Ni Edgar Calabia Samar
(Ika-13 Labas)
MASYADONG mahusay ang close reading ni B— para isipin kong pilit. Ang totoo, pagdating dito sa ikalawa niyang sanaysay, mas gusto ko nang isiping mas mahusay siyang kritiko kaysa makata. Pero muli, baka bias ko lang ito laban sa pagtula. Sa loob ko, may hindi pa rin makatanggap na posibleng mas mahusay siya kahit sa kritisismong pampanitikan na dapat ay arena na ng scholar na tulad ko na walang kahit anong creative practice. Kahit ba naman dito, eeksena pa rin siya? Mabuti na nga lang at mas walang nagbabasa ng mga isinusulat niyang ito kumpara sa mga tula niya. As far as I know. O at least, hanggang ngayon. Pero gaano karami ang mananaliksik tungkol sa Bagong Pinuno sa mga susunod na araw dahil sa pangyayaring ito––at halos lahat sila, babalik sa mga isinulat na ito ni B—? Hinayupak. At si Enkidu, nabasa rin ba niya ang mga kritisismong ito ni B—?
Binalikan ko ang mismong address ni Simeon na pinag-aralan ni B—, itinapat-tapat ang mga linya nito sa pamimilosopiya naman ni Pablo sa ilan sa mga nobela nito. Literal na kinuha ko pa sa bookshelves ko ang kopya ko ng mga nobela ni Pablo na tadtad ng highlights at annotation. May isang mapipigtal na ang pabalat. Binalikan ko ang mga ispesipikong quote na binabanggit ni B—. Mababanaag mo nga roon ang impluwensiya ni Pablo sa Bagong Pinuno. Na parang si Pablo lang ang binabasa ni Simeon bago niya isinulat ang address niya. Bakit hindi ko nakita ito? Bakit parang walang-wala akong interes kay Simeon kaya hindi ko man lang nakita ang lahat ng ito?
Pero posible bang impluwensiya pa rin ito ni Lugalme, na may pagkakapareho ang pananaw nina Pablo at Simeon sa mga bagay-bagay, lalo pa sa buhay ng mga tao at ng bayan, dahil nga pareho nilang iniidolo si Lugalme? Dahil bakit hindi man lang nababanggit ni Simeon si Pablo kahit kailan? O posible bang may pumipigil sa kaniya para banggitin nang hayagan si Pablo? Kung tutuusin, hindi ito nakapagtataka. Napakadaling basahin ni Pablo bilang laban sa kahit anong sistema, sa kahit na anong kaayusan. Sa bandang huli, isang kaayusan pa rin ang Maharlika. Iniisip ko kung ito ang kauna-unahang pagkakataon na nang naisip kong isa pa ring kaayusan ang Maharlika ay naisip ko ring may posibilidad ng irony rito. Siyempre, kapag iniisip naming may kaayusan sa Maharlika, laging literal iyon, damang-dama ang katotohanan sa loob. Dahil paano pa nga ba maaaring tayain ang buti ng pamumuhay namin ngayon?
Iyung ikatlong sanaysay ni B— ang totoong pinakanagpaisip sa akin. I mean, nagpaisip in the sense na mas naging clear sa akin na may mga alam—o hinala—si B— tungkol sa mga Maharlika na hindi ko alam, na hindi alam ng kahit sinong mamamayan lang, o na hindi man lang namin pinag-iisipan. Obviously, nagpapadagdag iyon ng yamot ko sa kanya. Ayokong aminin nu’ng una, pero dama ko rin na itong yamot na ito, unti-unting hinuhulma ng kung anong gayuma sa kanya. Or at least, naipapa-realize sa akin na baka sa simula’t simula, may atraksiyon si B–– para sa akin na hindi ko ma-figure out kung ano, tulad ng baka totoong attraction sa akin ng tula, pero dahil hindi ko mapangalanan ay mas madaling ma-convert sa basta pag-ayaw lang.
Nasa anyo ng proposal para sa isang creative project thesis ang critical essay na ito ni B— kaya ang totoo ay naglalaro rin siya sa anyo ng ikatlong papel niyang ito. Hindi na naman bago ang mga ganitong eksperimentasyon pero may halina pa rin sa gitna ng lansakang produksiyon ng mga pag-aaral na ganoon at ganoon ding estratehiya ng paglalatag ng argumento o—tulad nga ng ilang beses niyang sinasabi sa papel na ito—ispekulasyon.
Pero ang isa siyempreng nakakagulat, isinulat ito ni B— sa Filipino, hindi tulad ng nauna niyang dalawang sanaysay. Sa paggamit pa lang niyang ito ng wika ng kaniyang pagtula, napakadaling hinuhain na ito ang totoong pinakamalapit na proyekto sa loob niya. Na ito ang pinakamalapit sa mga totoong iniisip niya tungkol kay Simeon Maharlika.
Mga Aninong Epiko: Isang Pagsisiwalat ng Dalawahang Katauhan ni Simeon Maharlika sa Epikong Tulambuhay ng Isang Nobelistang-Pinuno ng Bansa
Isang Kritikal at Malikhaing Paggalugad sa Mito, Gunita, at Mga Hiwaga sa Kasaysayan ni Simeon Maharlika bilang Bagong Pinuno at Modernong Nobelista
Abstrak:
Layunin ng panukalang ito na tuklasin ang buhay at mito ni Simeon Maharlika, ang misteryosong pinuno ng Maharlika, sa pamamagitan ng pagsusulat ng isang epikong tulambuhay. Gagamitin dito ang mga posibilidad ng isang tulang pasalaysay samantalang pinagsasanib din ang kritikal na pagsusuri at lirikong tinig na tigib ng saliksik at ispekulasyon. Layuning buksan ng akdang ito ang mga tagong bahagi ng pampubliko at pribadong buhay ni Simeon, siyasatin ang malalalim na agos ng kanyang ideolohiyang pampolitika, at ilahad ang mga lihim na ugnayang umuugong sa likod ng kanyang hinubog na persona.
Pangunahing hakbang sa pag-aaral na ito ang mapanghamong hinuha na si Simeon Maharlika, sa kanyang pagsusumikap na makamit ang pampanitikan at politikal na inmortalidad, ay maaaring siya ring si Gregorio Pablo—isang mangangatha na ang mga mapanghamong nobela ay nagsisilbing indáyan ng modernidad sa bansa na sa isang mabalintunang kumpas ay nagbabala sa pagbangon ng rehimeng Maharlika. Sa kahina-hinalang pagtitiyap ng mga pangyayari, naglaho sa publiko si Pablo nang humalili sa kapangyarihan ng Malahákan, ang tagapagtatag ng rehimen, ang anak nitong si Simeon Maharlika. Maliban sa mga nauna ko nang pag-aaral sa paghugot ni Maharlika sa mga pilosopiya at politika ng mga akda ni Pablo, sa isang mas kubling paraan lalo pa’t hindi niya binabanggit nang tuwiran si Pablo sa kaniyang mga panayam at talumpati, isinusulong ng panukalang ito na hindi maaaring ihiwalay ang naratibo ni Simeon mula sa mga pampanitikan at nobelistikong bakas ni Pablo, na tila iisang kaluluwa ang lumalangoy sa mapanganib na tubig ng kapangyarihan, pamana, at identidad.
Bilang isang makata at propesor ng literatura sa isang pangunahing pribadong unibersidad sa Maharlika, ang ambisyon ko sa proyektong ito ay higit pa sa akademikong pagsasaliksik. Isa itong personal na aspirasyon na maging tagapaghawan sa pagsusulat ng isang epikong tulambuhay na may ganitong saklaw ng ispekulasyon tungkol kay Simeon Maharlika, at magtaguyod ng pamantayan para sa mga darating pang kaparehong gawaing kritikal at malikhain ukol sa buhay at paglikha ng mga pinuno ng iba’t ibang nasyon. Kung ang pamumuno ni Simeon ay nakasudlong sa apat na dekadang paghahari ng kanyang ama, ang Malahákan, ang epikong tulambuhay na ito ay layong maging pundasyong kakaharapin ng sinumang susunod na biyograpo—sa tula man o sa prosa. Ano ang totoo—lalo pa sa mga buhay na hindi natin lubusang naisasapubliko? Ano ang publiko?
Pinag-iisa ng mga epikong ito—mula sa iba’t ibang panig ng daigdig at sa Timog-Silangang Asya—ang walang hanggang pagsasalaysay ng pagtitiis, sakripisyo, at paglalakbay ng tao sa isang mundong hinuhubog ng mga diyos at kapalaran.
Ang proyekto ay hindi lamang sumasaklaw sa pananaliksik sa mga artsibo kundi pati na rin sa tuwirang pakikipanayam sa pamilya Maharlika at sa mga taong malapit sa kanila upang makapagbigay ng matapat at masalimuot na paglalarawan sa tao sa likod ng malamito. Subalit, muli, gusto kong idiin ang aspekto ng ispekulasyon sa proyekto, subalit hindi bilang landas ng marawal na tsismis o alingasngas, kundi bilang madilim subalit maaaring tanging daan patungo sa mas mailap na katotohanan. Napakaraming katotohanan sa iba’t ibang larangan, kahit sa agham, na kinailangan munang harayain ng mga siyentipiko bago naging unibersal na katotohanan. Nakasalig sa ganitong bukal ng kaalaman ang pangangahas ng proyektong ito.
Layunin kong maging hindi lamang simpleng pagsasalaysay ng buhay ni Simeon ang mungkahing epikong tulambuhay kundi isang muling paglalarawan ng kanyang paghahari sa pamamagitan ng tradisyong poetiko ng mga pinuno sa daigdig. Isang masaklaw na habi ang mundo ng mga epiko, kung saan nagtatagpo ang kasaysayan at mito, at ang pagitan ng realidad at kathang-isip ay nagiging bahagi ng alamat. Sa mga kuwentong ito—magmula man sa mga sinaunang bayan o sa mga makabagong nasyon—makikita ang mga bayani, bathala’t bathaluman, at mga kahariang humuhubog sa kamalayan ng kanilang mga mamamayan.
Sa matandang bayan bago naging Maharlika ang Maharlika, isinasalaysay ng Hinilawod ang pakikipagsapalaran ni Labaw Donggon na tumatawid sa iba’t ibang lupain upang makuha ang mga kamay ng mga bathaluman, hinaharap ang mga demonyo at mga halimaw na nilalang ng kalikasan. Samantala, sa kapuluan ng Anuhilaya naman, matatagpuan ang epiko ng Awit ni Agkuna, kung saan ipinagtatanggol ng mandirigmang-reyna na si Agkuna ang kaniyang bayan laban sa mga higanteng batubalani mula sa hilagang kaharian ng Kolvaga. Sampung henerasyon ang tinahak ng salaysay habang pinoprotektahan ng kanyang lahi ang mahiwagang Bato ng Simbuyo. Dito, parehong ipinapakita ng mga epiko hindi lamang ang tapang ng mga bayani kundi ang kaugnayan ng tao sa banal—mga pusong sinubok ng mga diyos bago maging dakila.
Sa timog, may alingawngaw pa rin ang Ramayana ng India, ang kuwento ni Prinsipe Rama, ni Sita, at ng kanyang tapat na kasamang si Hanuman. Matutunghayan naman sa disyertong kaharian ng Harakazul ang mga alingawngaw nito sa Mga Butil ng Buhangin ni Rava’al, ang kuwento ng isang tagatala’t makata na naging bayani. Sa paglalakbay ni Rava’al upang pag-isahin ang mga tribu, naharap siya sa diyos ng disyerto na si Narakh—tila pagsalamin ng laban ni Rama kay Ravana. Parehong sinusuri ng dalawang epiko ang sakripisyo ng isang tao para sa ikabubuti ng higit na nakararami, at ang kanilang mga paglalakbay ay nagpapakita ng kapangyarihang nagmumula sa loob ng kanilang tapang at pananampalataya.
Sa Indonesia, buhay ang adaptasyon ng Mahabharata sa Java, at tila pinakikislap nito ang Salaysay ni Veikama mula naman sa Jalastri, isang kuwento ng prinsipe na kalahating tao, kalahating ahas. Tulad ng mga Pandava, tumatawid si Veikama sa maraming mundo, nilalabanan ang mga manlilikha, mga mangkukulam, at sariling mga anino. Kapwa tinutuklas ng dalawang epiko ang mga hamon ng mga bayani sa kanilang kapalaran—mga kaluluwang kailangang mas lumalim sa pag-unawa ng sarili bago mapagtagumpayan ang kanilang mga laban.
Sa hilaga, naririnig pa rin ang mga kuwento ng Edda mula sa Scandinavia, ang mga salaysay ng mga diyos tulad nina Odin at Thor, na mukhang siyang nagbigay-kulay sa Salaysay ni Lioran mula sa Sleigrun. Kung paanong binabantayan ng Edda ang pagtatapos ng mga diyos sa Ragnarök, hinahabi naman ng Salaysay ni Lioran ang laban ng bayani upang talunin ang Panginoon ng Lamig. Nililikha ni Lioran ang Bituin ng mga Talim upang hadlangan ang walang hanggang taglamig na banta sa kanyang kaharian. Dito, parehong isinasalaysay ang paglalakbay ng bayani patungo sa dilim—ang kanilang paglusong sa ilalim ng mundo o sa nagyeyelong puso ng daigdig—kung saan nakasalalay ang kapalaran ng mga diyos at tao.
Sa Malayong Silangan naman, iniingatan ng Hikayat Hang Tuah ang kywento ng isang bayani, si Hang Tuah, na kilala sa kanyang katapatan at kagalingan sa digmaan. Makikita ang pagkakatulad nito sa Salaysay ng Kambal na Korona sa Srikala, kuwento nina Avarna at Yasha, dalawang prinsesa na pinipilit pag-isahin ang nagkakagulong kaharian ng Vrennar at Kothran. Kapwa sinusubok ang kanilang katapatan, hindi lamang sa kanilang mga kaharian kundi pati sa isa’t isa, at ang kanilang mga salaysay ay naglalantad ng mga tema ng kapangyarihan, pagtitiwala, at sakripisyo—mga temang kinakailangang pagdaanan upang mapagtagumpayan ang mga alitan sa loob at labas ng kanilang mga kaharian. Sabihin pa, pinakamoderno ang epikong ito pagdating sa politika ng kasarian na ngangayon lamang inuunawa kahit sa Maharlika, na maaaring lunan din ng ibayong salimuot ng pag-unawa kay Simeon bilang historikong indibidwal.
Pinag-iisa ng mga epikong ito—mula sa iba’t ibang panig ng daigdig at sa Timog-Silangang Asya—ang walang hanggang pagsasalaysay ng pagtitiis, sakripisyo, at paglalakbay ng tao sa isang mundong hinuhubog ng mga diyos at kapalaran. Nakatuntong man sa sinaunang alaala o sa mga kathang-isip na lupain, ipinapakita ng mga pakikipagsapalarang ito na ang pagitan ng totoo at alamat ay tila kasimpino ng buhangin ng Harakazul o kasinlamig ng yelo ng Sleigrun.
Sa mga sinaunang kuwentong ito, ang paglalakbay ng bayani—na punong-puno ng mga pagsubok, personal na pagkabigo, at mga sandali ng pambihirang kaliwanagan sa politika o diyos—ay sumasalamin sa pakikibaka ng tao na maunawaan ang mismong kahulugan ng tungkulin, ang bisa ng kamatayan, at ang mga hanggahan ng sarili. Kaya naman, sa gayon ding paraan, sisiyasatin ng epikong tulambuhay na ito kung paano isinasakatawan ni Simeon Maharlika—na itinuturing sa loob at labas ng Maharlika bilang isang pinuno na nagsisikap na panatiliin ang katatagan at kasaganaan ng bansa—ang arketipal na bayani na ang mga kapintasan at kabutihan, ang karupukan at kadakilaan, ay hindi maaaring paghiwalayin.
Layunin ng proyekto na usisain ang karunungan sa likod ng mga natatanging batas ng Maharlika, pangunahin ang legalisadong pagpaslang, na hindi matatagpuan sa iba pang mga bansa, na hanggang sa ngayon ay mga kriminal lang ang pinahihintulutang paslangin, at tuklasin ang mga temang posthumanista na sumisibol sa isang lipunang hinubog ng ganitong uri ng pamahalaan. Habang kinikilala ang mga panganib ng pagsusulat ng ganitong naratibo, ang layunin ng panukala ay hindi upang balewalain o papusyawin ang mga nagawa’t buhay ng pamilya Maharlika kundi upang bigyan sila ng higit na masalimuot, at kung gayon ay mas makatarungang katauhan, habang itinatanghal nga ang malikhaing henyo ni Simeon, na hindi lamang nakatindig bilang bayani ng epikong ito, kundi bilang manlilikha rin ng maraming daigdig at mga bayani sa kaniyang maririlag na nobelang maipagmamalaki sa mundo, tulad ng pagmamalaki ng isang karaniwang mamamayan ng Maharlika sa kaniyang bayan.
(Itutuloy)
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.








