ANG TSINELAS NI PEPE

Ni GLORIA VILLARAZA GUZMAN

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Agosto 8, 1983)

MALAKING bagay pala kapag maliit pa ang bata’y hinuhubog na natin sa pagpapahalaga sa ating mga bayani. Ito ang biglang sumuot sa aking diwa nang sa pagtakbo ng aming sasakyan buhat sa San Capistrano, California natungo ang aming pag-uusap tungkol kay Dr. Jose Rizal.

            Kataka-taka kung tutuusin, dahil ang naging simula nito’y isang katatawang bagay. Isang lalaking pabaya sa kanyang mga kasangkapang nakalulan sa likod ng sasakyang malaki kaysa ordinaryong kotse, ang nakita naming nasa tabi ng daan, nakahimpil ang sasakyan, nagkakamot ng ulo.

            “Bakit hindi siya magkakamot ng ulo,” nagtatawang sabi ng aking anak, “magbiyahe ba naman nang hindi muna ginamit ang isip.”

            Na, ang ibig sabihin, bakit hindi iniayos ang mga kasangkapan upang hindi liparin sa kahabaan ng karsada. Unang lumipad, isang maliit na kahon. Mga isang kilometro lamang, nakita naming nakakalat na sa kalye ang isang paang sapatos ng lalaki. Sa gawi pa roon, isang paang sapatos naman ng babae ang lumipad naman. Aywan kung bakit banda roon, tumigil na nga siya, nagkamot ng ulo sa tabi ng daan.

            “Dapat, hinigpitan niya at inayos ang pagkakatali ng refrigerator,” nag-aalalang sabi ko.

            “Dapata talaga,” sabi naman ng aking manugang, “bago siya umalis sa pinanggalingan, inayos munang lahat. Tinakpan ang maliliit na piraso at hindi binayaang nakatampak sa hangin.”

            At ang malalalaking tulad ng refrigeratr, dapat ginawang secure, pantay ang tinatayuan, hindi tulad niyang nagji-jiggle habang daan. At sana’y ayusin niya ang tali, kahit ngayong nakatigil siya. Baka madisgrasya pa siya dito sa freeway, mawawalan pa siya ng kasangkapang mahal.”

            “Dapat niyang gawin ngayon,” nagtatawang dugtong ng aking anak, “itapon na rin niya ang isang paang sapatos ng lalaki at isang para sa babae.”

            “Bakit po?” tanungan ng dalawa kong apo.

            “Tulad ng ginawa ni Dr. Rizal,” paliwanag ng aking anak.

            “Alam ko na ‘yon!” sabi ng masa matanda kong apo.

            “Tayka” saway ng ina, “hindi pa alam ng iyong kapatid.”

            Ikinuwento ng ama, habang lumalabas na kami sa Capistrano, at palapit na sa lunsod ng Irvine. Ito ang ginawa ng batang si Pepe nang malaglag ang kanyang sinelas sa tubig ng Laguna de Bay. Inihulog niya ang kabilang paa ng sinelas, upang kung may makapulot daw ng dalawang sinelas ay magamit yaon.

            Buhat sa kuwento tungkol sa sinelas, natungo na sa kung anu-anong mahahalagang bagay na nagawa ni Dr. Rizal.

            Sinabi ng mas matandang apo ko ang kahalagahan ng dalawang aklat niya.

            Isinabad ng bunso na hindi raw ba palabasa ang bayaning yaon?

            Itinugon ng ina na, gabi-gabi, naging gawi ni Dr. Rizal na matuto ng isa man lamang salitang banyaga, kung kaya’t naging katang-tanging linguist siya. (Marahil, sinabi iyon ng ina, dahil sa kumukuha ngayon ng French lessons ang dalawang bata; at may mga natututuhan na rin silang mga salitang Koreano, Cambodian o Kampuchean, at iba pang mga salitang banyaga sa kanilang mga kalaro.)

            Nakaalis na kami sa freeway nang banggitin ng ama ang pagiging doktor ng bayani, na ito ang umopera sa katarata ng mata ng sariling ina. Kahit sa Mindanaw, nang itapon siya roon ng pamahalaang Espanyol, siya’y nanggamot pa rin, kung kaya’t nakakilala nga si Josephine Bracken.

            Naidugtong ko naman dito ang pangyayaring naituro ni Dr. Rizal sa mga kabataan doon ang tungkol sa paggawa ng lambat na na makahuhuli lamang ng malalaking isda, at hindi ng mga dapat pang lumaki sa dagat; tungkol sa maayos na paghahalaman; at ang tungkol sa pagkokooperatiba, upang makawala sila sa ganid na mga usurero at hindi mabubuting mangangalakal.

            “Ikuwento rin ninyto sa kanila,” susog ng aking anak, “ang tungkol sa sundalong hindi bumaril kay Dr. Rizal.”

            “Oo nga pala,” ayon ko, “maganda iyong nabasa ko sa isang kuwento ni Gng. Genoveva Edroza-Matute…”

            “Nang nasa Bagumbayan na raw si Dr. Rizal–” ang simula ko sa kuwento.

            “Sandli lang po,” paghingi ng paumanhin ng aking anak.

            “Sigi, ano ‘yon?” aniko.

            “Gusto ko lang pong malaman nila, na patungo pa lamang si Dr. Rizal sa pagbabarilan sa kanya, talagang wala siyang nerbiyos. Hindi nagbago ang kanyang pulso,  hanggang babarilin na lamang siya.”

            “Talaga siyang bayani,” comment ng nakatatandang apo ko.

            “Talaga palang matapang po siya!” comment naman ng bunso.

            “Talaga,” sabi ng kanilang ina. “At nang babarilin siya nang patalikod, bigla siyang humarap, kaya sa dibdib tinamaan ng mga bala.”

            “At nang bilangin ang mga balang tumama sa kanya, kulang ng isa,” sabi ko naman.

            “Bakit po kulang?” tanong ng bunso.

            “Ibig sabihin niyon, hindi tinamaan ng isang sundalo,” sabi ng nakatatanda.

            “Totoo ‘yon,” aniko. “Ayon sa kuwento ni Gng. Matute, ang ina pala ng isa sa mga Guwardiya Sibil na naatasang bumaril kay Dr. Rizal, ay inoperahan ng bayani, at nailigtas sa pagkabulag. Bilang ganti ng sundalo, pinalagpas nito ang bala sa halip na patamaan ang katawan ng pinagkautangan ng loob.”