Ni MARINO L. LIZASO
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 19, 1950)
KAINITAN ang Graduation Ball ng mga nagsipagtapos sa Bulacan High School. At sa saliw ng isang malambing na tugtugin ay walang imikang nagtatalik ang magkasintahang Fred at Mila. Saglit na sinulyapan ng dalaga ang kasuyo.
“Fred, kanina ka pa matamlay. Ano ba ang nangyayari sa iyo, ha?”
“Mila, saan ka mag-aaral sa pasukan?”
“Wala pang katiyakan, e. Hindi ko pa malaman sa tatay. Ikaw ba, saan ang balak mo, Fred?”
“Ako’y tiyak na hindi makapagpapatuloy.”
“Iyan ba, Fred, ang gumugulo sa isip mo mula pa kanina?”
Hindi sumagot agad si Fred. Ibinaba ang paningin sa mga mata ng kasintahang nakatitig sa kanya. Saglit na hinaplos ng titig ang magandang mukha at saka huminga nang malalim na waring nagtipon ng sapat na lakas ng loob ang binata.
“Mila, kailan tayo pakasal?” wika niyang ang tinig ay isang taimtim na dalangin.
“Pakakasal?” at ang tugon ni Mila’y sinundan pa ng isang kung anong tawa.
Naramdaman ni Fred na kuminig ang kanyang buong katawan at isang sibat mandin ang tumarak sa kanyang dibdib. Hindi na siya nakaimik at sa pagkatapos ng tugtog ay walang imik dingg inihatid niya si Mila sa luklukan. Para pa niyang nauulinigan ang marahang tawang yaon. Pinagtiim ng binata anng kanyang mga bagang. At nakakunot ang noong tiniis ang kirot ng ninunutnot niyang puso.
Sa mga sandaling iyon ay sumasagsag na lumapit si Purita sa may kinauupuan ni Mila.
“Naku, hindi kita matawag kaninang nagsasayaw kayo, e. Hayun ang tatay mo, a. Galing daw siya sa Kapampangan, e nagdaan na rito upang isama ka na sa pag-uwi.”
“Samahan mo ‘ko, Purita,” tila nangangambang anyaya ni Mila sa kaibigan.
“Itinatanong sa akin kung sino ang kasayaw mo, e,” wika ni Purita samantalang binagtas ng dalawa ang bulwagan. “Ang sabi ko e, iyon ang ating salutatorian at taga-roon din sa inyo sa Santa Maria.”
May pagmamalaki ang titig ng don sa pagkamasid sa anak na palapit sa kanya.
“Itay, hindi mo nakita ang pag-aabot sa amin ng mga diploma kanina.”
“Hindi nga ako umabot sapagkat nabalam kami. Sayang nga!”
Mula sa kinatatayuan ni Fred na hindi naman kalayuan sa pinagtagpuan ng mag-ama ay tanaw na tanaw niya si Don Catalino na bagama’t kanyang kababayan ay hindi pa niya nakakaharap at hindi siya nakikilala. Nang ipinakikilala ni Mila sa ama ang ilan niyang mga kamag-aral ay inaasam ng binatang kakawayan siya ng kasintahan upang ipakilala rin, ngunit sulyap man lamang ay hindi siya natapunan ni Mila hanggang sa lumisan ang mag-ama na kasama rin si Purita.
Noon lumapit sa kanya si Karding, ang pinakamatalik niyang kaibigan sa paaralan.
“Karding, nadamay ka ata sa aking kasawian, a. Sumama na pati si Purita sa mag-ama, e. Kung sabagay ay hindi gaanong mahapdi iyang katulad ng tinanggap ko kanina.
“Teka nga. Napuna ko kaninang pinapawisan ka ay gayong hindi naman alinsangan. Tila ka nakainom ng markang demonyo sa pamumula. Ano ba ang nangyari sa inyo?”
Inakay muna ni Fred ang kaibigan sa tabi ng isang durungawang malayo sa karamihan.
“Itinanong ko ba naman kung kailan kami pakakasal, e…”
“Ano ang sagot sa iyo?”
“Pagtawanan ba naman ako, e.”
“Pinagtawanan ka, Fred?”
“Tatlong taon na kaming magkatipan, hindi ba? Sa akala mo kaya ay alangan sa akin ngayon, pagkatapos ng ganoon kahabang panahon, na magtanong kung kailan kami pakakasal?”
“Walang masama, Fred, at kung magkaroon ako ng pagkakataon kanina ay itatanong ko rin iyon kay Purita.”
“Namanghang kung paano sa aking tanong na may kasunod pang bahagyang tawang hindi ko maunawaan kung paglibak o paghamak sa aking pagkatao…” May luha ang maingat na tinig.
“Baka naman hindi ang pakahulugan mo ang ibig sabihin ni Mila, Fred. Batid kong siya ay tapat sa iyo at ito ay laging nasasabi sa akin ni Purita.
“Hindi ba nakita mong ipinakilala sa kanyang ama ang iba nating kasama? E, ano naman kaya ang dahilan at ako pa ang nakaligtaan? Hindi ko kaya masasabing ako ay kanyang ikinahihiya?”
“Hindi… hindi ganoon, Fred. Huwag mong lasunin ng masasamang hinala ang iyong pang-unawa. Maaaring may ibig pagtakpan si Mila sa kanyang ama, hindi ba?”
“Karding, hindi natin maaaring bigyan ng pakahulugang pampalubag-loob lamang ang takbo ng mga pangyayari. Isang mapang-uyam na katugunan at pagkatapos ay kusang hindi pagpapakilala sa akin sa kanyang ama!”
“Ow, bakit ikaw e… Tayo na ngang umuwi at nang maaga tayong makaalis bukas. Sa unang biyahe na tayo sumakay, hane?”
MULA nang dumating si Fred sa Balasing ay hindi na nagtugot sa mga gawain sa malaking poultry ng kanyang ama at sa paghahakot ng pataba sa bukid. Sa mga gawain niya nilulunod ang mga agam-agam na bumabagabag sa kanyang dili-dili.
“Alfredo,” wika ng ina, isang gabing magkakaharap ang mag-anak, “bawasan mo naman ang masyadong paggawa. Baka kung mapaano, ka. Inuubo ka na, a.”
“Sipon po lamang ito, Inang.”
“Siyanga,” sabad naman ng ama, “baka ngayon pang malapit na ang pasukan, e saka ka pa magkasakit.
“Bakit po, Tatang? Tapos na po naman ako, a.”
“Aba!… at wala ka na bang balak na magpatuloy?”
Nang iniaabot na ang mga diploma ay lalong nadama ni Fred ang kanyang pangungulila. Pagbaba sa tanghalan ng mga naunang umabot ng diploma ay may nag-aabot ng alaala.
“Ang ibig ko po sana, Tatang, e makatulong na ninyo. Lalo na po ngayon na dinagdagan ninyo ang laman ng ating poultry. Kahit na po ako na ang bahala sa ating saka at mga kalabaw, e di ang poultry po naman ay mahaharap na ninyo nang lubusan. At si Pakito po naman ang siyang makapagpapatuloy.”
“Hindi masama ang balak mo, Alfredo,” wika ng ama samantalang kinukuha ang sambalilo sa sabitan. “Ngunit hindi ganoon ang ibig kong mangyari. Si Pakito ay sa haiskul na lamang sa bayan mag-aaral. Sang-ayon kay Alkalde ay sa Hunyo bubuksan ang bagong paaralang ipinagawa ng gobernador. At ikaw naman ay sa Maynila mag-aaral. Mena,” ang baling sa asawa, “huwag mong ipasasara ang pinto at ako ay makikipaghunta lang sa tindahan sa luwasan.”
“Anak,” wika ng ina nang makaalis na ang ama, “ipagtapat mo nga sa akin. Ano ba ang napapansin kong bumabalisa sa iyo? Ano ba ang dahilan at tumatanggi kang magpatuloy ng pag-aaral?”
Maluwat na hindi makaimik si Fred. Tila ibig-ibig niyang ipaglihim sa kanyang ina ang hinanakit na ngumangatngat sa kanyang puso.
“Ano nga ba ‘yon, Alfredo? Bakit hindi mo ipagtapat sa akin, anak?”
“Inang, isang bagay na ipinalalagay kong paghamak sa aking pagkatao ng babae pa namang pinag-ukulan ko ng taos na pagmamahal ang lagi nang nagpapahirap sa aking puso. Napakasakit, Inang. Hindi ko makalimutan. Naisip ko tuloy na huwag nang mag-aral at sa gayon ay lalong magkakaagwat na ang aming kalagayan. Baka kung lumaon ay makalimot na rin ako.”
“Bakit gayon ang iisipin mo, anak?” May tagong hinanakit sa marahang tinig at ang mga matang nakatitig sa mukha ng binata’y saglit na kinabadhaan ng isang malalim na tampo.
Isang kutob ng kahihiyan mandin ang naramdaman ng binata sa ubod ng kanyang puso. Ibinaba niya ang kanyang mga mata sa sahig.
“Hinamak ka na pala, e magpapakahamak ka naman. Isipin mo nga. Hindi ba ang marapat ay lalo kang magsumigasig upang maipakilala mo balang-araw ang iyong tunay na halaga? Ikaw pa naman e tatomyan ‘ka mo, e bakit hindi mo isulit ang pagkakatomyan mo? At saka kami, anak, wala ka na bang hangad na balang araw, e mabigyan mo ng karangalan? Kami naman, e laan pang magpakahirap para sa iyo. Ha, Alfredo, hindi ba iyon ang tama?”
Nagningning ang mga mata ni Fred. Kinilabutan siya sa narinig sa ina. Naramdaman niyang nagmanhik-manaog ang kilabot sa kanyang buong katawan. Nakita niya ang pangitain ng isang kinabukasang sapagkat maganda at aliwalas ay lalong dapat niyang pagsakitan.
“Inang, mag-aaral po ako,” ang nawika niyang tila paglalagak ng isang matibay na pangako.
NANG nasa Maynila na si Fred ay lalong nag-ibayo ang dati niyang sikap sa pag-aaral. Bagamat ang kirot sa kanyang puso ay unti-unti nang nababahaw ay lalo namang tumitingkad sa kanyang alaala ang pag-ibig na mahigit nang tatlong taong sinumpaan niya sa timyas ng unang pagmamahal.
Isang araw nang may tatlong taon na ang nakalilipas ay nagkita si Fred at si Karding sa may tapat ng Sine Ideal.
“Kumusta, Karding.”
“Mabuti, isa na ang anak ko, e.”
“At may asawa ka na pala, ha?”
“Hindi mo ba nabalitaan? May dalawang taon na kaming kasal ni Purita, a.”
“Siyanga ba! E… si Purita, kumusta naman?”
“Mabuti, nang minsang lumuwas siya rito ay nagkita pa sila ni Mila.”
“E… ano raw ang sabi, Karding? Ano raw ang ayos ngayon ni Mila, ha? Hindi raw ba nagbabago, ha?”
“Hintay ka muna. Inaraste mo naman ako ng tanong, e. Tayo nga muna rine at makapagkape.”
Pumasok sa isang restauran ang magkaibigan.
“O… ano ang sabi ni Purita? Katulad din daw ba ng dati, ha?”
“Teka nga, wala ka bang nababalitaan ukol kay Mila at para kang uhaw na uhaw?”
“E… may tatlong taon nang wala kahit ano, Karding. Nabalitaan ko lamang na nag-aaral daw ng piyano sa Santa Teresa. Wala na akong narinig mula noon.”
“Ang sabi raw kay Purita ay patuluyan ka nang lumimot.”
“Hindi… hindi ako nakalilimot, Karding. Talagang pinag-aralan kong limutin ngunit hindi ko magawa. Iniisip ko nang lahat ang mga dahilan kung bakit dapat kaming magkalayo ng landas ngunit ayaw pumayag ang aking puso. Pumapayag ang aking isip na kumikilala sa mga katotohanan ng buhay. Ngunit ang puso ko’y umiibig! At unang pag-ibig, Karding!”
“Talagang mahigpit ang unang pag-ibig,” tinitigan ni Karding ang kaibigan. “Sabi yata ni Purita e, may lumiligaw raw.”
“Taga-roon ba sa amin? Ano raw ang pangalan?”
“Doktor pa yata, e. Tila Il… mahirap sabihin, e.”
“Baka Illestas?”
“Iyon nga, Illestas!”
Maluwat na hindi nakaimik ni Fred. At sa pagkatigagal ng binata’y nahulaan ni Karding ang pangambang umakibat sa nagdurugong puso. Nagbuntong-hininga nang malalim si Fred. “A, si Pepito Illestas. Mabuting bata at mabuting angkan. Magkabagay na nga sila. Marahil, kung may asawa na si Mila ay makalilimot na rin ako.
Inubos ni Karding ang laman ng kanyang tasa at saka at saka nagtindig.
“Nakapanlulumo anng salitaan nating ito. Kung hindi lang ako nagmamadali, e ibig kong magkasalo tayo sa pananghalian. Saan ka ba nakatira?”
“Sa bahay ng mga Tiya Nena. Alam mo iyon, hindi ba?”
“Oo, alam ko. Isang araw e pupuntahan kita roon.”
“Kumusta na lang kay Purita, ha?”
“Oo, makararating. Huwag mong pakadibdibin.”
At ang magkaibigan ay naghiwalay.
Isang taon pagkatapos, sa malaking bulwagan ng Far Eastern Universityay kasalukuyang maabutan ng diploma ang mga nagsipagtapos. Kabilang sa mga nakatoga si Alfredo Santos, ang ating Fred, na katulad noong siya’y magtapos sa Bulacan High School ay hindi rin pinanood ng mga magulang na nag-aalagang makisalamuha sa gayong pagtitipon. Ang kaibahan nga lamang noon ay may isang Mila siyang natatawag at may isang Milang umaaliw sa kanya. Ngayon ay lubusan ang kanyang pag-iisa.
Nang iniaabot na ang mga diploma ay lalong nadama ni Fred ang kanyang pangungulila. Pagbaba sa tanghalan ng mga naunang umabot ng diploma ay may nag-aabot ng alaala.
Dumating ang sandaling si Fred na ang umakyat sa tanghalan upang tanggapin ang katibayan ng apat na taon niyang pagtitiyaga. Ang sinundan niya ay nakita ni Fred na sinalubong pagpanaog sa tanghalan ng isang dalagang masayang bumati at nag-abot ng isang alaala. Alam ni Fred na walang sasalubong sa kanya, kaya nakayuko ang binata at nadudumaling nanaog.
“Fred!”
Itinaas ng binata ang kanyang ulo.
“Fred!”
Si Mila! Nakangiti! Nakangiti sa kanya! At may iniaabot!”
“Mila!”
“Fred! Tanggapin mo ang alaala ko sa iyo…”
“Mila! Hindi ka nakalilimot?”
“Hindi, Fred. Nakausap ko uli si Purita. Nagkausap daw kayo ni Karding. Natandaan mo ba ang tanong mo sa akin sa Graduation Ballnatin noong araw?”
“Iyon bang kailan tayo paka…”
“Oo, iyon. Natawa ako sa iyo noon. At dapat naman, hindi ba?”
Nakangiti lamang si Fred na naghihintay ng idurugtong ng kasintahan.
“Ngayon kita sinasagot, Fred. Ito ang sagot ko. Ngayon!”
“Mila!”
“Halika, Fred, hayun ang tatay. Ngayon kita ipakikilala.”
“Sa iyong tatay?” Nagtanong ang mga mata ni Alfredo Santos.
“Oo, Fred, sinabi ko na sa tatay. Wala siyang tutol. Sport ang tatay ko, baka akala mo!”
Sa hindi kalayuan ay nakita ni Fred si Don Catalino na nakatingin sa kanila at nakangiti… nakangiti…








