Ni ISAAC ESPINO CRUZ

(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 2, 1952)

Bahag-haring hipot sa lunti ng isang

malawak na bukid,

pabalantok manding hinagkan ang pisngi

ng maayang langit,

nang sundan ang dulong tila bubulusok

sa gilid ng batis,

ang punong simula’y aninong lumabo

at napawing guhit

Inantig ang diwang gagarin ang gandang

nawala at sukal,

at baka sakaling kahit uliani’y

gumanda ang palad.

ang hibang na muni’y nagbangon sa higang

hawak ang panulat,

tuwang pinarisan ang himalang kulay

na kung saan buhat

Inabot ng gabi at muling inaraw

ang balighong nasa,

hikbi at himutok ang huling nasimo?

ng maling akala,

hanggang sa abutin ng silim ang buhay

sa binayang lupa,

ay walang nayari kundi mga butil

ng namuong luha , … . !