NANGANGAMBA AKO

Ni BENJAMIN R. MORTE

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 2, 1951)

Binuklod ang ating puso ng pagsinta,

Naging isa lamang ang dating dalawa;

Ako’y naninimdim kung aking mamasdan na nagdurusa ka,

Sapagkat ayaw kong di ako kahati sa hapis mong dala;

Ang suyuan natin ay lipos ng ganda,

Sa isang mithiin tayo’y magkaisa.

At hindi miminsang luha mo’y pumatak,

Kung makcitang ako, sa dusa’y masadlak;

Talastas kong yao’y matibay na saksi ng suyong binigkas,

Kaya ang panyo ko’y malimit madampi sa pisngi mo liyag;

Ikaw’y mangingiting may wikang matimyas :-

“Idadalangin kong lumakas ka agad!”

Subalit sa ngayo’y limit kong malumbay

Pagkat ang sumpa mo’y pinangangambahan,

Kung marating mo na ang nais mong datning rurok ng tagumpay

At makatagpo ka ng higit sa aking maralitang lagay,

Ay hinihiling ko, O, irog ko’t mahal;

Sana’y magunitang tayo’y magkatipan.