Ni JOSEFINA B. ANTONIO
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 13, 1950)
SA loob ng isang linggong napilitan kong itigil sa bahay sanhi sa isang karamdamang bunga ng mga pagpupuyat at pagpapakalayaw ko, ay napansin kong ang aming lalabing-limang tauning si Herman ay parating nagkukulong sa kanyang silid at hindi na katulad ng dating hinahatinggabi sa paglilibot na kasama ng kanyang mga kapuwa binatilyo. Nang minsang sumilip ako sa puwang ng pinto ng kanyang silid upang alamin ang dahilan ng gayon niyang biglang pagbabago, ay nakita kong mayroon siyang sinusulat na inakala kong “homework” niya sa paaralan.
“Mukhang maagang nagkakaisip ang anak natin. Asikasung-asikaso ang pag-aaral,” wika ko kay Lina na aking maybahay, isang gabing kami’y magkausap.
“Kahimanawari. Ngunit, ang inaalaala ko’y may dinaramdam sa katawan ang batang iyan, ayaw lamang magsabi. Bakit nga lagi siyang matamlay at parang nag-iisip. Isang buwan nang siya’y ganyan,” may pagkabahalang pakli ni Lina.
“Hindi naman marahil. Kung may dinaramdam iyan ay maaari ba namang hindi sabihin sa atin. Alam mo na naman ang batang iyan, bahagya lamang sakit ng ulo’y abut-abot na ang halinghing na animo’y hindi na aabutin ng kinabukasan,” pangangatuwiran ko. “Ang sabihin mo’y baka natututo nang maningalang-pugad. Natatandaan ko na ganyan din ang gulang ko nang ako’y unang tibukan ng pag-ibig sa isa kong kamag-aral. Ang sulat kong iniipit sa aklat niya’y ibinigay sa aming guro at sabihin pa, katakut-tako na sermon ang natanggap ko. Masyadong nasaktan ang mura ko pang puso at isang buwan yata akong laging matamlay noon. Ganyan din marahil ang nangyayari ngayon kay Hernan. Maaaring dumanas na siya ng unang pagkabigo sa pag-ibig!
Sa mga pangungusap kong ito’y napansin kong biglang nangulimlim ang mukha ng aking maybahay at malungkot siyang napatingin sa akin.
“Hindi maaari…! Hindi siya maaaring matulad sa kanyang ama!” pamaya-maya’y narinig kong binigkas niya sa tinig na mariin at halatang-halata kong napopoot.
Naramdaman kong ang mga kamay ko’y nagpupumiglas upang siya’y maabot at salubungin ang hamon niyang yaon, datapuwat nang anyo ko na siyang lalapita’y bigla siyang tumindig at yumapos sa akin na sa mga mata’y nagsisimulang tumalon ang luha.
“Ramon, patawarin mo ako!” ang kanyang samo.
Ang tinig niyang kanina’y naghahamon, ngayo’y lipos ng pagmamakaawa na madaling pumayapa sa aking dibdib na nang mga sandaling yao’y tila dinidilaan ng apoy.
Upang kami’y kapuwa makalimot sa nangyaring iyon na kamuntik nang maglagablab sa isang katotohanang away, ay lumapit ako sa kinalalagyan ng radyo at:
“Lina, anong palatuntunan ang ibig mo?” ang tanong ko, habang pinipihit ang dial.
“Ang drama musikal,” tugon niyang pagbibigay sa akin.
Ilang sandali pa, ang malamig na tinig ng tagapagpakilala’y nabuhay sa aming pandinig.
“Iparirinig namin sa inyo ngayon ang ikatlo at huling yugto ng dulang KADAKILAANG WALANG KAPANTAY na sinulat ng isang batang may labing-limang taong gulang lamang na hanggang ngayo’y ayaw pakilala sa kanyang tunay na pangalan liban sa kanyang sagisag na ‘Batang Taring.’ Dakila baga o hangal ang isang pag-ibig na umaampon at nagtatakip sa isang pagkakasala? Ang kasagutan sa tanong na ito’y matatamo na ninyo sa gabing ito. Ngunit, bago tayo magpasimula ay sandali nating sariwain ang nakaraang una at ikalawang yugto ng kasaysayang ito, wika nga, at taglay ang isang pambihirang kagandahan. Mapalad nga at maligaya si Edita bago niya nakatagpo ang isang lalaking natutuhan niyang itangi sa iba pang mga lalaki—si Eduardo Moreno, na naglingkod sa isa nilang malaking tindahan sa Eskolta bilang kahero. Si Eduardo’y isang tunay na playboy sa tunay na kahulugan ng salitang ito, subalit ito’y naging sapat upang si Edita’y masiraan ng loob at matakot na umibig sa kanya. Hindi pa lubhang nagtatagal ang kanilang pag-iibiga’y natuklasan ng ama ni Edita na si Eduardo, dahil sa pamumuhay bohemiong kinahihiligan nito, ay nakalustay ng isang malaking halaga sa kaha, kaya’t dali-daling itiniwalag sa paglilingkod, lakip ang balang ipaghaharap ng kaukulang sakdal sa hukuman. Subalit, bago nadakip si Eduardo, ito’y nakatakas naglahong parang bula. Si Eduardo ay mahal kay Edita, datapuwat hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na maipagtapat sa kanyang ama ang pagkakaugnay nila ng lalaking ito. Diyan na nagsimula ang kalbaryo ni Edita. Simula nang mawala si Eduardo, ay naging ugali na niya ang pumanaog sa kanilang halamanan pagkatapos ng paghahapunan sa pagbabaka-sakaling maisipan nitong makipagkita sa kanya nang lihim. At isang gabi’y dumating na ang pagkakataong pinakahihintay niya. Dumating si Eduardo, subalit hindi na ang Eduardong umalis na makisig at lubhang kagalang-galang sa kanyang anyo. Ang Eduardong nagbalik ay isang tunay na salarin sa kanyang ayos: marungis ang kasuutan, mahaba ang buhok at malalim ang mga mata. Ngayo’y pakinggan natin sila sa kanilang pag-uusap sa halamanan:
EDUARDO: Edita, mahal ko, patawarin mo ako!
EDITA: Hindi ka sa akin nagkasala kundi sa aking ama. Nararapat na sa kanya ka humingi ng tawad.
EDUARDO: Ngunit ako’y kanyang ipagsasakdal kapag ako’y kanyang nakita!
EDITA: Nagkaroon ka ng lakas ng loob na gumawa ng pagkakasala, ay ano’t natakot ka ngayong magdusa?
EDUARDO: Nasaan ang iyong habag, Edita?
EDITA: Ibig mong ikaw ay aking kahabagan, samantalang sa aki’y hindi nahabag munti man! Wala kang puso, Eduardo! Sa isang kisapmata’y pinangulimlim mo ang aking daigdig!
EDUARDO: Inuulit kong mahabag ka sa akin. Sabihin mo giliw, sabihin mong ako’y iyo pa ring mahal sa kabila ng aking kasamaan, at makikita mong sa gitna ng masaklap na kapalarang itong aking kinasasadlaka’y makatitipon ako ng panibagong lakas upang makabalikwas at makabangon sa aking pagkakarapa.
EDITA: Ang pagmamahal kaya’y makasasapat upang ang kasamaan ng isang tao’y mahalinhan ng damdaming banal?
EDUARDO: Ang sama, kagaya rin ng isang sakit ay maaaring magamit… mahinasan…!
EDITA: Ako’y wala nang tiwala sa iyo, Eduardo!
EDUARDO: Kung gayo’y ano ang iyong ipinasisiya?
EDITA: Isang utang na loob kong kikilalanin kung ako’y iyang lilimutin at hindi ka na pakikita pa sa akin! Oo, Eduardo, ang pag-ibig nati’y itulad na lamang sa isang magandang pangarap na sapagkat hindi natupad sa katotohana’y bubuhayin na lamang natin sa gunita!
EDUARDO: Kung iyan ang iyong pasiya’y walang nalasabi kung hindi ako’y sumang-ayon! Yayamang ikaw na higit sa kanino pa ma’y siya kong inaasahang mahabag at magpapatawad sa akin ay nagkakait at nagtatakwil, ako ay lalayo at asahan mong kailanma’y hindi ka na mababagabag! Ngunit pakaasahan mong ang pagtatakwil mong iya’y nangangahulugan ng aking lubos na kapariwaraan. Oo Edita, ako’y sasama, higit na masama kaysa rati, sapagkat bakit ko pa hahangarin ang ako’y magpakabuti kung ang pag-ibig mong siya kong tanging inaasahang magiging tanglaw sa aking pagbabagong-buhay ay iyo nang inilibing? Ang sugat ng iyong pusong ako ang may likha ay maikita mo nawa ng lunas sa pagmamahal ng ibang lalaking dakila at marangal! Paalam, Edita…!
EDITA: Eduardo, magbalik ka! Kailangan pa kitang makausap!
EDUARDO: Hindi kaya isang napakalaking pagpaparusa mo sa iyong sarili ang ako’y kausapin pa at makita nang matagal, —ako, si Eduardo Moreno, ang lalaking kasumpa-sumpa at ngayo’y labis mong kinasusuklaman?
EDITA: Pakinggan mo ako…! Kukunin ko ang salapi ko sa banko upang maitakip mo sa iyong sinira sa aking ama, at pagkatapos tayo’y pakakasal!
EDUARDO: Diyata?… Diyata’t iyan ay iyong magagawa?
EDITA: Oo, susuungin ko ang kahit na lalong mapanganib na pakikipagsapalaran sa buhay na ito alang-alang sa iyo… sa aking pag-ibig, Eduardo…!
EDUARDO: Mahal ko: dakila ka sa laong dakila…!
Sa kaibuturan ng aking puso’y may isang bagay na matigas na natinag, dahan-dahang naagnas, saka gumapang sa buo kong kamalayan.
Habang pinakikinggan ko ang dula’y dahan-dahan naman akong nawawala sa aking sarili, at kung hindi ko pa narinig ang matamis na tinig ng isang lalaki at isang babae na magkapanabay na umawit ay hindi ko mapupunang ang dula ay nagwakas na. Siyang tunay, sapagkat ang aking alaala’y ganap na ibinalik sa nakaraan ng kasaysayang yaon na mandi’y hinango sa tunay na mga pangyayari sa buhay namin ni Lina.
Madali kong nilapitan si Lina at kasabay ng pagluhod ko sa kanyang harap, ay isinubsob ko ang aking mukha sa kanyang kandungan na parang isang musmos na humahanap ng tanggulan.
“Lina, mahal ko!” ang tangi kong nabigkas sapagkat tila sakmal ng isang malupit na kamay ang aking leeg.
Nang itaas niya ang nakatungo niyang mukha, ay, nasalamin ko sa kanyang luhaang mga paningin ang hinanakit na maraming taon din niyang naikubli sa akin, subalit ngayo’y lumalantad sa kanyang tunay na anyo—nanunumbat… pumupukaw… !
Sa kaibuturan ng aking puso’y may isang bagay na matigas na natinag, dahan-dahang naagnas, saka gumapang sa buo kong kamalayan. At ako’y nagising sa katotohanan, na hanggang ngayo’y taglay ko pa rin ang isang marupok na pusong madaling maigugupo at napaalipin sa maling tawag ng kamunduhan… ang aking pagiging malikot na siyang dahilan kung bakit hanggang sa mga araw na ito, sapul pa sa mga anang pangyayaring ibinuhay sa dulang katatapos lamang, si Lina, ang aking mabait na maybahay, ay hindi matatawag na maligaya sa aking pagmamahal!
Nang dumating si Herman nang gabing iyo’y napansin kong malungkot at tila may di-pangkaraniwang pangyayaring gumugulo sa kanyang isipan.
“Saan ka galing?” ang aking tanong.
“Sa estudyo ng DZPI, tatay,” ang kanyang sagot.
“Noon yatang Martes at Huwebes ay nasa estudyo ka rin,” ang puna ko.
“Opo, sapagkat nayaya ako ng aking mga kaibigan,” pagkakaila niya.
Bagaman hindi ipinagtapat ng aking anak ang tunay na dahilan ng kanyang naging malimit na pagtungo sa himpilan ng radyo (isang bagay na hindi niya dating ginagawa), ay nahinuha kong siya ang may katha ng dulang katatapos pa lamang naming marinig, at ito rin ang sanhi kung bakit sa loob ng maraming araw na nagdaan, siya’y laging nagkukulong sa loob ng kanyang silid. Hindi naman ako nagtatakang siya’y makasulat ng gayon, sa kabila ng kanyang kabataan sapagkat talastas kong sa kanilang paaralan, ay siya ang kumakatha ng mga dulang itinatanghal sa iba’t ibang padiriwang. Saka ang manunulat, wika nga, ay ipinanganganak at hindi nagagawa, at sa kakayahan sa pagsulat ay hindi wastong sukatan ang gulang na tinaglay.
(Wakas)









