Ni MIGUEL B. ALVARO

(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 6, 1955)

Sa simula: tagas munang unti-unti nang sumipot,

Sa pagitan ng dalawang batumbuhay sa may gulod;

Kalamalam, pumulandit nang panaya sunud-sunod,

Isang bukal na ang tubig ay matimyas pa sa hamog;

Sa nag-usling mga bato ay pasiwang na naglagos,

Gumapang na nang pakiwal at nagtalong padausdos.

Ito’y Bukal: matantubig, bumabalong, pumapatak,

Hadlangan ma’y hindi mo rin mahadlangan at maampat;

Sa paligid ng paanan nitong bundok na marilag,

Nawiwisik na bendita ang tilamsik na makislap;

Mga damo’t dapong-ligaw na lanta na pati ugat,

Nang matubigan sa puno, mga daho’y nagsiigkas.

Mga ibong tumutuka sa nagbiting bungang-bigay,

Pagkatapos manghinuka ay sisimsim na sa bukal;

Sari-saring mga hayop na bundukin ang galaan,

Maya’t maya’y mapapansing lumiliwa sa tubigan;

Kaya pati Mamamaril na sa kubli’y nag-aabang,

Kung mapatay itong usa’y umiinom na padukwang.

Ang masipag na matandang naghahawan sa kaingin,

Kapagura’y pinapawi sa malamig na inumin;

Higante mang punung-kahoy sa may libis niyong bangin,

Kailanga’y amot-lamig pag ang daho’y nangulutding;

Bawa’t bagay sa palibot nitong bundok na madilim,

Tubig-bukal ang malimit na tunghaya’t salaminin.

Nanggagaling sa itaas, umuusad na pababa,

Umaawit kung pasagsag, dumarabog kung mabangga;

Sa matuling paglalakbay, kasama ring natutuwa,

Kulay-gintong dahong-laglag na sa kanya’y namamangka;

Ang malayang agos niya’y hinding-hindi masawata,

Lumulukso sa ibabaw kung hadlangang biglang-bigla.

Sa malayang paglalayag at palibis na pagtalon,

Bumagsak man sa batuha’y masaya pang hindi gayon;

Bawa’t damong maraana’y bagu’t bagong nag-uusbong,

Palibhasa’y tubig-bukal na may buhay na pandugtong;

Ang prusisyo’y nagbabalik at ang lubid ay may buhol,

Natatangi itong Bukal: pag umalis, nagtutuloy …!