Ni NORHAN B. KUDARAT
(Ang kuwentong ito ay nagkamit ng Unang Gantimpala sa 2025 Peter’s Prize for Humorous Story ng The Peter Solis Nery Foundation)
ALAS-SIYETE pa lang ng umaga, sumisingaw na ang amoy ng bagong lutong pandesal sa Panaderya ni Manang Charing—isang kubol na may signage na gawa sa pinagtagpi-tagping takip ng yelo, may blink-blink lights kahit maliwanag, at may lumang poster ni Judy Ann Santos sa gilid, may ketchup stain pa sa noo.
Sa loob, abala si Manang Charing sa pagsalok ng tinapay gamit ang kinakalawang na pantiklop. Suot niya ang paborito niyang apron na may burdang “I Love Gluten,” habang sinasawsaw ang hintuturo sa mantika para lang masiguro kung tama ang lagkit.
“Isa… dalawa… tatlo… Diyos ko, mukhang makakabuwelo na naman ako ng sampu!” bulong niya sa sarili habang tinutulak ang tray papunta sa estante. Ang mga pandesal ay nakahilera, parang bagong ligo sa init, at handang kagatin ng sinumang sugapa sa almusal at chismis.
Maya-maya, isang matinis na sigaw ang pumunit sa katahimikan ng umaga:
“MAY HIMALA! ANG PANDESAL… MAY MUKHA NI RIZAL!”
Nagtilian ang mga tindera sa karinderya. Lumundag mula sa pagkakaidlip ang tricycle driver na si Mang Pitong, sabay dukot ng cellphone mula sa kanyang medyas.
“Pandesal na pambansang bayani?! Aba, ito na yata ang breakfast of heroes!” sigaw niya habang tumatakbo papuntang panaderya.
Sumunod ang isang grupo ng tambay—nakasando, nakatsinelas, at may hawak na gatas na iniinuman direkta sa supot. Kasama rin nila ang isang manok na palaging nanginginig, tinawag nilang “Si Bantay,” kahit hindi naman aso.
“Tabi-tabi! Baka mawala ang himala!” sigaw ng isang ale habang pilit sumusundot sa unahan gamit ang selfie stick.
At ayun na nga.
Nakatayo sa gitna ng tray ng pandesal ang isa—medyo masunog sa ibabaw, parang nasobrahan ng tulog sa oven. Pero sa nasunog na parte, malinaw na nag-ukit ang tadhana: dalawang mata, matulis na ilong, manipis na labi, at isang kilay na hindi mo aakalain ay harina lang—ang mismong mukha ni Jose Rizal. Parang stamp ng limang piso, pero toasted.
“Grabe ‘to! Zoom mo! Zoom mo, bestie!” sigaw ng estudyanteng si Baste habang tinututok ang cellphone sa mukha ng tinapay. May filter pa—nag-blush si Rizal.
“Posible kayang buhay siya at nagmumulto sa harina?” tanong ng lalaking lasing, si Tatay Roel, na amoy lambanog at may suot pang t-shirt na may nakasulat na “I’m Not Drunk, You Are.”
“Baka totoo ang sinasabi nila… Baka reincarnation ni Rizal ang mga baker na may galit sa yeast,” sagot naman ng isang retiradong guro, si Ma’am Lita, na biglang naglabas ng rosaryo at sinimulang bulungan ang tinapay ng Aba Ginoong Maria.
Kinuha ni Mang Pitong ang isa pang pandesal mula sa tray, tinitigan ito nang mariin, saka nagsabi, “Wala. Mukhang si Pacquiao lang ‘to.”
Sabay-sabay silang nagtawanan, pero mabilis ding tumahimik. Lahat ay muling tumutok sa mukhang pandesal na tila sinasabi sa kanila: “Ipinaglaban ko ang bayan… kayo, almusal lang ang kaya?”
“Charing,” bulong ni Aling Baby, ang kapitbahay ni Manang, “may karapatan na ‘tong pandesal na ‘to para sa sariling holiday. ‘Di na lang National Heroes Day… dapat may Pan de Rizal Day!”
Hindi pa natatapos ang mga mungkahi nang biglang may lalaking dumating sakay ng scooter—vlogger, may gimbal, may ring light, may sariling theme song. “Mga ka-Breadnation, nandito po tayo ngayon sa Brgy. Malatumpok kung saan may tinapay na… BUMALIK SI RIZAL!” sabay slow zoom in sa pandesal habang may sound effect na SWOOOOOSH! at background music na “Noli Me Tangere” instrumental.
Mabilis ang lahat. Sa loob ng isang oras, may sampung TikTok videos na. May dalawampu’t walong live streams. At may isang news report mula sa Channel 37—ang underground na channel ng mga mahilig sa conspiracy theories.
“Hindi ito basta tinapay,” sabi ni Tatay Roel habang umiinom ng Red Horse, “Ito ang sinimulang paggising ni Pepe sa mga kaluluwang gutom sa dangal… at palaman.”
MAKALIPAS lamang ang tatlong oras mula nang makita ang pandesal na may mukha ni Rizal, ang Panaderya ni Manang Charing ay hindi na simpleng tindahan—isa na itong espiritwal na destinasyon.
May linya na hanggang waiting shed. May mga taong may bitbit na banig, may lola na may dalang kutsara’t asin (“Pantaboy ng malas,” aniya), at may batang naka-Minecraft costume na hindi na umuwi simula pa kagabi. May isang binata pa nga na sinadyang pumila nang naka-Barong, sinasabing, “Para kagalang-galang ako kung sakaling sumapi sa ‘kin ang diwa ng Katipunan.”
Sa mismong estante kung saan unang lumitaw si Rizal, may altar nang inilatag si Aling Baby—may kandila, may framed photo ni Rizal na mukhang kinopya mula sa five-peso coin, at may plastic flower na kinuha raw mula sa punerarya ng dating punong barangay.
Si Manang Charing, na dati’y tahimik lang na nagbebenta ng monay at Spanish bread, ay ngayon may official title na: “La Santísima Panadera.”
“Hindi ko naman ho sinasadya,” paumanhin niya habang pinupunasan ang pawis sa ilalim ng kanyang hairnet. “Nag-brown lang talaga ng konti ang ibabaw. Baka may nasunog na itlog.”
Ngunit walang nakinig. Para sa mga tao ng Brgy. Malatumpok, hindi ito basta pagkasunog—ito ang pagsunog ng ilaw ng pag-asa.
“Sa panahon ng kagutuman, sino pa bang magpapakita kundi si Rizal?” sabi ni Ginoong Domeng, ang pinakamatandang tambay sa barangay, habang dinidilaan ang palad na ginamit niya sa paghaplos sa tinapay.
“Puwede bang humingi ng kapiraso ng mumo?” tanong ng buntis na si Dayanara. “Ipapahid ko po sa tiyan ko. Baka lumabas ang anak kong may doktorado.”
Lumaganap ang balita. May dumating pang grupo ng biker na ang tawag sa sarili ay “Kapatiran ng Tinapay.” Nakasuot sila ng leather jacket na may burdang:
“Sa Pandesal Nagsimula ang Lahi, Sa Pandesal Din Matatapos ang Gutom.”
May isa pa na nagsabi na nakita raw niya si Rizal sa ulap kinagabihan—nakatsinelas at may hawak na peanut butter.
NOONG ikatlong araw, dumating ang isang pulutong ng mga debotong tinawag ang sarili nilang:
“Mga Apostol ng Harina at Hangin.”
Nagmartsa sila paikot sa panaderya, may dalang mga homemade drum (gawa sa lata ng gatas at takip ng mantika) habang sabay-sabay nilang sinisigaw:
“PAN! DE! SAL! PAN! DE! SAL!”
At sa huli ng kanilang prusisyon, sabay silang luluhod, sabay sabing:
“Ihanda mo kami, O Tinapay ng Bayan,
Sa oras ng almusal at kalituhan,
Puspusin mo kami ng mantikilya ng liwanag.”
Dahil dito, nagsimula ang mga panata.
May estudyanteng hindi kakain ng kahit anong pandesal nang hindi muna hihipo sa estante ni Manang Charing.
May call center agent na nagpalagay ng tattoo ni Rizal—pero mukha mula sa tinapay, hindi mula sa libro.
At may magkasintahang nag-break dahil sa isyu ng “peke raw ang kilay ni Rizal sa panaderya.”
Habang patuloy ang pagsamba ng masa, napansin ni Manang Charing na bumibilis ang takbo ng panaderya. “Hindi na ako panadero… ako na ‘ata ang tagapamagitan ng langit at Levitating Loaf,” bulong niya habang pinapalitan ang presyo ng pandesal mula P3.50 sa P35.00, spiritual tax included.
Sa panig naman ng simbahan, tahimik si Father Greg. Hindi siya makapaniwala nang isang deboto ang humiling ng “blessing certificate” na may kasamang pandesal.
“Padre,” pakiusap ng ale, “kahit isang kagat lang ni Rizal sa tinapay, kahit kagat-gutom lang.”
“Hindi siya kumakagat,” sagot ni Father Greg. “Isa siyang doktor, hindi gremlin.”
SA ikalimang araw ng “himala,” dumating ang hindi inaasahan. Isang matandang guro sa kasaysayan, si Ma’am Linda, na may sunglass kahit gabi at kilalang laging may dalang chalk kahit wala nang pisara, ang tumindig sa gitna ng pila. Bitbit ang megaphone, sumigaw siya:
“Mga kapwa kong gising! Hindi ba’t may batas laban sa pagsamba sa tinapay?!”
Natahimik ang lahat. Ang mga deboto, hawak-hawak pa ang pandesal na parang sanggol. May batang umiiyak sa pagkakagulat habang dinidilaan pa ang tinapay niyang may hugis ng Montalban Twins.
“Ito’y hindi banal. Ito’y gluten at ilusyon!” sigaw ni Ma’am Linda.
Isang ale mula sa queue ang biglang sumagot, “Eh ‘di huwag kang bumili! Amin na lang ‘yang slot mo!”
Dito na nagsimula ang pagkakahati ng bayan.
May call center agent na nagpalagay ng tattoo ni Rizal—pero mukha mula sa tinapay, hindi mula sa libro.
PINAMUNUAN ni Ma’am Linda ang bagong kilusan: ang Anti-Pandesal Movement o APM. Nakaitim silang lahat, may kasamang banner na may nakasulat:
“Pagkain Lang ang Tinapay, Huwag Gawing Diyos.”
Kasama niya si Aling Sima—ang tita ng lahat ng may trust issues. Nagtayo sila ng “Alternatibong Almusal Center” sa tapat ng bakery, kung saan tanging lugaw, champorado, at kape na walang asukal lang ang ibinebenta.
“Almusal ng Katotohanan!” sigaw nila.
Nagkabulungan sa barangay. May chismis pang sinadya raw ni Aling Sima na sunugin ang monay para bumuo ng mukha ni Emilio Aguinaldo, pero lumabas ay si Yorme.
Para mapayapa ang tensiyon, nagpatawag si Kapitan Totoy ng Barangay-Level Dialogue. Sa gitna ng basketball court ginanap ang paglilitis, sa presensiya ng mga tanod, dalawang sakristan, at isang psychic reader na tinawag para mag-“discern ng vibe” ng tinapay.
Kapitan: “Nagkakaroon na po tayo ng mass hysteria. Ang tanong lang: ang pandesal ba ay himala, o marketing?”
Manang Charing: “Eh ako ho, nagtitinda lang naman. Ang tinapay ay tinapay. Kung makakita kayo ng mukha sa mantika, wala na ho akong kinalaman.”
Ma’am Linda: “Maling gamitin ang imahen ng bayani para lang yumaman. Hindi natin kailangan ng pan de Messiah!”
Biglang sumabat ang isang batang deboto:
“Eh ‘di huwag kang kumain. Baka allergic ka lang sa enlightenment!”
HABANG nagkakagulo sa debate, isang tahimik na grupo ng mga taho vendor, tricycle driver, at call center agents ang nagkita-kita sa kanto. Pinamunuan sila ni Mang Kulas, isang vendor na may sariling reseta ng kwek-kwek na may Latin names sa menu.
Sabi niya:
“Kung sila may kilusan, tayo rin! Itatag natin ang Bagong Republika ng Tinapay!”
Doon ipinanganak ang Gobyernong Harina’t Mantika (GHM)—ang unang pamahalaan na ang opisyal na wika ay “amoy-luto,” ang opisina ay sa likod ng bakery, at ang national anthem ay “Bahay Kubo” pero remix.
Inihalal si Mang Kulas bilang Pangulo ng Pan de Bayan. Ang kanyang plataporma:
Libreng pandesal tuwing Lunes basta may dala kang ID at respeto.
Mandatory baking class sa mga barangay tanod.
At bagong holiday: Araw ng Lumuluwal na Loaf.
NAGSIMULA ang tensiyon nang biglaang may sumabog na balita:
“Hinagis ng Anti-Pandesal ang tray ng kalihim ni Mang Kulas!”
Sa CCTV, kita si Aling Sima na humahagis ng ensaymada na may note:
“Huwag n’yong gawing panambang ang tinapay!”
Sumiklab ang una at huling Digmaan ng Monay at Lugaw.
Ang mga Anti–Pandesal ay may bitbit na thermos ng champorado.
Ang mga Pro-Pandesal ay may dalang rolling pin at flour bomb.
May sugatang tinamaan ng bibingkang matigas sa noo.
May isang nanay na sumigaw, “Tama na! Baka mamantsahan ang uniporme ng anak ko!”
HABANG nagkakagulo sa gitna ng basketball court, biglang huminto ang lahat.
Bumukas ang langit. Umulan ng mumo.
Isang batang babae ang tumayo sa gitna—si Nene, anak ni Mang Kulas. Hawak niya ang isang tinapay na hindi si Rizal… kundi si Andres Bonifacio.
Pero hindi siya seryoso. May hawak siyang mic.
“Tumigil na kayo! Wala sa tinapay ang pagbabago. Nasa palaman!”
Tumulo ang luha ni Ma’am Linda. Tumayo si Aling Sima at nagyakapan sila ni Manang Charing.
MATAPOS ang digmaan ng monay at lugaw, lugmok ang buong Brgy. Malatumpok.
Sa gitna ng basketball court—na ngayo’y puno ng mumo, bitsin, sirang thermos, at napigtal na apron—nakatayo si Nene, pitong taong gulang, naka-uniform pa ng kindergarten, may hawak na pan de coco na may guhit ng mukha ni Andres Bonifacio, pero this time… nakangiti.
Lumapit si Nene sa harap ng nag-uumpugang dalawang lider: si Ma’am Linda na may baling braso gawa ng tumamang panderegla-sized monay, at si Mang Kulas na may flour burn sa pisngi.
“Tama na po,” bulong ni Nene, halos parang commercial ng powdered milk.
“Hindi po dapat awayin ang tinapay. Kasi kahit anong palaman ang ilagay natin… pareho tayong bubusugin.”
Tahimik. Parang tinamaan ang lahat ng holy toaster ng langit.
Nagtayuan ang mga tao, isa-isa. Binaba ni Aling Sima ang kanyang placard na may nakasulat na “Gluten is the Devil.” Tinapon ni Mang Kulas ang kanyang rolling pin sa basurahan.
Nagkatitigan.
Nagkatinginan.
At sa isang marahang bulong ng panaderya’s resident psychic:
“The vibe… is shifting.”
“PASENS’YA ka na,” bulong ni Ma’am Linda kay Manang Charing, habang pinupunasan ang harina sa balikat nito.
“Hindi, ako dapat ang humingi. Pinataas ko ang presyo ng pandesal, kahit may himala,” sagot ni Charing habang hinahaplos ang kendi na nakasingit sa buhok ni Nene.
Biglang naglabas si Kapitan Totoy ng dalawang garapon ng peanut butter.
“Panahon na para magsalo. Spread love, not war.”
Nagbukas ng thermos. Naglabas ng platito. May nagsalin ng kape.
At sa kauna-unahang pagkakataon, buong barangay ay nagsalo-salo sa almusal ng kapayapaan.
Isang lola ang nagsabing:
“Ngayon lang ulit ako naluha sa pandesal, hindi dahil sa init, kundi dahil sa pag-ibig.”
HABANG masaya ang lahat, isang kagulat-gulat na bagay ang naganap.
Napansin ng lahat: nawawala ang orihinal na Pan de Rizal.
Tumayo ang psychic reader. Tinignan ang hangin. Kumagat ng yelo.
“Nararamdaman ko… lumayas siya.”
Isang tambay ang sumigaw.
“Ayun! Umaandar mag-isa ang tinapay!”
Kita sa gilid ng estante, gumugulong pababa ang Pan de Rizal, tila may sariling direksiyon. Paikot, padulas, palundag—parang tinatawag ng tadhana.
Umabot ito sa paanan ng estatwa ni Rizal sa plaza.
At doon, huminto ito.
Umilaw ang paligid.
Tumunog ang tunog ng microwave.
At sumambulat ang liwanag.
Sa gitna ng liwanag, isang tinig ang narinig. Mahinahon. Malalim. Makabayan.
“Hindi ako isinilang para sa karangalan… kundi para sa dangal ng bawat kagat.”
At POOF—naging mumo ang Pan de Rizal.
Sumabog sa hangin, lumipad ang mga piraso sa direksiyong silangan, kanluran, at sa mata ng isang batang may sipon.
SIMULA noon, itinatag ng barangay ang taunang selebrasyon:
“Pista ng Tinapay na May Mukha.”
May parada ng panaderya floats, spoken-word battle ng mga palaman, at pandesal-eating contest habang nakapiring.
Ang bagong panata ng mga taga-Malatumpok ay recited tuwing lunes, habang nakatayo sa harap ng estante:
Ako ay pan de tao,
Malutong sa labas,
Malambot sa loob,
Handang ipalaman ang pag-ibig,
Kahit sa mapait na mantikilya ng lipunan.
Muling binuksan ang panaderya ni Manang Charing, may bagong signage na: “Baker ng Bayani: Dito Nagsimula ang Pagbabago (at ang Almusal).”
SI Nene ay lumaki’t naging guro sa Kasaysayan.
Si Mang Kulas ay naging first elected Vice Mayor ng Brgy. Harina’t Mantika.
Si Ma’am Linda ay nagsulat ng librong “Huwag Itapon ang Mumo ng Kasaysayan.”
At ang original Pan de Rizal?
Naging bahagi ng panaginip ng bawat batang Pilipinong nangangarap na maging bayani, kahit sa tiyan lang ni Inay.
***
(Si Norhan B. Kudarat ay isang guro, mananaliksik, at malikhaing manunulat na Moro mula Dimataling, Zamboanga del Sur. Kasalukuyan niyang isinusulat ang disertasyong “Stylistics of Kalimantan and Mindanao Folk Stories: A Reflection of Cultural Values and Worldview” bilang bahagi ng kanyang PhD sa Language Studies, at naging Fellow siya ng 30th Iligan National Writers Workshop (INWW) at tumanggap ng 2025 Peter’s Prize for Humorous Story.)





