ANG MAHIWAGANG PANDAYAN

Nagsilabas ang maraming batang nakadamit-prinsipe. Sa tingin ni Timo ay may mga sabog na brilyante ang magagandang damit ng mga iyon.

Ni SEVERINO REYES

(Muling nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 2, 1962)

NOONG panahon ng mga Kastila, sa ating bayan ay may tinatawag na Kintos. Ang mga binata ay “nakikintos”, wika nga. Kinukuha sa mga simbahan ang talaan ng mga bininyagan upang malaman kung sinu-sino ang binatang nasa husto nang gulang. Pagkatapos ay nagdaraos ng sorteo. Inilalagay sa isang kaha ang mga binilot na papel na kinasusulatan ng lahat ng pangalan ng mga binatang may sapat nang gulang upang magkawal. Isa-isang dinudukot sa kaha ang mga binilot na papel at itinatala ang mga pangalang nakasulat doon, ayon sa pagkakasunud-sunod ng pagkadukot. Mapapalad ang mga may-ari ng mga pangalang huling madukot sapagka’t may pag-asang huwag na silang “makintos” o gawing kawal—kapag ang kailangang bilang ng kukuning sundalo ay napunan na ng mga unang nakatala.

            Lahat ng tao nang panahong iyo’y takot na takot makintos. May nagpuputol ng hintuturo upang huwag lamang makuhang sundalo. Ang wala nga namang hintuturo ay hindi maaaring magkawal sapagka’t walang daliring pangalabit ng gatilyo ng baril.

            Ang dahilan ng pagkatakot ng mga mamamayan sa pagkakawal ay ang pag-aalaalang baka sila idestino sa Holo at mapatay ng mga Moro. Noo’y lagi nang nag-aalsa ang mga Moro sa Holo.

            Gayon man, ang mga binatang anak-mayaman ay nakaliligtas din sa pagkakawal. Sapagka’t noo’y nababayaran ang serbisyong pagsusundalo. Kung di kaya, ang isang mayamang nakintos ay bumabayad ng kapalit niya sa pagsusundalo.

SI Timo, na anak nina Aling Kuwala at Mang Blas, ay nakintos. Wala naman silang kayamanan upang makabayad ng makakapalit ni Timo.

            Ang isinasama ng loob ni Timo ay maiiwan niya si Seleng na anak ni Mang Polito na may-ari ng isang malaking karihan sa sangandaan, katabi ng isang pandayang malaon nang nakapinid.

            Si Seleng, na katipan ni Timo, ay may mga ilang araw nang nalulumbay at hindi makakain. Napuna iyon ni Mang Polito.

            “Ano ang nangyayari sa iyo, Seleng, at masahol ka pa sa namatayan?” ani Mang Polito.

            “Tatang, si Timo ay nakintos at luluwas na sa Maynila.”

            “Ha? Diyata’t nakintos? Sayang na bata si Timo!”

            “Tatang, kaawaan mo na sanang ibayad ng kahalili si Timo. Kung gaano man ang maging utang niya sa iyo, ay babayaran niya, sa pamamagitan ng pagtulong niya sa atin dito sa ating karihan.”

            Si Mang Polito’y nagkamot ng ulo at nagwika: 

            “Seleng, kung sa bagay, ako’y maaaring makapagdilihensiya ng ibabayad sa hahalili kay Timo…”

            “Gawin mo na, Tatang,” ang samo ng luhaang si Seleng.

            “Ngunit, Seleng, tila ako’y nasasamaan ng hitsura sa mangyayari. Magmumukhang ako’y bumili ng isang binata upang ipakasal sa aking anak.”

            Si Seleng ay hindi nakaimik sa sinabi ng kanyang ama.

            “Wala bang maisanlang lupa si Mang Blas upang may maibayad at nang huwag makintos ang kanyang anak?”

            “Wala, Tatay.”

            “Sayang na sayang si Timo! Baka mapadala sa Holo at mapatay ng mga Moro.”

            Si Seleng ay biglang napasigaw, at hinimatay sa laki ng sindak, sa narinig na iyon sa kanyang ama.

            Gayon man, hindi rin naatim ni Mang Polito na maging aba ng kanyang sarili at tumulong upang huwag makintos si Timo. Tatatlong araw na lamang ang kulang sa taning at si Timo ay dadalhin na sa Maynila.

NANG malapit nang mapaalis si Timo, dahil sa awa sa dalawang magsing-ibig, ay iniwaksi na ni Mang Polito ang paghihigpit sa kanyang anak.

            “Dati ay hanggang ika-8 lamang ng gabi ang paglagi dito ni Timo kung siyay dumadalaw sa iyo. Ngayon ay maaari nang hanggang ika-12, alang-alang sa siya’y malapit nang pasa-Maynila,” ang sabi ni Mang Polito kay Seleng, na wala nang ginagawa kundi umiyak.

            Isang gabing si Timo ay nakauwi na buhat sa pagdalaw sa katipan, sa laki ng sama ng loob ni Seleng ay hindi na niya nakuhang maglatag ng banig, at nakatulog na siya sa sahig sa gitna ng bahay sa kaiiyak.

            Nang mga ika-2 ng umaga, nang naghahari na ang ganap na katahimikan, si Seleng ay waring naaalimpungatang nagbangon at kinuha niya ang isang malaking tuntong na lupa at isang sipit sa kalan at nanaog.

            “Bukas na pala ang pandayan,” aniya sa sarili: “Manghihingi ako ng kaunting baga at nang ako’y makapagparikit na.” At tuluy-tuloy siya sa pandayan. Nakita niyang may tatlong taong nagpapanday roon. “Bigyan nga ninyo ako ng kaunting uling, at nang maipagparikit ko lamang.”

            “Kumuha ka,” ang sagot ng isang pumapalo ng bakal.

            Si Seleng ay sumipit nang sumipit ng mga uling, at umuwi na. Ngunit katakataka: pagdating niya ng bahay ay patay na ang mga uling. Isinalin niya ang laman ng tuntong sa harap ng kanilang kalanan at nagbalik siya sa pandayan.

            “Bigyan nga ninyo ako uli at namatay lamang ang mga uling na nakuha ko.”

“Kumuha ka!” ang sagot ng isang panday.

            Siya’y umuwi na naman na puno ng uling ang malaking tuntong. Subali’t gaya din nang una, patay na lahat ang uling at hindi siya makapagparikit. Tatlong ulit siyang humingi ng uling. Nang ikaapat niyang pagbalik ay nakapinid na ang pandayan.

            Sapagka’t noon ay wala pang ika-3 ng umaga, si Seleng, sa paghihintay niyang magbukang-liwayway, ay nakatulog sa isang makitid na bangko sa tapat ng kalan. Doon siya nakita ni Mang Polito nang bumangon ito. Ginising ng ama si Seleng.

            “Napasa-Maynila na ba, Tatang, si Timo?” pupungas-pungas na tanong ng dalaga.

            “Malay ko. Nguni’t ano ba ito?” At itinuro ng matanda ang malaking bunton ng mga gangga-santol na madidilaw, na wari’y talagang ginto, sa harap ng kalanan.

            “Uling iyan, Tatang, na hiningi ko kangina sa pandayang katabi natin.”

            “Ha? May nakita ka bang uling na madilaw? At ang pandayang iyo’y matagal nang panahong nakapinid.”

            “Nguni’t kangina’y bukas at may nagpapanday roon.”

            Si Mang Polito ay hindi na umimik. Iniligpit ang uling na dilaw at nagsimula nang gumanap ng mga dating gawain.

            Nang tumangha-tanghali na’y kumuha si Mang Polito ng isang piraso ng uling na dilaw, na nahingi ni Seleng sa pandayang mahiwaga. Matapos balutin iyon sa papel ay nagtungo siya sa Maynila. Sa isang malaking platerya sa Escolta ay ipinakita ni Mang Polito ang uling na dilaw at kanyang itinanong kung magkano magkakahalaga.

            Matapos uriin ang dala ni Mang Polito, itinanong dito ng platero kung saan galing iyon.

            “Iyan po’y nakuha ko sa Ilog Gapan,” pagsisinungaling ni Mang Polito, “at ako may natatago pang ilang piraso niyan.”

            “Dalhin ninyong lahat dito ay babayaran ko sa inyo,” anang platero, na pumasok sandali sa silid at nang lumabas ay may dalang tatlong daang pisong pilak, na ibinigay kay Mang Polito. “Tanggapin ninyo iyan, at siyang talagang halaga ng dala ninyong ginto. Kami rito ay tapat at hindi namin dinadaya ang sino mang maglapit sa amin ng ginto. Ang mga Igorote ay nagdadala rin dito ng pulbos na ginto, buwan-buwan. Sila’y binabayaran namin nang tapatan.”

            “Salamat po,” ani Mang Polito, at nagpaalam na.

            Nang dumating sa bahay ang matanda, pagdaka’y tinawag si Seleng.

            “Seleng, malaki pala ang halaga ng mga uling na dilaw na nahingi mo sa pandayang mahiwaga.

            “Siyanga ba, Tatang? Kung gayo’y maaaring matubos natin si Timo.”

            “Oo, anak ko. Akalain mo bang sa isang piraso lamang na dinala ko sa Maynila ay binayaran ako ng tatlong daang piso!”

            Tuwang-tuwa si Seleng. Sa darating naman si Timo.

            “Timo,” ang salubong ni Seleng, “ngayon din ay lumuwas ka sa Maynila at bumayad ka ng kahalili mo sa pagsusundalo.”

            “Seleng, nagbibiro ka yata?”

            “Ako’y hindi maalam magbiro sa mga bagay na iyan. Binibigyan ka ni Tatang ng tatlong daang piso upang ibayad mo.”

            “Kaybuti ng Tatang mo! Hindi ipinagtapat ni Seleng kung saan galing ang salaping bigay ni Mang Polito.”

            Si Timo ay napasa-Maynila nang oras ding iyon, dala ang salaping bigay ni Mang Polito.

            Hindi na nagsundalo si Timo, at napakasal na sila ni Seleng at nabuhay nang tahimik. Si Timo na ang namahala sa tindahan ng kanyang biyenan, at si Mang Polito ay namahinga na.

            Hindi sinasabi ni Mang Polito sa mag-asawa na ang uling na dilaw ay naipagpalit na niyang lahat, at ang salapi ay inilagak niya sa banko sa pangalan ni Seleng.

            Si Seleng ay mayaman na, ngunit hindi alam iyon ni Timo. Akala niya’y wala silang kabuhayan kundi ang kanilang malaking karihan sa sangandaan, na kanilang pinagyayaman.

            Si Timo ay maligaya na sa kanyang kalagayan. Gayon man, mayroon siyang pangarap na sinasarili at hindi sinasabi kanino man, kahit na kay Seleng. Ang kanyang pangarap ay maging isang mayamang asendero. Hindi niya sinasabi kahit kanino ang pangarap na iyan, sa pag-aalaalang baka siya pagtawanan lamang.

            Ang mag-asawang Seleng at Timo ay nagkaroon ng isang anak na lalaking pagkaganda-ganda. Maglilimang taon na ang bata nang magkasakit nang malubha si Mang Polito.

            Nang malapit nang mamatay si Mang Polito ay tinawag niya si Seleng at si Timo.

            “Ako’y tinatawag na ni Bathala sa kanyang sinapupunan. Magpapakasipag sana kayo’t magkakasundong lagi.” At ipinakita sa kanila ang isang kasulatang nagpapatunay na si Seleng ay may limang libong piso na nakalagak sa banko.

            “Ang salaping iya’y kay Seleng. Hindi ko iyang kinita sa aking paghahanap-buhay.”

            Ang mga mata ni Timo ay nandilat nang malamang sila pala’y ubod ng yaman.

            Nang mailibing na ang ama ni Seleng ay ipinagtapat na nito kay Timo kung saan galing ang kayamang iyon.

            “Diyata’t ganoon? Ba’t hindi mo ipinagtapat agad sa akin iyan?”

            “Kasi, buhay pa noon si Tatang, at naisip kong hindi mo rin lamang magagawa ang buong disposisyon sa salaping iyang pagka’t maaaring sansalain ka ni Tatang. Ngayong tayo na ang may-ari sa kayamanang iyan, magagawa mo na ang bala mong ibigin.”

            Ang unang ginawa ni Timo ay hanapin ang may-ari ng pandayang mahiwaga. Inalok niyang bilhin ang pandayan. Palibhasa’y malaon nang panahong hindi napapakinabangan ang tinurang pandayan, pagka’t walang mangahas na gumawa roon dahil sa noon pang una’y nababalitaan nang may hiwagang bumabalot sa pandayan, iyon ay nabili ni Timo nang mura.

            Nang si Timo na ang may-ari ng pandayan, pagdaka’y humanap siya ng mga taong mauupahan at nang kanyang maipahukay ang loob ng kamalig ng pandayan.

            Bakit kaya naisipan ni Timo na ipahukay ang loob ng kamalig na iyon?

            Matagal nang panahon, maliit pa si Timo, ay naikuwento na sa kanya na ang pandayang iyon ay engkantado. Doon daw nagsipagtago ang mga binigyan ni Kabo Cuesta ng salaping kanyang nakuha nang looban niya ang paktorya sa Nueva Ecija.

            Si Cuesta ay kabo ng mga karabinero, na bantay sa paktorya. Nguni’t nagtaksil siya sa tungkulin at siya na ring nanloob sa paktorya.

            “Ikaw naman, Timo, ay nakapakasakim,” isang araw ay naisumbat ni Seleng sa asawa. “Tingnan mo’t kaydami mo nang naibabayad sa mga naghuhukay ay wala namang mahukay ni isang kuwalta.”

            “Bayaan mo, Seleng. Huwag kang mainip. Matibay ang kutob kong diya’y may kayamanan pa.”

            “Ikaw ang bahala, baka maghirap lamang tayo sa kaululan mo’t kasakiman.”

            “Hindi, Seleng, hindi! Huwag kang mag-alaala. Ako’y hindi ulol.”

            Nang malaon ay nanghinawa na rin si Timo kaya ipinatigil na niya ang pagpapahukay. Gayon man, isa sa mga manggagawa niya ang nagpaiwan at nagprisintang magpapatuloy ng pagtatrabaho kahit walang sahod. Nayag naman si Timo.

            Isang araw, ang manggagawang iyon ay nagtapat kay Timo.

            “Timo, walang tao rito kundi tayong dalawa lamang,” anang manggagawa, “kaya maaaring ipagtapat ko sa iyo na hindi ka namamali sa iyong paghanap ng kayamanang natatago sa mahiwagang pandayang ito. Tingnan mo,” at kinuha ang kanyang pikong panghukay, “ano ang dinig mo. Timo?”

            “Taginting ng tanso o bakal,” ani Timo.

            “Tunay, iya’y pintong pilak, sa loob niya’y nakatira ang mga may-ari ng kayamanang naririto. Mga batang maliliit na hindi nagpapakita kundi sa kapwa nila bata.”

            “O, e, ano ang ibig mong sabihin?” nagtatakang wika ni Timo.

            “Ang ibig kong sabihin ay mauubos ang iyong kayamanan at magugugol mong lahat ang iyong lakas ay wala kang matutuklasang kayamanan.”

            “Ano ang dapat kong gawin?”

            “Ang mga batang mahiwagang naririyan sa loob niyan,” at itinuro ng manggagawa ang kanyang kinatok, “ay maibiging uminom ng gatas at pulot.”

            “Gatas at pulot! Ibig mo yatang bilugin ang aking ulo, kaibigan.”

            “Hindi, huwag kang magsapantaha ng ganyan. Sinabi ko nang ako’y magtapat sa iyo.”

            “Paano ang dapat kong gawin?”

            “Maghanda ka ng mga tatlong banga na katamtaman ang laki. Sidlan mo ng gatas na may pulot at ipadala mo rito sa iyong anak at pabantayan mo sa kanya.”

            “At paano pa?”

            “Kung handa na ang mga banga ng gatas na may pulot ay dapat sumigaw ang iyong anak: “Mga kaibigan, kayo’y masilabas na’t magsiinom ng aking hain sa inyo!”

            “Magsilabas kaya?”

            “Pag nakita nilang walang matandang kasama, ay magsisilabas sila, iinom at makikipaglaro sa anak mo. At bibigyan nila ng kayamanan ang anak mo.”

            “Gagawin ko iyan,” pangako ni Timo.

NANG makita ni Seleng na nagpabili si Timo ng tatlong banga at maraming gatas at pulot ay tinanong niya ito.

            “Timo, aanhin mo iyan?”

            “May piging mamaya si Etoy.”

            Natigilan si Seleng. Si Etoy ang kanilang anak. Minasdan ni Seleng ang mukha ni Timo. Naisip ni Seleng na baka nasisiraan na ng isip si Timo dahil sa pagkabigo nitong matagpuan ang kayamanang hinahanap.

            Hindi na kumibo si Timo at nagpatuloy sa kanyang paggawa. Pinaghalo niya ang pulot at gatas at pinaghati-hati sa tatlong banga. Matapos na maihanda ay dinalang isa-isa ang tatlong banga sa pandayan, at ipinagsama si Etoy.

            “Huwag kang matatakot, Etoy.”

            “Hindi, Tatay.”

            “Mamaya nang kaunti ay sumigaw ka ng: “Mga kaibigan, magsilabas na kayo’t makainom ng gatas at pulot!”

            “Oo, Tatay.”

            Iniwan na ni Timo si Etoy sa loob ng pandayan.

            Nguni’t palibhasa’y mahal sa isang ama ang kanyang anak hindi maaaring hindi niya alamin kung ano ang nangyayari kay Etoy.

            Nang malapit nang maghari ang dilim, si Timo ay nagtungo sa pandayan at sumilip sa bakod na sala. Nagulat siya nang makitang nabuksang bigla ang dakong kinatok ng manggagawa at nasilabas ang maraming batang nakadamit-prinsipe. Magagara ang bihis ng mga iyon at sa tingin ni Timo ay may mga sabog na brilyante. Nakita ni Timo na pinag-inumanan ang gatas na may pulot, at pagkatapos ay pinaghawakanan sa kamay si Etoy at isinamang maglaro ng lawin–lawinan.

            Biglang napasigaw si Timo nang makita niyang si Etoy ay isinama ng mga batang mahiwaga sa pagpasok sa tahanan ng mga ito. Biglang nasarhan ang pinto. Pumasok si Timo sa pandayan at sumigaw nang sumigaw.

            “Etoy, anak ko, Etoy!”

            Ngunit walang sumagot na sino man. Ganap na katahimikan ang naghahari. Binabakas ni Timo ang pintong nakita niyang nabuksan at nasarhan ay wala siyang mabakas na ano man.

            Gayon na lamang ang pangamba ni Timo. Nang malaon, ay nahandusay siya at nawalan ng malay-tao.

            Nang hatinggabi na at hindi pa umuuwi si Timo’t si Etoy ay nabalisa si Seleng.

            “Ano kaya ang nangyari sa mag-amang ito?” aniya sa sarili at kumuha ng parol at nagtungo sa pandayan.

            Nakita kaagad ni Seleng si Timo na walang malaytao at basa ng malamig na pawis.

            Si Seleng ay nagmamadaling kumuha ng isang tabong tubig at hinilamusan si Timo. Nang ito’y pagbalikan ng ulirat ay ibinidang lahat kay Seleng ang nangyari sa kanilang mag-ama.

            “Diyata’t ang anak ko’y naengkanto?” At lumapit si Seleng sa dakong itinuro ni Timo na nakita nitong pinasukan ng anak. Nagmakaawa si Seleng na isauli sa kanya ng mga engkantado ang kanyang anak na si Etoy.

            “Mga kaibigan,” ang panambitan ni Seleng, “isauli ninyo sa akin ang anak ko. Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko!”

            Palibhasa’y taimtim sa loob ni Seleng ang kanyang pananawagan ay biglang nabuksan ang kahima-himalang pinto at lumabas ang isang taong nakadamit-prinsipe. Nakilala ni Timo, bagama’t ibang-iba ang suot ng prinsipe, na ito ang manggagawang nagpaiwang mag-isa upang patuloy na maghukay sa pandayan. Akay niyon si Etoy na ibang-iba na ang kasuutan. Isang damit na lantay na ginto na puno ng mga mamahaling batong sari-saring kulay-at malalaking brilyante, at may dalang sari-saring laruan, maliit na silya at mesa, at iba pang pawang ginto.

            “Narito ang inyong anak.”

            At ibinigay ng prinsipe si Etoy. “Timo ang pandayang ito ay iyong ipagiba, at araruhin ang lupang ito, at ikaw ay magiging ulo ng yaman. Ang kayamana’y dapat tuklasin sa pamamagitan ng paggawa. Tandaan mong ang kayamanang hindi pinagpaguran ay napaparam na parang aso lamang.” At biglang umurong ang prinsipe, at nawala nang mapinid ang pinto.

            Si Seleng ay di magkasiya sa laki ng tuwa nang makita ang mga gintong laruang iginanti sa gatas at pulot na ipinainom sa mga engkantado.

            Pagdaka’y tinupad ni Timo ang bilin ng engkantado. Ipinagiba niya ang kamalig ng pandayang mahiwaga. Nilinis ang malapad na lupang iyon. Hindi niya ipinagkatiwala sa iba ang pag-aararo sa lupang iyon. Siya mismo ang nagbungkal.

            Hindi nakaraan ang dalawang taon at isang araw sa pag-aararo ni Timo ay natamaan ng lipya ng araro ang isang malaking kabang bakal. Ang tinurang kaban ay punung-puno ng mga baretang ginto. Matapos itabi ni Timo at ni Seleng ang malaking kayamanang iyon, ay iniwan na nila ang tinurang lupa. Ipinagkaloob iyon sa kanilang mga kamag-anak na mahihirap, at gayon din ang malaking karihan. At silang tatlong mag-anak ay nagsilipat na sa Maynila at nagbukas ng malaking bahay-kalakal. Taun-taon, sapul noon, ay naglalakbay silang tatlo sa iba’t ibang lupain.

            Hanggang ngayo’y buhay pa ang maraming inapo na ni Etoy na pawang ubod ng yayaman. Kaipala’y marami sa kanila ang hindi na nakaalam kung saan nagbuhat ang kayamanan ng kanilang ninuno.