayan.
“Sila ang pumatay sa anak ko! Pinatay nila ang anak ko!” Malakas pa ring umaabo sa pandinig ni Masong ang tinig ng naipasok nang asawa.
Nang muli siyang humarap sa mga kaibigan ni Nato ay nakita niyang nakatungo ang mga ito, nakatitig sa hawak na korona ng bulaklak.
“Galit pala sa amin si Aling Rosing.”
“Kayo ho ba, galit din sa amin, Mang Masong?”
“Hindi ako galit sa inyo, hindi! Ang… ang Aling Rosing ninyo… gano’n lang siya, pero hindi siya galit sa inyo!”
“Papayagan n’yo kaming sumama sa libing ni Nato?”
Napatango si Masong.
“Eto ho ang koronang ginawa namin.”
Tumayo siya. Kinuha ang gasera sa tabi ng alter. Inilapit iyon sa asawa upang matanglawan ang iniabot niyang hawak nito ngayon. Nakita niyang matagal na napatitig ito sa kartong nakakabit sa korona ng bulaklak na handog sa bangkay ni Nato ng mga kaibigan nito.
Bahagyang nangangatal ang mga kamay ni Masong nang abutin ang korona ng bulaklak. Nang hawak na niya iyon ay saka pa lamang niya napansin ang kapirasong karton na nakakabit sa korona ng bulaklak. May mga titik na hindi magkapareho ang laki sa pagkakasulat ng krayola na nakalagay doon: alaala kay Nato.
Sa libing ni Nato kinabukasan, ay hindi nakasama ang asawa ni Masong. Sa pagbababa pa lamang sa bangkay ay nawalan na ito ng malay.
Marahil ang nakipaglibing: mga taganayon, mga kaibigan at kamag-aaral ni Nato at ilang guro sa mababang paaralan. Sa marahang pagsunod ni Masong sa karo ng anak ay natagpuan niya ang sarili na naliligid ng mga kaibigan ng kanyang anak, nagsisipaglakad ding katulad ng malalaki nang kalalakihan. Tahimik at nakatungo rin ang mga iyong katulad ng iba!
KINABUKASAN, natutulog na ang asawa ay hindi pa rin dinadalaw ng antok si Masong. Tumindig siya mula sa pagkakahiga. Lumapit siya sa kanilang bintana. Tumanaw siya sa bukirin, sa bahaging kinaroroonan ng tulay ng riles patawid sa ilog. Sa kinaroroonan ng tulay na iyon nalunod si Nato. Sa bahagi ng ilog na iyong kinaroroonan ng tulay ay marami pang nauna kay Nato, sa maraming panahon.
“Tay, nakakatalon na ako sa tulay!” Tila narinig ni Masong ang tinig ng anak. Tila nakikita niya ang pangingislap ng mga mata nito.
Napakurap si Masong. Naalaala niyang ganoon din ang pangingislap ng kanyang mga mata nang sabihin niya sa kanyang ama na nakatatalon na siya sa tulay na iyon.
Sa tulay na iyon nagaganap ang simula ng pagkakaibigan. Doon nag-uugat ang matamis na pagsasamang yumayabong hanggang sa katandaan. Hindi ba at ang ninong ni Nato ay kasama niya sa paliligo sa ilog na iyon at pagtalon sa tulay? At ang ninong man niya ay siyang kabarkada ng tatay niya sa paliligo sa ilog na iyon noong kabataan ng mga ito. Ang mga dumarating sa palusong niya ay karamihang siya niyang kasama-kasama sa halos ay araw-araw na paglulunoy sa ilog na iyon noong kabataan nila. Ang mga iyon din ang nagbuwal ng kalabaw, nagtayo ng mga habong at nagbakod ng baklad na paghandaan sa araw ng kanyang kasal. At hanggang ngayo’y kaibigan pa niya ang mga iyon.
Napakislot si Masong nang marinig ang pigil na mga hikbi ng asawa. Nagising ito. Marahan siyang lumapit. Naupo siya sa tabi ng asawa at masuyong hinagudhagod ang likod nito.
“Kung… kung hindi mo siya pinayagang magpapaligo sa ilog na iyon…”
“Hindi man natin siya payagan… tiyak na maliligo rin siya doon… tatalon din siya sa tulay na iyon!”
“Dahil… dahil mapipilitan sapagka’t kung hindi ay walang magiging kaibigan!”
“May poot sa tinig ng kanyang asawa.”
“Aywan ko, Rosing, kung lubos mong mauunawaan dahil sa babae ka!”
“Ang nauunawaan ko ay marami nang nalulunod sa ilog na iyon… sa… sa pagyayabangan ninyong mga lalaki! P-pati ang anak natin…
Napabuntunghininga si Masong.
“Kung hindi ako nakatalon sa tulay na iyon… akala mo ba ay hindi mo malalaman nang nanliligaw na ako sa iyo? May magsasabi sa iyo… at baka hindi mo ako sinagot… Sasagutin mo ba ako noon kung nalaman mong hinddi ako dumaan sa ilog na iyon?” Tinangka ni Masong na sabihin iyon sa paraan ng isang biro subali’t hindi niya nagawa.
Hindi sinagot iyon ng kanyang asawa.
“Sana’y hindi mo itinaboy kangina ang mga kaibigan ni Nato. Sa bagay, nauunawaan ko ang damdamin mo.
May kinapa sa kanyang bulsa sa Masong. Inilabas iyon.
“Tingnan mo ito…”
Tumayo siya. Kinuha ang gasera sa tabi ng alter. Inilapit iyon sa asawa upang matanglawan ang iniabot niyang hawak nito ngayon. Nakita niyang matagal na napatitig ito sa kartong nakakabit sa korona ng bulaklak na handog sa bangkay ni Nato ng mga kaibigan nito.
“Iisipin mo bang magagawa iyan ng mga musmos pang katulad ng anak mo?”
Nanatiling nakatitig pa rin sa kartong iyong kinasusulatan ng alaala kay Nato ang kanyang asawa.
“Mapaniniwalaan mo bang kaliit ng anak mo ay may mga kaibigan nang tulad ng mga iyon? Naiisip ko tuloy, malaki na si Nato natin sa pagkamatay niyang ito!” Nabasag ang tinig ni Masong.
Narinig niya ang muling paghikbi ng kanyang asawa.
“M-mabuti na lang… nakatalon muna siya sa tulay bago siya namatay! Alam mo… kangina, parang hindi libing ng anak mo… parang birthday lamang niya at maraming kaibigan siyang dumalo.”
Bago malaman ni Masong ay nakayakap na sa kanya ang asawa. Umiiyak.
“N-nauunawaan mo ako, di ba? Nauunawaan mo ako?”
Tinapik-tapik ni Masong ang likod ng asawa. “Oo, Rosing. Babae ka at isang ina! Nauunawaan kita.”
Humigpit ang pagkakayakap sa kanya ng kanyang asawa. Pumikit si Masong. Parang nakikita niya ang ilog… ang tulay… doon ay kay-agang yumayabong ang pagkakaibigan!








