Hindi niya iniabot kay Crispin ang mga dala niyang gamit.

Ni TERESITA P. CAPILI

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 12, 1961)

LUNES ng umaga. Sa maluwang na kampus ng Sta. Clara High School ay natatanaw pa ni Mrs. Ida Ferrer ang mga nakahanay na silyang pang-estudyante na ginamit sa kasayahang idinaos nang nagdaang gabi. Ipinagdiwang ang araw ng pagkakatatag ng kanilang paaralan. Ito ang pinakahihintay ng mga taga-Sta. Clara sa tauntaon. Ang kasayahan ay hindi lamang para sa mga mag-aaral kundi para na rin sa mga guro. Pagkakataon ito upang magkakila-kilala ang mga mahal sa buhay ng mga guro sa Sta. Clara High School.

            “Good Morning Ma’am!” Nagsabay-sabay na bati kay Mrs. Ferrer ng nakakasalubong niyang mga estudyante.

            Tuluy-tuloy sa paglakad si Ida. Parang wala siyang naririnig. Hindi niya tinugon ang mga pagbating iyon.

            Nakapagpasalamat nang lihim si Ida nang wala siyang mamataang kaguro sa tanggapan ng punong-guro. Dali-dali niyang sinulatan ng oras na kanyang idinating ang kanyang time record.

            Para ring hinahabol siya nang lumabas sa tanggapang iyon at magtungo sa sarili niyang silid. May tanging silid siya dahil sa siya ang pangkalahatang tagapayo sa buong paaralan. Tatlong taon na siya sa pagiging tagapayo, at walang nasasabing hindi siya karapat-dapat sa kanyang tungkuling iyan.

            “Bagay na bagay kay Ida ang kanyang puwestong iyan,” sabi-sabi ng mga kasamahan niyang guro. “Istrikta nga siya pero mabait. Malumanay siyang magsalita. Saka may asawa na siya’t mga anak. Higit niyang mauunawaan ang ating mga bata.

            Ngayong umaga ay waring hindi maangkop sa kanyang sarili ang gayong mga katangiang sinasabi-sabi ng kanyang mga kasamahan. Nanlalata siyang napaupo sa silyang kalapit ng kanyang hapag-susulatan.

            “Hmmm…! Ang buhay na ito!” pabuntunghiningang nasambit ni Ida.

            Dati nama’y hindi nakadarama si Ida ng waring panghihinabang kahit na pagal ang kanyang katawan sa maghapong paggawa. Bigla ang pagsapi sa kanya ng ganitong pananamlay na nagsimula nang nagdaang gabi ng kasayahan para sa pagkakatatag ng Sta. Clara High School, nang mapuna niyang tila higit ang pagkakabuti sa pagsasayaw nina Delia at Crisipin. Tinubuan siya ng hinala. Ngayon nagkaroon sa kanya ng kahulugan ang mga bulung-bulungang dati’y ayaw niyang pansinin.

            “Totoo kayang si Delia’t Crisipin ay…?”

            Hindi niya maubos-isipin kung paano mapahahalagahan ni Delia ang isang tulad ni Crispin. Mula nang mag-aral ito sa paaralang iyon naging sakit na ng ulo ng halos lahat ng guro dahil sa paggawa ng kung anu-anong kaaliwaswasan.

            “Walang dahilan para magkagayon si Delia,” naisip niya.

            Wala siyang maisip na nagawang pagkukulangh sa pagpapasunod sa anak para pumatol iyon sa isang katulad ni Crispin. Batid niyang nangyayari lamang na ang isang bata’y nagkakaroon ng damdaming mapagsuway kung lumalabas ang pagbabawal dito.

            “Hindi maaaring mangyari ang gayon!” naggugumiit sa isipan ni Ida.

            Panganay niyang anak si Delia. Lalabing-anim na taon at kasalukuyang nasa ikaapat na baitang ng mataas na paaralan ding kanyang pinagtuturuan.

            Si Crispin naman ay matanda ng isang taon kay Delia. Nasa ikaapat na taon na rin ang binatilyo. Isa iyon sa mga estudyanteng sinusubaybayan niya. Batid niya ang puno’t dulo sa buhay ni Crispin. Nauunawaan niya ang ipinagkakagayon ng binatilyo kaya siya pa nga ang masigasig na tumulong dito. Dahil lamang sa matiyaga niyang pasubaybay kaya nasa paaralan pang iyon si Crispin.

            “Ito pa ba ang magiging ganti sa aking mga pagpapagod?” naghihinanakit pa niyang naitanong sa sarili.

            Waring tugon sa kanyang iniisip ang pagbungad ni Delia sa pintuan ng kanyang silid.

            “Morning, Ma!” masiglang bati sa kanya ng anak.

            “Hindi mo na ‘ko hinintay, Ma,” patuloy pa ni Delia.

            “A, e, may dinaanan pa akong bata. Kinausap ko ang magulang. Magha-maghapong wala sa bahay, e, kaya kangina ko na dinaanan.

            Nagsisinungaling si Ida. Nguni’t masasabi ba niya kay Delia ang kanyang pag-aalaala?

            “Ku, ang Mama naman, kay aga-agang duty niyan!”

            “Talagang ganyan ang hanapbuhay, anak.”

            Pinutol ng sunud-sunod na tunoig ng kampanilya ang pag-uusap ng mag-ina.

            Binuksan ni Mrs. Ferrer ang kahon ng kanyang mesa at isa-isang inilabas ang mga gamit niya sa pagtuturo. Nagtuturo siya sa dalawang klase. Siya ang nangangasiwa sa pangkat ng mahihina  sa pag-aaral ng mga problemang bata. Isa sa kanyang tinuturuan si Crispin.

            “Ikaw na nga ang magsusi ng kahon ko, ha,” wika niya kay Delia. Tuluy-tuloy nang lumabas siya ng silid upang magtungo sa klase.

            Batid ni Mrs. Ferrer ang sinasagisag ng kanyang tungkulin: pag-unawa’t pagtulong lalo na sa mga kagaya ni Crispin. Ulila na sa ina si Crispin. Ang binatilyo’y nangungulila, sapagka’t ang ama’y palagi sa pagbibiyahe at ang naging pangalawang asawa niyo’y pabaya naman. Nakakaligtaan si Crispin, at iyan ang dahilan kaya gumagawa ito ng mga bagay na makatawag ng pansin—kahit iyon ay maging masama. Iyon ang kinalabasan ng masusing pag-aaral ni Mrs. Ferrer sa buhay-buhay ni Crispin. Kaya siya nga ang pinkamasugid na umuunawa rito at sinikap niyang huwag mapaalis sa paaralan. Tiyak niyang magpapatuloy sa pagsama ito kapag napatigil ng pag-aaral.

            Hindi malaman ni Mrs. Ferrer kung ano ang dapat niyang gawin ngayong si Delia ay napapasangkot kay Crispin. Ayaw naman niyang kausapin at pagbawalan ang anak. Nangangamba siyang sumidhi lamang ang pakikipagmabutihan ni Delia kay Crispin kung kanyang pagwikaan. Iisang paraan lamang maaari niyang magawa–ang paalisin si Crispin sa paaralang iyon.

            Ako na ang magdadala. Ma’am? —bating pumutol sa kanyang mga iniisip.

            Bumaling si Ida sa estudyante. Parang umakyat sa kanyang ulo ang kanyang dugo nang makilalang si Crispin ang bumati sa kanya.

            “Huwag na!” maikli niyang tugon sa pag-aalok ni Crispin na dalhin nito ang kanyang mga gamit sa pagtuturo. Nilampasan niya ito. Lalong bumilis ang kanyang paglakad.

            Sa loob ng klase’y napuna niyang higit na masigla ngayon si Crisipin sa pagtaas ng kamay upang sumagot sa kanyang mga pagtanong. Nguni’t kahit minsan ay hindi niya tinawag ang binatilyo.

            “Ma’am, ako na ho ang maghahatid ng mga gamit n’yo sa inyong kuwarto,” pagkukusang muli ni Crispin nang matapos ang kanilang pagkaklase.

            “Salamat,” matabang na tugon ni Ida.

            Hindi niya iniabot kay Crispin ang mga dala niyang gamit. Tinalikuran niya ito. Nabasa niya sa mga mata ni Crispin ang magkahalong pagtataka at paggdaramdam.

            “O, ano, Ma, mukhang nagalit ka sa klase mo, a?” tanong ni Delia na nadatnann niyang nagbabasa sa kanyang silid.

            Umiling lamang si Idea bago naupo sa silyang kaharap ng kanyang mesa.

            “Bakit hindi ka sa aklatan nagbasa ngayon?”

            “Hinihintay kitang talaga, Ma.”

            “Bakit?”

            “Kasi’y may sinabi sa akin kagabi si Crispin.”

            “Ano’ng sinabi?”

            “Ang bait-bait mo raw. Sana raw ay ikaw na rin ang nanay niya.

            Dapat sanang ikatuwa ni Ida ang anrinig niyang papuri subali’t hindi gayon ang kanyng nadarama.

            “O, ano pa ang sabi? Baka naman pinatangos ninyong mabuti ang ilong ko?” nakuha pa rin niya ang magbiro.

            “Gusto raw niya kayong tawaging Nanay. Payag ba kayo, Ma?”

            Waring nahirinan si Ida. Naisip niyang talagang naiiba sa karamihang bata si Crispin. Pati sa pagpapahayag ng pag-ibig ay naiiba ang pamamaraan niyon.

            “Ano naman ang sagot mo?” ang katanungang iyon nabuo lamang sa kanyang isip. Hindi niya naisatinig. Iba ang namutawi sa kanyang mga labi. “Aba iha, napapasarap ang huntahan natin, a! Hindi ba’t may klase ka na? Sige na. Saka mo na ituloy iyan. Marami rin akong gagawin.

            “Oo na, Ma, ano?” ayon ni Delia. “Sa bahay na lang mamaya. Hindi ka nagagalit sa ibinalita ko, Ma?” pahabol niyong tanong.

            Umiling na lamang si Ida. Sinundan niya ng tingin ang anak hanggang sa makalabas sa silid-tanggapan.

            “Hindi maaaring ang isang katulad lamang ni Crispin ang maging kapalaran ni Delia.” matigas na sabi niya sa sarili.

            Napakarami niyang pangarap sa anak. Iyon ang matimbang sa kanya ngayon. Nalimutan na niya ang mga payong ibinibigay niya sa mga inang may suliraning katulad ng kanya. Hindi niya mapayuhan ang sarili. Kumuha siya ng isang makapal na aklat sa salansanang nasa may-gilid ng kanyang hapag-susulatan. Ibig niyang makapagbasa-basas.

            Kabubukas pa lamang niya sa aklat ay napansin na niyang may pumasok sa silid. Nagtaas siya ng ulo at nakita niya si Crispin.

            “Ma’am, naiwan n’yo ang chalk box n’yo,” wika ni Crispin.

            Bahagyang tumango si Ida. Iyon lamang. Nagkunwari siyang patuloy sa pagbabasa. Napuna niyang mabibigat ang paang lumabas sa silid si Crispin.

            Hapon na’t naghahanda nang umuwi si Mrs. Ida Ferrer, Pumasok na muli sa kanyang silid-tanggapan si Crispin. Subali’t hindi na nag-iisa. Kasama si Mr. Luna, ang guro nito sa physics. Nahulaan na ni Ida na may nangyari na naman kay Crisipin nang makita niya ang madilim na anyo ng mukha ni Mr. Luna.

            “Nadadalaw ka?” bating patanong ni Ida sa kanyang kaguro.

            “Pa’no,  ‘tong ating problema, gumawa na naman ng kaaliwaswasan!”

            Nakatungo si Crispin at hindi makatingin sa kanya. Kinutuban siyang baka may kinalaman siya sa ginawang iyon ni Crispin.

            “Bakit?” usisa ni Ida.

            “Aba, halos nangasirang lahat ang kasangkapan sa laboratoryo. Tinabig ba naman ng barumbadong iyan, e. Kung ano na naman ang sumumpong sa ulo!”

            Patuloy si Mr. Luna ng pagsasalaysay sa ginawa ni Crispin na pagsisira ng mga kasangkapan. Lalong nagtumibay sa loob ni Mrs. Ferrer na may kinalamann siya sa pagkakagayon nito. Matagal na ring nagpapakatino si Crispin. Mahigpit na nangako sa kanyng magpapakabuti na, nguni’t marahil, dahil sa mga inaasal niya kangina’y naghimagsik na naman ang damdamin.

            “Iwan mo na siya, Mr. Luna,” kapagkuwa’y nawika ni Ida. “Kakausapin ko siya.”

            “Kailangang talagang mapaalis na ‘yan dito,” sabi ni Mr. Luna bago lumabas ng silid.

            Matagal-tagal na ring nakaaalis si Mr. Luna ay hindi pa umiimik si Ida. Ni hindi niya matingnan nang maluwat ang kaharap na bata. Ngayong dumating na ang pagkakataong mapaalis sa paaralan si Crispin upang mapalayo kay Delia, ay nag-aatubili siya. Sarili na rin niya ang tumututol.

            “Umuwi ka na,” pausal niyang nawika pagkaraan.” Bukas na tayo mag-usap.

            Walang kibo at tungo ang ulong lumabas si Crispin. Hanggang sa umuwi siya’y hindi niya mailayo sa kanyang isip ang binatilyo. Si Delia ang unang nakapansin sa kanya. Sinabi niya sa anak ang ginawa ni Crispin. Napakagat-labi si Delia.

            “Gayon pala siya!” may panghihinayang na himutok ni Delia. “Hindi marunong mangako. Mahigpit siyang nangako sa ‘kin kagabi, sa sayawan nang…”

            Kusang pinutol ni Delia ang sinasabi . Nahulaan na ni Ida ang karugtong niyon. Hindi na niya mapag-aalinlanganang may pagkakaunawaan na nga ang dalawa.

            “Ayaw ko na sa kanya!” Hindi yata tama ang sabi mo, Ma, na may natatago pa ring kabutihan si Crispin,” patuloy na saad ni Delia. “Tingnan n’yo, kapangangako lang kagabi’y, hayan na naman ang ginawa!

            Dapat sanang matuwa na si Ida sa sinabing iyon ni Delia. Nguni’t parang may tinik sa kanyang dibdib, sapagka’t alam niyang malaki ang pananagutan niya sa ipinagkagayon ni Crispin.

            “Maaari ring hindi mali ang palagay kong iyon,” nasabi ni Ida.

            “Pero, Ma…”

            “Alam mo, iha, pag ginusto mo ang isang tao, hindi lamang ang mga katangian niya ang iyong gugustuhin kundi pati ang mga kapintasan niya.

            “Ibig mong sabihin, Ma, pati na kalokohan ni Crispin ay gustuhin ko? Hindi ko yata magagawa ‘yon, kaya ko lang siya ginusto ay dahil sa napakabuti na niya nitong mga huling araw e. Saka sabi mo nga’y may kabutihan ding natatago sa kanya.

            Napangiti si Ida sa kamusmusan ni Delia.

            “Tingnan mo na nga, anak, talagang hindi ka pa dapat sumuong sa bagay na iyan, ang buti lamang niya ang ginugusto mo, e!”

            “Siguro nga’y bata pa ako, Ma. Hayaan mo’t hindi ko na siya papansinin.”

            “Aba, huwag! Huwag mo siyang biglain. Pag-usapan n’yo ‘yan nang mahusay. Basta maghintay lang kayo ng araw para matiyak ninyo ang inyong sarili. Hayaan mo’t kakausapin ko rin siya.

            “Oo, Ma, buti’t hindi ko pa siya sinagot kagabi. Sasabihin ko sa kanyang maging mabuting magkaibigan na lang muna kami.”

            Sinundan ng tingin ni Ida ang papasok na anak sa silid. Nakahinga na siya nang maluwag. Alam na niya ang gagawin sa kaso ni Crispin bukas. Pipigilin niyang muling mapaalis iyon ng paaralan.

(Wakas)