Ni Noji Bajet
(Unang Bahagi)
PABANGO niya ang halimuyak ng bulaklak sa kanilang tindahan sa abenida. Naisasahimpapawid ba naman ang sangsang ng kalapit nitong fish port at ng bantot ng wet market na nanggigipalpal sa lusak. Maski papaano, dama niyang may kariktan pa ring matutuklasan sa dakong iyon.
Tulad ng nakagawian, kinuha niya ang Japan Decor at bago magtungo sa pitak para sa pag-aayos ng mga bulaklak, namalas niya ang lalaki sa pabalat. De-kuwatro ang upo sa puting sopa na kay lambot kung titigan. Disenyo ng isang Kenneth Cobonpue, taga-Cebu. May tanawing biglang sumagi sa kaniyang isipan: ang luntiang kadawagan na kinatirikan ng kanilang kumbol nang nabubuhay pa ang ama. May mga sampagita, ilang-ilang, morning glory at mansanilya sa paligid. Ang mga kumot at kobre-kama ay nakikipagharutan sa preskong hangin. Sumisiyap ang mga ibon habang pinatutuyo ang labada sa sampayang nakatali sa puno ng kakawete. Kay lambot ng mga tela kung hawakan bago tupiin at ibalik sa otel sa bayan.
Hinaplos niya ang pabalat. Sa tigas ng bangko sa kaniyang puwesto, mas lalo pang lumambot ang upuan sa papel.
“Sa’n mo nakukuha ‘tong Decor?” tanong niya sa mangangariton, ang tagasuplay ng mga kabalyeteng patungan ng mga bulaklak. Kanina pa siya nito binabantayan habang hawak ang magasin.
“Sa may basurahan ng Unit 58 ni Ma’am Hana. Lahat ng Hapong nakatira do’n sa tenement, puro’t halo. ‘Me mga negosyo rito,” listong tugon ng babae.
“Siya nga? Gusto ko ‘tong Decor.”
“E, kita naman sa ayos mo.”
Napangisi siya bago bumaling sa kaaayos na korona ng kamamatay na kaalyado ng isang mayora. Maingat itong binuhat ng deliveryman palabas. Pati ito, namangha sa pagkakaayos niya ng mga mimosa, dama de noche, amorseko, birds of paradise at baby’s breath. Bulaklak man para sa kamatayan, may bahid pa rin ng sining.
Para sa kaniya, mas nangingibabaw pa rin ang puna ni Ma’am Hana.
Aligaga ang kuwarenta anyos nilang amo sa mga order at suplay ngunit hindi naman nag-aabalang purihin ang mga trabahante. Walang “good job.” Walang “keep up the good work.” Walang “thank you.” Basta naaabot lang nila ang kota sa araw-araw na delivery at sa mga tinatanggap na order, wala nang dapat pang sabihin.
Sino ba ang pinakamatagal sa mga trabahante? Bente tres anyos siya nang mapabilang sa unang pangkat ng mga floristang nagsilbi sa baguhan pa noong negosyante halos pitong taon na ang nakalilipas. Lahat silang florista, mga lalaki buhat sa kanayunan. May isang natanggap matapos mamasukan bilang houseboy sana ni Ma’am Hana. May galing sa bundok na maalam sa mga bulaklak, pati iyong ligaw. Ang pinakabata ay nagsanay ng flower arrangement sa TESDA habang ang pinakamatanda naman ay kamarero sa simbahan na nagmimintina ng altar.
Sabi ni Ma’am Hana noon, magaan ang kamay ng mga lalaki, tulad kung paano nila asikasuhin ang mahaba nitong buhok sa parlor. Ang buhok ay tulad din daw kasi ng mga bulaklak.
Mabusisi sila sa kanilang mga ayos ngunit tikom ang bibig ng amo. Marahil, negosyante lang. O ‘di na dapat sambitin na maganda ang kanilang gawa dahil sanay na ito sa kariktan? O ‘di kaya ganoon talaga ang isang Haponesa? May malaking pagpapahalaga sa katahimikan?
Hindi pa rin natinag ang mangangariton sa kasusulyap sa kaniya. Saglit na nagpingkian ang kanilang mga titig bago ito kumalas.
“Sige, alis na ‘ko.”
Hindi siya tumugon na tila ba sa loob-loob, nakikipagdigmaan kay Ma’am Hana na noo’y papalapit sa kanila. Walang imik na iniabot sa mangangariton ang bayad sa mga kabalyeteng pulido ang pagkakagawa—ito ma’y nararapat ding handugan ng puna.
PAGKAPANANGHALIAN sa kalapit na pondahan, napasindi siya ng sigarilyo. Nikotina ang kaniyang panghimagas. Pilit na nilasahan ng dila ang hinalong tamis sa tabako. Gusto sana niya ang totoong matamis. Matcha chiffon cake, strawberry shortcake, tiramisu, crème brûlée at coffee jelly. Iyong mga pinaglawayan niya sa isang artikulong pangkulinarya sa Decor.
Dumura siya sa bangketa. Nagpatuloy ang pag-angat ng mga usok hanggang sa mawarak ang kaniyang pagmumuni-muni ng pagbusina ng SUV. Pumarada ito sa tapat ng kanilang tindahan. Hangos na lumabas si Ma’am Hana upang salubungin ang mayora, kinakaladkad ang korona ng patay para rito. Hagip ng kaniyang tainga ang reklamo. “Hindi memorial service! First anniversary sa public service!”
Napaigtad siya sa kinauupan. Memorial service. Public service. Sa dami ng inayos na korona ng patay para sa mga service, siya’y nalingat.
Nangatog ang mga paa niya pagkatayo. Dinikdik ng sapatos ang umuusok na upos ngunit bago pa man makabalik sa tindahan, humarurot na ang sasakyan. Naiwan ang mga mimosa, dama de noche, amorseko, birds of paradise at baby’s breath katulad ng ampon na hindi tinanggap ng bago sana nilang magulang.
Dama niya ang angil—o suklam—ni Ma’am Hana. Sansaglit siyang sinulyapan nito bago nagbalik sa silid nitong sandamakmak ng mga resibo’t imbentaryo. Tuloy, walang kaabog-abog siyang nasok sa loob. “Pasensiya na po, Ma’am. Pasensiya po.”
Iyon ang unang pagkakamali niya sa tagal ng pagtatrabaho bilang florista. Nanunuot ang panghihinayang niya sa pagkabigong kalugdan ng kliyente ang order. At sa isang mahalagang kliyente pa. Tumango lang ang kaniyang amo at ngumuso, pahiwatig na lubayan siya’t balikan na ang mga bulaklak.
Bagsak ang mga balikat niya nang isara ang pintuan. Dinala niya ang korona ng patay sa workshop, gigil na kinalas isa-isa ang mga tangkay ng mimosa, dama de noche, amorseko, birds of paradise at baby’s breath sa kabalyete. Pinagtitinginan siya ng ibang mga florista. Palihim na pinagtatawanan ang huwarang trabahante kaya naman sa inis, ibinalibag niya ang kahoy na kalansay.
Nang humupa ang alimpuyo ng damdamin, nakita niyang nakaumang ang pintuan sa silid ng amo. Taimtim na nakatitig sa kaniya ang Haponesa.
Iyon ang unang pagkakamali niya sa tagal ng pagtatrabaho bilang florista. Nanunuot ang panghihinayang niya sa pagkabigong kalugdan ng kliyente ang order. At sa isang mahalagang kliyente pa.
PUMATAK sa araw ng Linggo ang kinsenas kung kailan maaga silang nagsasara ng tindahan pagkasahod. Minata siya ng mga katrabahong nasisiyahan sa kaniyang unang rekord ng kamalasan. Ang siste kasi, may malaking kaltas sa payslip ang mga pagkakamali nila sa order, ngunit hindi niya ipinahalata ang tuwa.
Ang kaniya, buo pa rin. Ni sentimo walang kaltas.
Haka niya, hindi naapektuhan ang amo sa kahihiyang sinapit, bagaman ramdam niyang tila pampalubag-loob na lang ang pagpapalampas na ito sa ngalan ng ikapitong anibersaryo ng paninilbihan.
Mula sa kaniyang puwesto, habang isinasalin sa mga timbang may tubig ang kararating na freesia, santan, gumamela at jacaranda, nagtataka siya kung alam kaya ng amo ang anibersaryo ng pinakamatagal nitong trabahante.
Balani ang kaniyang amo noon pa man. Maliit lang ang impormasyon na alam niya tungkol dito ngunit nang lumaon, natutuhan na rin niyang mang-urirat sa aprentis nito. Kapansin-pansin ang lahing Hapon sa hitsura ng amo—maysapusa ang mga mata. Gayon din naman ang pangalan ng tindahan. Mihara Flowers. Simple at tumbok kung ano ang negosyo ngunit hindi niya mapigilang matawa. Lahat nga kasi ng nag-aayos ng mga bulaklak ay puro lalaki na tila ba sila ang mga “bulaklak” sa mapag-isang si Ma’am Hana. “Dalaga pa iyang si Hana Mihara,” pahagikhik pa na sabi ng aprentis.
Kung taglamig, lumilipad daw ito sa Japan, taun-taong binibisita ang pamilyadong ama na nakikipag-ugnayan pa rin kay Ma’am Hana kahit hiwalay na sa Pilipinang ina ng amo. Nasabi pa ng aprentis, kapital nito ang nagpatayo ng tindahan ni Ma’am Hana na mabilis naman nitong naisauli matapos lumago.
A, Japan! Nais niyang mandayuhan, madanas ang naiibang kultura, ang mga tanawin, ang mga bagay na nakikita niya sa Decor! Ang biyaheng cable car sa Bundok Unzen, ang mga templo sa Kyoto, ang mag-shopping sa Shibuya, ang tumira sa prefecture na sa linis ay pamamahayan ng mga isdang koi ang kanal, ang sentimental na pagkahulog ng mga talulot ng punong sakura upang makipag-unahan sa niyebeng bumabagsak sa Tokyo!
Masayang binibilang ng kaniyang mga katrabaho ang mga perang papel at butal na kusing.
“At kuntento na kayo sa ganiyan?” himutok niya sa loob-loob, awang-awa sa mga katrabahong hindi nangangarap, panay mga probinsiyanong hangad lang makarating sa lunsod.
Siya, nang matuklasan ang lunsod na kay rimarim pala, nag-iba ang gusto niya. Hindi siya mapakali. Hindi siya kuntento. Saksi ang magasin sa kaniyang sumpa sa hangin na mapupunta rin sa mas mainam na lupain.
Habang inilalatag ang mga freesia, santan, gumamela at jacaranda sa mesa, muli niyang pinagmasdan si Ma’am Hana sa silid nito. Kahit Linggo, abala pa rin ito sa pag-iimbentaryo kasama ang aprentis.
Nitong nakaraang araw, nalaman niya sa aprentis na balak na pala ni Ma’am Hana na pangasiwaan na nito ang tindahan dahil sa pagpirmi sa bansang pinagmulan ng kalahating dugong nananalaytay sa mga ugat nito—dugong gusto niyang pag-ibayuhin pa sana sa bisa ng kaniyang kapangyarihan.
Napabulsa siya ng pantalon.
Sansaglit lang ang lumipas nang mahuli na naman niyang nakatingin sa kaniya si Ma’am Hana. Hindi ito ngumiti. Hindi niya kailanman nakitang ngumiti ito dahil ganoon nga talaga. Kay suplada. Kay antipatika. Gayunpaman, sa puntong iyon, tila may kung anong pahiwatig na ang mapupungay nitong matang-pusa ay ngumingiti pala sa kaniya.

BISPERAS ng Valentine’s Day. Nagtanggal ng apron ang kasamang florista at nagpaalam na mauna na sa pag-uwi. Sa pagsara ng pintuan, binalingan niya ang orasang pendulum sa dingding. Naisalansan na nila ang mga order sa dalawang delivery truck sa garaheng de-aircon para sa pista ng mga bulaklak kinabukasan.
Nakaalis na rin ang aprentis ngunit may ilaw pa sa munting silid. Mag-isa lang siya sa workshop. Nadiin sa kaniyang diwa ang mga titig ng Haponesa kahapon. Sa kumpas ng pendulum, lumakas ang kabog ng kaniyang dibdib—gusto niyang siya ang unang gumalaw.
Sa sandaling iyon, naulinigan niya ang lagitik ng mga takong. Sumungaw si Ma’am Hana mula sa madilim na workshop. Sumenyas ito na sumunod siya rito. Nangiti siya sa pambihirang pagkakataon.
Sa may bodega sa silong ng tindahan, hinawi nito ang kurtinang plastik papasok sa isang kuwartong noon lamang niya nasumpungan. Napahalukipkip siya sa pagbagsak ng temperatura ng paligid, bagaman nag-ibayo ang ligamgam ng kalamnan. Tumambad ang isang malaking terrarium na naiilawan ng mga bombilya at tinutubigan ng mga tubo, hitik na hitik sa mga pulang bulaklak na nakita na niya sa Decor!
“Higanbana. Ipinuslit ko mula sa parke sa Saitama. Iba ang tingkad. Mas maganda ito kaysa sa orkidya, ano?”
“Siya nga po, pero hindi naman ito kasama sa suplay, Ma’am,” sambit niya nang ipasok ang kamay sa kuwadradong salamin upang masalat ang espesyal na bulaklak.
“Pinaparami ko. Alam mo bang unang pamumulaklak nila ngayon? Pumitas ka at ayusin mo sa plorera.”
Hipnotiko ang tinig ng amo na kaniyang buong galak na pinaunlakan.
(May Karugtong)









