Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 15, 1950)
(IKA-19 LABAS)
KIMING-KIMI ang damdamin ni Fernando Octubre, Jr. nang pumasok siya sa malaking tanggapan ng “Montez Gold Mining Co.” at matapunan ng tanaw ang matikas na lalaking nakaupo sa harap ng isang mesang narang nalalatagan ng kasukat na salamin. Napatigil ng paghakbang si Nanding dahil sa pagkabigla, pagkat ang naturang lalaki’y kamukhang-kamukha ni Ricardo Montez, Jr. Sinapantaha kaagad ni Nanding na ang lalaking nakaupo’y siyang ama ng kanyang malupit na kaklase. Ilang sandaling sumagi sa isipan ng binata ang isang katanungan: “Kaugali rin kaya ito ng kanyang anak, na walang kaluluwa?”
“Lumapit ka… lumapit ka…” ang kaibang kasagutang narinig niya sa mga labi ng lalaking kamukha ni Carding, na nagsalitang kasabay pa ng kumpas ng kanang kamay.
Parang itinulak sa paglapit ang natutubigang binata. Dinukot sa kanyang lukbutan ang bukas na liham at nang malapit na sa lalaki’y iniabot. Tinunghan ng umabot ang sulat, samantalang napako naman ang mga mata ni Nanding sa pangalang nakaukit sa tanso: RICARDO MONTEZ.
“Ito na nga si Don Ricardo, na asawa ni Donya Rodora,” ang naibulong na naman sa sarili ni Nanding.
“Ha-ha-ha-ha-ha!” ang malutong, ngunit mahinang halakhak ni Don Ricardo, na gumulat sa binatang nakapako pa rin ang mga mata sa pangalang nasa ibabaw ng mesa. “Ano ang pangalan mo?”
“Ho…?” ang pagulat na tugon ni Nanding.
“Ang pangalan mo? Hindi man lamang nabanggit ng aking asawa sa kanyang rekomendasyon ang iyong pangalan,” ang tila nagbibirong salita ni Don Ricardo.
Ilang sandaling natubigan si Nanding. Mga mata lamang niya ang kumurap-kurap, hanggang sa…
“Mahina ba ang taynga mo? Hindi mo ba ako naririnig? Ang pangalan mo?” ang sunud-sunod na usisa ng minero.
“Fernando po,” ang agarang pakli ni Nanding.
“Fernando, ano?”
“Fernando Marasigan,” ang sa di-kawasa’y nawikang may halong pagsisinungaling ni Nanding, pagkat inisip niyang ikubli ang tunay niyang apelyido, sa dahilang nangangamba siyang baka sa unang pagpasok sa hanapbuhay ay magtamo ng pagkabigo at kahihiyan.
“Anong gawain ang nalaman mo? Ano ang una mong hanapbuhay?” ang sunod uling katanungan ni Don Ricardo.
“Wala pa po akong karanasan sa gawain,” ang mahinang sagot ni Nanding, “ngayon lamang ako magkakahanap-buhay, kung sakaling…”
“Ano ang naabot mo sa pag-aaral?” ang muling usisa ni Don Ricardo.
“Nasa pangalawang baytang ng inhinyerya,” ang kiming sagot ng binata.
Hindi pa nakikita ni Nanding ibinabalitang kagandahan ay narahuyo na ang kanyang kaluluwang sambahin si Ganeya. Nabasa niya sa mga mata ni Mang Soro, na hindi ito nagsisinungaling.
Napailing si Don Ricardo. Sinukat ng tingin mulang ulo hanggang paa at mulang paa hanggang ulo ang binatang kukurap-kurap lamang noon, saka muling tinunghayan ang maigsing sulat na padala ng asawa: “Gawin mo ang iyong magagawa sa maydala nito. Kailangan niya ng ating tulong. Bigyan mo siya ng gawain sa minahan, isang gawaing huwag sanang mabigat”, idiniin sa bahaging ito ang pagbasa, saka inilakas ang huling kataga. “Ipinagtatapat ko sa iyong giliw na giliw ako sa kanya, RODORA.”
Bahagyang nakiliti ang puso ni Don Ricardo sa kahuli-hulihang pangungusap sa sulat. Muling itinaas ang mukha at sinipat nang mataman ang anyo ng binatang lubos na kinagigiliwan ng kanyang asawa, hanggang sa…
“Ano ba ang ikinagigiliw sa iyo ng aking asawa?” ang hindi napigilang salita ng ama sa hindi niya nakilalang anak.
Hindi nakasagot gaputok man si Nanding. May nabasa siyang kislap ng hinala sa mga mata ng asawa ng babaing nagkawanggawa sa kanya. Naramdaman ng binatang para siyang yelongg matutunaw sa may apoy na titig ni Don Ricardo Montez. Ang pangungusap na binitiwan nito’y nangangahulugan ng malinaw na panibugho.
“Malaking puhunan ng isang binata ang gandang lalaki,” ang narinig na naman ni Nanding na namutawi sa labi ng amang hindi niya nakikilala.
“Ano ang ibig ninyong sabihin?” ang nabuhayan ng loob na ganting tanong ni Nandinng kay Don Ricardo, at nilabanan ng titigan ang ipinalalagay niyang naninibughong minero.
Ang likas na pinag-arala’y siyang umakay sa tumpak na landasin sa naliligaw na isipan ng asawa ni Rodora. Ginapangan ng kilabot ang buo niyang katawan sa tahasang tanong ng binata, kaya’t…
“Walang kulay ang ibig kong sabihin,” ang wikang sinikap na maikubli sa pinasayang mukha ang kanyang panibugho, “may katwirang maakit sa iyo ang sinuman, pagkat may kasabihan tayong ang mukha ng tao’y siyang salamin ng kanyang kaluluwa. Mula ngayo’y ibinibilang na kita sa aking mga tauhan. Iisipin ko lamang kung anong gawain ang ibibigay ko sa iyo.”
At tinapunan ng tingin ng minero ang kalendaryong nasa ibabaw ng kanyang mesa, saka…
“Sabado na ngayon,” ang wikang masaya ang mukha, “bibigyan kita ng paunang dalawang araw na bakasyon. Umagang-umaga sa Lunes ay kailangang narito ka na.”
Tinawag ni Don Ricardo ang kanyang katiwala at inatasan itong samahan si Fernando Marasigan sa tanging tahanang pahingahan ng mga kawani sa mina upang bigyan ng isang silid ang binatang binigyan niya ng dalawang araw na bakasyon.
Hindi pa halos nakatatalikod ang binata ay tumunog na ang timbre ng kanyang telepono at nang saguti’y ibinalita ng “operator” ng Long Distance ang tawag mula sa Maynila. Sumasal ang tibok ng puso ni Don Ricardo nang marinig niya ang tinig ng asawa:
“Dumating na ba? Nakausap mo na?”
“Oo,” ang kanyang sagot, “dumating na at nakausap ko. Huwaran siya sa gandang lalaki. Pati na ako’y naging giliw na giliw rin sa kanya. Ano bang gawain ang ibig mong ibigay ko kay Fernando?”
“Uulitin ko ang sinabi ko sa iyo sa sulat:” ang sagot ni Rodora sa kabilang dulo ng kawad, “magaang na gawain lamang, isa siyang estudyanteng hindi pa nakakakilala ng gawain.”
Habang nagsasalita si Rodora sa kabilang dulo ng telepono ay nararamdaman ni Ricardong napapaso sa panibugho ang kanyang puso. Gayunma’y hindi siya makapagpahalata sa asawa, at sumagot siya ng ganito:
“Walang masisira sa iyong tagubilin. Pagpapalain ko siya, umasa ka.”
Matagal nang nakapinid ang telepono’y hindi pa rin nakatitinag sa dating kinaupuan si Don Ricardo. Tuksong hindi makatkat sa kanyang guniguni ang matikas na anyo ni Fernando Marasigan. Sinisikap niyang iwaksi sa kanyang damdamin ang nakayayamot na kurot ng panibughong lumiligalig sa kanyang pagkatao ay kung bakit tukso namang patuloy na nagsasayaw sa balintataw ng kanyang mga mata ang mapamighaning anyo ng binatang “favorito” ng kanyang asawa. Habang na naririnig niya ang huling pangungusap na binanggit sa sulat ni Rodora: “Giliw na giliw ako sa kanya! Giliw na giliw ako sa kanya!” Nakuyom ni Don Ricardo nang pasuntok ang sampung daliri ng kanyang mga kamay. Isang balak ang pumasok sa kanyang naninibughong isipan: pahirapan si Fernando Marasigan.
Samantala’y panatag na panatag ang damdamin ni Fernandong kasama ng katiwala ng minahang si G. Rosauro Flores, na namamasyal sa paligid-ligid ng malamig na lunsod. Kinaligiwang gayon na lamang ng binata ang mga bundok na nakikipaghalikan sa maputing ulap. Nakaabot ang dalawa hanggang sa taluktok ng Santo Tomas, at mula rito, kung tanawin ang pusod ng lunsod ay tila munting nayong iginuhit ng isang pintor, na ang mga gusali’y gangga dangkal lamang.
“Ito pala ang Paraiso ng Pilipinas,” ang pahangang nawika ni Nanding kay Mang Soro. “Nabibighani ako sa kulay ng mga dalagang Igorotang nasalubong natin kanina. Mamula-mula ang kanilang mga balat.”
Isang ngiti ang sumungaw sa tuyong mga labi ni Mang Soro. Lubos niyang kinalulugdan ang magandang pag-uugali ng binatang bago niyang kasama. Nagsalita si Mang Soro, matapos na mapawi ang ngiti sa mga labi.
“Lalo na kung makikita mo si Ganeya, ang Igorotang pinagpapakamatayan ni Ricardo Montez, Jr. Taal na Igorotang matataas na magsalita ng Tagalog at Inglis.”
At iniurat ni Mang Soro ang kanyang kanang kamay, saka ihimaton ng hintuturo ang gulod ng mababang bunduk-bundukang nayuyungan ng Santo Tomas.
“Hayun ang kanilang tahanan,” ang wika pang walang katinag-tinag ang nangingislap na mga mata, “doon siya nakakita ng unang liwanag. Maiitim pa ang aking mga buhok nang makilala ko siya, na isa pa lamang batang musmos, ngayo’y ganap na siyang dalagang huwaran sa kagandahan.”
“Maganda pa kaya siya sa tanawing nakikita natin sa paligid-ligid ng Santo Tomas?” ang tila nahihibang na salita ni Nanding.
“Kung hindi ako nagkakamali’y sa kagandahan ng mga tanawing sinabi mo siya ipinaglihi,” ang masayang pakli ng katiwalang si Mang Soro. “Tuwing hapon, bago magtakip-silim ay naliligo siya sa munting lawang may tubig na salaming nasa libis ng gulod. Sa wari ko’y nainggit pati langit sa kanyang kagandahan.”
Hindi pa nakikita ni Nanding ibinabalitang kagandahan ay narahuyo na ang kanyang kaluluwang sambahin si Ganeya. Nabasa niya sa mga mata ni Mang Soro, na hindi ito nagsisinungaling.
“Gameya… Gameya…” ang pahibang na naibulong sa sarili ng binata.
Ngunit biglang napawi sa kanyang maaliwalas na mukha ang nasisinag na galak nang magunita ang sinabi ni Mang Soro, na: “Lalo na kung makikita mo si Gayena, ang Igorotang pinagpapakamatayan ni Ricardo Montez, Jr.” Napailing at napakagat-labi si Nanding. Nalalamann niyang wala siyang kalaban-laban sa anak ng mayamang minero. Gayunma’y naging marubdob ang kaniyang hangaring makita ang magandang Igorotang ibinalita ni Mang Soro.
“Maaari bang ituro ninyo sa akin ang landasing patago sa lawang-salaming kanyang paliguan tuwing hapon?” ang may himig pagsamong salita ni Nanding kay Mang Soro.
“Hindi lamang ituturo ko sa iyo, sasamahan pa kita,” ang pakli ng matandang nagigiliw sa kanya. “Ang lawang salamin ay malapit sa tahanan o pahingahan ng mga tauhan sa mina. Tuwing umaga’y si Ganeya ang nagrarasyon ng mga sariwang gatas sa kanyang mga suki.”
At ang dalawa’y nanunton sa munting landasing pababa sa taluktok sa makarating sa lawang-salaming ibinalita ni Mang Soro.
“Hayun si Ganeya,” ang paanas na salita ng matanda, “nataunan nating nagpapasimula na siyang maligo.”
Nanubok sila sa siwang ng mga punongkahoy. Walang kurap ang mga mata ni Nanding. Pagapang na lumapit siya nang malapit na malapit sa salaming lawa. Habang nalalapit si Nanding ay lalo siyang natutuksong lumapit pa sa magandang Igorota, na hindi naman nakamamalay sa kanyang panunubok. May batobalani mandin ang kagandahan ni Ganeya, na humihila sa kanyang puso. Ang magandang kulay ng sarong na suot ay siyang lalong nagpatingkad sa kagandahan ng Igorota. Kakaba-kaba ang dibdib ni Nanding nang tumalon na si Ganeya sa isang talampas at lumangoy na patungo sa kanyang pinangungubuhang malapit sa gilid ng sapa.
Lalo nang natambad sa paninging nasisilaw ng binata ang kagandahan ng Igorota nang mapalapit nang mapalapit sa kanyang kinaroroonan. Pagkatapos ng isang mahabang paglangoy ay umahon si Ganeya at tumayo sa isang buhay na bato. Bahagyang patagilid na natanghal sa mga matang walang kurap ni Nanding ang yamang kagandahang itinatago ng mga bundok at ulap. Sinuklay ng paningin ni Fernando Octubre, Jr. ang kagandahan ng Igorota: Mga buhok na tinina ng panaginip; mga matang nanghiram ng ilaw sa mga bituin; mamula-mula at kayumangging balat, na nakikipag-agawan sa ginto ng Bontok; mga ngiping perlas na nakatanim sa gilagid na rosas; liig birheng may gilit ng luwalhati at dibdib na punung-puno ng pag-ibig… Nalimot ni Nanding ang kanyang sarili. Hindi kinukusa’y pabulong na nalaglag sa kanyang mga labing bigkasin ang magandang pangalan ng Igorota, na ikinagitla ng dalaga ng kabundukan:
“Ganeya! Ganeya! Ganeya!”
(Itutuloy)








