Ni Jobert M. Pacnis
MAAGA na namang nagpatay ng ilaw. Gaya ng dati.
Magkatabi ang inuupahan naming unit dito sa ikalawang palapag ng isang napakalumang 3-storey building sa kahabaan ng P. Noval St. Nasa room 201 ako, katabi ng hagdanan pababa, samantalang room 202 siya. Magdadalawang buwan pa lamang siyang nangungupahan.
Madalas mag-aalas sais na ng hapon kung darating mulang pinanggalingan (na inisip kong sa trabaho). At wala pang alas singko ng umaga, nakaalis na naman.
Sa tantiya ko, nasa pagitan ng 30 at 40 ang edad. Semi-kalbo ang gupit. Hawig kay Ruru ng Black Rider. Tamang-tama ang pangangatawan. Mukhang mabait, sa pakiwari ko.
Isang hapon, sinadya kong magtambay sa harap ng aking silid. Plano kong kausapin siya. Makapalagayang-loob.
Hindi ako nainip sa paghihintay. Dumating siyang walang kangiti-ngiti. Binati ko siya at nginitian. Tinapunan lamang ako ng sulyap at tuloy-tuloy nang pumasok sa kanyang silid.
Sampung minuto ang aking pinalipas bago nagpasyang katukin siya. Ngunit di ako pinagbuksan. Nilakasan ko ang pagkatok. Wala pa rin.

Pinihit ko ang seradura ng pinto. Bukas. Iniawang ko ng kaunti saka sumilip sa loob. “Tao po!” sabi ko habang pinalalaki ang pagkakabukas ng pinto. Walang sumagot.
Narinig ko ang galawan sa may bandang kusina. Nagtungo ako roon.
Abala siya sa paghahanda ng makakain. Walang bakas ng pagkabigla sa kanyang mukha pagkakita sa akin.
“Upo ka,” matipid na sabi sabay turo ng upuan sa tabi ng lamesa.
Tumalima ako na nanatiling nakatitig sa kanya.
“Pasensiya ka na,” siya pa ang humingi ng paumanhin. Lumamlam ang mga mata.
Mula sa bag na nakasabit sa gilid, kinuha niya ang isang lumang pahayagan. Iniabot sa akin.
Tumambad ang balita hinggil sa isang pagsabog at sunog sa isang probinsiya sa Norte. Mga tatlong taon na ang nakararaan.
“Ako ‘yang isinakay sa stretcher,” ang sabi sabay turo sa diyaryo. “Patay ang aking mag-ina. Nakaligtas ako ngunit nawala ang aking pandinig. Iniwan ko ang aming lugar para takasan ang bangungot ng kahapon. Pumapasok ako bilang construction worker. Salamat sa paglapit.” May munting ngiting namutawi sa kanyang mga labi.









