Ni Mellodine A. Antonio
“BAYAD po!” nag-aalangan kong iniunat ang aking bisig sa pinakamalayong maaabot nito. Malayo-layo ang puwesto ko sa drayber.
Lumingon ang aleng may alampay na kulay talong na nakatalukbong sa kaniyang ulo. May nakapagitan sa aming isang babae at pandalawang taong bakante pero kinuha niya ang perang inaabot ko.
Napangiti ako.
Hindi siya katulad ng iba na deadma lang kapag may nagpapaabot ng bayad. Hindi siya nagkunwang tulog. Inibot niya kaagad ang bayad ko. Hindi ko na kinailangang ulitin ang sinabi ko. May nagmagandang loob na sa ipinakikisuyo ko.
Kaya lang, hindi niya kaagad iyon inilagay sa nakalahad na palad ng drayber.
Inusisa niya muna.
Binilang-bilang bago bantulot – tila ayaw halos iabot sa drayber na maliban sa nakalahad ang palad, tumingala pa sa salamin. Nang tila mangalay ang palad sa kahihintay, lumingon na ito. Bakas sa pagkakakunot ng noo ang iritasyon.
“Pakiabot na nga ang bayad!” malakas na sabing halata na ang yamot sa boses.
Pamaya-maya pa, may sumakay na mama.
Senior. Naka-shorts na lumang maong. Ang suot na t-shirt, lumpad at maluwag.
Tumabi sa aleng may alampay na kulay talong.
Pumiksi ang tinabihan. Kumibot-kibot ang mga labing nagpapakita ng disgusto saka mabilis na lumipat sa kabilang upuan.
Nakasimangot.
Padarag na kinipkip ang dalang bag. Itsurang nagdududa na baka siya mahablutan ng pasaherong kauupo lang.
Sinilip ko nang bahagya ang mukha ng mama.
Napaisip ako.
Maayos naman ang itsura.
Hindi naman mukhang snatcher, a.
Pero ano nga ba ang itsura ng snatcher? Wala naman kasi iyong tipikal na itsura. Hindi naman uniform ang porma nila. Mayroon ngang nakapustura pero magnanakaw pala. Kaso, nakasanayan na ng taong humusga batay sa itsura. Kapag marusing, magnanakaw. Kapag nakabihis nang maayos, kagalang-galang.
Ibinaling ko ang tingin sa aleng may alampay na kulang talong.
Maliit ang mukha niya. Manipis ang ahit na kilay. Di singkit pero bahagyang maliit ang mga mata. Katamtamang tangos ng ilong, iyong di kasama sa ranggo ng mga pango pero hindi rin katropa ng matatangos. Mapula ang maninipis na labi. Naka-lipstick din naman kasi. Balingkitan ang pangangatawan. Walang salbabida sa tagiliran ng tiyan.
Pinaglakbay ko ang paningin sa suot niya.
Nakasuot siya ng guhitang blusang asul na hapit sa kaniyang katawan. Tinernuhan ng itim na leggings. Nakasandalyas siya na tatak buwaya. May suot na itim na medyas.
Oo nga pala, maganda ang itim niyang bag — yayamanin ang itsura.
May ilan pang pasaherong nagbayad na siya rin ang tumanggap.
Ganoon pa rin ang ginawa niya.
Inusisa muna ang bayad na inabot sa kaniya.
Hindi mabilis na pagbusisi.
Mistulang kinakabisa ang itsura ng pera.
Binibilang.
Kinikilatis.
Iyong drayber, panay na ang tingala sa salamin.
May pagdududa sa mga mata. Halatang di nagugustuhan ang ginagawa ng aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Hanggang sa may dalawa pang sumakay. Parehong babae.
Mabilis na umupo sa bakanteng puwesto.
Doon sa hanay ng aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Dumukot ng pera sa pitaka ang isa. “Dalawa. Zinger.” Iniabot nito ang perang papel sa aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Isandaan.
Mabilis iyong kinuha ng aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Inusisa.
Binusisi.
Sinalat-salat.
Tiningnan kabilaan bago padarag na inilagay sa palad ng drayber.
Walang isang minuto pagkatapos iabot ang perang iyon, nagsalita ang aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong. Mabilis at mahina. “Sukli ko sa isandaan.”
Tila hindi narinig ng drayber kaya inulit niya iyon.
“Sukli ko sa isandaan!” mas malakas iyon.
Tumingala ang drayber.
Tiningnan siya sa salamin.
“Sukli ko sa isandaan!” Inayos niya ang talukbong na alampay na kulay talong na bahagyang nalaglag lampas ng noo niya. Hinaltak iyon pababa. Halos matakpan ang mga mata.
“Ano?” malakas na tanong ng drayber. Hindi itinago ang yamot sa boses nito.
“Sukli ko sa isandaan!” Mas malakas ang tinig na iyon kaysa boses ng drayber.
Mas nagparamdam ng yamot.
Hinigitan ang tono ng drayber.
“Anong sukli? Hindi ka pa nga nagbabayad, sukli na!” marahas ang bitaw. Nagbabadya ng away. May kasamang paglingon ang galit nitong boses. “Huwag mo ‘kong ginagago, ha!”
“Oo nga! Wala ka pang bayad, nanghihingi ka na ng sukli!”
Hinanap ng mata ko ang nagsalita. Iyon palang mama na katabi niya kanina bago siya lumipat ng upuan. Seryosong mukha. Tiyak sa binitiwang salita. “May sanib ka ba?” nanunuya nitong tanong.
Matalim itong tiningnan ng aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong. “Pa’no mo nalaman? Sabay ba tayong sumakay?”
Saglit na natahimik sa loob ng jeep. Tila walang gustong magsalita manapa’y naghihintay ng mga kasunod na magaganap.
“Iyong sukli ko sa isandaan!” mas matinis ang tinig na sabi. May kasamang dabog at bulong ang aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Mabilis na itinabi at inihinto ng drayber ang sasakyan bago galit na lumingon.
“Ano’ng sabi mo?” Bakas sa mukha ang pagod at gutom kasama ng pinipigilang galit sa kausap. “Wala kang ibinayad, nanghihingi ka ng sukli!” pigil ang galit nitong bakas sa nagngangalit na bagang. “Bumaba ka na nga! Bumaba ka na!” may kasamang babala ang utos na iyon. Matinding babala.
Bumulong-bulong ang aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Higit na isiniksik ang sarili sa kinauupuan.
Mahigpit na kumapit ang mga daliri sa bakal na hawakan.
“Oo nga! Bumaba ka na! Binubuwisit mo’ng hanapbuhay, e!” muling sabad ng mama na mukhang kanina pa nakasubaybay sa bawat kilos ng aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
“Bumaba ka na! Baba!” akmang bababa ang drayber.
Mabilis na hinamig ng aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong ang kaniyang bag.
Hinaltak ang talukbong.
Halos takpan ang buong mukha.
Mabilis na tumayo.
Di magkandatutong humakbang.
Halos madapa.
Bumbulong-bulong.
Hindi lumilingon.
Nang makababa sa estribo, tumabi saglit sa gilid ng kalsada bago pinara ang kasunod na jeep at sumakay doon.
“Ang gara! Humihingi ng sukli, wala namang ibinayad,” sabi ng may-ari ng isandaan.
“Kanina nga, iyong perang inaabot sa kaniya, inuusyoso muna!” nakangising sabi ng kasama nito. “No’ng nagbayad ka saka humingi ng sukli daw niya.”
Nagtawanan sila.
Naisip niya, kaya mabigat ang buhay kasi patuloy nating kinakarga ang bigat na tinanggal na sa ating balikat. Iyong patuloy nating inaalala kung gaano kabigat ang ating pasan samantalang hindi na natin ito tangan.

“Anong sukli? Hindi ka pa nga nagbabayad, sukli na!”
“Baka ikaw pa lang ang nagbayad ng isandaan kaya pagkatapos mong ibigay saka siya nanghingi ng kunwari niyang sukli,” sahod ng isang lalaki sa dulo, iyong malapit sa estribo.
“Iisa ‘tong isandaan ko rito. Tapos, hihingi siya ng sukli. Siya nag-abot nito pero hindi niya bayad,” paliwanag ng drayber.
“Sa’n ba ‘yon sumakay?” sabad ng isa.
“Galing pa ‘yon ng Cubao,” sagot ng drayber. “Kanina ko pa siya tinitingnan dahil lahat ng kasabay niya, nagbayad at nakababa na, siya na lang ang hindi. Ang tigas pa ng mukha na biglang hihingi ng sukli. Aba, kung lahat ng pasahero tulad niya, wala na kaming kinita, abonado pa!” gigil na gigil ang drayber.
Kunsabagay, kahit naman sino kapag ginano’n, magagalit.
“Tubong-lugaw. Tigas lang ng mukha ang puhunan,” sabad ng mamang asal-basher ng aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
“Scammer si Manang!”
Napuno ng tawanan ang loob ng jeep sa sinabi ng estudyanteng lalaki.
Kani-kaniyang hunta tungkol sa aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Napakaraming hirit ng: “Kita mo nga naman, oo!”, “Di mo sukat akalain, ano?”, “Naglipana ang ganiyan ngayon.”
Hinahanap ng mga mata ko ang aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Pilit kong hinahabol ng tanaw ang mga jeep na nag-uunahan sa pag-andar.
Sinisino ng may kalabuan kong mga mata ang mga pasahero ng sinusundan naming sasakyan.
Baka naroon siya.
May katabi kaya siya?
Sa gitna rin kaya umupo?
Siya pa rin kaya ang tagaabot ng bayad?
Binibilang pa rin kaya niya ang mga iniaabot sa kaniyang bayad bago bantulot na ibigay iyon sa drayber?
“Magandang pagkakitaan ang kalokohan niya, ‘no?”
Narinig kong sinabi ng lalaking malapit sa estribo sa kaniyang katabi.
“Oo! Hindi mo na kailangan ng mahabang iskrip tulad no’ng may mga dala pang death certificate saka hospital bills,” sang-ayon nito.
“Biruin mo, kung sasakay siya sa ilang jeep halimbawa na at makakalusot siya sa kalokohan niya, aba’y ang laki ng kita niya. Sa maghapon, daig pa niya ang arawan nating sahod,” sabi ng babaeng may-ari ng isandaan sa kasama niya.
“Okey din ‘yong style niya, ha. Malinis. Di marusing. Matinong magdamit. Asal matino. Hindi mo nga naman pagkakamalan at pagdududahan,” may kasamang tawa ang sagot ng kausap.
“Kakulay ng budhi niya ang alampay na suot niya!” sahod ng senior na halatang asar mula pa nang iwasan siyang makatabi ng aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Umugong muli ang malakas na tawanan. Malayo na kami, iyong aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong pa rin ang paksa ng usapan ng mga pasahero at drayber.
Nakikinig ako sa kanila.
Tapos, naisip ko kung may pamilya kaya iyong aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
May asawa ba?
May anak?
Ilan kaya?
May binubuhay kayang pamilya?
Breadwinner ba?
Mayroon kayang may sakit sa pamilya?
O, baka naman siya mismo ang may sakit?
May kakulangan kaya sa pag-iisip?
Trip lang kaya kaya niya iyon ginawa?
Hustler kaya talaga?
May pinagdadaanan o iyon na mismo ang ikinabubuhay?
Sabagay, kung titingnan ko ang katawan ko’t katawan niya, mas maayos siyang di hamak at mas mukha akong sakitin.
Litaw ang lahat ng buto ko sa balikat at dibdib.
Mahihiya ang puno sa dami ng ugat ko sa kamay.
Puwedeng lagyan ng tubig nang di matatapon ang buto ko sa balikat.
Mas maayos ang suot niya kaysa sa suot kong gusot na’y kupas na kupas pa.
Mas maganda ang bag niya kaysa plastik na supot kong dala.
Sa aming dalawa, mas mapagkakamalan akong scammer. Mas mukha akong manggagantso. Mas kapani-paniwala kung ako ang manloloko.
“Tibay ng hiya ano? Kababaeng tao!”
Nagulat pa ako sa sinabi ng katabi ko.
“Kapag gano’n ang nanay o kapatid mo, ikahihiya mo, e!”
“Mabuti pang mamalimos kaysa manloko ng kapwa!”
“Madalas naman ngayon sa nanlilimos, nanloloko na rin, e!”
Ikinatawa ng marami ang sinabi ng huling nagsalita.
Nabuhay ulit ang dugo at laway ng lahat nang pinaksa iyong aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Buhay na buhay na naman ang kuwentuhan. Kani-kaniya na namang pag-uugnay ng kani-kanilang karanasan.
Duda ako kung ilang ulit na nakagat ng aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong ang dila niya dahil walang puknat ang usapan tungkol sa kaniya – sa ginawa niya – sa maaaring ginagawa niya at posibleng gagawin pa.
Lait na lait na rin ang pagkatao niya pati ang buo niyang pamilya.
Sa isang pangyayaring iyon, nahatulan na siya.
Masamang tao.
Masamang ina, sakaling may anak o mga anak ito.
Walang ipamamanang mabuting ugali sa salinlahi dahil sa masamang ginawa nito.
Malamang iwan ng asawa, sakaling may asawa pa, dahil walang tatagal sa babaeng scammera.
“Di baleng puta, huwag lang manggagantso!” ayon sa senior na iniwasang makatabi ng aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong. “Sumpain ang tulad niyang salat sa kabutihang asal!”
Nangilabot ako.
Nakatatakot na umabot sa pagsumpa ang pangyayari.
Nakapanlalambot sakaling magkatotoo ang sumpang binitiwan laban sa aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Inayos ko ang mga gamit ko dahil malapit na akong bumaba.
Kinipit kong plastik na supot kong hawak.
Bahagya kong inayos ang nag-igkas na hibla ng buhok dahil sa lakas ng hangin.
Inilabas ko ang payong na bali ang tatlong tadyang. Kaya pang maipananggalang sa ulan na tila malakas na bubuhos base sa dilim ng kalangitan.
“Para po!” sapat ang lakas niyon para marinig ng drayber.
Inihinto niya sa gilid ang jeep.
Dahan-dahan akong tumayo. Bumaba.
Nilingon ko ang sasakyang pinanggalingan ko.
Nag-usugan na ang mga pasahero para okupahin ang espasyong iniwan ko. Dinig pa rin ang tawanan nila.
Tulad ko, nakababa na kanina pa iyong aleng nakatalukbong ng alampay na kulay talong.
Nakasakay na sa ibang jeep. Siguro, ginagawa na ulit iyong ginawa sa sinakyan namin kanina.
Malayo na siya sa amin. May iba na siyang kabanggaan at ini-scam marahil. Hindi na ang mga pasahero’t drayber sa jeep na sinasakyan ko pero ang mga kasama ko, karga pa rin siya.
Buhat-buhat pa rin ang bigat niya.
Naisip ko tuloy, kaya siguro madalas, mabigat ang buhay kasi patuloy nating kinakarga ang bigat na tinanggal na sa ating balikat.
Iyon bang, patuloy nating inaalala kung gaano kabigat ang ating pasan samantalang hindi na natin ito tangan.
Kaya siguro hindi natin nadarama ang kagaanan at ang nanatili ay kung gaano tayo nito nahirapan.









