ANG PLAUTIN NI PERIKING

Lahat ng abutin ng tunog ngg plautin ni Periking ay hindi naglubay ng sayawan at talunan. Nagsisihingal na’y hindi makatigil.

Ni SEVERINO REYES

(Muling nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 30, 1962)

MAY tatlong magkakapatid na pawang lalaki. Ang dalawa ay malaki ang kataasan kaysa pangatlong siyang bunso. Sila ay wala nang magulang.

            Isang hapon, ang dalawang pinakamalaki ay nagpapalipad ng saranggola sa tabi ng ilog-Pasig. Ang maliit na susunud-sunod sa dalawa, ay ayaw nilang isali. Ang dalawang malaki ay pangalanan natin ng Berto at Tolo, at ang bunso ay Periking.

            Nang ayaw nilang isali sa pagpapalipad ng saranggola si Periking, ay kumuha ito ng isang bola ng pisi at dinala sa tabi ng ilog: itinali sa dulo ng pisi ang isang kaputol na kawayan at pinaglibangan ni Periking na ipaanod sa agos. Matulin daw ang kanyang bangka-bangkaan.

            Nang matapos na ang pagpapalipad ng saranggola ni Berto at ni Tolo, at sila’y nagnais nang magsiuwi ng bahay, ay hinanap si Periking na hindi nila malaman kung saan naparoon. Nang pagod na sila sa kahahanap ay nakita nila sa bingit ng ilog at naghihirap ng pagbatak ng pisi, na marahil ay ibig nang iligpit. Si Periking ay binatukan ng dalawang kapatid. Subali’t nang tulungan nila sa pagbatak ng pisi ay napakabigat batakin, bagama’t sumunod nang unti-unti.

            Ang tatlong magkakapatid ay nagtulung-tulong sa pagbatak ng pisi; batak sila nang batak. Nalalaman ba ninyo ang nangyari nang mabatak na nila ang pisi? Kung kaya pala mabigat, ay may nabingwit na isang pagkalaki-laking isda, isdang lumulon ng kawayang ikinabit ni Periking sa dulo ng pisi; ang isda palang iyon na mukhang malaking Apahap ay Engkantado, kaya nang mapalapit sa pampang ay nangusap:

            “Mga kaibigan, ako ay huwag ninyong sasaktan, alisin ninyo ang kawayan sa aking bibig,” ang wika nito.

            Ang magkakapatid ay nangamangha nang marinig nila ang sabi ng isda.

            “Oo, hindi ka namin sasaktan,” ang sagot nina Berto at Tolo, at inalis nila ang kawayang nakahalang sa lamunan ng malaking isda.

            “Salamat sa inyo,” ang turing ng isda nang maalis ang kawayang anaki’y tagang nakasima sa bibig. “Ako’y gaganti ng utang na loob sa inyo.”

            “Siyanga ba?” ani Berto at ni Tolo.

            “Sa lalawigan ng Pangasinan,” salaysay ng engkantadong isda, “ay may isang Gobernador, na may anak na dalagang napakaganda. Nagpabando ang tinurang Gobernador. (Noo’y panahon pa ng mga Kastilang militar) na sino mang binatang Pilipino na may iningatang galing, ay humarap sa kanya, at kapag nakita niyang tunay na may galing at may bisa ang tinurang galing ay ipakakasal niya ang kanyang magandang anak na si Margarita. Inyo bang natalos ang sinabi ko?” tanong pa ng engkantadong isda sa magkapatid.

            “Oo, natalos namin,” ang sagot ni Berto at ni Tolo.

            “Dukutin mo, Berto, sa bibig ko,” ang utos ng isda, “dukutin mo itong isang munting supot na sutlang pula,” at dinukot naman ni Berto, at nakuha nga ang supot.

            “Ano ang bisa nito?” tanong ni Berto.

            “Ang bisa niya’y hingan mo ng kuwalta, at bibigyan ka ng kuwalta, at bibigyan ka ng lahat ng ibigin mong salapi!

            “Ha? Subukin ko nga,” ani Berto. “Supot, bigyan mo ako ng mga kuwaltang ginto.”

            “Dukutin mo,” ang pakli ng isda.

            Nang dinukot nga ni Berto’y nakita nilang namuno ang kamay nito ng mga unsita at mga aapating pula.

            “Berto,” ang sabi ni Periking, “ako’y bibigyan ninyo, pagka’t ako ang nakahuli sa isda.”

            “Naluluko ka ba?” ang sagot ni Berto. “Aanhin mo ang kuwalta?”

            “Ano ang ibibigay mo sa akin?” ang tanong naman ni Tolo sa isdang nakatingala pa.

            “Dukutin mo, Tolo, sa bibig ko ang malaking panyong sutlang itim,” utos naman kay Tolo ng isda.

            Dinukot naman ni Tolo at nakuha ang panyo.

            “Ano ang bisa nito?” ang tanong ni Tolo pagkakuha.

            “Ilatag mo sa lupa ang panyong iyan, at sabihin mong kayo’y dalhin sa ibig ninyong paroonan.”

            “Ha? Siyanga ba?” ani Toto at inilatag niya ang panyo at tumuntong ang dalawa. “Itaas mo kami ng mga sampung bara,” utos ni Tolo sa panyo. At pagdaka nama’y umunat ang panyo na parang bakal at sila’y itinaas. Nang utusan naman ni Tolo na bumaba ang panyo ay bumaba naman iyon.

            “Diyan na kayo,” ang sabi ng isda na biglang lumubog at nawala nang patuluyan.

            Ang dalawang magkapatid, si Berto at si Tolo, ay hindi na mapalagay. Kinabukasan di’y humingi sa supot na sutla ng salapi at sila’y nangagpagawa ng mainam na damit. At buhat noon ay namuhay na sila nang totoong masagana. Subali’t si Periking ay kanilang inaping lubha. Iniwan na’t hindi ipinagsama nang sila’y pumunta sa Pangasinan.

            Nang mapag-isa sa bahay si Periking, ay lagi siyang umiiyak.

            Isang hapon ay naisipan niyang hanaping muli ang malaking Apahap sa ilog na nilitawan niyon. Dinala niyang muli ang bola ng pisi ng kanyang mga kapatid: kinabitan niyang muli sa dulo ng isang kaputol na kawayan, at ipinaanod gaya rin noong hapong unang gawin niya iyon. Nang maubos na ang pisi ay siyang paglapit sa kanya ng isang matandang lalaki.

            Tong, iligpit mo na ang pisi at si Apahap ay hindi na pahuhuling muli.

            Matapos na maikid ni Periking ang mahabang pisi, ay niyaya siya ng matandang sumama na rito. Si Periking naman na nayamot na sa kanyang kabuhayan dahil sa pagkaiwan sa kanya ng kanyang mga kapatid, ay sumama na sa matanda nang walang tanung-tanong kung saan siya dadalhin nito. Nang sila’y makalabas na ng bayan, ay naupo sila sa isang tabi ng daan.

            “Ano po ba ang pangalan ninyo?” ang tanong ni Periking sa kanyang kasamang matanda.

            “Ingkong Huse.”

            “Ah, Ingkong Huse,” ang ulit ni Periking.

            “Tingnan mo, Tong,” at dumukot sa kanyang bulsa ng isang sumbrerong malambot, “ito’y isuot mo, pagkasuot mo’y huwag mo nang hubarin pa.”

            “Bakit po?”

            “Pagka’t pag hinubad mong bigla at hindi ka nagwika ng: “Hesus Maria’y Husep”, ay lalabbas diyan ang kulog at kidlat.”

            Sinubok ni Periking ang birtud ng sumbrero. Hinubad niya iyon at sumambulat ang kidlat at naghumugong nga ang kulog.

            “Ito nama’y isang kumot na puto lamang,” wika ng matanda at dumukot sa bulsa ng isang maliit na kumot.

            “Ano po ang kumot na ito?” tanong ni Periking.

            “Upang huwag kang mamatay ng gutom, ito’y maaari mongg gamitin, subali’t kapag nagutom ka ay humingi ka sa kanya ng ibig mong pagkain at kahit na anong dami ay bibigyan ka ng kumot na iyan; at gayon din, hindi man pagkain ang kailangan mo, ay ibibigay sa iyo niyan.”

            “Naku, kay buti ninyo, Ingkong Huse!”

            “Mayroon pa, Tong,” sabi ng matanda, “ang plauting ito, na kahit kawayan lamang,” at dinukot din sa bulsa ng matanda, “kapag tinugtog mo, ay sasayaw na pilit ang lahat ng abutin ng tunog nng plauting iyan, at hindi na maghuhumpay ng katatalon at kasasayaw hanggang tumutunog ang plautin. Iyan, Tong, ang mahiwagang plauting ginamit ng Haring David nang ito’y hamak na pastor lamang.”

            “Kay-inam!” tugon ni Periking na tuwang-tuwa.

            “Sa lahat ng iya’y itinatagubilin ko sa iyo ang wastong paggamit, sa ganap na kapanahunan. At ngayon din ay tayo na sa Pangasinan, nang mailigtas mo ang dalawa mong kapatid na ngayo’y napipiit.”

            “Hindi po ako tatagal ng lakad.”

            “Dadalhin tayo nitong aking tungkod.” Nakita ni Periking na ang tungkod ni Tandang Huse ay may bulaklak pa sa dakong puno. “Hala, Tong, humawak kang mabuti sa tungkod,” at silang dalawa’y humawak sa tungkod. Inilipad naman sila agad nito sa himpapawid.

            Sa isang kisap-mata’y dumating sila sa Pangasinan.

            “Narito ka na,” ang sabi ng matanda. “Dito nakatira ang gobernador na may anak na dalaga.”

            At nawala na at sukat si Ingkong Huse.

            Sinimulan na ni Periking ang pag-uusisa, hanggang sa mabatid niyang lahat pala nang may iniingatang galing na humarap sa gobernador at ibig mag-asawa sa kanyang anak, ay sinamsaman ng gobernador ng mga galing, at ang may-ari ay ipinagpapasok sa piitan pagka’t dito sa Pilipinas ay maraming may galing nang panahong yaon. Ang bilangguan ay punung-puno ng mga taong nilinlang ng gobernador. Si Periking ay nakiusap sa bantay na ibig lamang niyang makapanayam ang kanyang mga kapatid. Pinahintulutan naman siyang makapasok. Pagkakita ng dalawang magkapatid kay Periking, ito’y niyakap.

            “Huwag kayong mag-alala,” ang wika ni Periking, “at noon din ay dinukot sa kanyang bulsa ang kumot na puti, inilatag sa gitna ng kalaboso, at humingi si Periking ng pagkaing sapat sa lahat ng preso. Pagdaka nama’y sumipot sa ibabaw ng kumot ang mga pinggang ginto na puno ng masasarap na pagkain. Ang mga preso, tabi-tabi, anaki ay mga asong gutom na dinaluhong ang hain ni Periking.

            Ang mga kapatid ni Periking ay nagsihingi ng tawad sa kanya.

            Ang pagkakagulo ng mga preso ay napuna ng gobernador, at nagsumbong ang bantay na ang mga preso ay nangagsikain sa mga pinggang ginto ng masarap na pagkain.

            Si Periking ay di nangiming humarap sa gobernador.

            “Ikaw ba ang naghain ng masasarap na pagkain sa mga preso?” tanong ng Gobernador.

            “Opo, at sila po’y inahinan ko sa mga pinggang ginto,” tugon ni Periking.

            “Ibigay mo sa akin ang galing mong iyan!” makapangyarihang wika ng gobernador.

            “Hindi ko po maibibigay,” matigas na sagot ni Periking.

            Sa pag-aalab ng galit ng gobernador, biglang sinugod si Periking. Pagdaka nama’y hinubad ni Periking ang kanyang sumbrero at naipugay sa gobernador. Sa gayon ay naghumugong sa palasyo ang kulog at sumambulat ang kidlat.

            Nang isuot ulit ni Periking ang kanyang sumbrero, ang gobernador ay naglakas-lakasan ng loob na sumigaw ng:

            “Mga bantay, hulihin ito!” at agad namang nakasampa ang mga guwardiya sibil at pinagtangkaang dakpin si Periking. Nahugot kapagdaka ni Periking sa kanyang bulsa ang plautin at binirahan ng tugtog nang ubos-lakas. Lahat ng tao, mga guwardiya sibil at ang gobernador, ang mga pamilya nito, ang mga preso, lahat ng abutin ng tinig ng plautin ni Periking ay hindi naglubay ng sayawan at talunan.

            Nang makita ni Periking na ang lahat ay hapung-hapo na ay tumigil siya ng pagtugtong at nilapitan ang Gobernador.

            “Ano, Gobernador, suko ka na?”

            “Oo, suko na ako,” sagot ng gobernador.

            Nabuksan ang pinto ng kalaboso, nagsilabas ang mga bilanggo.

            Ang mga galing sa sinamsam ng gobernador sa mga lalaking nagnais na mag-asawa sa kanyang anak na si Margarita ay nakalagay na lahat sa isang estante na may salamin. Iniutos ni Periking na kunin sa estante ang kani-kanilang galing.

            Si Periking ay sumigaw nang malakas:

            “Sino sa inyo ang ibig pakasal sa anak ng gobernador?”

            “Sa amin ay walang may ibig,” ang sagot ng lahat.

            “Ako’y maliit pa,” ang tutol ni Periking, “subalit maaaring ako’y lumaki ngayon din sa harap ng madla,” at inilatag ni Periking ang mahiwaga niyang kumot at siya ay tumayo sa gitna, saka nagwika ng:

            “Palakihin mo ako ngayon din!” pagdaka nama’y lumaki siyang parang binunot, at sunod naman sa kanyang biglang paglaki ang kanyang damit.

            Ang anak naman ng Gobernador ay sinibulan kapagdaka ng pag-ibig kay Periking, pagka’t ito’y magandang lalaki. Kaya’t nang oras ding iyon ay ginanap ang kasalan. Si Periking ay humingi sa kanyang kumot ng mga damit nilang isusuot sa pag-iisandibdib.

            Ang kasalan ay pagkasaya-saya at ang buong bayan ay nagpamalas ng katuwaan, nagpista real, ang wika nga.