Ni Kimberly Rose Pillo-Frufonga
HABANG nakatayo sa harap ng stall ng takoyaki, bigla akong natulala.
Apat ang takoyaki. Samantalang ako—nag-iisa. Pero di bale, pag kinain ko naman silang lahat, ubos na! Literal na walang matitira. Ako lang ang maiiwan. Ang taong nag-iisa, ang nag-iisang kumain sa kanila (ano raw?) Ang gulo ko. Haha. Parang ‘yung utak ko, naglalaban-laban kung dramatic ba o gutom lang talaga.
Dati, ang tapang-tapang kong kumain nang mag-isa. Tipong kahit sa pinaka-fully packed na food court, uupo ako na parang ako ang may-ari ng mesa. Walang pakialam kung may nakatingin, walang pakialam kung may nagbubulungan kahit wala naman talaga. Pero hindi ngayon. Naiiba ang araw na ito. Parang may kung anong shift sa loob ko—parang biglang may background music na malungkot kahit wala namang sound system sa mall.
Habang naglilibot ako, dala ang maliit kong eco bag at ang mas malaking emotional baggage (wow, ang lalim), lalo kong naramdaman ang aking pag-iisa at ang aking pagtatapang-tapangan. For the first time in a long time, umakyat na naman ang anxiety ko. ‘Yung tipong bigla kang mapapaisip:
“Paano kung may makakita sa ‘kin na mag-isa lang?”
“Paano kung isipin nilang wala akong kaibigan?”
“Paano kung may mag-video at gawin akong ‘sad girl sa mall’ content?”
Grabe, ang arte. Pero totoo. Naasiwa ako. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla akong naging ganito. Dati naman, kebs lang. Kahit mag-isa akong kumakain ng dalawang order ng fries at isang large drink, go lang. Ba’t ngayon parang kailangan ko ng moral support para lang bumili ng takoyaki?
“As we grow older, we place less value on what others think and more on what we know about ourselves.” Hindi ko matalunton kung sinong philosopher o tao ang nagsabi nito. Totoo nga marahil ang sabi nila—habang tumatanda ka, nagiging mas sensitibo ka sa self-worth mo. Mas iniisip mo kung paano ka tinitingnan ng ibang tao, kahit na ang totoo, masyado silang busy sa sarili nilang buhay para pansinin ka. Pero ewan ko ba, utak ko ‘to, eh, ayaw makinig sa logic.
Nang hindi ko na kinaya ang gutom at ang overthinking, napilitan akong bilhin ang kanina ko pa tinititigang mga takoyaki. Para akong suweldo na hindi makausad.
“Bibilhin ko ba? Hindi? Oo? Hindi?” Hanggang sa sumuko rin ako. Gutom wins.
Habang hawak ko na ang aking apat na pirasong takoyaki—parang may konting fulfillment. Parang may nanalo, kahit maliit lang. Naisipan kong ipagpatuloy itong kainin sa KFC. Hindi dahil gusto ko ng fried chicken (kahit oo naman), kundi dahil ayokong maupo sa food court. Ayokong ma-judge, at dahil feeling ko, lahat ng tao roon ay may kasama. May barkada, may jowa, may pamilya. Samantalang ako—may mga takoyaki lamang. Kaya naisipan kong ipabalot na lang ang iba at huwag munang kainin habang naglalakad. Awkward naman kasing kumain nang naka-mask. Parang magic trick na hindi mo alam kung paano isasagawa. Tatanggalin mo ba muna? Isusubo mo ba sa ilalim? May pa-sneak attack ka ba sa pagkain? Hindi ko rin alam.
Pagdating ko sa KFC, umorder ako ng funshots at mushroom soup. Pumila ako, at habang naghihintay, mas lalong lumalim ang aking pag-iisa. Ang haba ng pila, pero mas mahaba ang iniisip at pagkaasiwa ko.

“Ganito na lang ba ako habambuhay?” emote ko sa sarili, habang nakatitig sa menu na parang doon ko makikita ang sagot sa buhay.
Habang hinihintay ang order ko, napatingin ako sa paligid. May mag-jowa na nagtatawanan, may pamilya na nagtutulungan maghanap ng upuan, may barkada na parang walang katapusan ang kuwentuhan. At ako—nakatingin sa resibo ko, na parang iyon ang pinakaimportanteng dokumento sa mundo. Pakiramdam ko’y namamangka ako sa pagkalawak-lawak na dagat. Walang katapusang panganorin ang aking nakikita. Ni isang isla, wala. Ni isang “Uy, dito ka na lang!” wala. Kung may soundtrack ang eksenang ito, siguro puro violin at ulan kahit nasa loob ako ng mall.
Nang dumating na ang pagkain ko, naupo ako sa isang sulok. Tahimik. Walang istorbo. Walang kausap—maliban sa sarili ko at sa apat kong takoyaki na nakatingin sa ‘kin (oo, may mata sila sa imagination ko).
Ang flavor ng binili kong takoyaki ay crab at squid. Pero nang tinikman ko, hindi ko naman ma-differentiate ang lasa. Parang iisa lang. At iyon ay ang lasa ng pag-iisa. Kirot. Pighati. Dalamhati.
Hindi naman sa pangit ang lasa—masarap nga, eh. Mainit, malasa, may sauce, may flakes na sumasayaw-sayaw sa ibabaw na minsan iniisip ko, búhay ko ba ‘to? Pero ewan ko ba, may kulang. Parang kahit gaano kasarap ang pagkain, kung wala kang ka-share ng “Uy, tikman mo ‘to!”, parang may kulang talaga.
Habang kumakain ako ng funshots, naisip ko—ito na ba ang adulthood? ‘Yung kaya mo nang gawin ang lahat mag-isa—kumain, mamili, gumala—pero may mga araw na bigla kang tatamaan ng lungkot na hindi mo maipaliwanag?
Natawa ako sa sarili ko. Imagine, apat na takoyaki lang, napa-existential crisis na ako. Grabe, ang drama. Kung may makakakita sa ‘kin ngayon, baka isipin nila iniwan ako ng jowa o nalugi ang negosyo ko. Pero hindi. Nag-iisa lang talaga ako sa KFC, kumakain ng takoyaki na technically, hindi naman nila binebenta.
Tila wala kaming pagkakaiba ng mga takoyaki. Feeling displaced. Feeling naghahanap ng lugar at kabuluhan sa mundo. Kung makapagsasalita lamang sila, malamang magtatanong din sila bakit pa sila niluto para kainin lang? Bakit ba ako nabuhay kung mamamatay din lang?
Naisip ko, sa pag-iisang ito, tanging takoyaki, funshots, at mushroom soup ang nakauunawa sa hindi maipaliwanag na lungkot kong dinadala. Sila ang silent witnesses ng aking overthinking. Hindi sila nanghuhusga. Hindi sila nagtatanong. Hindi sila nagsasabing “Okay ka lang ba?” (dahil kung makapagsasalita nga sila’y baka mawindang ako).
Habang paubos na ang pagkain ko, napansin kong unti-unti ring nawawala ang bigat ng pakiramdam ko. Hindi man tuluyang nawala, pero nabawasan. Siguro dahil nabusog na ang tiyan ko. O siguro dahil napagod na rin akong mag-isip.
Nabusog naman ang tiyan ko, pero ang puso ko’y gutom na gutom pa rin. Gutom sa kausap, sa kasama, sa simpleng “Tara, kain tayo.”
Pero natawa ulit ako. Kasi kahit ganu’n, nandito pa rin ako. Buhay. Kumakain. Nag-iisip. Nag-o-overthink. At somehow, nakakaraos.
Siguro ganito talaga minsan. May mga araw na matapang ka. May mga araw na hindi. May mga araw na kaya mong mag-isa. At may mga araw na gusto mo lang ng kasama kahit sa simpleng pagkain ng takoyaki.
At okay lang ‘yon.
Kasi kahit apat lang sila, at nag-iisa ako—kahit papaano, may kasama pa rin ako.
At least… hanggang maubos sila.





