TALAGANG TALAGA!

“Lalo kitang nagugustuhan sa iyong katapatan. Sinasabi mong lahat ang nasa loob mo… kahit nakasasakit.”

Ni ERLINDA T. NAMORA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 2, 1962)

“MAM’YA na lang kaya tayo mamasyal, Elen. Mainit pa ngayon,” narinig ni Elen na sabi ni Nestor nang huminto ang station wagon na kanilang sinasakyan at magsiibis sina Lory at ang iba pa nilang kaibigan at patakbong magsitungo sa tabing dagat. Nasa tinig ni Nestor ang pag-aalaala. Gayon man, hindi maipaliwanag ni Elen sa sarili kung bakit ang gayon ay hindi niya ganap na ikasiya.

            “Ikaw, e…” naitugon niya na hindi man lamang tumingin sa binatang katabi sa unahang upuan ng sasakyan.

            “Magpatugtog na lang tayo ng radyo,” sabi ni Nestor.

            “Ikaw, e.”

            Aywan kung bakit sa bawa’t pangungusap ni Nestor na nagpapaubaya ng pagpasiya ay hindi maiwasang maisip ni Elen si Celso. Ganap na kabaligtaran ni Nestor si Celso.

            Pinihit ni Nestor ang dayal ng radyo. Isang awit ang pumailanlang: “You Are Always In My Heart.”

            “You are always in my heart… lagi kang nasa puso ko,” mahinang bulong ni Nestor.

            Napalingon si Elen sa binata. Napangiti si Elen. Pagkuwa’y ibinalik ang tingin sa mga kaibigang naglulunoy na sa tubig. Sandaling pumikit si Elen. Nais niyang namnamin ang katamisan ng sinabi ni Nestor, ngunit pilit na nakikiagaw rin ang alaala ni Celso.

            Masalimuot ang damdaming namamahay sa dibdib ni Elen. Ang nalalaman lamang niya: maligaya siya kapag kasama si Nestor; payapa ang kanyang kalooban kapag kasama si Celso.

            “Baka ibig mong mamulot ng kabibe,” basag ni Nestor.

            “Di ba sabi mo, mainit pa? Mamaya na paglamig.”

            “Hindi ka ba naiinip?”

            “Hindi.”

            “Alam mo, Elen… kung minsan ibig ko nang maniwalang… o ipalagay na may pagkakaunawaan na tayo.”

            “H-ha?”

            “K-kasi… parang nararamdaman kong m-mahal mo rin ako.”

            “Di ba talagang sinabi ko naman sa ‘yo… gusto kita… at saka mahal din. Kaya lang hindi ko pa matiyak kung… kung iniibig pati.” Binuntutan niya ng mahinang tawa ang tinuran upang matakpan ang pagkahiyang nadama.

            “Lalo kitang nagugustuhan sa iyong katapatan. Sinasabi mong lahat ang nasa loob mo… kahit nakasasakit.”

            Napabaling si Elen sa kausap. Nilalaro ng kamay nito ang manibela.

            “Di buhat ngayon… hindi ko na sasabihin sa iyo ang lahat,” sabi ni Elen.

            “Aba, huwag! Panghuhulain mo naman ako,” at tumawa si Nestor. Waring nais itaboy ang kalungkutang nakibahagi sa kanilang pag-uusap. “Baka ibig mong kumain tayo.” Nahalata ni Elen ang biglang pag-iiba ni Nestor ng paksa.”

            “Pa’no sina Lory?”

            “Bayaan mo… pag nagutom ang mga iyon e babalik,” anang binata sabay bukas sa pinto ng sasakyan.

            “Ayoko ngang pagsilbihan mo ako,” sabi niya at nagpauna na sa pagkuha ng kanilang makakain.

            “Para sa akin lang naman ang kukunin ko, baka akala mo…” nagtatawang sabi ni Nestor.

            Inirapan ni Elen ang binata. “Ako na lang ang kukuha ng makakain natin. Maghintay na lang po kayo.”

            Nang kumakain na sila, kapwa palupasay na nakaupo sa magkabilang dulo ng malapad na saping inilatag niya sa damuhan at pinagpatungan ng kanilang kinakain, ay napansin ni Elen na nangingiti ang binata.

            “O, bakit?” Itinigil niya ang pagkagat ng sandwich.

            “Wala! Naiisip ko lang… siguro ‘ka ko, kung hindi tayo kilala ng makakarinig at makakakita sa atin, magugulat sa ating pag-uusap, sa ating pagtitinginan. Hindi maniniwala na walang namagitan sa atin.”

            “Akala ko, kung ano.” Napatawa si Elen. “Ipagpasalamat natin na nagkaroon tayo ng mga magulang na maunawain. Ang Nanay at Tatay ay hindi makabago, pero lalong hindi makaluma. Sila ang pinakamatalik kong kaibigan. Sinasabi ko sa kanila ang lahat. Sinasabi nila kung hindi ko na dapat pang ulitin ang isang bagay.

            “Pero may pagka-spoiled ka rin dahil nag-iisa ka,” agaw ni Nestor na nagtatawa.

            “Kasi, nasanay na ako sa maraming nagmamahal sa akin. Kaya naman ginagawa ko ang lahat para walang sumama ang loob sa akin.”

            “Kaya siguro tuwang-tuwa sa iyo ang Mama. Palagay raw agad ang loob mo. Walang pagkukunwari.”

            “Talaga!” Nagtawa si Elen.

            “Sana, matiyak mo na agad ang ‘yong sarili para mapag-usapan natin kung kailan ko papupuntahiin ang Mama at Papa,” ani Nestor na nagtatawa rin, ngunit hindi nagbibiro. “Teka nga… ano ba ang kulang ko pa para makapasa?”

            “Ewan?” mabilis na agaw ni Elen.

            Alam niya ang katugunan ngunit pinili niyang huwag na iyong sabihin. Si Celso ang dahilan. Ang matingkad na katangiang nakikita niya sa katauhan niyon, na wala kay Nestor. Ngunit ayaw niyang masaktan si Nestor.

            “Kaiba ka naman,” sumbat ng kaibigan niyang si Lory nang minsang masabi niya rito ang iniaayaw  niya kay Nestor. “‘Yong iba nga riyan, naiinggit sa mga ginagawa ni Nestor sa ‘yo… ikaw naman, e…. Ibig no’ng tao e masiyahan kang lagi… lahat lamang ng makasisiya sa iyo ang ibig niyang masunod kaya sa iyo ibinibigay ang pagpapasiya. Biro mo ‘yon… laging ikaw muna.”

            “Hus, nagsalita ang manunulat naming pulpol,” nagtatawa niyang sagot at umingos sa kaibigan. “Sana, ako ang magiging padre de pamilya kung saka-sakali…”

            “Tao palang ‘to.” Napakamot si Lory. “Do’n mo nga makikilala. Ikaw ang una niyang inaalaala. Hindi ang kanyang sarili. Ayaw niyang masaktan ka sa ano mang kapasiyahang gagawin niya na hindi makasisiya sa iyo.”

            “A, basta! Ayoko nga ng lagi akong sinusunod. Ibig ko puputulin naman ang sungay ko paminsan-minsan. Ipakilala niyang karapat-dapat ko siyang igalang at sundin. Na siya ang ulo. Puso lamang ako na nasa ilalim niya. Mabuti pa si…”

            “O, isisingit mo na naman si Celso!” agaw ni Lory.

            “Talaga naman. Pag kasama ko si Celso, parang palagay na palagay ang loob ko. Para bang malayo ako sa panganib. Wala akong dapat alalahanin dahil mayroon akong masasandigan. Kayang-kaya niyang tumayong mag-isa.”

            “At bakit, si Nestor ba e hindi puwedengg sandigan?”

            “Mama’s boy siya, Lory. Parang hindi maaasahang tagapagtanggol.”

            “Nasubukan mo na bang hindi nga?” Ayaw patalo si Lory.

            “Hindi pa nga. Pero talagang iba si Celso. Pati ang pagpapasiya, ang kilos. Ang lahat sa kanya ay nagbabadya ng katatagan.”

            “Naku… Elen! Siguro, pag ang Celsong iyan ang nakuha mo, magkakalayo na tayo.”

            Napatawa nang malakas si Elen sa narinig. “Bakit ba ganyan na lamang ang galit mo sa tao e wala namang ginagawang masama? Mabuting prospect si Celso. Nag-iisa na sa buhay, may matatag na hanapbuhay, responsable, mabait…”

            “At si Nestor po?” patuloy na pagtatanggol ni Lory.

            “Di ba mabait din, matatag din ang hanapbuhay? Biro mo yatang katulong ng papa niya sa pamamahala ng kanilang bahay-kalakal. Nag-iisa ring anak, mabait, ni hindi yata marunong magtaas ng boses. “Binibilang pa ni Lory sa daliri ang bawa’t katangiang sinasabi.”

            “Kaya nga ayoko dahil hindi marunong magalit,” sunggab niya naman.

            “Ku… ewan ko nga ba sa iyo. Iyong iba, natatakot sa magagalitin. Ikaw naman, iyon ang hinahanap…” Iiling-iling si Lory.

            Hindi nga malaman ni Elen kung bakit gayon siya. Inaamin niyang malapit ang kanyang loob kay Nestor. Wala siyang dapat ipag-aalaala sa katapatan at kabaitan nito. Ngunit nakilala niya si Celso. Maagang naulila at nakibaka sa buhay kaya matibay, matatag, tulad ng kongkretong haligi ng kanilang bahay. Samantalang si Nestor, kahit ang maliliit na bagay ay sa kanya ipinauubaya ang pagpapasiya. Kung minsan ay naiisip niyang inisin ito, ngunit namamalayan na lamang niya ang kanyang sarili na gumagawa rin ng mga bagay na makasisiya sa binata. Ayaw niyang masasaktan ito. May higit na kasiyahang idinudulot sa kanya ang madamang nabibigyan niya ng kasiyahan si Nestor.

“SANA ‘ka ko’y alam ko ang dapat ko pang gawin para matiyak mo na ang iyong sarili,” pukaw ni Nestor.

            Ngumiti lamang si Elen. “Siyanga pala, bukas ng gabi ay imbitado ako ni Nina sa party niya.” Hindi niya alam kung bakit ipinaaalam niya kay Nestor iyon.

            “Kahit wala akong karapatan, pinipigilan kita sa pagdalo roon!” sabi ni Nestor.

            Napatitig si Elen kay Nestor. Ngayon lamang niya narinig na nagsalita ito nang ganoon.

            “Hindi maganda ang reputasyon ng Ninang iyan. Ayokong maging kaibigan mo siya.”

            “E, kung gusto ko?” naisipang isagot ni Elen. Ibig niyang malubos ang kasiyahang biglang sumuno sa kanyang dibdib.

            “Igigiit ko pa rin ang sa akin hanggang sa mapaniwala kitang makabubuti sa iyo ang pagpigil ko. At…”

            Ngunit hindi na natapos ni Nestor ang kanyang sabihin. Narinig nila ang pagkakaingay ng mga tao sa tabing dagat.

            “Pinulikat daw!”

            “Hindi na ‘ata humihinga!”

            “Tumawag agad kayo sa ospital, madali!”

            Mabilis na nakatindig si Nestor. Inalalayan sa pagtayo si Elen. Tinungo nila ang nagkakagulo. Inabutan nilang isang lalaking wala na halos buhay ang nakadapang pinagkakaguluhan sa dalampasigan. Isang lalaki ang nakadagan sa likod nito at nagmamasahe. Isang babae ang iyak nang iyak sa tabi nito. Tinatawag ang pangalan ng lalaki.

            “Hintay,” narinig ni Elen na sabi ni Nestor, “kailangang mabomba ng hangin ang baga.” At naupo si Nestor nang patingkayad sa tabi ng lalaking nakadapa. Itinihaya iyon. Ipinaling ang ulo sa gilid at ibinuka ang bibig. Pinunasan ng panyo ang lalamunan. Isiningit ang hinlalaki ng kaliwang kamay sa pagitan ng mga panga. Inihawak ang matitirang mga daliri sa pang-ibabang panga at inangat iyon upang mapatingala ang ulo. Sa pamamagitan ng kanang kamay, pinipisil ang ilong ng nalunod. Pagkatapos ay huminga nang malalim si Nestor saka inilapat ang bibig sa bibig ng biktima, na sakop ng hinlalaking nakapagitan sa mga panga. Iniihip ang naipong hangin sa dibdib hanggang sa pumintog ang dibdib ng lalaking walang malay. Paulit-ulit iyong ginawa ni Nestor sa bawa’t tatlong minuto.

            Hindi nagtagal at nakita ni Elen ang unti-unting paghinga ng lalaki. Siya namang paghinto ng isang kotse.

            “Dito n’yo na isakay at nang madala na sa ospital…” sigaw ng lalaking nasa harap ng manibela.

            Mabilis na binuhat ni Nestor ang lalaking pinagbalikan na ng malay. Dinala iyon sa sasakyan. Kasunod ang babaing umiiyak sa tabi nito kangina pa.

            Hindi maiwalay ni Elen ang tingin kay Nestor. Sa mga tiyak na kilos nito. Parang ibang Nestor ang kanyang nakikita. At tampulan ng mga paghangang naririnig niya.

            “Buung-buo ang loob no’ng mama! Talagang mas tama iyong kanyang ginawa kaysa ginawa no’ng isa!”

            “Wew! Napasubo yata ako do’n,” nagtatawang sabi ni Nestor nang pabalik na sila. Nagpupunas ito ng pawis.

            “Bidang-bida ka, ha? Pa’no ka natuto no’n?”

            “Alam mo’y kumuha ako ng kursong iyon sa Red Cross.Kasi, itinuturo namin iyon sa aming mga empleado sa bahay-kalakal. Tinuturuan din namin sila ng iba pang mga paraan ng paglalapat ng pangunang lunas at ng mga dapat gawin kung may emergency, halimbawa’y kung magkasunog sa bahay-kalakal.”

            Matagal na hindi kumibo Elen.

            “Alam mo, Nes,” mayamaya’y wika niya, “hindi na ako dadalo sa party ni Nina.”

            “Talaga?”

            “Talaga. ‘Yon ang gusto mo, di ba?” Ngayo’y nadarama ni Elen ang hindi niya nadarama noong una sa piling ni Nestor. Ang katatagan nito na nagbibigay rin ng katatagan.

            “Talaga?”

            “Talagang-talaga!”

            At sa pagngiti niya kay Nestor, natitiyak niyang kahit sa pinakatagong sulok ng kanyang isip ay hindi na makikiagaw ang katangian ni Celso na dati’y hinahanap niya kay Nestor.