TALISMAN

Matamang minasid-masid ni Rodora ang tahimik na nakaupong binata: ang buhok nito, ang noo, ang ilong, ang mga pisngi, ang labi, ang liig…

Ni NEMESIO E. CARAVANA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Marso 27, 1950)

(IKA-12 LABAS)

HINDI malaman ni Nanding kung ano ang dapat niyang gawin sa nakahahambal na ayos ng kanyang ama-amahang si Tandang Andres. Ipinalagay niyang walang gaanong kahulugan ang itinuturo nitong haligi.

“Itatawag ko kayo ng manggagamot?” ang ligalig na wika ni Naning. “Ano po ba ang nangyayari sa inyo?”

            Umungol lamang si Tandang Andres. Lalo nang naligalig ang binata. Niliglig sa balikat ang ipinalalagay niyang nahipan ng hanging matanda.

            “Huwag sana ninyo akong takutin,” ang kukurap-kurap na muling pahayag ni Nanding. “Magsalita kayo… mangusap kayo… hindi naman kayo dating ganyan.”

            Nagsumikap ang matandang muling maitaas ang kanang kamay at kasabay ang garalgal ng naninigas na dila ay itinuro na naman ang haliging kinatataguan ng limpak-limpak na kayamanan at ng mahalagang batong talisman.

            “Ano ang sinasabi ninyo?” ang nababalisang usisa ni Nanding. “Bakit ba hindi ninyo linawin ang pagsasalita?”

            Nagsumikap na tumugon si Tandang Andres. Nakita ng binatang kumibut-kibot ang nguso ng kanyang ama-amahan, ngunit walang tinig na pumulas. Walang anu-ano’y pumikit na para bang nagpapahinga. Kinabahan si Nanding sa kanyang nakitang unti-unting pamumutla ng mga pisngi ni Tandang Andres. Madaliang dinama ng binata ang pulso ng kanyang ama-amahan. Gumapang ang kilabot sa buo niyang katawan nang madamang hindi na pumipintig. Mabilis na idinaiti sa dibdib, sa tapat ng puso ng kanyang kinamulatang magulang ang kanang pandinig. Ayaw siyang maniwalang patay na si Tandang Andres. Biglang nanlaki ang mga mata ni Nanding. Pati ang puso ni Tandang Andres ay hindi na tumitibok. Talagang patay na ang matandang pinagkakautangan ng kanyang lahat sa buhay. Itinaas ni Nanding ang mga mata sa langit, saka bumulung-bulong: “Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa!”

            Nilingon ng baguntao ang haliging hindi miminsan at mamakalawang inihimaton sa kanya ng matandang nakaburol na noon sa lumang kama. Hinay-hinay na humakbang palapit sa haliging kinatataguan ng kayamanan at ng batong talisman, na siyang pinakamahalagang bagay na iningat-ingatan ng nasirang si Dr. Fernando Octubre. Nang malapit na sa haligi si Nanding ay mataman niyang siniyasat ito.

            Wala naman siyang nakitang anumang sukat ipaghinala sa naturang haligi. Umiling at nagbuntunghininga ang binata. Sinalat-salat pa muna nito ang haligi, bago tuluyang lumapit sa bangkay ni Tandang Andres.

            “Isa na akong ganap na ulila ngayon,” ang bulong sa sarili ni Nanding at tinapunan ang wari’y buhay na larawan ni Dr. Fernando Octubre na nakahiyas sa isang bahagi ng tabiki ng silid na kinabuburulan ni Tandang Andres. “Sinabing namatay ang aking ina sa pagsisilang sa akin, at ikaw na aking ama ay namatay sa pamamagitan ng isang punglong ligaw. Ngayon nama’y nasa harapan ko ang bangkay ng banal na matandang siyang pinagkakautangan ng aking pagkakaisip at pagkabinata. Ano naman kaya ang kahantungan ng aking kapalaran? Mamatay kaya akong katulad ng mga pinagkakautangan ko ng buhay?”

            Isa na namang buntunghininga ang pinawalan ni Nanding sa kanyang dibdib, nang sumagila sa kanyang hinagap ang pagpapalibing na gagawin sa kanyang ama-amahan. Lumapit siya sa lumang aparador na nakalagay sa seradura ang susi. Binuksan ito upang alamin kung may lamang salaping sapat na ipagpalibing kay Tandang Andres. Napakagat-labi lamang si Nanding nang wala siyang mahagilap liban sa limang pipisuhing pilak. Hinalungkat niya ang buong aparador ay wala siyang nakitang iba pang salapi. Ipinamulsa ng binata ang limang pilak na piso. Maya-maya’y nag-init ng tubig at pinunasan ang nakaburol na matanda, saka binihisan ito ng damit na siyang madalas gamitin ni Tandang Andres kung pista o kung araw ng linggong nagsisimba sila. Pagkatapos ay mabilis na nanaog ng tahanan na gulung-gulo ang isipan.

            Lakad na dumating si Nanding sa unang puneraryang pumasok sa kanyang isipan. Nagpahayag siya ng kanyang isipan. Nagpahayag siya ng kanyang pakay tungkol sa pagpapalibing kay Tandang Andres. Pinagtawanan lamang siya ng katiwala ng punerarya nang sabihing wala siyang salapi kundi limang pisong pilak lamang. Hindi siya pinansin ng tagapangasiwa.

            At lakad… lakad nang lakad si Nanding. Tatlong punerarya na ang kanyang nadulugan, na halos pagsanlaan na ng kanyang kaluluwa upang mailibing lamang nang maayus-ayos ang matandang pinagkakautangan ng kanyang pagkabinata. Ngunit payak na pagkabinata. Ngunit payak na pagkabigo lamang ang kanyang natamo. May mga sandaling naiisip ng sawing binata ang gumawa ng masama o magnakaw. Ngunit para niyang naririnig ang mga gintong aral ni Tandang Andres, “Huwag kang magsisinungaling at lilikot ng hindi mo pag-aari.” Munti pa siya’y naririnig na niya sa mga labi ng matandang nakaburol na nang mga sandaling yaon, ang gayong mga kataga. Ipinikit ni Nanding ang kanyang mga mata sa likod ng awto, na ang panlaang gulong ay siya niyang napagpakuang likutin.

            Walang anu-ano’y sumagila sa kanyang isipan ang isa niyang kaklaseng masalapi: si Ricardo Montez, Jr. Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ng pawisang si Fernando Octubre, Jr. Naisipan niyang dito dumulog at humingi ng tulong. Naniniwala siyang hindi magmamaramot si Carding, pagkat may malaking utang na loob sa kanya ito, nang minsang humingi sa kanya ng tulong sa pagsusulit at pasahan naman niya ng tumapak na kasagutan sa napakahirap na katanungan sa matimatika.

            At pinihit ni Nanding ang kanyang mga paa. Natatandaan niya ang tahanan ng kanyang kaklaseng si Carding. Kumakalansing sa kanyang bulsa ang limang pipisuhing pilak, nang pumasok siyang mabilis sa malaking tahanan ng mga Montez. Napaurong ng ilang hakbang ang sawing binata, nang biglang maglabasan ang malaking aso at kahulan siya.

            “Sino ka? Ano ang kailangan mo?” ang usisa ng isang matandang utusang babae. “Bakit hindi ka muna tumimbre, bago pumasok? Hindi namin kasalanan kung nilapaka ng aming mga aso?”

            Hindi nakahuma gaputok man ang nabiglaanang binata. Nabadha sa kanyang mukha ang malaking takot at pamumutla.

            “Ano, bakit hindi ka magsalita?” ang ulit ng utusan. “Sino ang kailangan mo?”

            “Si Junior po,” ang magalang na salita ni Nanding.

            Napalingon ang utusang babae nang marinig niya ang tinig ni Rodora sa may hagdanan.

            “Bakit hindi kulungin ang mga aso,” ang pasigaw na utos sa utusang babae. “Hindi ba’t sinabi ko sa iyong sa hatinggabi na lamang pawalan sila?”

            Tumigil ng pagsasalita si Rodora at matamang pinagpakuan ng tingin ang binatang nakatigil sa bungad ng kanilang pintong bakal.

            “Ano ang kailangan nila?” ang tanong sa utusan. “Papasukin mo.”

            Dahan-dahang pumasok si Nanding at magalang na lumapit sa babaing nasa makababa ng hagdanan, na natatanglawan ng ilaw dagitab na nakapalamuti sa balkonahe.

            “Magandang gabi po,” ang sabay yukod at magalang na namutawi sa nahihiyang labi ng binata. “Maaari po bang makausap ang kaklase kong si Carding?”

            “Tuloy ka, tuloy ka,” ang wika ni Rodorang aywan ba’t giliw na giliw sa binatang noon lamang nakita ay kung bakit nagpakaba sa kanyang dibdib. “Carding… may panauhin ka,” ang dugtong na tawag sa kanyang anak.

            Matagal nang sandaling nakaupo si Nanding sa malambot na luklukang nasa balkonahe at hindi pa lumabas si Carding ay kung bakit hindi maiwan-iwan ng ina ang hindi niya nakikilalang anak. Matamang minasid-masid ni Rodora ang tahimik na nakaupong binata: ang buhok nito, ang noo, ang ilong, ang mga pisngi, ang labi, ang leeg…

            “Kay-gandang lalaki!” ang pabulong na nawika ni Rodora. “Kasinggulang marahil siya ni Carding. Ngunit tila malungkot ang kanyang mga mata.”

            Siyang paglabas noon ni Carding at naputol ang pagmumuni-muni ng mahal na inang hindi nakakakilala sa kanyang panganay na bunso.

            “Aba… Nanding, anong hangin ang nagtaboy sa iyo upang dalawin ako?” ang salubong ni Carding sa hindi nakikilalang kapatid.

            Isang panakaw na sulyap muna ang itinapon ni Nanding sa babaing papasok na noon sa bulwagan, bago matamang pinagmasdan ang kaharap na hindi nakikilalang kapatid na bunso.

            “Ano, bakit hindi ka magsalita?” ang narinig na namang tanong sa labi ni Carding. “May kunsiyerto kami ng poker ngayon, sabihin mo agad at baka mahuli ako sa tipanan.”

            “Namatay ang aking ama,” ang madalang na nabigkas ni Nanding, “nagsadya ako sa iyo upang humingi ng tulong.”

            “Tulong?”

            “Oo, munting tulong lamang na babayaran ko rin naman,” ang agarang pakli ni Nanding.

            “Dinaramdam ko,” ang sukli ni Carding sa hindi nakikilalang kapatid. “Hindi ako nagpapautang kung ganitong patungo ako sa sugalan.”

            Parang binagsakan ng langit si Nanding sa pagkapahiyang hindi niya inaasahan.

            “Saka…” ang dugtong pa ni Cardin. “Nalimot mo na bang ikaw ang mahigpit kong kaagaw sa karangalan sa klase? Kung hindi sa iyo’y dapat na nasa akin ang…”

            “Utang na loob, Carding…”

            “Hindi nauutang ang loob,” ang pahayag ng kapatid na bunso, “may maisasasanla ka ba sa iyong pangungutang?”

            “Oo,” ang agarang pakli ng kapatid na panganay, “ang aking karangalan at pangungusap.”

            “Ha-ha-ha-ha-ha!” ang malutong na halakhak ni Carding. “May kasabihang ganito: Iyang luha ng babae at sumpa ng manunugal ay hindi dapat na paniwalaan.”

            “Ngunit hindi ako manunugal, Carding,” ang nagmakaamo pa ring pahayag ni Nanding. “Ang pangungusap ko’y maitataga mo sa bato.”

            “Ganyang lahat kung mangako ang mga mangungutang,” ang saad ni Carding. “Nadala na ako sa maraming nanuba sa akin. Saka… upang ipagtapat ko ang katotohanan ay matagal na akong suya sa iyo. Sa lahat ng bagay ay ikaw ang kaagaw ko sa karangalan—maging sa mga aklat at sa palakasan.”

(Itutuloy)