Ang Maabilidad Kong Nanay

Ni Perry C. Mangilaya

SA tuwing bibilhan ako ni Nanay ng bago kong damit, siguradong maluwag sa akin.

Hanggang sa siko ang manggas.

Hanggang sa hita ang laylayan.

“Maganda ang maluwag, Gabe, para presko sa ‘yong katawan,” sabi ni Nanay.

Kaya kapag isinuot ko, para akong may pakpak na lilipad-lipad.

Sa tuwing bibilhan ako ni Nanay ng bago kong pantalon, siguradong sayad sa lupa ang laylayan.

Kaya kapag isinuot ko, para akong nagwawalis ng daan.

Kasya ang isa kong kamay kapag isinuot ko sa baywang.

“Maganda ang maluwag na pantalon, Gabe, para mas makakagalaw ka nang maayos,” sabi ni Nanay.

Para hindi malaglag ang pantalon, tinuruan ako ni Nanay sa paglalagay ng sinturon.

Tinuruan din niya ako sa pagtupi ng laylayan.

Sa tuwing bibilhan ako ni Nanay ng short, siguradong lampas sa tuhod ang haba.

Mabuti na lang at tinuruan na niya akong maglagay ng sinturon.

“Maganda ang mahabang short, Gabe, para kung madapa ka, hindi masusugatan ang ‘yong mga tuhod,” sabi ni Nanay.

Kaya kapag isinuot ko ang short, para akong nakapalda.

Binibiro nga ako ng aking mga kalaro, na bagong tuli raw ba ako?

Ganoon kasi ang nakikita namin sa mga bagong tuli, nagsusuot ng maluluwag na short.

Sa tuwing bibilhan ako ni Nanay ng sapatos, siguradong mahaba sa aking paa.

Kapag ako’y naglalakad, sa paa ko’y aalog-alog.

Naaalala ko tuloy ang duwende na may suot na mahabang sapatos.

“Maganda ang maluwag na sapatos, Gabe, para hindi magkapaltos ang ‘yong mga paa,” sabi ni Nanay.

Para hindi umalog-alog sa aking mga paa, pinapasakan ni Nanay ng mga papel ang dulo ng sapatos.

Pero bakit nga ba laging maluwag ang binibili ni Nanay?

“Mabilis ka kasing lumaki,” lagi ring sagot ni Nanay.

“Ga’no ba ako kabilis lumaki?”

“Aba, mabilis na mabilis. Kasi, mabilis mong pagliitan ang ‘yong mga gamit.”

Kaya nga ba laging maluwag ang binibili ni Nanay?

Isang araw, may kinuha si Nanay sa aking kabinet.

“Tingnan mo ito,” sabi ni Nanay at isinukat sa akin ang damit. “Damit mo pa ito noong kinder ka. Tingnan mo, kahit ngayong grade two ka na, kasya pa sa ‘yo.”

Kinuha rin ni Nanay ang iba ko pang mga gamit na dating maluwag sa akin.

Pero ngayon, hindi ko na kailangang maglagay ng sinturon.

Hindi ko na kailangang tupiin ang laylayan.

Hindi ko na kailangang pasakan ng mga papel ang dulo ng sapatos.

Hindi na ako parang nakapalda sa short.

Hindi na ako parang may pakpak na lilipad-lipad.

“At itong uniporme mo noong grade one ka, kahit sa susunod na taon, magkakasya pa ito sa ‘yo,” sabi pa ni Nanay. “Kaya malaki ang natitipid natin sa pagbili ng ‘yong mga gamit. Hindi tayo bili nang bili. At higit sa lahat, napakinabangan mo pa nang husto, di ba?”

Napahanga ako sa abilidad ni Nanay.

Hindi lang pala ngayon ang pinaghahandaan niya, kundi maging ang bukas.

Kaya naman kapag bibilhan uli ako ni Nanay ng mga gamit kong maluwag sa akin, hinding-hindi na ako magtataka. Dahil alam ko, paghahanda niya iyon sa aking paglaki.

(Ang kuwentong ito ay nagwagi ng Karangalang-Banggit para sa Aliwanag Literary Awards ng Aklat-Alamid (Aklanon Division) noong 2021.)