TATLONG PRINSIPENG PILIPINO

Ni SEVERINO REYES

(Muling nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 9, 1962)

PANAHON noon ng mga Kastila. Wala pang maraming paaralan noon. Sa Tundo ­ay namumuhay noon si Tandang Porong, na yumaman sa panghuhuli ng isda. Siya’y maraming bangkang pamandawan ng gabi-gabi’y lumalabas sa dagat. Matagal nang balo si Tandang Porong. May tatlo siyang anak na pawang binata at makikisig.

            “Tayo’y mayaman na,” isang araw ay turing ni Tandang Porong sa tatlo niyang anak samantalang sila’y nag-aagahan. “Subali’t ibig kong makitang kayo’y may mabubuti nang kapalaran. Ayokong hanggang sa magsitanda kayo ay mamanahin ninyong tatlo ang aking opisyo. Ang mangingisda ay hindi maipapantay sa malalaking tao. Mahirap magkaasawa ng hindi basta-basta ang isang mangingisda lamang.”

            “Mangingisda man ako at ako’y mayaman, makahaharap ako at makaliligaw sa kanino mang dalagang may sinasabi,” ang panganay na si Pedro.

            “Tama ang sinabi ng kapatid ko,” ang wika naman ni Juan, na sumunod sa panganay.

            “Ako’y sang-ayon diyan,” anang bunsong si Tiago.

            “Subali’t lalong mainam kung ang kayamanan ay nasasaniban ng iba pang magandang kapalarang biyaya ng langit.”

            “Ang sinabi ni Tiago ang tama,” ani Tandang Porong.

            “Kayong tatlo, mga anak ko, ay magsidayo sa ibang lupain, at nang kayo’y makakita ng higit na magandang kapalaran.”

            Sumang-ayon ang tatlong binata, at sila’y binigyan ng ama ng tigatlong libong pisong ginto upang maging baon nila sa paglalakbay. Ipinasiya ng magkakapatid na sa ibang bansa magtungo.

            “Mabuti nga roon, maaaring makapag-aral pa kayo,” ani Tandang Porong.

            Minabuti ng magkakapatid na paroon muna sa Antipolo at magpaalam sa Mahal na Birhen de la Paz. Umalis sila sa Tundo nang maagang-maaga at sumakay sa bangka hanggang sa Cainta pagka’t nang panahong iyo’y mahirap pang totoo ang pagtungo sa Antipolo. Ang nagsasadya roon ay halos pagapang na umaakyat sa bundok.

            Nahirapan ang tatlong magkakapatid. Sa hirap ng pag-akyat sa bundok ay malimit silang magpahinga sa lilim ng mga punungkahoy. Nang sila’y halos lupaypay na, nasalubong nila ang isang matandang babae.

            “Mga anak ko, hirap na hirap na kayo, a!” anang matanda at iniabot sa magkakapatid ang kanyang mahabang tungkod. “Hala, kayo’y magsikapit diyan, at kayo’y hahatakin ko upang hindi kayo mahirapan sa pag-akyat.”

            Ang tatlong magkakapatid ay napatawa nang malakas, at nagbulungan.

            “Binibiro tayo ng matandang ito!” ani Pedro.

            “Hindi,” agap ng matanda. “Mas sanay ako kaysa inyo sa bundok na ito pagka’t ako’y tagarito, kaya parang walang ano man sa akin ang pag-akyat. Hala, kapit na kayo, at kayo’y tutulungan ko.”

            Ang tatlo’y nagsikapit naman sa mahabang tungkod ng matandang babae. Madali silang nakaakyat sa huling salunga. Nagpasalamat ang magkakapatid.

            “Makikisig kayo, a!” nasabi ng matanda. “Mukhang mayaman kayo.”

            “Hindi po naman kayamanan, Impo. May sapat po lamang magugol sa buhay.”

            “Mabuti na iyan. Kayo’y pasalamat sa Mahal na Birhen! Ang tao, may damit lamang at may kakanin pagdating ng oras ay dapat nang pasalamat kay Bathala.”

            “Siyanga po, Impo.”

            “Tantuin ninyo, mga anak ko, ang taong may labis na salapi, kadalasa’y sumasama. Nalilimutan niya ang Diyos at ang hinaharap na lamang ay ang pagpapasasa sa layaw.”

            Ang tatlong magkapatid ay muling nagbulungan.

            “Napakarunong ng matandang ito,” anang isa. “Tumatalab sa puso ko ang mga sinabi niya!”

            “Limusin natin,” ani Pedro.

            Bawa’t isa sa magkakapatid ay nag-abot ng tig-isang pisong ginto sa matanda.

            “Salamat, mga anak ko,” anang matandang tuwang tuwa. “Makagaganti rin ako sa inyo.”

            Ang tatlong magkakapatid ay nagtuloy na sa simbahan ng Antipolo. Nakinig sila ng misa at humalik sa kamay ng Mahal na Birhen.

NANG magsibaba na sa bundok ang tatlong magkakapatid ay muli nilang nasalubong ang matandang babaing kanilang nilimusan.

            “Mga anak ko,” anang matanda, “dahil sa inyong kabutihang-loob, nag-isip akong makaganti agad sa inyo.” At dinukot ng matanda sa lukbutan ang isang maliit na aklat. “Ito’y para sa iyo!” ang sabi kay Pedro.

            “Ano po ito?”

            “Iya’y dasalan. Sakali’t ibig mong tumawag sa Diyos ay basahin mo. Subali’t huwag mong bubuksan ang aklat na iyan sa harap ng patay. Pagka’t ang patay mabubuhay pag natapat sa kanya ang nakabukas na aklat na iyan.”

            Kay Juan naman ay ibinigay ng matanda ang isang pinung-pinong banig na sinabatan.

            “Ang banig na iyan, bagama’t kung titingnan ay banig lamang ng sanggol, ay magkakasiyang higaan ng kahit isang daan katao.”

            “Salamat po!” ani Juan.

            “May isa pang hiwagang taglay iyan,” patuloy ng matanda. “Madadala niyan kayong tatlo saan man ibigin ninyong magtungo. Ngayon din ay subukin ninyo. Ilatag mo ang banig mo.”

            Sinunod naman ni Juan ang utos ng matanda.

            “Ngayon, magsituntong kayong tatlo.”

            Nang makatuntong na sa banig ang magkakapatid ay nag-utos ang matanda:

            “Banig-banigan, itaas mo sila at magpaikot-ikot kayo, at dito rin sila ibaba mo.”

            Pagdaka’y tumaas ang banig at nagpaligid-ligid sa itaas, at saka bumaba sa harapan ng matanda.

            Ang tuwa ng tatlo’y gayon na lamang. Paulit-ulit ang kanilang pasasalamat sa matanda.

            “Mga anak ko, itinatagubilin ko lamang sa inyo, na lahat ng hiwagang kaloob ko sa inyo ay huwag ninyong gagamitin dito sa ating bayan pagka’t sasamsamin iyan sa inyo ng mga may kapangyarihan. Kung kayo’y maglalakbay sa ibang bansa ay doon ninyo gamitin, kung inyong kailangan.”

            “Impo, hindi na ninyo naalaalang bigyan ako ng ano man!” pahinanakit na wika ni Tiago.

            “Aba, bibigyan din kita, anak ko,” anang matandang babae. “Ano ba ang hilig mo… halimbawa’y iyong gusto mong pag-aralan?”

            “Maliit pa po’y mahilig na ako sa paggawa ng bangka-bangkaan. Ibig ko pong pag-aralan sa ibang bansa ang paggawa ng malalaking sasakyang-dagat.”

            “Mabuti!” turing ng matanda. “Ang ibibigay ko sa iyo ay angkop na angkop sa iyo, sa pag-aaral mo ng paggawa ng malalaking sasakyang-dagat.”

            “Ano po iyon, Impo?” sa laki ng pananabik, ay tanong agad ni Tiago.

            “Pagdating mo sa Hinulugang-Taktak, ay bumaba ka. Sumilip ka sa guwang ng malaking bato roon. Makikita mo ang dalawang batubalani. Ang dalawang batong iyo’y magkaiba ng kulay. Isang kulay-kape at isang maputing-maputi, at walang lubay ng pagsasalpukan. Pagdaka’y sunggaban mo at iyong ipamulsa. Sa lungga-lunggang iyo’y di malayong makakita ka ng mga palakang puti at mga alupihang pula, ngunit huwag kang matatakot at di ka nila aanuhin.

            “Ano po ang birtud ng dalawang batong iyan?” tanong ni Tiago.

            “Ang mga batong iyon ay kasinlalaki lamang ng itlog ng dumalaga. Kapag ikiniskis mo iyon sa ano mang bagay na butas o wasak, ang bagay na butas o wasak, ang bagay na iyan ay mauuli sa dating kabuuan. Kaya, magagamit mo ang kapangyarihang iyan sa pagkumpuni sa mga nasirang sasakyang-dagat, yamang sabi mo ay paggawa ng mga sasakyang iyan ang hilig mo.”

            Inulit ni Tiago ang pasalamat sa matandang babae.

            Sila’y nagtuloy nang umuwi sa Maynila, matapos kunin ni Tiago sa Hinulugang-Taktak ang dalawang batubalani.

LILIMANG araw pang nakababalik sa Maynila ang tatlong magkakapatid ay dumating na sa Pilipinas ang malaking sasakyang-dagat “Magallanes” na buhat sa Espanya. Ang sasakyang iyon ay may layag at pinatatakbo ng hangin. Doon lumulan ang magkakapatid.

            Makaraan ang ilang araw na paglalayag, ang sasakyang-dagat ay nasalubong nang malakas na bagyo. Ang “Magallanes” ay tinangay nang malakas na hangin, hanggang sa mapahataw sa mga talampas. Nabutas ang sasakyan.

            Noon ginamit ni Tiago ang mahiwagang kapangyarihan ng dalawang batubalani. Ikiniskis niya ang mga iyon sa nawasak at nabutas na mga bahagi ng sasakyan.

            Gayon na lamang ang pasasalamat kay Tiago ng mga pasahero at ng kapitan ng bapor. Hinangaan siya at ipinagbunyi ng mga iyon. Nang wala na ang unos ay nagpatuloy na sila ng paglalayag.

            Ang mahiwagang kapangyarihang ipinamalas ni Tiago ay naging daan tuloy upang malapit sa kanilang magkakapatid ang loob ng isang pasaherong binata na anak ng isang heneral sa Persia. Ang binata ay nag-anyaya sa tatlo na sumama sa kanya sa Persia. Nayag naman ang magkakapatid. Upang madali, ginamit nila ang lumilipad na banig na kaloob ng matanda kay Juan.

            Nang makarating sila sa Persia, sina Pedro, Juan, at Tiago ay bumili muna ng damit na isinusuot ng mga tagaroon.

            Nang pumapasok na sila sa siyudad ay nagulat ang kasama nilang binatang Persa. Ang siyudad ay luksa. Sa mga bahay ay may nakasabit na mga kayong itim.

            Nang matapat sila sa palasyo ay nakita nilang maraming tao roon. Nagtanong sila sa bantay sa palasyo.

            “Namatay kahapon si Prinsesa Natha, ang panganay sa tatlong anak ng hari,” pagbabalita ng bantay.

            Hinarap ng Persa ang kanyang mga kaibigang Pilipino at kinausap:

            “Mga kaibigan, tiyak na ganyan na lamang ang pagdadalamhati ng aming hari. Ang prinsesang namatay ay mahal na mahal niya. Ibig ba ninyong dalawin ang mahal na hari at nang makita ninyo ang prinsesang nakaburol?”

            Sumang-ayon ang magkapatid. Nang makapanhik sila sa palasyo, nakita nilang ang hari ay tumatangis na parang bata. Hapon na noon at oras na ng paglilibing sa prinsesa.

            Nang ipapanaog na ang bangkay, at ang mga banda ng musiko ay nagpaparinig ng malulungkot na tugtugin, ang hari ay hinimatay.

            Dinaluhan ito ng mga manggagamot.

            Nang pagbalikan ng ulirat ang hari ay nilapitan ni Pedro at kinausap. Ang naging interprete ay ang Persang kaibigan ng magkakapatid. Palibhasa’y mahilig sa paglalakbay ang Persa, natuto siya ng wikang Kastila. Kaya nagkaintindihan sila ng magkakapatid na marunong din ng Kastila.

            “Ibig po ba ninyo, mahal na hari, na muling mabuhay ang prinsesa?” tanong ni Pedro.

            “Diyos ko!” anang hari.

            “Itinatanong mo pa sa akin kung ibig kong muling mabuhay ang anak ko? Mabuhay lamang siya ay ipapalit ko ang buhay ko!”

            “Siya po’y bubuhayin ko, mahal na hari!” ani Pedro.

            “Ipakakasal ko siya sa iyo kapag siya’y nabuhay na muli,” ang wika ng hari.

            Ang patay ay ipinahango ni Pedro sa ataul at ipinahigang muli sa katre. Pagkatapos ay inilabas niya ang maliit na aklat na kaloob sa kanya ng matandang babae, sa bundok ng Antipolo, at binuksan iyon at kunwa’y nagdasal siya. Gayon na lamang ang pagkamangha ng lahat nang dumilat ang prinsesa.

            “Kaunting tubig!” ang mga unang salitang binigkas ng prinsesa.

            Si Pedro ay niyakap nang mahigpit ng mahal na hari. Ang matinding kalungkutang naghahari sa palasyo ay biglang napalitan ng walang kahambing na kasayahan. Ang mga banda ng musiko ay nagsitugtog ng masasayang pasadoble.

            “Himala! Himala!” ang sigawan ng madla.

            Nagtalumpati ang mahal na hari sa harap ng taongbayan at pinagtibay ang kanyang pangako na si Prinsesa Natha ay ipakakasal sa bumuhay rito, kay Pedro nga. Ngunit tumutol si Juan.

            “Ako ang dapat na mapakasal sa prinsesa,” ani Juan. “Sapagkat kung hindi sa aking banig na mahiwaga ay hindi tayo makararating dito agad at hindi natin aabutang hindi pa naililibing ang prinsesa.”

            “Sa akin dapat na ipakasal ang mahal na prinsesa,” ang sabi naman ni Tiago, “pagkat kung hindi sa aking dalawang batubalani ay patay na tayong lahat, noong lulan ng sasakyang “Magallanes” at abutan nang malakas na bagyo.

            Ang kanilang pagtatalo ay naganap sa harap ng mahal na hari at ng mga ministro.

            “Ano naman ang masasabi mo?” tanong ng hari kay Pedro.

            “Mahal na hari, pagkat ako po ang matanda sa kanila, at kami’y malayo sa oras na ito sa aming ama, ako ngayon ang dapat tumayong magulang. Sa ngayo’y dapat ko silang pagpakitaan ng lalong mabuti. Ang mahal na prinsesa ang siya pong masusunod. Kung sino sa aming tatlo ang kanyang iniibig ay siyang dapat mapakasal sa kanya.”

            “Magsalita ka, Natha,” anang hari sa anak.

            Ang prinsesa, makaraan ang sandaling pagmamasid sa tatlo, ay biglang yumakap kay Pedro.

            “Sa kanya ako pakakasal, Ama, pagka’t siya ang nagsauli ng aking buhay! Ako’y magkakasala sa Diyos kapag hindi ko siya inibig.”

            “Ako’y may dalawa pang anak na magaganda ring gaya ni Natha,” anang hari kina Juan at Tiago, at saka tinawag ang dalawa pa niyang anak, sina Prinsesa Leticia at Prinsesa Oskaria.

            “Kung payag kayo ay sila ang ipakakasal ko sa inyo.”

            Hindi na tumutol ang dalawa, sapagka’t nakita nilang kapwa magaganda rin ang dalawang prinsesa. Pinili ni Juan si Prinsesa Leticia. Pinili naman ni Tiago si Prinsesa Oskaria.

            “Ngunit kailangan munang maghintay ng kaunti pang panahon bago kayo makasal sa dalawa kong anak,” anang hari kina Juan at Tiago. “Hayaan na muna ninyong mauna ang inyong kapatid at si Natha.”

            “Salamat po, mahal na hari!” ang panabay na sabi nina Juan at Tiago.

            Ginanap nang buong sigla at dingal ang pag-iisandibdib ni Prinsesa Natha at ni Pedro. Dinaluhan ng maraming matataas na tao ang kasalang iyon. Tatlong araw na tumagal ang pagdiriwang.

            Naging maligaya ang pagsasama ni Pedro at ng asawang prinsesa. Si Pedro’y napamahal sa haring biyenan. Ang dalawang kapatid ni Pedro, si Juan at si Tiango, ay sa palasyo rin nanirahan, sa kagustuhan ng hari. Hindi naglaon at ang magkakapatid ay pawang natuto ng wikang Persa.

            Sumulat sila sa amang si Tandang Porong at ibinalita ang kanilang mabuting kalagayan. Nagtagal din bago natanggap ng ama ang sulat, na inihatid ng sasakyang-dagat na nagtutungo sa Pilipinas. Gayon na lamang ang tuwa ni Tandang Porong. Ibinalita niya sa mga kapitbahay ang magandang kapalarang tinamo ng mga anak, at ang mga nakabalita’y natuwa rin…

MAY ilang buwan nang naninirahan sa palasyo ng hari sa Persia ang tatlong magkakapatid. Isang umaga ay napuna ni Pedro na ang kanyang biyenan ay malungkot. Nag-usisa siya.

            Napabuntunghininga ang hari bago tumugon. “Hindi pa kita manugang, anak ko, ay kaalit na namin ang mga taga-Arabya. Ngayon ay malubha na ang aming alitan, at ako’y panadalhan ng ultimatum. Tila hindi ko na maiiwasan ang pakikidigma sa mga taga-Arabya. Iyan ang lubhang ikinababalista ko.”

            “Huwag po kayong mag-alaala,” ani Pedro. “Tayo po’y makidigma. Tutulong kaming tatlong magkakapatid. Ngayon pa’y ipinangangako na namin sa inyo na atin ang tagumpay.”

            “Diyata’t tayo ang magtatagumpay?’

            “Maniwala kayo.”

            “Kung gayon, Pedro, ay tatanggapin ko ang kanilang hamon.”

            “Tanggapin ninyo at nang sila’y ating masakop.”

            “Paano ang ating gagawin upang tayo’y magwagi?”

            “Kayo ang magiging pangkalahatang pinuno ng hukbo. Ako ang inyong ayudante. Lahat ng mamatay sa ating mga kawal ay aking bubuhayin. Ang kapatid kong si Juan ay magdadala naman ng maraming bomba, at sasakay sa kanyang mahiwagang banig. Siya ang maghuhulog ng bomba sa ating mga kalaban. Si Tiago, ang bunso kong kapatid, ang aking gagawing puno ng hukbong-dagat. Sa isang iglap ay mahimalang mabubuo niyang muli ang ating mga sasakyang-pandigma na masisira sa tama ng punlo ng mga kalaban.”

            Natuwa ang mahal na hari. Kinapanayam niya sina Juan at Tiago, at pinangakuang ipakakasal agad sa dalawa pa niyang anak na prinsesa, kapag ang Persia’y nagtagumpay sa digmaan.

            Nagsimula na ang digmaan ng dalawang malalaking bansa. Sakay ng mahiwagang banig, naghulog si Juan ng malalaking bomba sa hanay ng mga kalaban. Napuksa pagdaka ang mga ito. Sampu ng mga sasakyang-pandigma ng mga kaaway ay pinalagpakan din ng bomba ni Juan.

            Ilang kawal ng Persia, na nasawi sa larangan, ang muli namang binuhay ni Pedro.

            Hindi na kinailangang gamitin ni Tiago ang kanyang birtud sapagkat hindi na nakuha ng mga Arabe na pinsalain pa ang hukbong-dagat ng Persia. Sa malaking takot ng mga Arabe sa pambobomba ni Juan ay nagladlad sila nang malaking watawat na puti, tanda ng pagsuko.

            Nagdiwang ang buong kaharian ng Persia. Ang Arabya ay nagbigay nang malaking halagang bayad-pinsala sa hari ng Persia. At bilang pagtupad sa pangako, ipinakasal na ng hari sina Juan at Tiago sa dalawang anak niyang prinsesa. Ano pa’t ang tatlong magkakapatid ay kinilala at iginalang na mga prinsipe ng Persia.

            Makailang buwan, tinanggap ni Tandang Porong ang sulat nina Juan at Tiago, kalakip ng larawan ng dalawa at ng kani-kanilang nakaisandibdib na prinsesa.

            Isang malaking piging na dinaluhan ng buong Maynila at ng mga taga-lalawigan ang idinaos ni Tandang Porong bilang pasasalamat sa magandang kapalarang tinamo ng mga anak.

            Si Tandang Porong, kahit nakalampas na sa animnapung taon, ay nag-asawang muli upang magamot ang kanyang pangungulila. Ibinalita niya iyon sa sulat sa mga anak, at hindi naman tumutol ang mga ito. Sinabi pa ng tatlong magkapatid na ang kayamanan ng kanilang ama ay maaaring ipagkaloob na sa kanilang ale.

            At isang araw, bigla na lamang dumating sa Maynila ang tatlong prinsipeng Pilipino, kasama ang kani-kanilang asawang prinsesa. Dumalaw sila kay Tandang Porong. Noon ay nagkaroon dito sa Maynila ng malaking pagdiriwang, parangal sa mga dalaw na tatlong prinsipe.

            Gayon na lamang ang tuwa ni Tandang Porong pagka’t ang kanyang tatlong anak ay hindi na ang dating mga anak lamang ng isang mangingisda, kundi nabibilang na sa mga may dugong bughaw.