Guro Kong Mahal

Noon, kapag kasama-sama akong naglalakad ng aking guro’y para akong lumulutang sa alapaap… lalo na kung nakapatong sa aking balikat ang malambot niyang kamay.

Ni P. B. Peralta Pineda

INIIWASAN ko iyon: Ang pagpipingki ng aming mga paningin ng aking propesorang si Bb. Gilda  Robles. 

Ako’y nangangamba, natatakot marahil. May lihim na nababatid kong hindi na lihim sa kanya. At higit kailanman ay naging malikot ang aking puso. Ang dalawang araw na namagitan sapul nang sulatin ko ang mga taludtod na kinapapalooban ng aking batang pangarap ay hindi sapat upang humupa ang sigwa sa aking dibdib. Walang tantan ang Pintigin, at sa isip ko’y may bumubulong na panalangin: Huwag sana niya kong susumbatan . . . Huwag sana siyang magagalit . . .

Ako’y di dating gayon: tuwing tatawagin ng aking guro’y di nakasasagot, at kung nakatutugon ma’y hindi naman wasto. 

Sa taimtim na pagmamalas ko kay Bb. Robles ay nadama ko ang isang banyagang pag-aalinlangan sa unang pagkakataon. Nalalaman kong hindi na miminsan o mamakalawang sa buhay ko’y nakaranas ako ng gayong paghihirap; subalit ngayung-ngayon lamang, natitiyak ko, naging masidhi at palalo ang damdaming iyon gabi’t araw.

Hindi ko namamalayang ako’y nagbago sa masusing pagmamalas kay Bb. Robles. Pinagpasalamat ko ang pagkakalagay ko sa klase ni Bb. Robles. Sa puso ko’y isang mahiyain nguni’t matipunong halaman ang naipunla. 

Noong araw, nagugunita ko pa, ay isa akong musmos na bago pa lamang kumikilala ng mga bagay at walang malay mag-ukol ng pag-aaral sa mga hiwaga at kahulugan ng buhay. Wala pa ring pinag-ibhan ang mga panahong iyon at ang kasalukuyan, kung kukuning batayan ang pangyayaring ako’y estudyante pa rin at dumudulang ng karunungan sa ilalim ng isang gurong anaki’y bathala. Nguni’t noon ang aking guro’y ipinalagay kong isang mabait na bathala. Malimit, sa musmos kong diwa, sa halaghag kong panananaginip, naihahambing ko ang aking guro sa magandang babaing niluluhuran sa bisita sa nayon, sa ina ng awang hinahandugan namin ng aking mga kababata ng mga sariwang bulaklak sa umaga at pagkagat ng dilim. 

Nakikipag-unahan ako sa maagang paghahandog ng mga bulaklak ng kamya o sampagita sa aking guro. At kapag nauunahan ako ng aking mga kamag-aaral ay nagdaramdam ako’t nasasabi ko sa sariling di ako mamahalin ng titser! 

Kung nagsisipaglaro kami ng aking mga kamag-aaral at mamamataan naming dumarating ang aming guro’y nagkakandarapa ako sa pakikipag-unahan sa pagsalubong at pagsasabi ng, Good morning, titser! O kaya’y, Good Afternoon, titser! At walang pagkasiyahan sa galak ang aking puso kapag ngumingiti ang aking guro at tumutugon ng, Good morning, children. O kaya’y Good afternoon, children. Gayon din ang nadarama ko kapag kami’y pauwi na at sinasabi ko ang, Goodbye, ma’m! At maririnig ko ang, Goodbye, children! 

Noon, kapag kasama-sama akong naglalakad ng aking guro’y para akong lumulutang sa alapaap at sumisigaw sa buong daigdig ng, Tingnan n’yo, mahal na mahal ako ng titser ko! Lalung-lalo na kung nakapatong sa aking balikat ang malambot na kamay ng aking maestra. At ang pagkakagusto noon ng aking guro sa aking kakisigan at katabilan ay binabaon ko hanggang sa himlayan.   

Lumipas na ang lahat ng iyon. Ilang taon na ang namagitan.  Ako’y hindi na isang bata. Nakalasap na ako ng ilang pangyayaring nagbangon sa kaaya-ayang mukha ng ilang babaing katulad ng aking Bathala ng Kamusmusan. Nabibigyang-kahulugan ko na ang mga bagay-bagay. Nababatid ko, unti-unti, ang kahiwagaan ng karimlan, ng liwanag, ng ngumingiting kabughawan ng langit. At sa ibabaw ng lahat ng aking batang karanasan ay naroon ngayon ang aking propesorang hindi na isang bathalang pinagtitiklupang-tuhod ng aking sanggol na paggalang. Anong yumi ngayon sa akin ng panimdim! Anong ningning ng mga talang aanti-antilaw kapag nag-iisang sinasaklaw-titig ko ang lawak ng kalangitan, at parang natatanaw ko sa dungawan ng aking diwa si Bb. Robles. 

Hindi na isang bathala ang aking guro. Nguni’t ako’y ako pa rin, isang estudyante. Nakauunawa ng mga nakikita, naiisip at nadarama lamang.

Hindi na isang magandang babaing dalanginan ang aking namamasid, kundi isang mayuming pangarap na humihingi ng kaganapan. Itinutulad ko na ang aking guro sa isang bantayog na lilok sa makinis na marmol sa gitna ng hardin ng bahay na puti sa palawingwingan ng bayan.     

Naging makabuluhan sa akin ang maamong mata ni Gilda (Gilda na lamang ang tawag ko kay Bb. Robles sa aking pag-iisa), ang kanyang maitim na buhok na karaniwang nakataas sa gawing likuran at naglalantad sa kanyang tila garing na batok . . . ang mga daliri, ang mga gilit sa leeg (ulit-ulit kong binibilang at itinatanong sa sarili kung ano ang ibig sabihin ng mga gatlang iyon). Ang kutis na singkinis ng umaga, ang mga labing simbango ng kaparangan. At nasasabi ko sa sarili: Para kong nadarama ang nakadadarang na mga labi mo, Gilda, Gilda. Sa akin, ang malalim at bilog na huyong nakaukit sa kaliwang pisngi ng aking guro’y isang langit na libingan. Sa wari ko, ang tinig ni Gilda’y parang tugtugin, parang awit; ang galit niya’y parang dasal.

At sa tahimik na pag-iisa ko’y sinisisi ko kung papaano ang aking sarili, ang lahat ng bagay. Ibig lumaya ng aking pangalawang sarili. Para akong batang umaasam na makarating ša buwan. Malaking hadlang sa aking mithiing si Gilda Robles ay maguni-gunita man lamang. Tinatanong ko ang sarili kung bakit di ako nagkaroon ng isang kapangyarihang maabot ang langit, makampay ang kalawakan. Kung bakit may pagitan ang kalupaan at kalangitan.

Ewan ko kung nawalan na ako ng mabuting paggalang, ng pagkamaginoo, ng pagkamarangal. ‘Yon, hindi tulad ng iniukol kong paggalang sa guro ko noong araw, ay nasasabi-sabi kong Gilda! Gilda! na lamang? 

At sumupling sa puso ko ang isang pag-iimbot: Gilda, ibig kong ariin ka magpakailanman!

Nguni’t ang makulay na mithiing ito’y binabansot sa aking dibdib ng kawalang-pag-asa at pag-aalinlangan. 

Pinagsisisihan ko ang aking naisulat sa papel. Nguni’t iyon ang naisip kong paraan. At walang lagot ang mga katanungan sa aking isip: Wasto kaya iyon? Kagalitan kaya ako? Kung ako’y hamakin? 

At binubuhay ko ang nanlulupaypay kong kalooban sa pamamagitan ng pag-ulol sa sarili: Marahil ay hindi niya mauunawaan ang ibig kong sabihin. Unawaan? Bakit kay-hayap ng kanyang mga tingin ngayon?

Naging kabagut-bagot sa akin ang animnapung sandali. Dinarasal-dasal ko ang, Kumampana na sana . . .  Matapos na sana ang klase . . .

At, tila ako nakalaya sa isang piitan nang marinig ko ang tunog ng kampanilya. Nanluwag ang aking dibdib. Pinilit kong mauna nguni’t tinikis ng pangyayaring ako’y di makalabas agad… hanggang sa akoy abutan ng aking propesora.

Umiiwas ako, iniiwasan ko ang mga mata ni Bb. Gilda Robles, ang kanyang tinig, nguni’t tila dinakot ako ng isang kamay na bakal nang marinig ko ang tinig ni Gilda!

“Maganda ka palang tutula. . .”

 “E…e… e… hindi ho, hindi ho… Miss Robles.” 

Itinaas ko ang aking mukha. At nagkatagpo ang aming mga paningin ni Bb. Robles. Ang kanyang mga mata’y namimilog, nakatawa, nagluluningning. Ang kanyang mga labi’y tila mga talulot, mababangong talulot na namukadkad, na napunit...

Wala akong masabi, Gilda! Gilda! Gilda! nguni’t… 

Lumaki ang aking mga hakbang, samantalang patuloy na nag-uulol ang aking puso, ang aking batang puso, hangal na puso, sumisintang puso… Parang tinutugtog, binibigkas ang isinulat ko sa isang pilas ng papel noong kunin ni Gilda ang mga gawaing pambahay, isang gabi:

Magkaagwat

Ibig kong hagkan ka,

marilag na langit,

Makakampay ka ba

ng pipit sa bukid?