Ni BRUNO PUNONGBAYAN
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 11, 1962)
ANG unang naramdaman ni Dan, nang dumilat siya, ay ang matinding pananakit ng ulo. Parang binibiyak. Ikiniling lamang niya nang bahagya ay nakaramdam na siya ng masidhing kirot. Dinama niya ang kanyang noo, at sapo niya ito nang bumangon siya at umupo sa gilid ng kama. Ni hindi siya nakapagpalit ng damit kagabi. May bakas ng suka ang kanyang dibdib. At biglang-bigla niyang naalaala ang nangyari: naglasing siya kagabi.
Sapo pa rin ang noo, binuksan niya ang bintana ng kanyang silid. Ang pumasok na sikat ng araw ay sumilaw sa kanya at muling nagpakirot sa kanyang ulo. Mataas na ang araw. Marahil ay mag-iikasampu na ng umaga. Napabuntunghininga siya. Sa walang kapararakang bagay, sa paglalasing, ay hindi siya ngayon nakapasok sa opisina.
Nakarinig siya ng mga yabag na patungo sa pinto. Nang lumingon siya rito, nakita niya si Andrea, ang kapatid niyang dalaga. Nakatawa si Andrea. Kasunod nitong pumasok ang kanyang ina. Puno ng alalahanin ang mukha ng kanyang ina.
“Ere pala’t gising na, Inay!” nakatawang sabi ni Andrea. Tuluy-tuloy ito sa kanyang kinauupuan, inilahad ang palad. “Sa wakas, Kuya, nagawa mo rin. Binabati kita! Ikasa mo!”
“Nagawa?” Pinalis niya ang kamay ni Andrea.
“Ano’ng nagawa?”
“Huwag mong sabihing di mo alam ang ginawa mo kagabi!”
“Ang di ko maintindihan sa ‘yo, bata ka, e, kung bakit gumawa ka ng gano’n.” Humila ng silya ang kanyang ina at naupo sa kanyang harap. Parang maiiyak ito.
“Pangit, lalo na sa gaya mong nakapag-aral naman. Ang nalalaman ko lang na gumagawa ng gano’n, e, ‘yong mga taong di sibilisado!”
“Teka nga muna, Inay. Ano ba’ng ginawa ko?”
“Ang ibig mo bang sabihin, e, di mo alam ang ginawa mo kagabi?” sabi ng kanyang ina. “Mag-isip-isip ka nga, Dan. Isipin mo kung anong kabalbalan ‘yong ginawa mo kagabi!”
Tumawa nang malakas si Andrea. “Sinasabi ko na’t me itinatago ‘tong si Kuya, e. Ganyan nga, Kuya. Paminsan-minsan, e, palilitawin mo’ng pagkalalaki mo. Ngayon, ngayo’y wala nang makapagsasabi sa ‘yong torpe ka!”
Ang isang kaibigan niyang binata ay nagtaas pa ng dalawang kamay, pinagdaop ang mga palad na tila nagbabadya ng kanyang pananalo. Ngumiti si Dan.
Hindi siya makapagsalita. Pilit niyang ginugunita ngayon ang ginawa niya nang sinundang gabi, samantalang siya’y lasing. Ang natatandaan niya, pagkagaling niya kina Amor, ang babaing nililigawan niya nang “ligaw-tingin,” ay nagtuloy siya sa karihan sa kanto at humingi ng isang boteng alak. Uminom siya. Lasing siya nang umalis sa tindahan. Nagbalik siya kina Amor. Sa unang pagkakataon, sapagka’t lasing nga siya, ay pinagtapatan niya ng pag-ibig si Amor. At doon na siya nawalan ng malay.
Nagbalik kaya siya sa tindahan at nanggulo? Namalo kaya siya ng bote? Nanuntok? Paano siya nakauwi?
“Pa’no ho ako nakauwi?” tanong niya.
“Ipinahatid ka ng ama ni Amor,” sabi ng kanyang ina. “Tumawag ng dalawang kapitbahay na lalaki at ipinahatid ka rito. Pasalamat ka sa matanda. Pasalamat ka’t di ka tinaga ni Mang Leon!”
“Pero ano nga ho ba’ng ginawa ko kagabi?”
“Wala namang gano’n,” waring nagbibirong sabi ni Andrea. “Ang lagay, e, niyakap mo lang si Amor… at hinalikan!”
“Ano!” Napatayo siya. Muli siyang nakaramdam ng matinding kirot sa kanyang ulo.
“Pinagtapatan mo muna ng pag-ibig si Amor,” waring paglilinaw na sabi ni Andrea. “Pagkatapos, e, niyakap mo at hinalikan!”
“Nagawa ko ‘yon?”
“Ikaw na rin ang nagulat sa sarili mong kalibre, ha?” sabi ni Andrea.
“‘Yon ang deklarasyon daw ni Amor,” sabi ng kanyang ina. “Nagbalik ka raw sa kanilang bahay nang lasing, pinagtapatan mo raw siya ng pagkakagusto mo. Natakot daw siya at nagtatakbo. Hinabol mo raw siya, niyapos at hinalikan. Ku, bata ka. ‘Yon palang ibinait-bait mong ‘yan, e, me sungay ka rin!”
“Sa isang banda, Nanay, e, mabuti naman ‘yon,” sabi ni Andrea. “Ngayo’y di na maghihirap si Kuya ng kaliligaw-tingin. Ngayo’y kasal agad. Sa bagay, gusto naman n’yo ng tatay si Amor.
“Ang di ko nga lang maintindihan sa ’yo, Dan,” sabi ng kanyang ina, “e, kung bakit nakaisip ka pang gumawa ng gano’n. ‘Yan namang si Amor, e, nahahalata kong me gusto rin sa ‘yo. Kay laking kahihiyan ang ginawa mo. Ngayo’y ikaw na lang ang pinag-uusapan ng tao riyan sa labasan.”
Ngayo’y muli siyang napaupo. Hindi siya makapagsalita. Lalong sumakit ang kanyang ulo.
“Boto rin naman ako ke Amor, kung ako’ng tatanungin n’yo,” sabi ni Andrea.
“Di lang siguro nalalaman ni Kuya, pag kami’y nagkakausap ni Amor, e, nilalakad ko siya.”
“E, ano pa ho’ng nangyari… kagabi?” Gusto niyang maliwanagan ang talagang nangyari.
“Ipinahatid ka nga rito ni Mang Leon sa dalawang kapitbahay niya,” sabi ng kanyang ina, “kasunod din si Mang Leon. Kung naging iba ‘yon, e, baka nilamog ka muna. Alam mo ba’ng sabi niya kagabi? Magdedemanda raw siya!”
“Ngayon ho?”
“Ngayo’y naro’n sa kanila ang ama mo, nakikipag-aregluhan. At alam mo ba kung sinu-sino ang ipinagsama ng ama mo sa aregulhan? Si Dr. Ramos at ang konsehal, mga taong ngayo’y naaabala dahil sa ‘yo!”
“Si Amor ho?” Nanunuyo ang kanyang lalamunan.
“Naro’n daw sa bahay at iyak nang iyak, nagkukulong daw sa silid at ayaw lumabas! Dahil siguro sa hiya!”
Sa biglang galit wari ng kanyang ina, tumindig ito upang ibagsak sa kanyang ulo ang nakatikom na palad. Ngunit dinunggol lamang siya nito sa noo. “Ku, demonyo ka! Nagawa mo ‘yon ke Amor, sa batang ‘yon na ke-bait-bait!”
“Si Nanay naman! Masakit na masakit na ho’ng ulo ko!”
“Mabuti sa ‘yo! At lalong sasakit ‘yan, pag ang mga taong ‘yon, e, di nakuha sa aregluhan at itinuloy ang demanda. Magpahinog ka sa bilangguan!”
“Ang isang bagay na tiyak,” sabi ni Andrea, “e, makukuha si Mang Leon sa aregluhan. Napipisil niya si Kuya Dan, me gusto naman si Amor ke Kuya Dan.”
“Maligo ka at magbihis.”
Ngayo’y nagpapahid ng luha ang kanyang ina.
“Kung likain ng ama mo’y makukuha si Mang Leon sa areglo, mamayang gabi’y pupunta tayo sa kanila. At mag-ingat ka ng pagsasalita. Sabihin mong nagawa mo ang bagay na ‘yon sa lalaki ng pagkakagusto mo ke Amor. Sabihin mong nakalaan kang managot, nakalaang pakasal, dahil sa nangyari.”
Nang lumabas ang kanyang ina at si Andrea, namalagi muna siyang nakaupo, nag-iisip, pagkatapos ay niluwangan niya ang pagkabukas ng bintana at tumayo roon. Hindi niya malaman kung dapat siyang mangamba sa nangyari, o dapat siyang matuwa. Iniibig niya si Amor, danga’t hindi niya mapagtapatan nang tuwiran. Pulos pagpapahiwatig ng niloloob ang nagawa lamang niya. Ngayong magawa niya “ang bagay na iyon,” hindi na kailangan ang matagal na ligawan. Bagama’t kahiya-hiya ang kanyang ginawa ay naroon na iyon. Ngayon ay kasal agad, wika nga ni Andrea.
Napansin niya na ang ilang kakilala niyang napaparaan sa kanilang tapat ay titingin sa kanya, saka ngingiti, ngiting nagbabadya ng paghanga at pagbati. Ang isang kaibigan niyang binata ay nagtaas pa ng dalawang kamay, pinagdaop ang mga palad na tila nagbabadya ng kanyang pananalo. Ngumiti si Dan.
MAHIGIT nang isang linggong nakakasal sila ni Amor nang isang gabi’y mapansin niyang may inilalabas ito mula sa kahon ng aparador, aparador ni Amor. Iyo’y isang maliit at kulay-itim na libro na wari’y talaarawan. Hindi sana niya papansinin si Amor, ngunit ito’y lumingon muna sa kanya na wari’y may bagay na ayaw ipaalam sa kanya, bago nito binuklat ang talaarawan. Kahit nakatalikod sa kanya, alam niyang tumatawa ito habang binabasa ang talaarawan.
Noo’y nasa kanilang silid sila, sa bahay nina Amor. Doon muna sila pansamantalang nakapisan pagka’t wala pa silang napipiling apartment na binabalak nilang lipatan. Nakapadyama na siya at handa nang matulog. Napantulog na rin si Amor. Sa tingin niya, lalong gumanda si Amor sa suot nitong pantulog.
Ang isa pang gumising ng hinala niya sa kung ano ang binabasa ni Amor, pinunit nito ang ilang dahon ng wari’y talaarawan. Ang mga dahong pinunit ay kinuha nito at ang talaarawan ay ibinalik sa kahon ng aparador. At hawak ang ilang pilas ng papel na iyon, lumakad si Amor patungo sa pinto, tumingin sa kanya na nangingislap ang mga amta, at lumabas. Isinara ni Amor ang pinto.
Maingat niyang binuksan ang pinto at sumunod kay Amor. Nakita niyang pumasok si Amor sa kusina. Maingat siyang sumunod. Ang ilang pilas ng papel ay ipinatong ni Amor sa kalan, at hawak nito ang isang posporo. Malinaw: susunugin ni Amor ang ilang dahon ng talaarawan.
“Ano ‘yan, Amor?” tanong niya.
Biglang humarap sa kanya si Amor. Nalarawan sa mukha nito ang pagkagitla.
Ang ilang dahon ng talaarawan ay dinaklot nito at inilagay sa likuran.
“Kanta ‘to, Dan.”
“Kung kanta, e, bakit mo susunugin? At bakit para kang natatakot na ipakita sa ‘kin?”
Niyakap niya si Amor bilang paglansi, at nakangiti, mabilis niyang inagaw ang ilang papel na itinatago nito sa likod. Nagtatakbo si Amor sa silid. Narinig niya ang malakas na pagsasara nito ng pinto. Nagtatakang binasa niya ang ilang pilas ng papel, na pinunit nga mula sa talaarawan:
Pebrero 13
Kangina’y nagkita kami ni Andrea. Puwede raw ba ang Kuya Dan niya sa akin. Bakasakali, sabi ko. Ano raw ba ang ginagawa ng Kuya Dan niya kung nagpupunta sa amin. Kinukuwentuhan ‘ka ko ako ng palabas sa sine. Nagtawa si Andrea. Ganoon daw talaga ang kapatid niya: ligaw-tingin, halik-hangin.
Pebrero 17
Kanginang umaga, pagpunta ko sa Kiyapo, ay tinaon kong papasok na sa opisina si Dan. Gusto kong magkasabay kami sa sasakyan. Pero puno na ang sasakyan niyang dyip. Kinawayan niya ako nang ako’y makita.
Pebrero 20
Ngayong gabi’y naparito si Dan. Ikinuwento sa akin ang napanood niyang boksing.
Pebrero 22
Lalaki ba itong si Dan o binabae? Ngayong gabi’y narito na naman. Inabot kami nang alas-onse nang walang nasabi kundi siya’y umiibig na. Ayaw namang sabihin kung sino ang iniibig. Bakit hindi masabing ako? Saksakan ng torpe. Malapit na tuloy akong mainis. Pati si Tatay ay natawa. Wala raw ginagawa sa amin si Dan kundi magbutas ng silya. Naiinip na rin siguro ang matanda. Sa susunod na punta rito ni Dan, babarahin ko na siya.
Natigilan si Dan nang dumating siya sa huling dahon ng mga papel at makita nang petsang Pebrero 28. Iyon ang araw ng sahod niya. Noon siya nalasing. Noon siya…
Pebrero 28
Gusto kong maglakas-loob na magtapat si Dan, kaya nang pumunta siya rito, sinabi kong ako’y may iniibig na. Pero umalis ang torpe. Pagkaraan ng isang oras ay nagbalik, lasing! Naglasing dahil sa sinabi ko! Wala n’on si Tatay. Nagtapat na si Dan: iniibig daw niya ako, hindi na raw niya gustong mabuhay kung wala ako. Lasing na lasing si Dan. Hindi ko malaman kung ano ang pumasok sa ulo ko. Nakapangyari siguro sa akin ang malaking pag-ibig sa kanya. Kaya nang makita kong dumarating si Tatay, nag-iiyak ako at sinabi kong niyakap ako ni Dan!
Hawak pa rin ang mga pilas ng papel, at nagniningning ang mga mata, tinungo ni Dan ang pinto ng silid. Pinihit niya ang seradura. Nakakandado ang pinto sa loob.
“Amor, buksan mo’ng pinto,” tawag niya.
“Ayoko!” Nasa kabila lamang ng pinto si Amor, at nagtatawa ito.








