HAMAK NA PAMANA

“Kay ganda ngayon ng pamangkin kong probinsiyana!” ang tila nakatutuyang wika ng aking tiya…

Ni CLARO B. MENDOZA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 13, 1949)

SA mga huling tilaok ng mga sasabungin sa madaling-araw o pagsikat ng talang batugan ay nahuhulaan ko nang pupukawin ako ni ina upang magsalang ng sinaing sapagkat luluwas kami nang maagang-maaga kinabukasan.

            Inusal-usal ko sa sarili bago nahimlay, ang katutuhanang mayayapakan ko na namang muli ang madudulas at maluluwang na daan sa Maynila pagkalipas ng maraming taon. Ang natatandaan ko ay musmos pa ako nang kami ni ina ay huling magsadya sa lunsod. Ngayon ay dalaga na ako. Bata pa ako nuong labis ang pahanga sa mga sasakyang tumatakbo nang mabilis gayong hindi hinihila ng kabayo; labis ang pagkagulat sa pagkakailaw ng maliwanag sa lahat ng pook gayong hindi ginagamitan ng gaas at langis; sukdol ang pagkamangha sa lalaki ng gusaling tila pulos na simbahan na madalas tuloy ikapag-antanda sa pag-aakalang yaon ay mga bahay ng Diyos at sukdulan ang pagtataka sa pagkapansin araw-araw sa tila prusisyong hugos ng mga taong nagsasalita ng iba’t ibang wika at nagmamadaling tila patungo sa paraiso.

            Ilang araw na kaming naghahanda ni ina upang dumalaw sa tiya Mercedes, isang mayamang nanahanan sa mailaw na lunsod.

            Nakautang na ang aking ina ng kaunting halaga upang aming mabaon sa gagawing paglalakbay. Natipak ko na ang alkansiyang biyas ng kawayan na araw-araw ay hinuhulugan ng unti-unting halagang nalalabi sa pinagtindahan ng damong ginapas sa salog at samparan ng tubo. Natubos ko na ang patahing “new look” sa modista sa kabayanan; nakapagpakulot ng buhok at nakabili ng sapatos na mumurahin. At nakapaligo na ako ng kung ilang oras sa saluysoy na malapit sa amin upang kuminis nang kaunti at bumangu-bango nang bahagya.

            Talagang handang-handa na kami.

            Nakapaluob na sa bankuwang ang ilang dosenang hinog na mangga na pinagtiisan naming hindi tikman kahit nangangamoy at nakatutulo ng laway. Nababalot na ng murang dahon ng saging ang sitaw na pinitas ni ama sa likud-bahay gayundin ang ilang puso ng saging na ayon kay ina ay gustong-gusto ng aking tiyang gawing sawsawan ng hipong Sta. Ines, matapos gayatin, lagyan ng suka, matamis, asin at pinulbos na paminta. Nakasalansan na at balot din ng dahon ang kesongg binili ni ina sa taga-Hulo na tuwing umaga ay nanbubulahaw sa aming nayon sa pag-aalok ng gatas ng kalabaw. Nasa bayumbayungan na ang tatlong salop na bigas na bago na nilupak lamang ni ama sa munting lusong ng kapitbahay naming si Mang Bruno.

            Sadyang handang-handa na kami.

            Nasa sa silong ng aming bahay ang dalawang buwig na buko na kung saan lamang hinagilap ni Doro upang dalhin din sa Maynila. Naibuslo na ni ama ang maraming itlog ng manok upang huwag mabasag habang nakasakay sa tren. At ang kahong lalagyan ni inang ng hitso ay puno na sa nakabalot na apog na tuyo, bungang talop, dalawang tangkas na ikmo at sandamak na maskadang Amerikano.

            Talagang handang-handa na kami sa pagluwas kinabukasan.

            Ayon sa aking pagkabatid, ang tiya Mercedes, ay kapatid na matanda ng aking ina. Kilalang-kilala sa Maynila sa karamihan ng bahay na paupahan, sa luwang ng palayan sa kalagitnaan ng Luson, sa laki ng tubuhan sa Kanlubang, Laguna at sa dami ng salaping nakalagak sa mga banko. Dalaga pa, gayong anim-na-pung taon na, sa pagkapihikan at kaluritang magpasiya sa mga suliranin ng puso. Tangi sa katipiran  ay masungit pa sa ibang tao at maging sa kamag-anak, mga kapintasang sa pagsapi ng magandang kapalarann ay naging dahilan ng pagkakamal ngayon ng katakut-takot na salapi.

            Sa kabataan ay dumanas din ng kasalatan ang tiya Mercedes na gaya ng aking ina at iba pa niyang kapatid. Sa pagkahilig sa pangangalakal, ay naglakas-loob na umutang ng patubuang salapi sa isang usurera upang makipagsapalaran sa lunsod. Pinalad naman at minsan daw na naglalakad na pauwi na sa bahay ay nakapulot pa ng isang kaluping kinapapalooban ng malaking halaga na siyang pinagmulan ng katakut-takot na kayamanan ngayon.

            Ang kapatid ng tiya Mercedes ay apat na babaing nang mangalagay sa magaling ay inilipat ng kani-kanilang asawa kung saan-saang pook sa silong ng langit na ang tiya ko lamang ang nakaaalam sapagkat maramot man siya ay sinasadya rin ng mga kapatid at inuutangan ng salapi kung dinadanas na nila ang sukdulan ng pagsasalat.

            Sang-ayon sa liham ng tiya Mercedes na may tatlong araw na naming tinanggap sa lalawigan, ay nasa lunsod na ang tatlo pa nilang kapatid ni ina na mayruong tigitig-isang anak na lalaki na ang mga pangalan ay: Reynaldo, Rodolfo at Rosauro.

            Pinaluluwas kami ni inang dahil sa siya raw ay maysakit, unang dahilan, ikalawa’y upang magkita-kitang muli ang magkakamag-anak at ikatlo’y upang ang kanyang kayamanan, matangi ang ikatlong bahagi na pang-alay sa nalalabi pa niyang buhay ay maipamana na sa apat niyang pamangking kinabibilangan ko nga.

            Iyan ang tunay na dahilan kung bakit ilang araw na kaming kahug na kahog ni ina sa paghahanda ng mga pasalubong na tataglayin sa pagluwas.

            Nang ilulan namin sa karitela ang maraming pasalubong, marahil sa bigat, ay nag-urong muna ng kalahating kilometro ang kabayong payat ni Doro na naging dahilan nang muntik na naming pagkahuli sa unang treng patungo sa Maynila. Ang kutsero ng kastanyong payat, si Doro, ay isang binatang matagal nang nagbubulong sa akin ng mga pangungusap na sa simula’y hindi ko naintindihan ang karayagan ngunit pagkalipas ng limang taon ay naabutan ng malaki-laking halaga, gayong halos ay nakahiga siya sa salapi. Mapalad na ang makaupa kami sa sakyan at makabili ng kaunting pasalubong sa kaawaawa kong ama.

            Nang hingin ko sa aking tiya ang isang malaking manikang basahan, na ayon kay ina’y laruan pa ng bruha sa panahon ng kanyang kamusmusan, ay maanong naibigay at naipauwi sa akin sa kabila nang pag-uumiyak kong mahigit na kalahating oras. Talagang kay ramut-ramot niya!

            At nang minsang idaing ng aking ina ang hikahos naming kabuhayan at ang pagdaing ay buntutan nang pananandali ng maliit na halaga upang maibili ng ilang damit ko ay maanong pinautang si inang nagmamakaawa nang labis.

            Ilan lamang iyan sa kahigpitan at kasungitan ng tiya Mercedes na kung naalaala ko nang sakay pa kami ng keritela ni Doro, marahil ay hindi na kami natuloy ng pagluwas; mga kasungitang sa katagalan na ng panahon ay nalimot na naming mag-ina kaya’t nakapagtaglay pa kami ng maraming pasalubong. Ngunit ngayong magunita ko ang lahat, hindi pa man ay nanghihinayang na ako sa napakarami naming taglay.

            Masaya rin ang pagkikitang namagitan sa magkakapatid at sa aming magpipinnsan. Sa simula’y napigaan ng apdo nguni’t ang pait ay natugnaw na parang asin at dagling naparam.

            “Kay ganda ngayon ng pamangkin kong probinsyana!” ang tila nakatutuyang sabi ng aking tiya nang ako’y humalik ng kamay. “Marahil ay marami na ang naluluko sa batang iyan.”

            “Wala pa, ate,” ang sagot ni ina. “Sino ba ang magkakaloob sa pangi na iyan?”

            Muntik nang mairapan ko si ina nang sabihing ako’y pangit sa harap pa naman ng mga pinsan kong nuon lamang nakatagpo. Kung nananalamin ako sa batis ay batis na ang nagsasabing maganda rin ako at higit pang maganda sa karaniwang dalagang Maynila. At ang sabi ni Doro’y marilag daw ako sa pinutungan sa kabayanan ng isang makatang galing pa sa lunsod.

            Sa tapat ng malaking bahay ng tiya ay huminto ang isang makintab na berlina. Ang bumaba ay isang ginoong nakasalamin, dulasanglangaw at mayabang kumislot.

            “Hayan na ang aking manananggol” ang pagbabalita niya. “Dala ang kasulatan sa pagpapamana na babasahin sa paghaharap na ito. Ipamamana ko na ngayon ang dalawang-ikatlong bahagi ng aking pag-aari sapagkat dahil sa sakit sa puso na nagpapahirap sa akin ay tila malapit na akong mamatay. Ang apat na pamangkin ko ang pamamanahan at hindi kayong mga kapatid ko.”

            Natigil ang pagpapaliwanag ng matanda nang pumasok ang abogado. Matapos magbigay galang ay binuksan ang kalupi at inilabas ang kasulatang kung ilang salin na ang bawat pahina ay may-lagda na ng tiya Mercedes at mga sumaksi. Kaming lahat ay halos hindi humihinga sa pananabik marinig ang nilalaman ng testamento.

            Binasa ng manananggol ang hawak na kasulatan hanggang sa dumating sa bahaging ganito ang tagubilin:

            “Ipinamamana ko kay Reynaldo ang aking malapad na palayan sa kalagitnaan ng Luson.”

            “Ipinamamana ko kay Rodolfo ang tubuhan sa Kanlubang, Laguna.”

            “Iniiwan ko kay Rosauro ang lahat ng bahay na pinauupahan ko dito sa Maynila.’

            “Ipinamamana ko kay Mirna, sa aking pamangking dalaga, ang pinakamamahal na manikang basahan.”

            “Idinaragdag ko rin sa manahang ito ang kondisyong sa oras na mag-asawa ang sinuman sa aking pamangkin ay ibibigay o ililipat sa kanilang ina ang kalahati nang namana sa akin.”

            Sa pananalig na dinusta ako ng tiya Mercedes ay nahihilam ako sa luha nang tanggapin ko ang manikang basahang pamana sa akin. Kami lamang ni ina ang lumuluha nuon ngunit silang lahat nagagalak. Ang nasa loob namin ay gaano na ang halaga ng manikang basahan.

            Daig pa namin ang napapaso sa tahanan ng tiya Mercedes. Nang araw ring yaon, kami ay nagpaalam at umuwi sa lalawigan.

            “Manikang basahan ang aking namana,” ang parang baliw na lagi kong ibinubulong. “Manikang marumi ang damit; amoy amag at tagulamin. Sayang ang salaping binaon namin ni ina. Sayang ang alkansiya kong nabiyak nang wala sa panahon,” at ang manikang basahan ay ipinukol ko sa sulok ng bahay na ang kalabog ay nakagulat kay ina.

            “Magtiis ka, anak,” ang alo sa akin. “Nuong maliit ka’y iniyakan mo yan, hindi ibinigay sa iyo; ngayong dalaga ka na at ipamana naman ay naghihinakit ka.”

            Hindi na ako nakaimik sapagkat parang sasabog ang aking dibdib sa dalamhati.

            Nang mamatay ang tiya Mercedes pagkalipas ng isang buwan, ay ako lamang sa mga pamangkin niya ang hindi nalungkot at hindi nagsuot ng damit na luksa. Naidalangin ko pang natutuwa na sana’y maging mabigat ang lupang dadagan sa kanyang bangkay.

            Pagkalipas ng isang taon ay nagkaigi kami ni Doro. Nang ipagtapat ko sa aking ina ay pumayag na makasal kami kahit walang kalatis.

            Pagkagaling sa simbahan, naalaala ko ang panghuling tagubilin nang nagpapamana ng tiya Mercedes na anya’y: “Sa oras na mag-asawa ang sinuman sa aking pamangkin ay ilipat o ibigay sa ina ang kalahati ng namana sa akin.”

            Sa pagkagunita ng tagubilin ng tiya Mercedes ay kinuha ko ang lilik na panggapas ng damo sa salog at samparan ng tubo at ang manikang basahan ay ginilit ng paputol sa baywang upang paghatiin naming mag-ina nang naaayon sa tagubilin ng testamento. Ginawa ko yaon sa hangad na matuwa si ina sa araw ng aking kasal. Hindi ba makatutuwa ang makamana siya ng basahang marumi sa araw nang paglagay ko sa magaling?

            Nang manismis na ang maruming damit ng manika ay nanluwang ang aking mga mata. Sa loob ng silid ay nabunton ang susun-susong lumang papel na kulay dahong-sili na ang nakapinta ay panay na larawan ni Fernando Magallanes. Nang butadtarin ko ang mga guwang ng hita at binti, ang natuklasan ko ay mabibigat na bagay na nakabalot ng basahan at bulak; sarisaring alahas na ang mga bato ay panay na brilyanteng malalaki at nakasisilaw ang ningning. Sa aking pasapyaw na taya, ang halagang nakapaluob sa hamak na pamana ay sapat na maibili na isang bukiring hindi maliliparan ng uwak.

            Sa laki ng kaligayahang hindi nalulan sa aking dibdib, ako’y naglulukso at nagsisigaw na tila isang baliw na, ikinagulat ni Doro at ng mga magulang ko. Salamat na lamang at sa kasal namin ay walang dumalo palibhasa’y kasalang mahirap na walang usok ang kalan.

            Nuon ko nalamang mahal din pala akong aking tiya Mercedes sa kabila ng pagmamaramot niya nuon ako’y musmos pa. At nuon ko pinagsisihan ang hindi pagkalungkot nang siya’y mamatay, ang hindi pagsusuot ng damit na luksa nang siya’y ilibing at ang pagdalanging sana’y maging mabigat ang lupang dadagan sa kanyang bangkay.

            Oh, nuon ko nalamang may halaga pala ang kanyang hamak na pamana!