WALANG HANGGAN ANG PANANALIG

Dumilat ako. At una kong nakita si Menang na nakatawa. Pinupunasan niya ang mukha ko ng tuwalyang basa ng mainit na tubig.

Ni BENJAMIN P. PASCUAL

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 6, 1960)

AWANG-AWA ako sa kapatid kong si Menang. Talagang kung may magagawa lamang akong paraan upang mabigyan siya ng ikasisiya, anuman iyon, ay gagawin ko. Hindi maligaya si Menang. Hindi siya makalakad.

            Kung isang bata lamang si Menang ay hindi sana bale. Hindi pa niya mauunawaan ang kahalagahan ng paa sa isang tao. Ngunit ang kapatid kong si Menang ay dalagita na. Natitiyak kong alam na niyang malaki ang nawawala sa kanyang buhay sa pangyayaring hindi siya makalakad. Napilitan siyang maghinto ng pag-aaral gayong mahusay naman sa klase. Hindi siya makapamasyal na katulad ng mga kapwa niya dalagita.

            “Ito’y kaloob sa ‘kin ng Diyos,” madalas na sabihin ni Menang sa aking ina. “Dapat na tanggapin ko ito nang maluwag sa loob.”

            Relihiyosa ang aking kapatid. Malilibot mo ang buong baryo ng Santo Kristo at sasabihin sa iyo ng mga tagaroon na wala pang araw ng Linggong nagdaan na hindi nakitang nagtungo sa bisita sa Atlag ang aking kapatid—noong siya’y di pa napipilay.

            At ang bahay nami’y nagmistulang tindahan ng mga bagay na may kinalaman sa relihiyon. Bawa’t sulok ay may nakasabit na larawan ng santo at santa. Sa iisa naming silid ay may dalawang altar si Menang. Sa dalawang imahen ni Kristo. Alagang-alaga ni Menang ang mga iyon. Ala-seis pa lamang ng hapon ay may pailaw nang kandila.

            “Nagsisimba ka pa, dito lang sa ati’y puwede na,” minsa’y naibiro ni Amang kay Menang, noong ito’y hindi pa napipilay.

            Ang pagsisimba, sa palagay ko, ang lumikha ng kapansanan ni Menang. Naglalakad siya isang araw ng Linggo, paglabas ng bisita, nang mahagip siya ng isang humahagibis na dyip na pampasahero. Naiilag ni Menang ang kanyang katawan, ngunit dumulas ang kanyang paa, at nang bumagsak siya sa lupa ay nagdaan ang pang-unahang gulong ng sasakyan sa kanyang dalawang binti. Naratay si Menang sa ospital ng dalawang buwan sa gugol ng nakasagasa. Gumaling naman ang bugbog at pilay ng kanyang dalawang binti, ngunit hindi siya nakalakad. Ang kanyang mga binti ay hindi makaramdam. Umano, ang dalawang binting iyon ay bahagya nang dinadaluyan ng dugo.

            “Kung hindi sasanayin ng inyong anak na ilakad ang kanyang mga paa, maaaring tuluyan nang di makalakad,” sabi kay Amang ng manggagamot na tumitingin kay Menang. “Pag nag-uupo, malamang na magkaro’n ng paralisis ang dalawa niyang binti.”

            Hindi relihiyoso si Amang.

            “Mangyari’y napakahilig magsisimba sa bisita ‘tong si Menang, e,” sabi niya noon kay Inang.

“Kung si Menang, e, di nagsimba no’n, di sana siya nagkaganyan.”

            “Si Amang naman,” sabing nagdaramdam ni Menang. “Nangyari ne’to, e, ano pa ho? Di naman ho dinaramdam kung di man ako makalakad. Ito’y kaloob ho sa ‘kin ng Diyos.”

            “Kaloob ng kalukuhan mo!” galit na sabi ni Amang.

            Ewan ko ba. Hindi ko malaman kung bakit kung ano ang nilapit-lapit ng loob ni Menang sa Diyos ay siya namang nilayu-layo ng loob ni Amang dito.

            Sa bagay, pareho lamang naman kami ni Amang.

            Madalas ding ikinukuwento ni Menang sa aking Inang ang mga napagbasa niyang pagmimilagro ni Kristo o ng Mahal na Birhen. Ang gustung-gusto niyang pag-uusapan ay ang buhay ni Bernadette, at ni Santa Teresita.

NANG hapong iyon ay panauhin na naman namin ang manggagamot, si Dr. Eugenio, na tumitingin kay Menang. Pinipilit nitong lumakad si Menang.

            “Masakit po’ng dalawang hita ko, e,” sagot ni Menang na nakaupo sa tumba-tumba.

            “Tiisin mo,” sabi ng doktor. “Kailangang sanayin mo’ng dalawang binti mo sa kalalakad. Makikita mo’t pag tumatakbo na’ng dugo sa mga ugat ng paa mo, e, makakalakad ka na na paris ng dati.”

            “Sundin mo si Doktor, Menang,” ayon ni Amang.

            “Siyanga naman, anak,” sabi naman ni Inang.

            “Magsanay kang lumakad. Alang-alang sa ‘kin, anak, para mo nang awa.”

            “Pero, Inang, masakit po’ng hita ko, e. Babagsak po ‘ko sa sahig pagtayo ko.”

            Iyon ang madalas na idahilan ni Menang kung siya’y pinalakad mula nang siya’y ilabas sa ospital at mabilanggo sa kanyang tumba-tumba! Hindi siya makatayo. Babagsak siya sa sahig. Kaya sa loob ng isang buwang lumipas ay sa tumba-tumbang iyon na lamang siya hinahatdan ng pagkain. Kung gusto naman niyang matulog na sa gabi ay binubuhat siya ni Amang.

            Mailing-iling na nagpaalam ang manggagamot.

            “Kung gusto n’yong huwag malumpo si Menang, e, pilitin n’yong palakarin,” sabi pa nito kay Amang. “Naniniwala akong siya’y makakalakad uli kung sasanayin lamang niya ang kanyang mga paa. Natatakot lamang siya.

            Nang makaalis ang manggagamot ay malungkot na tumanaw sa labas ng bintana si Amang. Hinimas-himas naman ni Inang, na naiiyak, ang buhok ni Menang. Awang-awa ako sa kapatid kong si Menang, sa pagkakaupo nitong walang imik sa tumba-tumba. Naisip ko tuloy na manaog.

ANG isa pang dahilan kaya ako nanaog ay may usapan kami nina Inte, Dune at Carlos—mga kaibigan kong binata—na magkikita-kita sa pondahan ni Ising nang gabing iyon. Maganda si Ising, isa sa aming ginigirian. At yayamang laganap na ang dilim at kami’y nakahapon na (sa nayon ay maagang maghapunan ang mga tao) ay naisip kong lumakad na.

            Maraming tao sa ponda ni Ising nang ako’y dumating. Naroroon na sina Inte, Dune, Carlos, at ilan pang kaibigan ko. Mayroon ding may gulang nang mga lalaking maingay na nag-uusap, habang may mga hawak na baso. Natiyak kong may inuman.

            “O, here na pala si Dalma,” sabi ni Dune pagkakita sa akin.

            “Aba’y pasalubungan n’yo ng tagay,” ani Carlos.

            Dalawang basong tuba ang iniabot sa akin ng isang may kagulangan nang lalaking tagatagay. Dalawang balde ang nakita kong kinakadluan ng tuba.

            “Mukhang magkakatagalan ang inuman,” sabi ko kay Dune. “Ano ba’ng okasyon?”

            “Magpapabuhat ng bahay si Mang Damian bukas at nag-antisipo na ng tuba,” sabi ni Dune at iniabot sa akin ang pulutan. “Mamulutan ka. Asusena ‘yan. Kaw-kaw-kaw!”

            Nagtawanan kami.

            Nagpatuloy ang aming inuman. Mabilis ang paglaganap ng dilim. Ilang matatandang babaing kaypala’y magsisipagdasal sa bisita ang nagdaan sa tapat ng tindahan. Nagunita ko si Menang na marahil ay taimtim na nakaluhod sa harap ng altar at nagdarasal. At naisip ko: ano ang mangyayari sa laging pagdarasal ni Menang? Mapalalakad ba siya ng panay na pagdalangin? Hindi na panahon ngayon ng mga milagro!

            Nang kumakagat na ang dilim ay isa-isa nang nangawala ang aking mga kasama. Tatlong matatanda na lamang ang kaulong namin, saka si Dune’t si Carlos. Maya-maya’y lumapit sa amin ang anak ni Mang Damian.

            “Me sasabihin lang daw sa ‘yo, Amang, ang ‘Nang,” anang dalagitang anak ni Mang Damian.

            Muli kong naisip ang aming si Menang. Kasinggulang siya ng anak na ito ni Mang Damian. At kung di sa kanyang kapansanan ay masigla rin siya marahil, puno ng buhay, kagaya ng anak na ito ni Mang Damian.

            “Sige na, anak,” sabi ni Mang Damian, “susunod na ‘ko.”

            “Susunod na daw!” nakasimangot na sabi ng dalagita, “E, aya’t ang dami pa ng iinumin n’yo. Tena.” At hinatak sa bisig ang ama. Napilitang magpaalam sa amin si Mang Damian.

            Naisip kong umuwi na rin. Ang damdamin ng pangungulila, kapag gayong oras, ay hindi ko masupil. Laging kabilin-bilinan sa akin ni Menang na dapat na nasa bahay ako bago dumating ang orasyon. Marahil, dahil na rin sa pagkahabag ko sa aking kapatid, ay ibig kong sundin ang kahilingan niyang ito.

            Alam kong lasing na ako nang umuwi. Nagkakatisud-tisod ako habang daan. Nguni’t hindi pa naman ganap ang kalasingan ko upang hindi ko matutuhan ang aming bahay.

            Sa nagwawating-wating kong tingin ay sumalubong ang payapa ngunit malungkot na mukha ng aking kapatid na lumpo.

            “Lasing ka na naman, Kuya,” aniya, ngunit wala akong nadamang panunumbat. Manapa’y tila pag-aalaala.

            “Sino’ng lasing?” nakatawang sagot ko. Nakaupo si Menang sa tumba-tumba, malapit sa pinto ng silid niya.

            “E, haya’t nangangamoy ka, e.”

            Pero palagay ko nga’y lasing ako. Kahit anong pagpapatatag ang gawin ko ay parang mabubuwal ako.

            Pumasok ako sa silid. Nabangga ko ang dahon ng pinto. Nakita kong may sindi ang kandila sa tapat ng altahan ni Menang. At unti-unting nagdilim sa akin ang lahat. Ang natatandaan kong huli ay lumapit pa ako sa may altar at sandaling tumitig sa naroong Kristo. At pagkaraa’y naramdaman kong nabuwal na ako sa kalasingan.

MGA tinig, nagkakagulong tinig, ang una kong namalayan. Nananakit ang aking ulo. Dumilat ako. At una kong nakita si Menang na nakatawa. Pinupunasan niya ang aking mukha ng tuwalyang basa ng mainit na tubig.

            Napalinga ako. At ako’y napabangon nang makita kong sunog ang saping manipis na tela sa altahan.

            “Nakakalakad ka?” di ko napigilang maibulalas nang makita kong nakatatayo na ang aking kapatid.

            “Ikaw, lalaki ka,” sudsod sa akin ni Inang na nangagalaiti. “Muntik mo nang sunugin ang bahay.”

            “Bakit ho?” nagtatakang usisa ko.

            “Bakit pa raw?” Tumaas ang tinig ni Inang. “E, nabunggo mo ang kandila, nabuwal at nasindihan ang panapin ng altar. Mabuti’t napansin ni Menang. At akalain mong kapag natatakot pala ang kapatid mo, e, makalalakad! Naisip daw niya agad ang Kristo, baka masunog.”

            Napahinga ako nang malalim. Ngayo’y hindi ko na ikatawa ang nakikita kong lagi nang pagdarasal ni Menang, lalo na kung sumasapit ang orasyon.