MAY ILAW SA PAROLA!

Ni JUAN C. BUGARIN

(Unang nailathala: LIWAYWAY Hulyo 24, 1950)

May unos sa laot, may bagyo sa dagat,

Ang Bapor ng Bansa’y hindi makausad;

Nanggaling sa digma, may dalang watawat,

Na sa papawiri’y wawasi-wasiwas!

Sa digmaang iyon ng kislap ng diwa,

Napamulaklak din ang ating Paglaya;

Sa digmaang yaon ng dugo at luha,

Nabigyan ng dangal ang sariling Lupa.

Ngayo’y naglalakbay na Laya ang baon,

Tinutungo’y Lupang Pangako ng Layon;

Doon sa may gitna’y nagbabangong alon,

Na sa ating Bangka’y ibig sumalubong!

Ang tanong ng ilan: Saan kaya tayo

Isasadsad ngayon ng ating Piloto?

Sa Parolang Ginto’y may Ilaw-talino,

Muling magwawagi tayong pilipino!