SA NAYON ANG LIGAYA NI NENENG!…

Ni APOLINAR C. DIAZ

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 9, 1947)

ANG tag-init ay nagdaan. Ang mga dahong nanguluntoy at namula sa matinding init ng araw ng nagdaang tag-init ay mga nalaglag. Sa mga sanga ng punong tila nahubdan ng damit ay sumulpot ang mga usbong.

            Ngunit, kay Neneng, ang nagdaang tag-araw na ito ay hindi niya malilimot.

            “Hindi ko malilimot, lalagi sa aking alaala,” ang sa haka niya.

            “Kahi’t magdaan ang mga taon, mamamalaging sariwa sa aking gunita at hinding-hindi ko malilimot!…”

            “Hindi ko malilimot, lalagi sa aking alaala,” ang sa haka niya.

            “Kahi’t magdaan ang mga taon, mamamalaging sariwa sa aking gunita at hinding-hindi ko malilimot!…”

            Isang makintab na berlina ang biglang huminto sa harap ng kanilang tarangkahan.

            “Neneng, ang tatay mo,” ang pukaw ni Efren na noo’y katabi niyang walang kakibo-kibo.”

            “Itay, itay,” ang sigaw na salubong ni Neneng sa ama at pagkalapit ay niyakap nang buong higpit.

            Subali’t ang kagalakang iyon na nag-umapaw sa puso ng dalawa, sa pagdating ni Don Felipe na ama ni Neneng ay biglang naparam.

            Nang maihatid ni Neneng ang kanyang ama sa kanyang ina ay muli siyang nanaog at pinagbalikan si Efren.

            Ang kalungkutan ay nakalarawan kay Neneng nang ito’y lumapit kay Efren. Samantalang ang dinatnan ay lalong walang kasigla-sigla at sa pagkakaupo ay tila patang-pata ang katawan.

            Si Neneng ay umupo sa tabi ni Efren na walang kibo at ang tinabihan din naman ay hindi humuhuma. Tila sila nagkakatampuhan.

            “Ilalayo na ako sa pook na ito,” ang nasa isip ni Neneng.

            “Ilalayo na sa aking paningin si Neneng,” ang nasa gunita ni Efren.

            Mahaba ring sandali ang namagitan sa kanilang dalawa bago nakapangusap ang isa sa kanila.

            “Sinusundo na marahil kayo ng tatay mo, ano, Neneng?” ang bulong ni Efren.

            “Marahil nga,” ang tuyot na tuyot na tugon ni Neneng.

            “Ngayon na ba kayo tutulak?” ang muling usisa pa ni Efren.

            “Hindi pa marahil, nguni’t bukas ang huling araw ko na lamang dito,” ang sukli at halos sa paghihimutok ay nagkasabay pa silang dalawa sa pagbubuntong-hininga. “Nais ko sana’y mamalagi na ako rito,” ang dugtong na muli ni Neneng. “Hindi ko na matitikman pa ang sariwang gatas ng kalabaw na sa pagkagising ko’y ibinibigay mo sa akin. Hindi ko na mahahagkan at malalanghap ang mababangong rosas na laging inaalay mo sa akin. Hindi ko na makikita ang magagandang tanawin, ang malinaw na batis na sinasalamin ko. Oo, mawawala na silang lahat sa aking mga paningin!…”

            “Hamo’t ipadadala ko sa iyo!” ang aliw naman ni Efren.

            Napatawa si Neneng, nguni’t nang tapunan niya ng tingin ang mukha ni Efren, upang hatian ng tawa, ang mga mata nito’y nakita niyang nangungulimlim, nanginginig ang mga labi at pinagtitiim ang mga bagang.

            Pinaglapit silang dalawa ng tag-araw, ngunit ngayong makaraan na’y paglalayuin na sila, na hindi man lamang nagkakaunawaan. Noon, ang buong akala nila’y ang araw ay wala nang katapusan. Hindi nila ginugunita ang mga araw na darating, ang sandaling lilisanin ni Neneng ang nayon, upang muling magpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo, sapagka’t ang bagay na ito kung napag-uusapan man nila ay wala sa kanilang halaga. Nguni’t ngayon ay may kirot silang nadarama, subali’t hindi nila mapipigilan.

            “Efren, maiwan na muna kita, ang tatay ko’y nasasabik naman marahil na makausap ako at siya ay aking mabalitaan,” ang paalam ni Neneng sa binata.

            “Siya nga at ako’y tutulong naman sa nanay ko sa paghahanda ng hapunan,” ang tugon ni Efren at sila’y nagtindig na sa pagkaupo at naghiwalay.

            Nang imulat ni Neneng ang kanyang mga napuyat na mata ay lalong maningning kay sa mga nagdaang umaga ang bagong sinag ng araw.

            “Mahal na mahal sa akin ang araw na ito!” ang bulong niya sa sarili at nang marinig niya ang tilaok ng sasabungin ni Mang Pepe na ama ni Efren ay naidugtong. “Hindi ko na muling maririnig ang tagagising kong sasabungin ni Mang Pepe sa ganitong oras.”

            Nagtindig siya. Nagtungo siya sa labas, naghilamos at nag-ayos.

            “Neneng, narito ang iyong gatas, inumin mo na,” ang wika ni Aling Sepa na ina ni Efren nang siya’y makatapos na makapag-ayos.

            “Nasaan po si Efren?” ang usisa ni Neneng.

            Mula nang dumating siya rito sa nayon ay si Efren ang laging nagdudulot sa kanya ng gatas tuwing umaga, ngunit ngayon pa namang ito na ang kahuli-hulihang umagang magiging pagbibigay niya ng gatas sa kanya ay saka si Aling Sepa ang nag-abot.

            “Nagbalik siyang gumatas uli, Neneng. Isinaglit lamang niya iyan dito at baka nga raw gising ka na ay hindi ka makainom agad. Napuyat marahil ang batang iyon kaya hindi maagang nakagatas,” ang sukli ni Aling Sepa.

            Hindi na nag-usisa pa si Neneng, matapos niyang mainom ang gatas ay muling nagbalik sa kanyang silid.

            Mag-iikawalo na noon nang muling magkausap sila ni Efren.

            “Efren, nais ko sanang ang mga nalalabing oras ko pa rito ay masariwa sa aking gunita ang mga pinananabikan kong tanawin. Sasamahan mo ba ako?” ani Neneng kay Efren na naging laging matahimik.

            “Sa lahat ng sandali, Neneng!” ang maagap nitong tugon.

            At tinunton nila ang makitid na landas na patungo sa duluhan. Ang malalaking puno ng santol ay may mga buko na. May ilan pang mga nahihinog na bunga ang mga duhat at sinigwelas.

            Nang makaraan sila sa duluhan ay dinatnan nila ang malawak na tumanang tinamnan ni Mang Pepe at ni Efren ng sari-saring gulay. Nang maparaan sila sitawan ay pumitas pa si Neneng ng isang bunga nito.

            “Efren, mga ilang araw lamang at maaani mo na ang inyong sitaw.”

            “Oo nga, sayang, kung hindi ka pa sana uuwi sa Maynila ay natikman mo ang masarap na luto ng nanay ng ginisang sitaw,” ang tugon naman ni Efren.

            At nagpatuloy sila sa paglakad na marahan, ngunit hindi tulad noong mga nagdaang araw. Noon, habang lumalakad sila nang maraha’y walang tigil sila sa pag-uusap, laging masaya at may tawanan pa.

            Ang batis na kinagigiliwang salaminan ni Neneng ay sinapit nila. Naupo sa gilid ng pampang si Neneng at si Efren ay naupo naman sa tabi niya. Gayon-gayon din sila noong mga nagdaang mga araw, magkapiling silang nauupo sa pampang na iyon, ngunit hindi tulad ngayong laging natutubigan.

            Papaano’y may isang dahilan! Ang bagay na iyon ay maaaring dumaan sa isang panaginip. Hindi nila akalaing ang panahon ng tag-init ay magiging napakaikli, upang ang namulaklak na pagtatangi sa kanilang puso ay hindi maipahayag at magkaunawaan sila. At sa mga sandaling iyon na ilang oras na lamang ang nakapagitan sa kanila saka nais nilang malunasan ang suliranin ng kanilang puso (bagama’t kailan pa man ay hindi pa nila napag-uusapan ang bagay na iyon), nang sa gayon ay kanilang matiyak ang malaon nang pinapangarap nila ay hindi isang katotohanan na hawak nila sa kanilang mga kamay. Sa pagkakaupo nilang yaon ang kanilang damdamin ay nag-uusap, datapuwa… sa kanilang mga labi ay ni walang katagang namutawi.

            “Iniibig ko siya,” ang sa loob niya. “Hindi kaya niya ako nauunawaan?… Ang katayuan ko’y huwag nawang maging hadlang ng aming di pagkakawatasan. Hindi ko hangad ang dunong at yaman, sawang-sawa na ako. Ang nais ko ay siya, sapagka’t tanging siya ang makapagpapaligaya sa akin. Kaligayahan ko siya, sapagka’t iniibig ko siya nang labis. Kalangitan ko habang buhay!…”

            “Iniibig ko siya,” gayon din ang nasa loob ni Efren. “Datapuwa’t kay laki ng agwat naming dalawa. Alipin at panginoon; lupa at langit. Ngunit siya ang itinitibok ng aking puso, siya ang babaing pangarap ko sa buhay. Napakatamis niya, maganda, magiliwin, at hindi katulad ng ibang kabaro niya. Mapaliligaya ko siya!… Ang nayong ito’y maihahandog ko sa kanyang paanan. Kami’y maaaring mabuhay na payapa at maligaya sa nayong ito. Ang lahat ay gagawin ko ng dahil sa kanya,  sapagka’t iniibig ko siya nang labis at labis!…

            Isang siit ang hawak-hawak ni Neneng na ikinakalikaw sa ilalim ng tubig. Ikinasisiya ng kanyang puso na mamalas ang paglabo at muling paglinaw ng tubig. Sa tubig na iyon ay inaaninag niya ang pag-ibig nila, na kailan pa man ay mananatiling malinaw at kahi’t na lahuin ay manunumbalik sa kalinawan. Ngunit yaon ay isang pangarap lamang, sapagka’t hanggang sa sandaling iyon ay hindi pa niya naririnig sa labi ni Efren ang katagang, “Neneng, iniibig kita!…”

            “Nagsasawalang kibo ka na lamang, Efren. Tila mabigat sa loob mo ang pagsama sa akin?… Naririnig mo ba ako, Efren?” Ang ibinasag ni Neneng na may halong paghihinanakit sa binatang nananatiling walang kibo.

            “Huwag mong saloobin ang gayon, ewan ko kung bakit tila may susi ang mga labi ko,” ang tugon ni Efren na sinundan pa ng isang mahabang buntong hininga.

            Sa kanilang damdamin ay nakadarama sila ng pag-ibig, ngunit kailan pa man ay hindi nila mapangahasang pag-usapan ang hinggil sa suliraning iyan ng kanilang umiibig na puso. Sa kanilang hinanggap, sila na’y nagkakaunawaan, nagkakaibigan, ngunit laging alinlangan ang kalooban nila. Sa lahat ng pagkakataon ay yaon ang laman ng kanilang kalooban (magpapahayag ng pag-ibig ni Efren, naghihintay naman si Neneng). Datapuwa’t ang lahat ay nauuwi lamang sa isang panaginip, kinukuyom sa kanilang damdamin, sinasarili, pinatatamis at pinayayabong.

            “Ilang sandali na lamang, Neneng, at magkakahiwalay na tayo,” ang malungkot na simula ni Efren at hinawakan pa ang kaliwang kamay ni Neneng na noo’y nakadiin sa pampang.

            Napuna ni Neneng na walang kasing lamig ang palad ni Efren nang ihawak sa kanyang kamay.

            “Oo nga, Efren. Pumikit at dumilat,” ang tugon ni Neneng na sa mukha ng binata nakapako ang mga mata.

            “Sa sandaling mapaapak marahil ang mga paa mo sa lupang Maynila ay malilimot mo na ako. Hindi mo na ako magugunita. Malilimot mo na ang munting nayong ito na salat sa lahat ng bagay.” At lalong hinigpitan pa ni Efren ang pagkakahawak sa kanyang kamay.

            “Hindi, hinding-hindi kita malilimot, Efren. Mahal na mahal sa akin ang nayong ito. Nais ko ay dumito na ako, maligaya ako rito sa inyong nayon. Nakita mo na ba akong nalungkot dito?” Ang hindi napigilang pangungusap ni Neneng.

            “Salamat, Neneng, at hindi mo ako lilimutin, nguni… hindi kaya isang pagbibigay kasiyahan lamang sa akin?” ang tugong-tanong niyang muli.

            “Efren, mahirap na lamang ang sumumpa,” at dahan-dahang nagtindig si Neneng sa pagkakaupo  na hindi inaalis ang pagkakahawak ng kanilang kamay at sumunod na rin ang binata sa pagtayo.

            Sandaling nagharing muli sa kanila ang katahimikan. Dahan-dahan silang lumakad na papalayo sa pampang na magkakahawak pa rin ang mga kamay.

            Sa kanilang diwa ay may dumalaw na namang hinagap.

            “Kung ganito na ba kami noong mga nagdaang araw,” ang naisaloob ni Neneng, “Marahil ay malaon na kaming nagkaunawaan. Sana’y anong tamis ang paghihiwalay namin ngayon. Hindi ko na marahil hahangarin pa ang magbalik sa kolehiyo, nanaisin kong dumito na ako sa nayon sapagka’t ang nais ko maging kanya, maging kanya habang huhay!…”

            “Ganito na sanang lagi kami magkakahawak ang kamay sa paglakad,” ang naisaloob ni Efren, “Anong ligaya namin marahil. Siya at ako’y maaaring nagkakaisa na sa banal na layunin. Nguni… siya’y lalayo na sa akin. Huwag Mo pong ipahintulot na siya ay mawalay sa aking paningin. Itanim Mo po sa kanyang puso na ako’y lagi niyang maalala!!…

            Kay ganda ng kanilang mga pangarap. Busog na busog ang kanilang damdamin, subali’t uhaw na uhaw ang kanilang puso. Kay ganda nilang bumalangkas, datapuwa’t hindi nila masimulan. Umiibig sila kapuwa, ngunit sa sarisarili lamang nila.

            Mahaba-haba na rin ang kanilang nalalakad, nguni’t tila roon na lamang naputol na pag-uusap. Mataas na rin ang nalalakbay ng araw. Ang tumitinding init ng sinag ng araw ay unti-unti na nilang nararamdaman. Gayong may ilang sandali na lamang ang nalalabi sa kanila, ay hindi pa rin sila nagkakaunawaan. Mga pala-palagay, mga saloobin, yaon lamang ang natatapos nila. Isang magandang bungang-tulog na sa pagmulat ng kanilang mata ay hindi magigisnan.

            “Efren, mataas na ang araw,” ang basag ni Neneng na tila ibig nang mainip sa gayong pamamalagi nilang walang imikan.

            At ang pinagsabihang si Efren na noon ay may malalim na iniisip marahil ay nilingon lamang siya na hindi man lamang siya tinugon.

            “Efren, hindi mo na ako tinugon?… Hindi mo na ba ako nawawatasan?” ang wika ni Neneng, na ibig magdamdam sa hindi pagkakatugon ng binata.

            “Neneng, uuwi ka na, iiwan mo na ako!” ang naging sukli ni Efren na punong-puno ng dalamhati. “Tayo na, Neneng, tanghali na, baka aalis na kayo.”

            Dali-daling tiningnan ni Neneng ang orasan niyang pangkamay.

            “Siya nga, Efren, tanghali na,” ang ayon naman niya.

            Ang dalawa ay nagsimula nang umuwi, subali’t hindi pa rin nila inaalis ang pagkakahawak ng kanilang kamay.

            “Maisip mo pa kayang muling magpalipas ngayong darating na tag-init sa nayon?” ang tanong ni Efren.

            “Efren, ang batis na iyong may malinaw na tubig na ating pinagpahingahan, ang malawak na tumanang ito na ating nilalakaran na ngayon ay natatamnan ng sari-sarig gulay, ang duluhang iyan na ating daratnin, ang malayang simoy ng hangin sa kabukiran, at ang magagandang kalooban ng mga taga-nayong ito, iyan ba ay maaaring hindi hanap-hanapin ko?… Lahat ng iyan ay mahal sa akin, mahal sa akin ang nayong ito, Efren, pagsapit ko ng Maynila, ang lahat ng iyan ay hindi ko malilimot, sapagka’t iyan ay pananabikan kong muling makita,” ang taimtim na tugon ni Neneng.

            “Salamat naman kung magkakagayon, Neneng, hindi ako maiinip sa paghihintay sa iyong pagbabalik,” ang tugon ni Efren na puno ng kasiyahan.

            “Maasahan mo, Efren, at sa muling pagdalaw ko rito ay inaasahan kong…” hindi na naipagpatuloy ni Neneng ang kanyang sasabihin, sapagka’t natawag ang pansin niya noong dalawang malayang nagsusuyuan sa tabi ng isang munting pugad.

            “Kung gayon na ba kami ni Efren, di anong ligaya namin,” ang bulong ni Neneng.

            “Neneng, bakit natigilan ka?” ang puna ni Efren.

            “Tingnan mo, Efren, ang dalawang mayang yaon. Hindi ba kainggit-inggit sila?” At itinuro pa ni Neneng sa binata.

            “Mapapalad sila, sapagka’t sila ay nagkakaunawaan na,” ang naitugon ni Efren.

            Palibhasa’y napapalapit na sila ng bahay, kaya’t napansin din nila na ang kamay nila ay magkakahawak pa. Halos ay panabay silang nagkatinginan at sa kanilang mga labi ay nipot ang ngiti ng kasiyahan.

            Nang makaraan ang tanghalian, nakita niyang ibinaba na ng kanyang ama ang ilang dala-dalahan nina Neneng at isinakay sa awto.

            “Lalakad na sila,” ang bulong sa sarili ni Efren.

            At hindi nga siya nainip at nakita niyang kasabay ni Neneng ng kanyang ama at ina sa pagbaba sa hagdanan.

            Kay ganda-ganda noon ni Neneng sa tingin niya na binagayan pa ng suot niyang damit.

            Nang makababa na si Neneng ay nakita niya itong huminto at luminga-linga.

            “Neneng, aalis na ba kayo?”

            Ang kunwa pa ni Efren, sapagka’t talos na niyang siya ang hinahanap, ngunit siya ay nakakubli.

            “Efren!” ang wika ni Neneng na ang mga mata’y nangniningning.

            “Neneng,” ang tugon niya. “Kay ganda-ganda mo ngayon.”

            “Aalis na kami, Efren, ngunit ayaw kong sa ating mga labi ay mamutawi ang katagang paalam,” ang saad ni Neneng.

            “Neneng, tanggapin mo itong alaala ko sa iyo!” at isang sobre ang inabot sa kanya ni Efren.

            “Ano ito, Efren?… Maaari bang mabuksan ko na ngayon?” ang wika niya, sapagka’t may bagay na naalaala siya.

            “Huwag na ngayon. Hintayin mo nang makarating ka sa inyo at doon mo na buksan!…”

            Nang bago mananghali sila ng tanghaliang iyon ay gayon ding sobre ang ipinagkaloob niya kay Efren, na kinalalagyan ng kanyang larawan. Yaon ang iniwan niyang alaala sa binata, sapagka’t batid niyang kinagigiliwan iyon ni Efren. Makailan nang mabati sa kanya ang larawan niyang iyon ni Efren.

            Iyan ang inaalaala ni Neneng, na baka hindi naibigan ni Efren ang kanyang larawang alaala, kung kaya’t isinauli nito.

            “Neneng, tayo na!” ang narinig nilang tawag ng kanyang ina.

            “Efren!…”

            “Neneng!…”

            At buong higpit na nagkamay sila.

            Sa loob ng berlina ay hindi mapalagay si Neneng. Ang sobreng ibinigay sa kanya ni Efren ang gumugulo sa kanyang isip. Kaya’t hindi pa man silang lubhang nakalalayo ay inilabas na niya at dali-daling binuksan.

            Ngunit gayon na lamang ang kanyang pagkakamangha nang mapatambad sa kanyang nananabik na paningin ng nilalaman ng sobreng nagdulot ng ligalig sa kanya.

            “Neneng, ang apat na larawang kalakip nito ang tanging nakayanan kong maging alaala ko sa iyong pag-uwi. Batid kong iyan ay mahal na mahal sa iyo, sapagka’t ang wika mo sa akin, iyang batis na may malinaw na tubig, ang malawak na tumana at ang duluhang malimit nating pamitasan ng iba’t ibang bungang-kahoy ay hindi mo malilimot, pagka’t iyan ay isa sa mga kabuuan nitong aming nayon. Iyang nayong mahal na mahal sa iyo. Ngayo’y hindi ka na malulungkot, sapagka’t lagi mong makikita, hindi kaya?”

            “Nguni’t ang pang-apat na larawang kalakip niyan ay asahan mong siyang magtatanod sa mga tanawing kinagigiliwan mo, mamahalin ang bawa’t minamahal mo, sapagka’t ang kaligayahan mo ay kaligayahan din niya. Kaluwalhatian niya at buhay ang mahalin ka.”

            “Neneng, ipagpatawad mo kung sakali’t naging laban sa iyong kalooban. Natatalos kong tunay na kay laki ng agwat natin, upang tayo’y magkaugnay, kaya’t hanggang sa huling sandali ay namalaging may susi ang aking mga labi. Pinaglabanan kong kuyumin sa aking dibdib, ngunit hindi na nakayang batahin pa ng aking sarili. Kahi’t sa pamamagitan nito ay pinangahasan ko, nang sa gayon ay iyong matalos na ikaw, Neneng, ay aking iniibig at sa nayong minamahal at ligaya mo sa buhay ay may isang kaluluwang sa iyo’y nagmamahal at naghihintay!”

EFREN.

            Kumislap ang liwanag sa mga mata ni Neneng. Nahagkan niya nang buong kalihiman sa mga magulang ang liham at saka maingat na isinilid sa loob ng damit, sa tapat ng dibdib na parang nililindol.

            “Efren, babalik ako agad…” ang mahinang bulong sa sarili. “Sa nayon mong iyan ang ligaya ko…”