KAGABI, ANG ULAN

Bago siya nakapagsalita ay inundayan ko siya ng isang suntok sa mukha.

Ni CIRILO F. BAUTISTA

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Agosto 8, 1960)

MAHABA ang hanay ng mga sasakyang kinalululanan ng mga taong sumama sa libing ni Ama. Karamihan sa kanila ay mga kamag-anak at kakilala namin. Ang diyep na sinasakyan at ng dalawa kong kasama ay kasunod lamang ng karo ng kabaong. Mabagal ang lakad ng mga sasakyan. Sumasaliw ang pumapailanlang na malungkot na awitin: nanunuot sa aking damdamin, nagpapaalam, at halos lumuluray sa aking puso. Ibig kong umiyak.

Magtatakipsilim na nang sumapit kami sa libingan. Isa-isang umibis ang mga nagsisama sa kanilang sasakyan at nagtungo sa may nitsong naghihintay. Nagpauna ako at ang dalawa kong kasama. Mahirap humiwalay sa kanila. Sa kabila ng mga naghanay na puntod at kurus ay nakita ko si Inang. Akay-akay ng dalawa kong tiyahin. Ang kanyang mukha ay may takip na belong itim. Alam ko ang damdamin ni Inang. Alam kong buhat pa noong mabatid niyang namatay sa sakuna si Ama ay hindi na siya natigil sa pag-iyak. Waring ginugutay ang aking mga laman habang naririnig ko ang kanyang panangis kaya’t binilisan ko ang aking hakbang upang mauna sa kanila at hindi nila mapansin. Mag-iisang buwan na akong hindi nakikita ni Inang buhat nang ako ay maglayas at hindi man lamang ako nakausap ni Ama bago siya nalagutan ng hininga. Ngayon ko lang muling namasdan si Inang.

Bago nasimulan ang paglilibing ay umambon. Hindi iyon gaanong pinansin ng mga tao at ipinagpatuloy rin ng pari ang pagbibindisyon sa bangkay ni Ama. Nang ipinapasok na ang kabaong sa nitso, malakas-lakas na ang ulan. Lumalakas na rin ang panangisan. Sa aking kinatatayuan ay nakikita ko si Inang. Nakayuko siya. Yukung-yuko. Napayuko rin ako. Idinalangin kong patawarin ako ni Ama. Sa kabila ng aking pagiging isang suwail na anak ay hindi niya ako lubusang itinakwil. At hindi ko napigil ang aking sarili, at naramdaman ko na lamang ang mga luhang umagos sa aking pisngi.

Si Ama ay pangkalahatang-tagapamahala sa isang sangay ng isang malaking bahay-kalakal. Ang nakatatanda kong kapatid na lalaki ay manggagamot. Ang ate ko ay kalihim sa isang pabrika ng mga sapatos. Mahigpit si Ama nguni’t nasusunod ko rin ang aking layaw. Madalas akong umuwi sa bahay nang wala sa oras. Nag-aaral ako sa gabi kaya’t kung nauusisa ako ay idinadahilan kong nagtungo ako sa bahay ng isa kong kaklase at doon gumawa ng mga aralin. Kadalasan ay magigising na lamang kami sa loob ng piitan.

Dapat kang mahiya sa iyong ginagawa, Magno, sabi ni Ama, minsang ipaglagak niya ako ng piyansa upang makalabas sa piitan. Nakipag-away ako noon. Binasag ko sa ulo ng aking katunggali ang isang bote ng alak at bago ako nakatakbo ay nahawakan na ako ng pulis na tinawag ng isang nakasaksi. Iniwan ako ng aking mga kasamahan.

Nakaraan na iyon, Itay, at ‘di na dapat pag-usapan pa, sagot kong paangil.

Nakaraan na nga nguni’t parati mo namang inuulit. Hindi na ako makatagal sa mga sinasabi ng ating mga kapitbahay tungkol sa iyo…

Ano ba ang pakialam nila sa ating buhay? Hindi ko naman sila inaano, a.

Hindi nga, nguni’t tayo ang napupulaan.

Isang araw ay inanyayahan ako ng isang kaibigan na dumalo sa isang sayawan. Ipinakilala niya ako sa isa niyang kaibigang babae, si Lilia.

Bert, naibulong ko sa aking kaibigan, mapapasubo yata ako, a. Kursunada ko pa naman si Lilia.

Baki’t ‘do mo sinabi agad, sagot niya. Bayaan mo’t pagkatapos ng tugtuging iyan ay makukuha mo na siya. Basta’t lapitan mo agad. Ako’ng bahala sa iyo.

Nang muling tumugtog ay nilapitan ko si Lilia. Nguni’t may nakasabay ako. Isang makisig na lalaki.

Padre, sabi ko sa kanya, ipaubaya mo na sa akin ang tugtuging ito.

Dinaramdam ko, ‘igan, sagot niya, unang sayaw ko din ito, e.

Nakikiusap ako sa iyo, padre, sabi kong muli, huwag mo naman akong hiyain.

Hindi niya ako pinansin at nagpuyos ang aking damdamin. Hinawakan ko siya sa balikat at bago siya nakapagsalita ay naundayan ko na siya ng isang suntok sa mukha. Tumili ang mga babaing nakakita sa aking ginawa. Natigil ang sayawan at nagkagulo ang mga panauhin. Bumangon ang aking katunggali at nakipagpalitan sa akin ng suntok. Nang kami ay maawat ay punit-punit na ang aking barong tagalog at putok ang aking labi. Maitim ang isang mata ng aking nakaaway at nagdurugo ang ilong.

Pinagalitan ako ni Ama nang umuwi ako nang gabing iyon. Noon ko lamang siya nakitang napoot nang gayon.

Hiniya niya ako, e…

Sapat na ba iyon upang siya ay iyong saktan? Wala ka na bang ibang maaaring isayaw roon?

Nguni’t si Lilia ang ibig kong…

Tumigil ka sa pag-aaral dahil gusto mo, tama ba ‘yon? Panahon na upang malaman mong para sa iyong kabutihan din ang aking mga paalaala.

Dahil sa sama ng loob ay umalis ako nang walang paalam. Nagtungo ako kina Bert.

O, bakit mukhang malungkot ka? isang gabi ay naitanong sa akin ni Bert.

Hindi, pagsisinungaling ko.

Siguro’y naalaala mo ang iyong mga ‘old’, ano?

Ang iniisip ko’y ang itay. Alam kong malaki ang sama ng loob niya sa akin.

Ow, limutin mo muna ang lahat ng ‘yan at magbihis ka. May pupuntahan tayo.

Saan?

Basta’t magbihis ka na. Pambihira ang lakad nating ito, sabi ni Bert. May kahulugan ang kanyang ngiti.

Ang pinuntahan namin, ako, si Bert at tatlo pang kasama, ay isang madilim na kamalig. Pinalagay ako ni Bert sa may pintuan upang ihudyat ko sa kanila kung may taong dumarating. Kinakabahan at natatakot ako. Nguni’t hindi ako makapagpahalata. Pumasok na sina Bert sa kaloob-looban ng bodega.

Gulo ang aking isipan nang hinihintay kong magbalik sina Bert buhat sa loob ng bodega.

Napabalikwas ako nang mamalayan kong nagtatakbuhan sina Bert. Nabigla ako at tila napako ako sa aking kinatatayuan. Maya-maya’y umugong ang isang putok. Tutop ang dibdib na bumagsak si Bert. Yakap-yakap pa niya ang isang kahon. Hindi ko namalayang kami ay natiktikan ng tanod ng pabrika. Nagdatingan pa ang ilang bantay at kami’y lubusang nasukol.

Sa piitan ay hindi man lamang ako dinalaw nina Ama. Marahil ay hindi nila batid ang nangyari sa akin. At kung batid man ni Ama, alam kong ako’y hindi rin niya dadalawin sapagka’t sariwa pa ang kanyang hinanakit sa akin.

BIGLANG pumunit ang isang matalim na kidlat sa madilim na kalangitan at iyon ay sinundan ng nakatutulig na dagundong ng kulog. At lalong bumuhos ang malakas na ulan. Nang maramdamam ko ang lamig na tumagos sa aking kalamnan ay napatingin ako sa pinagdarausan ng libing. Wala na ang mga tao. Dalawang lalaki na lamang na hubad hanggang baywang ang naroroon. Pinapantay nila ang sementong ipinansara sa nitso.

‘Igan, naghahanap ka ba ng sakit? Basang-basa ka na, a, narinig kong sabi ng isa kong kasama sa aking likuran. Pagkatapos ay naramdaman ko ang malamig na posas na kumagat sa magkabila kong bisig.

Tayo na, wika niyang muli.

Tinapunan ko ng huling tingin ang pinaglagakan kay Ama. Matagal. Pagkatapos ay tumalikod ako. Yuko ang ulong sinundan ko ang dalawang tanod na kasama ko patungo sa diyep na muling maghahatid sa akin sa piitan. Nanlalabo ang aking paningin. Hindi ko na alintana ang malamig na ulan.