Ni BENJAMIN V. CONDINO
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Enero 9, 1950)
Di ko na mabakas ang daloy ng awit,
tigang na ang buhay
Na sa aki’y dating matulaing batis
Ikaw ang sonata na inihihimig,
kaya’t nang mawalay,
Nagluksa ang agos, napaos ang tinig
Subalit bayaang sa pangangahapo’y
umantak ang sugat
Ng pusong kuyumos ng mga linggatong;
Luha ko rin naman ang luhang dadaloy,
mainit na patak
Sa pisnging malamig ng aking kabaong.
Kumampay kang muli sa panunugatog,
huwag nang pansinin
Ang ulilang daing ng pusong nadurog;
Ililibing kita sa hukay ng limot,
lamang ay kapiling
Din akong, sa hukay ay muling iirog…!









