PULANG BATO

“Baha! May baha! Takbo, mga bata!”

Ni Ralph Vincent V. Mendoza

NAKAUPO si Michael kasama ang estudyante niyang si Bevs sa kulay dugong bato na nalililiman ng puno sa pampang ng talon na kung tawagin ay Pulang Bato.

Kung bakit ganoon ang tawag? Simple lang. Lahat kasi ng bato sa nasabing talon, nababahiran ng pula maski iyong mga nasa ilalim ng tubig. Kaya kung titingnan, parang nagkaroon ng matinding sagupaan sa lugar na naging dahilan para magkulay dugo ang tubig.

Pero dati pa iyon. Iba na ngayon. Mangilan-ngilan na lang kasi ang mga batong nakukulayan ng pula. Kung hindi man pumusyaw, nagkukulay lumot na.

Lima ang talon sa Pulang Bato. Bawat isang talon ay may bilang na nakadepende sa babaw o lalim ng mga ito. Number 1 kung tawagin ang pinakamababaw at pinakamalapit na talon. Wala halos naglalangoy na tao rito dahil pinagliliguan ng kabayo.

Pinakamalalim naman ang number 5 na sa kabilang banda ay pinakamalayo rin sa kapatagan. Halos nasa pinakatuktok na ng bundok. Wala ring naglalangoy sa bahaging ito dahil masyado raw delikado. Bukod sa hindi masukat ang lalim, may mga ahas din daw na nakikisisid. Saka kuwento ni Buknoy, isa sa mga estudyante ni Michael, may nagpakamatay daw doon.

“Anong nangyari?” tanong niya.

“Nagbigti, Sir.”

***

Panahon na dapat ng bakasyon dahil Abril na. Pero dahil sa pandemya, nagkaroon ng pagbabago sa academic calendar ng DepEd. Maraming guro ang nanawagang ibalik sa blended ang mode of learning ng mga bata. Pasok sa umaga, modular sa tanghali. Hindi na kasi biro ang mga naitatalang kaso ng mga estudyante na bigla-biglang nahihimatay sa loob ng classroom dahil sa sobrang taas ng heat index. 

Kaya hindi kataka-kataka para kay Michael na pagkatapos na pagkatapos nilang mananghalian, nagsipaglanguyan na ulit ang mga estudyante niya. Pero sila ni Bevs, imbes na sa tubig, sa musika nagbabad at nagpakalunod. Panay ang kanta nila ng kung ano-ano. Wala naman silang kontes na sasalihan. Ayaw lang muna talaga nilang lumangoy nang busog.

“Me plano ka rin bang mag-abroad, Sir?” tanong bigla ni Bevs na ikinaudlot ng pagbitaw ni Michael sa first verse ng “Walang Natira” ni Gloc 9.

“Wala pa,” sagot ni Michael. “Pero ‘di ko sinasara ‘yong possibility. Sino bang ayaw yumaman, yumaman, yumaman?”

Natawa si Bevs.

“Pero ‘yong pagtuturo, Sir, gusto mo talaga?”

“Noong una, hindi. Wala lang talagang mapili.”

“E, ngayon?”

“Nagugustuhan ko na.”

Patlang.

“Na-realize ko bigla na p’wede pala ‘tong way to keep my high school life alive. ‘Pag kasama ko ang mga estudyante—kayo, halimbawa—feeling ko, nakakapag-time travel ako. Nagiging high school ulit. Nakakabalik sa nakaraan. Sa pagiging bata. Parang kasama ko ulit ‘yong mga kaibigan ko.”

“Nasa’n na ba sila, Sir?”

“‘Yong mga kaibigan ko?”

“Oo. ‘Di mo ba sila kaklase ngayon? O schoolmate?”

Lumitaw ang lungkot sa mukha ni Michael. May kung anong mabigat na dumagan sa dibdib niya. Sunod-sunod kasing pumarada sa isip niya ang mga pinagsaluhang alaala nila ng kaniyang mga kaibigan noong high school.

“Hindi, e. Nasa malalayo na sila. Ako na lang naiwan dito.”

“Okay lang ‘yan, Sir,” alo ni Bevs, “andito naman kami. Sasamahan ka namin.”

Tumingin siya kay Bevs. Malapad ang ngiti sa kaniya ng estudyante. Parang siguradong-sigurado sa sinasabi. Gumaan tuloy ang pakiramdam niya. Kahit alam naman niya na ano man ang kaniyang gawin para takasan ang sumpa ng nalalapit na pagtanda—makisama sa mas bata sa kaniya, alamin ang mga bagay na kinawiwilihan ng mga ito para makasabay sa kuwentuhan, tawanan, at kulitan—sa huli ay matatagpuan niya pa rin ang sariling nag-iisa. Mapagtatantong may ibang mundo ang mga batang ito at kailanman ay hindi siya magiging bahagi niyon.

***

Masayang kausap si Bevs. Iyon ang napansin ni Michael maski noong una pa lang. Di siya gaya ng ibang estudyante na ‘pag kinausap, ngingiti lang at magbibitaw ng tugon na mahirap nang dugtungan pa. Hindi siya matipid magsalita. Hindi siya madamot magkuwento. Minsan, magugulat na lang bigla si Michael, inaakay na pala siya ni Bevs sa pinakasulok ng pagkatao nito.

Di rin siya gaya ng ibang estudyante na walang hinto kung magsalita. Dire-diretso kahit wala nang saysay pa ang sinasabi. Natatangi si Bevs sa lahat ng kaniyang estudyante. Marunong magmaneho ng kumbersasyon. Alam kung kailan ang tamang tiyempo ng pagpreno, pagmenor, at pag-overtake. Sa ilang beses na pagkukuwentuhan, unti-unting nakilala ni Michael si Bevs.

Music prodigy si Bevs. Grade 11. Apat na taon pa lang, narinigan na agad ng ginintuang boses. Sa edad na anim, nakakatugtog na ng ukulele. Malaking tulong ang pagiging miyembro niya sa ministry ng isang Born Again church sa murang edad. Doon lalong nahasa ang talent niya dahil pinapakanta at pinapatugtog sila lagi kapag Sunday school.

Pero malaki ang galit ni Bevs sa kaniyang ina. Iniwan kasi siya nang wala man lang pasabi sa piling ng lola niya. Ni iniwang sulat, wala. 12 years old siya noon. Kamamatay lang ng tatay niya. Delubyo sa kanya ang lahat.

Minsan, kuwento ni Bevs, fiesta noon sa bayan. Nakatuwaan niyang kumanta sa videoke booth sa perya kasama ang mga kaibigan. Habang kumakanta, may lumapit sa kaniyang patpating ginang.

“Ikaw na ba ‘yong anak ni classmate?”

“Sino pong classmate?”

Sinabi ng patpating ginang ang pangalan ng ina ni Bevs.

Tumango lang siya nang tipid.

“Sabi na, e. Carbon copy na carbon copy ka ng nanay mo. Pati boses niya, kuhang-kuha mo.”

Hindi maintindihan ni Bevs kung bakit nagpanting ang tenga niya noon sa narinig. Siguro dahil kinamumuhian niya ang kaniyang ina. At habang natutuklasan niya ang ilang katangiang mayroon siya at ang kaniyang ina ay lalo ring lumalaki ang galit niya sa sarili dahil baka dumating ang panahon na tuluyan siyang maging kagaya nito—iresponsable at pabaya.

Simula noon, tumigil siya sa pagkanta. Nag-try siya ng ibang skill na puwedeng linangin para bumuo ng sariling imahen na malayo sa anino ng kaniyang ina. Pero wala siyang maramdaman maski katiting na saya sa mga bagong ginagawa. At mukhang mahirap na ring takasan ang pagkanta dahil doon na siya nakilala. Naging bahagi na ng kaniyang identidad. Hinamon na lang niya ang sarili na higitan ang kung ano mang naabot ng ina. Sa buhay man o pagkanta.

“Baha! May baha! Takbo, mga bata!”

***

Si Bevs ang nagyayang mag-outing kay Michael sa Pulang Bato kasama ang mga kaklase niya. Reward daw sa kani-kanilang mga sarili para sa matagumpay na final demo teaching ni Michael. Tanghali noon. Lunch break. Nasa covered court sila. Sa gitna ng kanilang pagkukuwentuhan, biglang nagyaya si Bevs.

“Sir, sama ka sa ‘min.”

“Saan?”

“Sa Pulang Bato.”

“Anong mayro’n do’n?”

“Talon, Sir. Outing tayo.”

Siguro dala ng matinding init ng panahon noong mga oras na iyon, walang kagatol-gatol na pumatol si Michael sa imbitasyon ng kaniyang estudyante. Dalawang araw bago pumatak ang Holy Week, gumawa sila ng group chat sa Messenger. Doon nila inilatag ang kanilang mga napag-usapang plano. Hanggang sa magkasundo ang lahat na kina Bevs lulutuin ang mga pagkaing dadalhin sa outing.

Mainit naman silang tinanggap ng lola ni Bevs sa bahay nito. Sa katunayan, tumulong pa ang matanda sa pag-aasikaso ng mga pagkain. Mukhang sa lolo lang ni Bevs hindi okay ang pinlano nilang outing. Malamig kasi ang pakikitungo nito sa mga bisita. Sinubukan ngang batiin ni Michael ang matandang lalaki noong dumating siya pero nabigo siyang makatanggap ng bati pabalik.

Sorry, Sir,” sabi ni Bevs nang mapansin nito na hindi tinugon ng matanda ang bati niya, “ganyan talaga si Tatay minsan. Sinusumpong.” Ngumiti lang si Michael at tinapik ang balikat ni Bevs.

Kanin, binateng itlog, at ginataang langka na may sardinas ang niluto nila para sa tanghalian. Chami naman para sa meryenda sa hapon. May dala rin silang tubig sa container, icebox na may yelo, at pitsel para sa titimplahing juice.

“Siguraduhin mo lang na walang mangyayaring masama diyan sa apo ko,” mariing sabi ng lolo ni Bevs kay Michael noong naghahanda na silang umalis, “malilintikan ka sa ‘kin.”

***

“Tara, Sir,” yaya ni Bevs matapos mapagod ng kanilang bibig kakakanta at kakadaldal, “kain na tayo.”“Tara,” sabi ni Michael sabay tingin sa water resistance niyang relo, “alas-tres na rin pala. Kaya pala gutom na ulit ako.”

Niyaya na rin ni Michael ang iba pa niyang estudyante na kanina pa panay ang langoy. Sinusulit ang biyaya ng tubig. Pinaahon niya muna para sabay-sabay silang makapagmeryenda.

“Kukuha lang ako ng dahon ng saging,” paalam ni Michael sa mga bata pagkakuha ng kutsilyo sa eco bag.

“Samahan na kita, Sir,” pagpiprisinta ni Buknoy.

“Di na,” sabi niya, “natandaan ko naman kung saan tayo kumuha kanina.”

Malayo-layo rin ang lalakarin bago makakita ng puno ng saging. Madudulas pa ang ilang malalaking batong nadadaanan niya dahil sa lumot. Kaya nagdodoble-ingat siya. Dahan-dahan ang bawat hakbang.

Habang naglalakad, napatingala si Michael sa langit. Napansin niya ang madidilim na ulap. Parang umuulan sa bundok. Napausal siya ng dasal na sana ay hindi sila abutan. Marami silang dalang mga gamit. Mahihirapan sila kapag nagkataon.

Nang makakita ng puno ng saging, agad na namili si Michael ng magandang klase ng dahon. Iyong walang butas at malalapad. Mabilis naman siyang nakahanap. Dalawang dahon ang kukunin niya para sigurado  

Pero nang tatagpasin na ni Michael ang ikalawang dahon sa puno, bigla siyang napatigil. Natanaw niya kasi ang malaking agos ng tubig na paparating. Tila gutom na halimaw na susunggab para manlamon.

Bigla niyang naisip ang mga bata. Kumaripas siya pabalik at binitawan ang hawak na kutsilyo at mga dahon. Sumigaw siya sa pag-asang maririnig ng kaniyang mga estudyante ang babala niya. “Baha! May baha! Takbo, mga bata!”

Nilingon ni Michael ang baha sa likod niya. Ilang metro na lang ay lalamunin na siya nito. Mabilis niyang sinuyod ng tingin ang paligid para maghanap ng mataas na lugar na puwede niyang maging pansamantalang kanlungan.

Pinuntahan niya ang isang puno na sa tingin niya ay sapat ang taas para hindi siya matangay. Umakyat siya. Pagkatingin niya sa baba, tuluyan nang nilamon ng baha ang bahagi ng lugar na hindi naman talaga naliligid ng tubig. Sinubukan niyang tanawin ang kaniyang mga estudyante pero wala siyang makita. Natatabingan din kasi ng mga mas matataas pang puno ang kinaroroonan niya.

Nagsisigaw nang nagsisigaw si Michael. Nagbigay ng babala kahit dumudungaw na sa isip niya ang senaryo kung paano inaanod ng baha ang katawan nina Bevs dahil sa sobrang lakas ng agos at sa lawak na sinasakop ng tubig sa paligid.

Napaiyak siya sa kawalan ng magawa. Nagmura siya nang nagmura. Sinuntok at sinabunutan niya ang sarili. Naghahalo ang sisi, inis, at galit sa kaniyang dibdib. Sunod-sunod na pumarada sa isip niya ang mga posibleng mangyari kapag nakaligtas siya sa trahedyang ito. Siguradong madadamay pati ang nananahimik niyang pamilya.

At ang lolo ni Bevs. Sumaisip kay Michael ang lolo ni Bevs. Ang sasambulat na galit at poot sa pagkatao nito kapag nakita siya. Umalingawngaw sa tenga niya ang babala ng matanda bago sila umalis kanina: malilintikan ka sa akin! malilintikan ka sa akin! malilintikan ka sa akin! malilintikan ka sa akin! malilintikan ka sa akin! malilintikan ka sa akin!

Napapikit si Michael. Humingang-malalim. Saka tumalon sa rumaragasang tubig na kulay tsokolate.

***

Plano sa Pulang Bato

14 members

Guys, wla na si sir

totoo na tlaaga????

oo

nakita na katawan nya sa dagat kaninang umaga sabi sa balita

TINGIN!

https://youtube/hGnRottFX2k?news=shared

hala oo nga

😭😭😭

hu hu hu hu sir   

di ko kaya panoorin…

ang sakeet

di pa rin ako makapaniwala

kala ko talaga ligtas siya

narinig ko pa boses niya kahapon bago tayo makasampa sa malaking bato.

Seen by everyone except Michael