Ni EDUARDO B. REYES
(Unang Nalathala: LIWAYWAY, Setyembre 3, 1962)
kung ikaw’y nadapa,
muli kang bumangon…
at huwag idilig ang luha ng puso sa kinarapaan;
pahirin ang lupang nanikit sa mukhang nasubsob,
narumhan,
at mata’y idilat—magpakaingat ka—sa bawa’t
paghakbang;
nang di na matisod
sa dusang naghalang.
huwag kang padala
sa hibo ng loob
at iyong ilagay sa palad ang buhay na hindi sa iyo;
bagkus harapin mo ang dilim ng gabi na taas ang noo,
ang bukang-liwayway, nasa likod lamang ng tabing
ng mundo
hayo na’t ihakbang
ang mga paa mo.
bakit matatakot
na pagtawanan ka?
lalo kang matuwa’t sa iyo naukol ang huling halakhak;
bumabango lamang ang mga tagumpay sa luhang
pumatak;
at sa pagbabalik gumaganda pati ang buhay-lagalag;
o, bakit susuko’t
ikaw’y maduruwag?








