“Nasa'n ka?” Iritable ang tono na bungad ni Ate.

Ni Mellodine A. Antonio

PAGSAMPA pa lang, halatang bad mood na si Ate.

Siksikan sa loob ng jeep. Iyon kasing waluhan, ginawang sampuan. Kaya para kaming sardinas na ultimo sarsa, di umubrang isama.

Umusod ako nang kaunti pero dahil mabigat ang bagsak ng may kalaparan niyang balakang, naipit ang balat ko sa hita kaya napaigtad ako sa sakit.

Napaigik ako nang impit.

Nilingon niya ako.

Sorry,” mahinang sabi na sinagot ko ng nakauunawang tango.

Ilang usod pa ng balakang niya sa kaliwa’t kanan para makaupo siya nang maayos bago niya inilabas ang cellphone mula sa maliit na itim na bag na kipkip niya.

May kasamang buntonghininga ang mabilis na pagpindot-pindot niya habang nakasimangot.

Panay ang piksi nang tila di maka-connect nang maayos.

Ilang ulit niyang nasiko ang tagiliran ko.

Ilang beses na gusto kong magreklamo sa paulit-ulit na pagtama ng siko at braso niya.

Kita ko ang may lumabas na mukha sa screen ng cellphone niya.

Lalaki.

Pogi.

Matikas.

Uy! May pa-video call si Ate.

Unti-unting lumipad ang antok ko.

Plano ko pa namang itulog ang pagod at puyat ko sa mahabang biyahe mula Pililla hanggang Antipolo.

Nagpupunas ng bibig iyong lalaking nasa screen. Tila katatapos lang kumain.

“Nasa’n ka?” Iritable ang tono na bungad ni Ate.

Walang hello, bira agad ng tanong.

“Dito. Init nga, e! Kumain ka na?” kaswal na sagot ng lalaki. Hindi nito sinagot nang direkta ang tanong ni Ate. Binanatan din nito ng tanong.

Dinig naming lahat ang usapan nila. Lalo na ako na katabing-katabi ni Ate. Kulang na lang magkapalit kami ng mukha sa sobrang lapit dahil siksikan kami.

Iyong telepono niya, ayaw ko mang tingnan, di puwede. Halos nakaduldol iyon sa akin. Kapag tumagilid ako ng upo para iwasang makita iyon, malalaglag ako o iyong mga dala ko. Maaasar din sa akin ang senior na aleng katabi ko. Baka akalain pang magpapa-picture ako kaya ako nag-side view.

Malakas ang tinig ni Ate.

Iyong lakas na akala mo nasa bahay lang nila at walang ibang nakakakita o nakaririnig sa kaniya. Iyong tinig na walang pakialam kung nakaaabala na siya ng iba. Naigpawan kasi niya ang tugtog sa radyo ng driver.

Pati ang volume ng speaker ng cellphone niya malakas at malinaw din kaya iyong sagot ng kausap niya, dinig na dinig din.

“Oo!” mas iritable na ang tono nito. “Nasa’n ka?” ulit na tanong nito.

“Hindi masarap ‘yong menudo rito. Matabang. Wala pang pasas,” malayong sagot ng kausap. “Mamantika pa. Delikado sa tiyan.”

Awang-awa na ako sa hita ko.

Pupusta kong namumula na ito sa kapipiksi ni Ate na ang bahaging iyon ng katawan ko ang nadadale.

Kung posporo ito, hindi lang ito basta sumindi, nagliyab na ito!

Gusto ko sanang magreklamo kaso parang nasa fighting mood siya.

Piso mananalo ng isandaan, dadamputin akong gumugulong sa kalsada kapag inangasan ko siya. Sa laki ng bulas niya at sa kung anumang pinagdadaanan niya, malamang sa malamang wala siyang baong pasensiya. Kaya tiis na lang muna ang drama ko. Mas mainam na magtiis kaysa matiris.

“Nasa’n ka nga?” May palatak na kasama ang tono niyang nagbabadya na ng giyera. Kung kaharap niya iyong lalaki, palagay ko may kasamang pag-igkas ng kamay ang tanong niya. Nakakuyom na kasi. Kita kong malaki ang kamao niya.

“Kumain ka, ha? ‘Wag ka papagutom,” malayo sa tanong na sabi ng lalaki. May lambing ang utos-paalala nito kay Ate. “May payong ka bang dala? Mainit! Huwag kang magbilad sa araw. Magpayong ka.” Suwabeng-suwabe ang bitaw nito.

Lihim akong napangiti.

Iyong lalaki, bohemyong-bohemyo ang itsura.

May bigote pa.

Iyong tipo ng lalaking di papatol sa babaeng naghuhurumentado lalo’t alam na alam niyang siya ang may atraso.

Iyong tipong ang sagot sa babaeng kumukuda sa yamot sa kaniya, yakap at pupog ng halik. Iyong kapag umigkas ang kamay ng babaeng galit sa kaniya, sasaluhin niya para halikan iyon o iyakap sa kaniya nang mahigpit.

Lalo akong napangiti nang marinig ko ang sagot ni Ate.

“Meron. May dala ‘kong payong,” mabilis na numipis ang tinig. “Init nga, e. Pawis na nga ako dito sa jeep. Sobra!”

Good!” Nakangiti ang lalaki sa screen. “Iyong asawa ng kasama ko, na-heat stroke. Patay,” balita nito.

“Babae? Hala! Kawawa naman!” Nanlaki pa ang mga mata ni Ate sa pagkabigla.

“Oo. Ang liliit pa ng mga anak. Grade five lang ata ‘yong panganay. Iyong bunso, dumedede pa yata sa kaniya,” dagdag nito.

“Naku! Kawawa nga! Ang babatang naulila.” Nagpahid ito ng panyo sa pawisang noo. “Mag-iingat ka rin, ha. Huwag ka parati sa galaan. Iyang likod mo, parati mong sasapinan para di ka natutuyuan ng pawis. Uso pneumonia ngayon,” malambing at may pag-aalalang sagot ni Ate.

Tumatango ang ka-video niya. “Oo nga. Kaya dapat talaga iwas init. Iwas init din ng ulo. Iwas HB. Parating may tubig na inumin,” may mahinang tawang kasama ang bitaw nito.

Umingos si Ate pero nakangiti.

Dama kong nabawasan ng 90% ang bugnot ni Ate.

Parang wala na siyang balak maghurumentado.

Marami pa silang napag-usapan tungkol sa maraming kung ano-ano at marami ring kung sino-sino.

Tumatawa na sa mga hirit ng lalaki si Ate.

Panay na rin ang ipit ng buhok niya sa likod ng tenga habang nakangiti.

Malikot na rin siya kapipiksi.

“Iyon nga palang pantalon kong nakasampay, pakiplantsa mo pag-uwi mo. May lakad kami ni Boss bukas. Maaga ang alis pero baka overnight ‘yon,” sabi ng lalaki.

“Iyong maong lang ba? Ano ang iteterno mo ro’n?”

“Kahit iyong t-shirt na puti lang. Pero ihanda mo rin iyong shorts at sando ko. Baka raw kasi mag-out of town. Beach siguro.”

“Sino-sino kasama n’yo?”

“Kami lang ni Boss. Hindi ko lang alam kung may dadaanan pa.”

“Baka mamaya, kung sino-sino kasama mo, ha?”

Nakaamoy ako ng selos sa tanong ni Ate.

“Ayan ka na naman, e,” matigas na agaw ng lalaki sa mga sasabihin pa sana ni Ate. “Kaya minsan tinatamad na ‘kong umuwi, e. Puro ka na lang ganiyan.”

“Hindi naman. Ano lang….” mahinahong salag ni Ate. “Gusto ko lang naman malaman.”

“Ang ayos-ayos ng usapan, babanatan mo ng ganiyan. Para kang tanga minsan, e,” yamot na sabi nito.

“Ikaw naman. Nag-aalala lang naman ako sa ‘yo, e,” mahinahong-mahinahon na sabi ni Ate.

“O, sige na. Sige na. Baka kung saan pa ‘to mauwi.”

Siguro higit beinte minuto ang video call nila hanggang sa nagba-bye iyong lalaki kay Ate.

“O, siya. Tapos na’ng break ko. Balik na ‘ko. Ingat ka sa biyahe mo.”

Si Ate, halatang ayaw pang putulin ang pag-uusap nila.

“Teka! Teka lang!” sabi nito pero nagdilim ang screen.

“Teka! Teka! Nasa’n ka nga ba?” habol na tanong ni Ate.

Dinutdot-dutdot ang cellphone.

Kaso, wala na siyang kausap.

Sarili na lang niya.

Putol na ang linya.

Napalingon siya sa akin.

Kita ko na ulit ang itsura niya. Balik problemado. Parang gusto uling maghurumentado. Iritable na ulit. Salubong ang mga kilay at kunot ang noo.

“Nasa’n kaya ‘to?” Tila sarili ang kausap. Alanganin iyong bulong dahil sapat ang lakas para marinig ko.

Panay na ulit ang balya ng siko niya’t braso sa bilbil ko.

Dama ko na naman ang pagkiskis ng suot niyang pantalon sa balat ng hita ko.

Dinig ko ang hugot niya ng hangin mula sa baga.

“Nasa’n kaya –?”

“Nasa puso mo!” mahinang hirit ko na pumutol sa tanong niya. May kasama iyong tipid na ngiti para sa kaniya.

Ayiiieee!

Kinilig si Ate.

Kumislap ang mga mata.

Nag-relax ang balikat na kanina pa matigas at mataas.

Mukhang napanatag.

Parang napalis ang bagabag.

Siguro naman wala na silang part two sa video call nila na kulang kalahating oras kong napakinggan, gustuhin ko man o ayawan.

Gusto ko sana kasing umagaw ng tulog bago pa siya sumakay.

Pagoda ako sa biyahe sa lalawigan ng Rizal. Hagardo Verzosa na ang itsura sa haba ng biyahe at bigat ng traffic.

Madaling-araw ako nagising para gumayak at makabiyahe nang di tatanghalian. Gulanit ako sa paghihintay ng masasakyan dahil agawan. Gulapay sa pakikipagsiksikan kaya sabi ko, tulog sa biyahe ang katapat nito para makabawi ako. Kaso, nag-moment si Ate sa lalaking may pagkakamote.

Iwas na iwas sa pagsagot sa tanong ni Ate kung nasaan siya.

Nang makahanap ng butas para mayamot kunwari kay Ate, hayun, umariba.

Ang siste, si Ate pa ngayon ang nanuyo.

Nagbaba ng tono.

Kumambiyo.

Naku! Kung di ko lang gustong matigil na sa pagkiskis ang pantalon niya sa hita kong pulang-pula na at pagsiko sa bilbil kong kanina pa gustong umalma, gagatungan ko sana siya, e.

Sasabihin kong: “Te, di mo ba napansing di niya sinasagot ang tanong mo kanina pa? Di ba halatang, umeechos lang siya ng pambobola sa pagsasabing magpayong ka, ha, huwag kang magpapainit, uminom ka ng tubig at kung ano-ano pang hirit ng mga hustler sa kabalbalan? Huwag mong ipagplantsa ng maong. Huwag mong ipaghanda ng mga damit na babaunin. Naku! Baka may ibang kasama ‘yang mag-out of town, hindi ang boss niya.”

Kaso, pagod ko.

Pagod ako sa biyahe.

Pero mas napagod ako sa narinig ko sa kanilang dalawa.

Para silang mga lumang tauhan sa panis na kuwento nang malapot na paglalambingan.

Lalaking macho gigolo na tila ba biyaya sa kababaihan ng sangkatauhan. Hindi kuntento sa isa lang. Buo ang dama sa pagkalalaki kapag may umiiyak na babae dahil sa paghahangad na maging kaniya at maangkin siya. Nakadarama naman ng kakulangan kapag stick to one. Bored sa pagiging faithful at loyal.

At isang babaeng ang kaligayahan at disposisyon sa buhay, nakasalalay sa atensiyong ipaaamot sa kaniya ng lalaking hari ang turing niya kahit isa-lang-sa-mga ang trato sa kaniya.

Kaya, itutuloy ko na lang ang plano ko.

Puwede pa naman siguro.

Malayo-layo pa naman ang bababaan ko.

Sa tantiya ko sa haba ng traffic na ito, malamang sa malamang, isang oras pa bago ako pumara.

Iginala ko ang mga mata sa labas ng sasakyan para matiyak kung nasaan ako, sakaling may mag-video call din sa akin at tanungin ako kung nasaan ako, bago ako tuluyang pumikit para umamot ng kaunting idlip.