Bakit Hindi na Tumitilaok ang Tandang ni Ka Peryong?

“Hoy, Tandang!” sigaw ni Ka Peryong. “Bakit hindi ka tumilaok kaninang bukang-liwayway? Hindi tuloy ako nagising sa takdang oras at huli na ako sa aking mga gawain dito sa sakahan.”

Ni Eric Ruiz Roxas

TIRIK na ang araw nang magising ang magsasakang si Ka Peryong. Siya’y nabalisa at nagmaktol. Padabog siyang lumabas ng kaniyang bahay-kubo at sumugod sa kulungan ni Tandang.

“Hoy, Tandang!” sigaw ni Ka Peryong. “Bakit hindi ka tumilaok kaninang bukang-liwayway? Hindi tuloy ako nagising sa takdang oras at huli na ako sa aking mga gawain dito sa sakahan.”

“Sinadya ko pong hindi tumilaok, Ka Peryong.” Pumadyak si Tandang at humalukipkip. “Ako po’y nagpoprotesta.”

Pumameywang ang magsasaka at nagtaas ng kilay. “Nagpoprotesta ka dahil?”

“Ilang beses ko na pong sinabi sa inyo.” Itinuro ni Tandang ang kaniyang kulungan. “Hindi po maka-ibon ang aking tirahan! Sobrang liit! Sobrang sikip! At sobrang init! Hanggang hindi ninyo po ito aayusin, hindi po ako titilaok sa bukang-liwayway!”        

Humalakhak si Ka Peryong. “E, ‘di ‘wag! Madali kitang palitan.” 

Nagalit si Tandang at nag-alsa-balutan.

Tinawag ni Ka Peryong si Manok. “Hoy, Manok! Ang katrabaho mong si Tandang ay umalis na, kaya’t bukas sa bukang-liwayway, ikaw na ang tumilaok para ako’y magising.”

Nagkamot ng ulo si Manok. “E, paano na ang pinalilimliman mo sa aking mga itlog, Ka Peryong?”

“Ako na ang bahala!” matapang na hirit ng magsasaka.

Kinabukasan, nagising si Ka Peryong, hindi sa tilaok, ngunit sa “Kuk-kuruk-kuk!” ni Manok.

“Magandang umaga, Ka Peryong,” bati ni Manok, habang pilit na sumisiksik sa maliit at masikip na kulungan ni Tandang. “’Wag ninyo pong kaligtaang limliman ang aking mga itlog.” 

Hihikab-hikab na tinungo ng magsasaka ang pugad ni Manok at agad sumalampak.

Ang mga itlog ay nabiyak. Ang mga kiti sa loob ay umatungal at tinuka-tuka ang puwitan ng magsasaka. 

Nakiliti si Ka Peryong. Siya’y napakislot, natalisod, at natapilok sa tumpok ng giniikan.  “Aruguy! ‘Di ko kaya!”

Nagalit si Manok at nag-alsa-balutan. 

Kumandi-kandirit na sumagot si Ka Peryong. “E, ‘di ‘wag! Madali kitang palitan.” 

Tinawag ni Ka Peryong si Kambing. “Hoy, Kambing! Ang mga katrabaho mong sina Tandang at Manok ay umalis na, kaya’t bukas sa bukang-liwayway, ikaw na ang tumilaok para ako’y magising.”

Nagkamot ng ulo si Kambing. “E, paano na ang pinalilinis mo sa aking damuhan, Ka Peryong?”

“Ako na ang bahala!” matapang na hirit ng magsasaka.

“Hoy, Tandang!” sigaw ni Ka Peryong. “Bakit hindi ka tumilaok kaninang bukang-liwayway? Hindi tuloy ako nagising sa takdang oras at huli na ako sa aking mga gawain dito sa sakahan.”

Kinabukasan, nagising si Ka Peryong, hindi sa tilaok, ngunit sa “Meh! Meh! Meh!” ni Kambing. 

“Magandang umaga, Ka Peryong,” bati ni Kambing. “’Wag ninyo pong kaligtaang linisin ang damuhan.” 

Iika-ikang tinungo ng magsasaka ang damuhan at sinimulan ang paglilinis. Kinagat niya ang mga damo at nginuya. Pero hindi pa man niya naubos ang isang hanay ng ligaw na halaman ay nanigas na ang kaniyang mga panga at ang bundat niyang tiyan ay humilab at gumaralgal. “Argh! ‘Di ko kaya!”

Nagalit si Kambing at nag-alsa-balutan.

Kumaripas ng takbo si Ka Peryong papunta sa palikuran. “E, ‘di ‘wag! Madali kitang palitan.” 

Tinawag ni Ka Peryong si Kalabaw. “Hoy, Kalabaw! Ang mga katrabaho mong sina Tandang, Manok, at Kambing ay umalis na, kaya’t bukas sa bukang-liwayway, ikaw na ang tumilaok para ako’y magising.”

Nagkamot ng ulo si Kalabaw. “E, paano na ang pinaaararo mo sa aking palayan, Ka Peryong?”

“Ako na ang bahala!” matapang na hirit ng magsasaka.

Kinabukasan, nagising si Ka Peryong, hindi sa tilaok, ngunit sa “Moo! Moo! Moo!” ni Kalabaw. 

“Magandang umaga, Ka Peryong,” bati ni Kalabaw. “’Wag ninyo pong kaligtaang araruhin ang palayan.” 

Himas-himas ang tiyan na tinungo ng magsasaka ang palayan. Sinukbit niya sa likod ang mabigat na araro, dumapa, at gumapang. Ngunit biglang nagdilim ang kalangitan at umulan. Ang lupa’y naglusak at napuno ng tubig. Dumulas-dulas si Ka Peryong hanggang masubsob ang mukha sa putik. “Grrr! ‘Di ko kaya!”

Nagalit si Kalabaw at nag-alsa-balutan.

Hinugasan ni Ka Peryong ang kaniyang mukha sa poso. “E, ‘di ‘wag! Madali kitang palitan.” 

Tumingin si Ka Peryong sa magulo, madumi, at ubod ng tahimik niyang sakahan—naghahanap ng susunod na hayop na uutusang tumilaok. Ngunit wala nang natira ni isa. Lahat ay nag-alsa-balutan na.

At habang nanakit pa rin ang kaniyang bukung-bukong, humihilab at gumagaralgal pa rin ang kaniyang tiyan, at putik-putik pa rin ang kaniyang katawan, napagtanto niya ang kahalagahan ng kaniyang mga hayop at kung paanong nakadepende ang tagumpay ng kani-kanilang mga trabaho sa bawat isa. “Hindi aalis si Kalabaw kung hindi umalis si Kambing. Hindi aalis si Kambing kung hindi umalis si Manok. At hindi aalis si Manok kung hindi umalis si…” Agad siyang kumuha ng martilyo, pako, at kawayan at inayos ang kulungan ni Tandang.