LAZARO A. FRANCISCO

Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan

HINDI maikakailang naging tahanan na ng mga dakilang manunulat ang Liwayway. Mga manunulat na naging haligi na sa panitikang Filipino at nagsilbing inspirasyon ng mga nagnanais ding pumalaot sa mundo ng panulat. Isa na nga rito si Lazaro A. Francisco o “Saro” na hinirang bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2009. Isinilang noong Pebrero 22, 1898 sa Orani, Bataan at yumao noong Hunyo 17, 1980.

Nagsimulang magsulat si G. Francisco noong 1925 (tatlong taon makalipas nang itatag ang Liwayway). Isang makabayan at kilala sa kanyang panulat na sumasangkot sa mga isyung panlipunan.

Isa si G. Francisco sa mga pangunahing manunulat na nag-iwan nang malalim na muhon sa kasaysayan ng Liwayway at panitikan. Bago pa man magkadigma, lubos nang kinalugdan at sinubaybayan ang kanyang mga nobelang Binhi at Bunga at Ama nanagkagantimpala sa timpalak ng Liwayway, Sa Paanan ng Krus, Bago Lumubog ang Araw, Ang Pamana ng Pulubi, Singsing na Pangkasal, at iba pa. Matapos ang digmaan, muling napabantog ang kanyang pangalan sa mga nobela niyang Ilaw sa Hilaga, Sugat sa Alaala, Maganda Pa Ang Daigdig, at Daluyong.

Nang humirang ang Liwayway ng nobelista nito sa loob ng limang taon noong 1950, upang parangalan ng Republika ng Pilipinas sa pagsapit ng ikalimang taong buhay ng kalayaan, siya ang nobelistang binigyan ng karangalan. Ginanap ang naturang pagpaparangal sa grandstand sa Luneta na sinaksihan ng libo-libong tao.

Ayon sa patnugutan ng Liwayway noon, bihirang sumulat si G. Francisco. Sapagkat mas malaki ang panahong iginugugol niya sa paghahanda ng linang, sa paglalagay ng pataba, sa pagbunot ng mga mapanirang damo, sa pag-aalaga hanggang sa paggapas o pag-aani.

Kaya naman mapapansing sa tala ng kanyang mga isinulat, may mga taong wala siyang tumatakbong nobela sa Liwayway. Kagaya halimbawa nang magwakas ang nobela niyang Sugat sa Alaala sa Liwayway (1949), lumipas pa ang limang taong ipinaghintay bago muling nasilayan ng kanyang mambabasa ang nobela niyang Maganda pa ang Daigdig (1955). Lumipas pa uli ang mga taon, 1962, nang muling sundan ito ng nobela niyang Daluyong.

Kilala rin si G. Francisco bilang tagapagtatag ng Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino (KAWIKA). Tampok ang ilan pa niyang nakamit na parangal ang Republic Cultural Heritage Award, 1970; Patnubay ng Kalinangan, Maynila, 1975; Dangal ng Lahi, Lungsod Quezon, 1976; Tanglaw ng Lahi, Ateneo de Manila, 1979, at iba pang mga pagkilala bilang pag-aalala sa kanyang kadakilaan.