Ni LUALHATI T. BAUTISTA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 6, 1981)
BIGLA anganyaya ni Roche. Bigla, at masaya at naughty. “Puntahan natin si Bingo?”
Nag-usap ang mga mata at nagkita si ideya. Na pumawi sa tangka sanang pagtutol. Nagkislapan. Nagngitian nang maluluwang ang mga bibig. Ang ideya ay masaya; tulad sa isang maganda’t naiibang laro!
“Sige!”
Pero sino’ng may gusto kay Bingo? T’yak na hindi si Roche, o si Jet. Mas t’yak na hindi si Chip. Pero heto sila’t dadalaw kay Bingo, at t’yak din na hindi dahil mayro’n silang concern!.
Hindi nga. Di ba si Bingo ay kaaway ng kampus? Si Bingo yata ang delingkuwente ng eskuwela! Maski nga mga titser, di ba isinusuka si Bingo? Si Bingo ang kapural ng mga sugal; si Bingo ang nagtataas ng paa sa pupitre, ang pumapasok ng walang assignment, ang hindi makapagsumite ng project.
Si Bingo.
No’ng unang araw ng klase, nakita si Bingo ng papasyal-pasyal sa kampus, samantalang ang lahat ay abala sa pag-eenrol. Dahil kilala niya si Bingo, hinulaan ni Chip na wala pa itong pangmatrikula. Dahil antipatiko (sino ang hindi?) na siya kay Bingo, naglabas siya ng sasampuin sa kantina at bumili ng sopdrink.
Uupo siya sa silyang malapit sa kinaroroonan ni Bingo, isinampay ang kamay sa silyang uupuan niya, at (sabi ni Bingo’y “hindi ko sinasadya, pare; sori”, nang nakatawa nang maluwang at malayo sa pagiging sori) naupo siya nang pasalagmak sa semento.
Pero malaki si Bingo at siga; tinanggap niya ang tawanan sa paligid at hingi nito ng paumanhin.
Nakikita niya si Bingo, pero sa isang hindi-maaming-pangingilag ay itinuring niya ito na tulad lamang sa flagpole o sa mga pisara sa mga silid-aralan.
Nakikita niya’y hindi niya tinitingnan; titingin siya nang lampas, bagamat conscious siya na naroon. At sa dikta ng kimkim na galit kay Bingo, kumbinsido niya ang sarili na ito’y nakatingin sa pansulat niyang parker, o sa magandang kaklaseng kasabay niya, o sa bagong pantalon niya’t t-shirt, at naiinggit. May kinalaman si Bingo sa paglalagay niya ng effort sa pakikipagkaibigan, at sa pakikipagkaibigan sa lalong marami! At tulad ng plano niya, kung may tagong inis man sa kanya si Bingo, ay hindi na siya dinuro nito minsan man. Si Bingo ay malaki, pero sila ay marami!
Ang mga trobol ni Bingo, kung tutuusin, ay maliliit. Tulad ng pagsusulat ng kung anu-ano sa pisara at desk. Tulad ng biglang pagpukaw na tulad ng malakas na pagsinga sa gitna ng tahimik na konsentrasyon ng klase sa pagsusulit. Pero kayamut-yamot sa panig ng mga titser. At sa dami’y lumaki, hanggang sa maging sapat para matatakan sa maging sapat para matatakan ito ng di-kanais-nais na reputasyon.
Troublemaker.
Kaya nang magkasumangan sina Bingo at Roche sa kung anong dahilang hindi mahalaga at mahulog ang dalawa sa kamay ng prinsipal na si Roche ay putok ang bibig, maasahan lamang na ang bersiyon ni Roche ang konsiderahin at si Bingo ang makastigo ng isang linggong pagkakasuspindi.
Kaya nang mawala ang allowance ni Jet sa isang lugar sa eskuwelahan kung saan sila lamang ni Bingo ang nagkatabi, tingnan pa ang nag-iisang pantalon ni Bingo at kadalasang ni walang pagkain, madaling ituon ang umaakusang daliri kay Bingo!
Pero iba sa kanila, si Manny ay hindi siyang may karanasan kay Bingo; si Manny ang nagbigay ng karanasan kay Bingo!
“Iniistir pala ni Nanet, ha? Teka, papasukan ko.”
Pinapasukan nga ni Manny si Nanet, at; ano’ng laban ni Bingo? Isa pa rin si Nanet sa maraming antagonistiko kay Bingo!
HOSTILE si Bingo. Sa isang parte ay nauunawaan ito ni Chip. Amor propyo, na ayaw mapagpahinutlot ng pagmumukhang kawawa. Kaya walang project si Bingo ay wala itong pambili ng gagawing project. Kaya walang assignment ay walang libro, at walang magpahiram (nang kusang alok. Sino’ng magmamagandang loob kay Bingo?)
Ang kawalan ay takpan ng defiance! Minsan na ngang pumasok sa klase si Bingo na nakainom at may sumpal na sigarilyo sa bibig. Si Bingo: sumasagot siya sa mga titser. Sumasagot nang patuya at lalong mukhang tough sa tabinging ngiti sa sariling-sarili ni Bingo!
MAY isa pang engkuwentro sina Bingo at Chip bukod sa nauna. Isang hapon ay natuklasan ni Chip na nakaiwan siya ng isang mahalagang review material sa silid-aklatan at binalikan niya. Nakaraan na ang huling klase, nakababa na’ng bandila sa flagpole, at ang kampus ay tahimik. Maliban sa isang aninong nakaupo sa isang bangkong bato sa malapit sa basketball court, di-dribble-dribble sa isang maruming bola sa pagitan ng mga hita, na pagkuwa’y tumayo at inihagis ang bola sa goal na bumunggo lamang sa gilid niyon at tumalbog pabalik at nailagan lamang nang konti ni Chip.
Ngumisi sa kanya si Bingo.
Ano ba ito; ito ba ang mga sinasabi sa isang kagalit? At ano’t pare-pareho silang hindi makatingin nang deretso kay Bingo? Di ba narito sila ngayon para asnan ang sugat ni Bingo, sa pagpapamukha dito ng kanilang laya at saya ng laya?
“Foul!” sabi. “Ano’ng palagay mo, Jaworski, hindi ako puwede sa team?”
Malaki si Bingo, at sila’y dadalawa sa malaking kampus. Pinaraan niya ang tunog ng itinawag sa kanya ni Bingo, at pinili niyang makibagay.
“Hindi mo basta ihahagis. Tatatagan mo muna’ng pulso mo. Nasa tant’yahan ‘yan.”
“Siyanga…” sinundan ni Bingo bola. Nagpatuloy si Chip sa paglakad at hinabol siya ng tinig ni Bingo… “Game, Chip?”
Lumingon siya’t ngumit. “Sa ibang araw.”
Ang ibang araw ay hindi dumating. Ni pabalatbungang anyaya sa mga laro nila’t praktis nina Roche ay wala.
Magtaas ng kamay ng may gusto kay Bingo!
MAAASAHAN lamang ang nangyari kay Bingo! Isang umaga, sa roll call ay hindi sumagot si Bingo.
Nang araw na iyon ay nagkaroong mapag-uusapan ang kampus. Nahuli si Bingo, at kinasuhan ng pag-iingat ng marihuwana!
Hindi tinubos (o matubos) ng mga magulang si Bingo. Ilang araw na ngayon si Bingo sa presinto sa kanilang lugar.
At ngayon, silang mga kagalit ni Bingo ay dadalaw kay Bingo; sa isang hindi malusog at lalong hindi malinis na katuwaan.
“Bili naman natin si Bingo ng yosi?” Si Jet ang nagmungkahi.
Na sinalag ni Manny. “H’wag na lang, baya’n mo siya!”
“Ow, mak’nat ka namang masyado. Maski ‘yong mura lang.”
“Para ano pa?”
“Para souvenir. Para may mapala naman ‘yong tao sa pagdalaw natin.”
“Sige, ‘bili natin,” sabi ni Roche. “Taya ako ng diyes.”
“Ako man,” sabi ni Chip.
“Okey,” sabi ni Manny.
Masasaya sila nang umorder ng isang kahang Kool na maigsi sa isang tindera sa tabi ng daan.
Magulo sila nang pumasok sa presinto. “H’wag lang kayong masyadong magulo, ‘no?” Pundido agad ang guwardiya!
Itinahimik nila ang mga bibig para nasa kanila pa rin ang excitement ng sandali; excitement na unti-unti’y nahahaluan, hindi man nila gusto, ng tensiyon.
At, naroon si Bingo: nakalupasay sa suwelo ng madilim at maruming selda, bugnot. Sa tabi ng tatlong iba pa.
Isang sulyap kay Bingo, at alam ni Chip na ang patuloy na pananahimik ng mga bibig nila’y hindi na sa order lamang ng guwardiya.
Pumukaw ang malakas na hiyaw ni Manny. “Hi, Bingo!” kasabay ng kamay, at hagis kay Bingo ng kaha ng Kool. “Catch!”
Napaigtad si Bingo at biglang angat ng kamay ay siyut sa palad nitong kaha.
Pumalakpak si Manny… “Bravo! Hindi ka man puwedeng player ay puwede kang goal, pare!”
Nagtawanan sila, pero higit na pagbibigay lamang kay Manny kaysa totoo. Ang sariling tawa’y puwersa sa panga ni Chip.
“Bakit di ka naman lumapit dito, tso?” Nakangisi si Jet. Pero ang ngisi nito ay ni hindi na rin bigay. “Ayaw mo ba na dinalaw ka namin?”
Matamlay na tumindig si Bingo. Makailang hakbang papunta sa kanila’y nadama ni Chip ang pagrerehistro sa utak nito ng uniporme nilang shorts at malaking bolang kipkip niya. Ngumisi sa kanya si Bingo.
“Nagsalba ka na naman ng game, hero?”
Napaurong siya nang isang hakbang. Napalunok. “H-hindi na kami nagpalit. Masisita sa bahay kung…” at nagalit siya sa sarili: Sino ba si Bingo para humingi siya ng paumanhin?
Nakangisi pa rin si Bingo pero sa ibang hibang na sandali’y nasundan ni Chip ang lungkot sa mga mata nito. Lungkot na ngayon lang, o dati na? Na noon pa’y naroon na pero ngayon lamang niya nakita?
“Maglalaro na rin ako,” at hindi na nakangisi si Bingo! “Meron sa sentrong pagdadal’an sa ‘kin.”
Sa rehabilitation center.” Tumawa nang mahina si Bingo.
Nagtangka na naman si Manny. “Hiyang ka rito, tumataba ka.”
At nagmukhang tanga sa pagdating ng tinig ni Roche! “Pagbutihin mo,” na ang amga mata’y lampas kay Bingo. “Alam mo, you can till belong…” Roche?
Ano ba ito; ito ba ang mga sinasabi sa isang kagalit? At ano’t pare-pareho silang hindi makatingin nang deretso kay Bingo? Di ba narito sila ngayon para asnan ang sugat ni Bingo, sa pagpapamukha dito ng kanilang laya at saya ng laya?
Ang ideya ay maganda at masaya at naughty, pero sa panlabas lamang. Sa likod ng kanya-kanyang isip, dinala sila kay Bingo ng kanya-kanyang guilt!
Ikiniskis-kiskis ni Jet ang sapatos sa lapag. “Alam mo, Bingo,” sabi, “‘yong allowance ko no’n… sa… s-sa gym ko pala naiwan. N-nakuha ko rin.”
Napakita na ng pagkaasiwa si Manny. “Dumidilim na, Jet!” Nagyayaya nang umuwi.
“Okey lang ‘yon,” sabi ni Bingo kay Jet.
“Naiintindihan mo?”
Ngumiti ng tabinging nagiti niya si Bingo. “Hindi na naman tayo mga bata!”
Disisais, naisip ni Chip.
“Minsan, hindi fair,” sabi ni Roche. “Natatandaan mo no’ng magkababag tayo?” at tumawa ito nang may pagkapahiya. “Ang totoo no’n ay ako’ng may kasalanan. Nag-react ka lang sa ‘kin.”
“Kalimutan mo!” Nagkukunwari na ng pagkayamot si Bingo. “Talagang gano’n lang.”
“S-sige, Bingo.” Naglakas-loob na si Chip, sa panig ni Manny. “D-dinal’an ka lang namin ng yosi…”
“Nagmamadali kayo?”
“Maraming assignment.”
“Chickens!” sabi ni Bingo. Pero iyon ay mas tudyong masuyo kaysa pagtuya.
Walang kumilos agad. Pagkuwa’y inilahad ni Jet ang kamay kay Bingo. “See you?”
Napakurap si Bingo. “Yeah… see you.”
Isa-isa, nakipag-abot kay Bingo ang tatlo pang bantulot na mga kamay. Ang kamay ni Manny ay pinakipagdaupan ni Bingo nang mas matagal.
“Kumusta kay Nanet,” sabi nito.
“Makakarating.” At: “Binago… g-gusto ko siya talaga!”
Iba sa kanilang pagdating, nagsitalikod silang sarado ang mga bibig at nag-iiwasan ang mga mata; guilty sa pagkakasatinig ng kanya-kanyang guilt sa pagkasumpong sa madilim at maruming selda sa serye ng mga dirty deals na ang ilan ay sila ang may bigay.
Idini-dribble-dribble ni Chip ang bola sa lapag. Naaalala niya ang anino sa tahimik na kampus na nagdi-dribble-dribble ng maruming bola sa pagitan ng mga hita. Game, Chip? Ang tangka at pakikipagkaibigan at pangako ng ibang araw na hindi dumating.
Bingo, sori sa mga larong pinagbuti ko dahil alam kong nanonood ka at gusto kong ipagyabang sa’yo ang husay ko’t inggitin ka ng mga cheers at applause!
Ibinaling ni Chip ang mukha.
“Sasabihin ko sa guard na ipasok sa ’yo ‘to?” Itinaas niya kay Bingo ang bola.
“Para sa’n?”
“Gift. Para dal’in mo… do’n. S-sulatan mo ‘ko. Pagdating mo do’n? Sasagutin ko.”
Kumislap ang mga mata ni Bingo. “Promise?”
“Promise.”








