KAUNTING HABAG…

Sa pagkahabag ni Mang Daniel kay Pilar ay ibinalik niya si Julie sa iniwang tahanan.

Ni DR. VICTOR S. FERNANDEZ

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 14, 1949)

LUMULUHA. Naghihinagpis at naninimdim…

            Ganyan ang ayos ni Pilar nang siya’y datnan ng kanyang ina, isang gabing makaisip dumalaw si Aling Amalia sa anak at apo. Dahil sa malungkot na anyo ng anak, na waring nakamatayan, ang inang sabik na sabik sa apo’t anak na may ilang buwan nang hindi nakikita, ay halos pagagap na lumapit at niyakap si Pilar, kasunod ang pagtatanong na:

            “Bakit, anak ko? Ano ang nangyari sa inyo at ganyan ang ayos mo? Nasaan ang iyong asawa?”

            Ang sunud-sunod na tanong ng matanda ay hindi agad tinugon ng anak, at sa halip ay yumakap din sa bagong dating, saka lumuha. Ilang sandali pa ay nakaya rin ni Pilar ang pagbabalita sa kanyang inang nagtatanong.

“Huwag na ninyo siyang hanapin,” ang pagtatapat ni Pilar, na ang tinutukoy ay ang asawa niyang si Julio. “Matagal na siyang naglalagalag, kaya’t kaming mag-ina ay nabubuhay lamang sa awa ng mga kapitbahay at ng ilang kaibigang tumutulong. Ang pagtanggap ko ng mga labahin ay hindi nakasasapat sa aming mga kailangan, kaya’t gipit na gipit ang aming kalagayan…”

            “Gayun pala, ay bakit hindi kayo umuwi sa bahay noon pa, di sana’y hindi na ninyo inabot ang malaking paghihikahos? Akalain mong pati ng iyong anak ay pinapagtitiis mo ng gutom… Hala, magbalot ka at ngayon di’y iuuwi ko kayo sa bahay. Naku, ang batang ito! Kung malalaman iyan ng iyong ama, ay walang salang babakasin ang pinagdaanan ng iyong asawa upang singilin sa kanyang ginawang pagpapabaya…”

            Kahi’t labang-laban sa kalooban ni Pilar ang gayong gagawin, dahil sa mapilit na amuki ng ina ay sumang-ayon na rin. Ang balak niya’y pansamantala lamang na sila’y maninirahan doon, at pagkaraan ng ilang araw ay magdadahilan na ng kanyang maiisipang paraan upang magbalik sa bahay na pinag-iwanan sa kanya ni Julio.

            Datapwa, sa habag ni Aling Amalia sa anak at apo, ang inililihim na pangyayari ay muling binuksan at ipinagtapat kay Mang Daniel. Ang matandang lalaki ay halos nabigla sa pagkakasigaw nang malakas, nang mabatid ang inasal ng kanyang manugang. At sa pagpapakilala ng pagmamahal sa anak at apo, ay nanaog noon din at lumakad nang walang tiyak na patutunguhan.

            Alam na alam ni Mang Daniel ang ugali ng kanyang manugang, pagka’t nabibilang sa pangkat ng mga mapaglimayon at mapag-aksaya ng mga oras sa iba’t ibang paraanan ng mga sandali. Dahil siya’y nagbakasakaling matagpuan si Julio sa dalawang tanyag na Klub na panggabi na laging matao. Sa kabutihang palad, ang nag-uusig na matanda ay nakakalap din ng balitang kailangan, at sa pamamagitan ng isang dating kalagu-laguyo ng manugang na naghahampas-lupa, na kakilala rin naman niya, ay naunawaang si Julio ay nagbubumabad sa mga pasugalan. Natuklasan na rin ng matanda ang pangyayaring… si Julio ay may kinahuhumalingang babaing lansangan, at ipinalagay ni Mang Daniel na di-sasalang ang nasabing babae ang pang-unang sanhi ng paglilimayon ng kanyang manugang.

            Si Julio ay isang anak na pinalaki sa layaw ng mga magulang na nakariwasa. Dahil diya’y naging mahilig sa paglustay ng salapi at paghahampas-bato, alalaong baga’y sa pakikilaguyo sa mga kaibigang nagsisipanakali lamang sa mga Klub na pasugalan at sa pagkabit-kabit sa mga kaibigang masasalapi. Ang hilig at ugaling iya’y hindi kaila kay Mang Daniel, kaya’t sa pasimula ay sinalungat niya’t tinututulan ang pakikipag-isang palad ni Pilar sa ganyang uri ng lalaki. Subali’t ang inang si Aling Amalia ay siyang nagpasya, sa pakikiusap ng anak; kaya’t ang napatayong na pag-iisang-dibdib ay natuloy rin sa wakas.

            Nang mamatay naman ang ina ni Julio, na siyang may katutubong kayamanan na minanang mga anak na naulila, ang palaging hikahos na mag-anak na Julio ay muling nakatighaw sa kabuhayan, sapagka’t nagkahati-hati na ang magkakapatid sa malaking kayamanang naiwan ng namatay. Ang ama ni Julio ay wala namang hinarap mula noon kundi ang kinamihasnan ding pakikisama sa iba’t ibang kasuyo, at ang mga anak na para-para na ring may-asawa ay hindi na pinakialaman.

Ang bahagi ng kayamanang minana ni Julio ay natutog na unti-unti, dahil sa pagkakagumon sa sugal at pambabae. Kaya, ang mag-ina niyang sana’y dapat na napaanyo at nagtatamasa ng kasaganaan, ay lubusang napabayaan at nawalan ng tangkilik. At iyan ang sanhi kung bakit nang kalauna’y nagdanas din ng matinding kagipitan sa pamumuhay ang mag-ina, lalo na nang tuluyang pabayaan sila ni Julio at mahumaling ito sa baylarinang kinakasama…

            Sa pagtuntong ginawa ni Mang Daniel sa manugang na di-sumisipot ay natagpuan din ito sa wakas sa isang pasugalang pinagpasumalahang dalawin ng matanda. Inabot pa ng biyenan na si Julio ay tuwang-tuwa sa pananaya sa apat na kaharian, sapagka’t sa harap niya’y nakabunton ang salaping pinananalunan nang gabing yaon. Kaya, nang bulungan ni Mang Daniel ang manugang na natagpuan, karakaraka’y nagtindig, hinamig ang kanyang panalunan at pagkatapos maisilid sa apat na lukbutan ng pantalon at amerikana, ay sumamang nanaog sa biyenan upang magpaliwanag sa inaasahan na niyang pagsisiya at tungkol sa pagkakahiwalay nilang mag-asawa.

            Nang nakasakay na ang magbiyenan sa isang taksi at iutos ng matanda sa tsuper na sila’y ihatid sa bahay na walang tao, ang unang naging hinuha ni Julio ay pagpapayuhan lamang siyang uwiin na ang mag-inang walang kasama. Datapwa, nang mapanhik sila ng bahay at matuklasang wala na roon ang kanyang mag-ina, at tanging silang magbiyenan lamang ang tao sa kabahayang kinalalagyan, ay saka lamang ginising ng pangamba ang kalooban ni Julio.

            Kilalang-kilala ng manugang ang ugali ng kanyang biyenan. Noon pa mang siya’y nanliligaw kay Pilar ay nagpakilala na ito sa kanya ng karahasan ng ugali at kainitan ng ulo. At hindi rin kaila kay Julio ang iba’t ibang pangyayaring kinasuungan ng matanda na muntik nang ikinaputing minsan ng buhay nito dahil sa pakikipagsukatan ng lakas. Dahil diya’y nalagay sa alanganing katayuan si Julio; at nagkahinala pang siya’y doon dinala ni Mang Daniel upang pamiliin sa dalawang bagay: o tangkilikin niyang muli ang mag-inang Pilar, o sila’y magtapos sa masamang salitaan sa oras na yaon.

            Subali’t si Mang Daniel ay may malaki nang ipinagbago. Hindi na siya ang dating Daniel na marahas magsasalita at hindi mahapayang-gatang ng kapuwa-lalaki: manapa’y siya ang bagon “Daniel” na lubhang mahinahon at mapagpaumanhin. Kaya, nang mangusap ang biyenan at daanin lamang sa pangaral ang manugang na napapaligaw ng landas na tinutungo, ay napataka nang gayon na lamang si Julio. At sa paninibago sa ugali ng matanda ay naging mapangahas sa pagsasalita ng hindi dapat, at sa pagdadahilan ng kung anu-anong kasinungalingan.

            “Huwag ninyo akong sisihin!” ang pahayag pa ni Julio sa matanda. “Nakipagsapalaran ako sa mga pasugalan, sa paghahangad na ang nalustay kong kayamanan ay mapabalik. Nguni’t sadyang ako’y binigo ng kapalaran, at sa halip makaahon sa kinasadlakang bisyo ay lalong napabaon. Nang wala na akong madurukot na kayamanan, si Pilar ay aking pinagpayuhang umuwi na muna sa inyo. Nguni’t siya’y nagmatigas, at sa halip pahinuhod sa mabuti kong payo, ay parang ipinagmalaki pa ang umano’y kaya niyang paghahanapbuhay. Sa gayo’y ginawa ko ang aking pagbubuhay-lagalag at sa pakikipagsapalaran sa mga pasugalan. Kung nagkakapalad ay umuuwi ako ng bahay; nguni’t kung walang mangyari ay hindi ako sumisipot. Sa ganyan po ako nabuhay: at sa awa ng mga kasama ay nakaraos din sa araw-araw. Nguni’t ang dahilan kung bakit ko sila hindi na sinisipot ay ang malabis na kahihiyang inaabot ko sa mga kapitbahay na umano’y siya lamang daw nagkakawanggawa sa aking mag-ina…”

            “Huwag kang mawalan ng pag-asa, Julio,” ang paalala ni Mang Daniel sa manugang. “Ang kahapon mo’y nakalipas na, at yao’y hindi na muling magbabalik. Itaas mo ang iyang paningin sa kalawakan ng himpapawid upang maunawaang napakalaki ng sandaigdig… Ang kalawakang itinuturo ko sa iyo ay siyang gigising sa iyong kalooban upang matutuhan mong magbagumbuhay. Sapagka’t ang kalawakang iya’y walang inihuhudyat kundi ang kalakban ng sandaigdig. Ang ibig sabihi’y may ibang pook, bayan, o lupang naghihintay ng masisipag na bisig; at ikaw’y isa na sa karamihan. Kailangang itanaw mo ang iyong paningin sa malayo, upang sa gayo’y magising ka sa kahimbingan ng iyong pagpapabaya. Kailangan ding magkaroon ka ng kaunting habag… ng kahit kapatak na awa… sa iyong mag-ina. Sapagka’t ang pagbuhay sa kanila ay tinanggap mong sagutin sa harap ng kapisanan ng mga tao at sa mata ng Diyos. Huwag ka ngang mawalan ng pag-asa! Magbagumbuhay ka… at magsimulang panibago, alang-alang sa iyong anak. Hindi pa huli sa panahon!… Ikaw’y bata pa rin. Malakas pa ang iyong katawan, matitipuno ang iyong mga bisog, maliwanag at matalino ang iyong pag-iisip, at higit sa lahat ay may puso kang marunong magdamdam at pagmumukhang marunong mahiya. Sa isang salita’y isa kang lalaki… At ang tunay na lalaki ay hindi nakakikilala ng panganib, hindi natatakot maging sa kamatayan man, bagkus lakas-loob na manindigan sa isang magandang simulain, tungo sa kanyang pagtatagumpay…”

            Ang mga pangungusap ni Mang Daniel ay gumising sa kilabot ni Julio at nagpatindig sa kanyang mga balahibo. Buong-buo niyang isinaloob ang magagandang payong narinig sa matanda. Kaya’t para siyang nagising buhat sa isang mahimbing na pagtulog. Kaya, nang mapunang siya’y lilisaning nag-iisa ng biyenang naglahad ng magandang paliwanag at panuntunan sa buhay, kapagkaraka’y tumindig at pasugod na sinundan ang matandang umalis nang walang paalam, hanggang sa abutan sa may paglabas na ng lansangan.

            “Hintayin ninyo ako, tatay…” ang pahabol na wika. “Ako’y sasama upang makita ko ang aking mag-ina!”

            At sa buong kasiyahang loob ay ipinagsama na rin ni Mang Daniel ang kanyang manugang. Gayun na lamang ang tuwa ni Pilar at ni Aling Amalia nang mamataang kasama na ng matanda ang naglagalag na lalaki… na pagkapanhik ng bahay ay isa-isang dinukot ang mga lukbutang puno ng mga salaping papel na huling panalunan sa pakikipagsapalaran. Mula noo’y nagbagumbuhay na si Julio. Nayag siyang maging tagapangasiwa ng ilang lagay na lupang palayan ni Mang Daniel sa lalawigan. At sa gayong tungkuling dapat pangatawan, napilitang manirahan na sa kabukiran, na kasama’t kabahay ang kanyang mag-inang nagpalimos pa ng kaunting habag upang siya lamang ay magbagumbuhay.

(Wakas)