NAGHIHINTAY ANG BUKID

Ni Aurelio B. Dacanay

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Marso 14, 1960)

MALAYO pa ang karitelang sinasakyan ni Berto ay para na niyang naririnig ang pinag-uusapan ng mga kanayon niyang nangakaupo sa kantina ni Baket Petra. Tila natitiyak niyang napupuri na naman si Lourdes, ang maganda niyang kabyak ng puso na inuwi niya buhat sa Maynila. May dalawang buwan lamang ang nakararaan.

Nang dumating sila sa Nagrebkan, pagkatapos ng kanilang kasal sa bayan nina Lourdes, ay may ilang linggong naging paksa ng usa-usapan sa buong nayon ang kanyang pagkakapag-asawa ng isang napakagandang paraluman. Gulat na gulat kay Berto ang mga kaibigan niya. Napuri siya ng matatanda sa kahusayan sa pagpili ng asawa.

Pinahinto ni Berto ang karitela sa tapat ng kantina at bumaba siya. Nakangiti siyang lumapit sa mga kanayong nakapako ang mga paningin sa kanya.

—Saan ka ba galing, atorni? — masayang salubong kay Berto ng mga naratnan niya. Si Berto’y nasa ikalawang taon sa abugasya nang tumigil siya dahil nga sa pag-aasawa niya.

—Sa bayan, — malugod na tugon ni Berto at nakiupo na rin.

—Ano ba naman ‘yan, Berto, — pakli ni Baket Petra na nakatayo sa likuran ng mga hanay ng garapon ng tinapay at kendi. —Namamasyal ka, hindi mo isinasama ang maybahay mo. Tila ‘ata ayaw mong pahipan sa hangin, a.

—Hindi naman sa gano’n, Nana Petra, — nakangiting salo ni Berto. —Diyan lang sa munisipyo ako nagpunta kasi, e.

—Isama-sama mo naman siya kung namamasyal ka upang makita namin siyang madalas, — susog ni Baket Petra.

Napahinto ang kanilang pag-uusap nang dumaan ang isang bus na animo’y ipinana sa bilis ng takbo. Hapon na kaya’t nagmamadaling makarating iyon marahil sa Lawag.

—Siyanga pala, atorni, — basag ng isang lalaking nakabakya at nakalilis ang pantalong maong, —hindi ako nakadalo sa handaan n’yo nang kayo’y dumating dito ng maybahay mo.

—Ako man, wala rin noon, e, — nakangiting pangalawa ng isa pa.

Nasakyan agad ni Berto ang ibig sabihin ng mga iyon kaya’t dali-dali siyang tumayo at lumapit kay Baket Petra. May ibinulong siya sa matandang babae na agad namang kumilos. At habang hinihintay ni Berto ang kanyang hiningi ay inilabas niya ang kaha ng kanyang sigarilyo at isa-isang inalok ang mga kanayon.

—Kung tinapos ni Berto ang kanyang kurso’y may abogado na rin sana tayo sa Nagrebkan, — basag muli ng isang matandang magsasaka.

—At may magtatanggol sana sa atin sa ACCFA kung ang mga karapatan nating mga magtatanim ng tabako ay nayuyurakan, — dagdag din ng isang magsasaka.

—Sa bagay na ‘yan, kahit hindi ko natapos ang aking karera, ay natitiyak kong makatutulong ako sa inyo, — nangangakong pakli ni Berto.

—Heto na, Berto, — salingit ni Baket Petra na hawak ang dalawang malalaking bote na puno ng basi.

Inabot ni Berto ang mga bote at inilapag sa tabi ng mga garapon. Dalawang baso ang sinalinan niya, na tig-isang iniabot sa una sa magkabilang hanay ng mga nakaupo. Sa unang ikot ng dalawang baso’y nasaid ang laman ng isang malaking bote. Sumiglang lalo ang usapan. Bagama’t hindi gaanong umiinom si Berto, napilitan na rin siyang makipagparamihan ng maiinom sa mga kasamahan. Sa kanyang pagkakatayo sa gitna ay tila siya isang kandidatong nagsasalita sa harap ng mga kanayon niya.

Gabi na nang mag-uwian sila. Sa kanilang bahay ay naratnan na ni Berto na nakaharap sa hapag-kainan ang tatang at nanang niya, ang kanyang mga kapatid at si Lourdes.

—Halika na, Bert, — salubong ng asawa sa kanya.

—Sigi, darling…magbibihis lang ako, — masuyong ganti ni Berto at tuluy-tuloy na siya sa kanilang silid ni Lourdes.

Nagpalit siya ng damit saka dumulog na rin sa pagkain. Kataon namang tumayo na ang kanyang tatang kaya’t nagkaroon siya ng mauupuan. Tumabi siya sa asawa.

—Uminom ka yata, Bert, —puna ni Lourdes habang nilalagyan ng kanin ang pinggan ni Berto.

—Nasalalak ako riyan kina Nana Petra, — pagsisinungaling ni Berto upang huwag masabi na siya ang nagpapainom sa mga kanayon niya.

—Kumusta ang lakad mo sa bayan? — ang ama ni Berto ang nag-usisa. Nakaupo sa isang bangko ang matanda at nagpapausok ng mahabang tabako.

—Wala pa hong liwanag. Sinabi ng alcalde na maghintay-hintay ako hanggang sa magkaroon ng bakante, — tugon ni Berto at sinundan iyon ng pagsubo.

—Ano ba ang trabahong hinihingi mo? — muling tanong ng matandang lalaki.

Nilunok muna ni Berto ang isinubo bago sumagot. —Sinabi kong kahit na anong trabaho sa munisipyo, basta sa opisina lang.

Sandaling naghari ang katahimikan. Ang dalawang mag-asawa na lamang ang naiwan sa hapag-kainan. Pinakbet at daing na isdang inihaw ang ulam kaya’t ginaganahan sa pagkain si Berto, lalo na’t inaalisan pa ni Lourdes ng tinik ang kanyang isinusubo. Hindi natagal ay tumayo na rin ang dalawa.

Nang gabing iyon ay hindi maidlip-idlip si Berto. Unti-unting nagliliwanag sa kanya ang katotohanang hindi na darating ang mabuting trabahong araw-araw ay siyang inaasam-asam niya. At alam niyang habang patuloy na wala siyang trabaho, patuloy rin ang paglusong ni Lourdes sa bukid.

Tumulong si Lourdes sa pagliligpit sa kanilang kinanan. Si Berto’y naupo sa may bintana at nanigarilyo. Pasulyap-sulyap siya kay Lourdes na naghuhugas ng pinggan sa kusina.

—Hayaan mo na ‘yan, Lourdes, —pigil ng kanyang ina kay Lourdes.

—Ako na ho, Nanang. Sandali lang naman ito, e, — pilit ni Lourdes.

Ibig-ibig nang pigilin ni Berto ang asawa kundi niya naalaalang baka sabihin ng kanyang nanang na tinuturuan niya ng katamaran ang sarili niyang asawa. Nguni’t sa kabila ng gayong maaaring sabihin ng kanyang nanang, nais pa rin ni Berto na bukas o sa makalawa, ay sawatain si Lourdes sa may kabigatang gawain sa bahay. Ayaw niyang ang kagandahang taglay ng kanyang asawa ay maglaho agad. Ibig niyang panatilihin ito, sa habang buhay kung maaari upang huwag siyang magsawa ng katitingin at kahahanga sa ganda niyon.

Itinapon ni Berto ang naupos na sigarilyo. Alam niya, si Lourdes ay maalam sa lahat ng mga gawain sa loob ng pamamahay. Bagama’t si Lourdes ay buhat sa isang angkang nakauungos ang pamumuhay sa kanilang bayan, maalam gumawa ito at may hilig at pagpapahalaga sa gawain. Ito kaypala ang nag-udyok kay Berto na pakasalan agad si Lourdes pagkatapos nito ng karerang Home Economics. Sa dami ng mga kaagaw noon ni Berto sa kamay ni Lourdes sa kanilang pamantasan ay nangamba siyang baka maunahan siya ng isa sa mga iyon kaya’t kahit hindi pa siya nagtatapos sa pag-aaral ay pinakasalan na niya ang dalaga. Ayaw pa sana noon ni Lourdes, nguni’t ipinangako ni Berto na magpapatuloy siya sa pag-aaral pagkatapos ng kanilang kasal. Subali’t hindi nakakita ng mapapasukan sa Maynila si Berto kaya napilitan silang umuwi sa Nagrebkan.

Naramdaman ni Berto ang kamay ni Lourdes sa kanyang balikat. Hinawakan niya iyon at tiningala ang asawa sa likuran.

—’Ling, — buong giliw na wika ni Lourdes. —May pupuntahan ka ba bukas?

—Wala, —buong suyo ring tugon ni Berto.

—Tutulong tayo kina Tatang at Nanang sa bukid bukas, ha? — ani Lourdes.

—Ha? — At napaharap si Berto sa asawa.

—Alam mo, sumama ko sa kanila kahapon at tiningnan ang kanilang ginagawa. Madali lang naman pala, e, — pagbabalita ni Lourdes.

Ilang ulit na pumaitaas at pumaibaba ang paningin ni Berto sa buong kaanyuan ng asawa na tila may nawalang ibig niyang tiyakin.

—Ikaw…magtatrabaho sa bukid? —namamanghang tanong ni Berto.

Nakangiti lamang si Lourdes. —Bakit, may masama ba roon? — sukling tanong nito.

Parang may nakabilaok sa lalamunan ni Berto nang tangkain niyang bukhin ang kanyang mga labi. Paano kaya niya masasabi na sa gagawing iyon ni Lourdes ay kukupas agad ang taglay nitong kariktang kanyang sinasamba?

—Hayaan mong sila na lang ang gumawa sa bukid. Tutal katulong naman nila ang mga kapatid ko, — nasabi na lamang niya. —At saka hindi na marahil magtatagal ay makakakita na ko ng mabuting trabaho.

Kinabukasan ay nakabihis na namang nanaog ng bahay si Berto. Nagtungo siya sa kabayanan upang makibalita sa mga pangyayari sa munisipyo, sa pagbabasakasaling kung may maagapan niya. Nguni’t wala siyang nasagap na mabuting balita.

Ang buong maghapon ay ginugol ni Berto sa pakikipaghuntahan sa mga kaibigan niyang abogado na kapatatayo pa lamang ng kanilang bupete.

—Baka malakas kayo kay gobernadora ay samahan lang n’yo ako sa kanya isang araw, — pagtatapat ni Berto.

—Mahina tayo sa kanya, — anang dalawang kaibigan niyang manananggol. —Oposisyon itong bayan natin nang nakaraang halalan.

Hapon na nang umuwi ng bahay si Berto. Naratnan niyang kapapaligo lamang ng kanyang asawa, gayong sa pagkakaalam niya’y sa umaga ito laging naliligo. Naghinala siya. Alam niyang gumawa ito sa bukid.

Nguni’t hinintay niya ang mabuting pagkakataon upang makapagsalita siya, at iyon ay nang nakahiga na sila ni Lourdes.

—Sinuway mo ako, ‘Ling, — sumbat ni Bertong nakangiti. —Sinabi ko sa iyong huwag kang pupunta sa bukid, nagpunta ka rin pala.

—Wala naman kasi akong ginagawa sa bahay. — Humihingi ng paumanhin ang tinig ni Lourdes.

—Hindi pa ba sapat ‘yang pagluluto mo rito at paglilinis ng bahay?

—Nguni’t, Berto, — pasubali ni Lourdes. —Ayaw kong may masabi sa akin ang iyong mga magulang. Kung ganyan na wala kang hanapbuhay at hindi pa ako tutulong sa kanila, hindi ba nakahihiya ‘yon?

Tumahimik na lamang si Berto upang huwag lumawig pa ang kanilang pagtatalo. Nangangamba siyang baka di niya maiwasang itaas ang kanyang tinig. Nguni’t bago siya natulog ay ipinangako niya sa sariling maghahanap siya ng trabaho nang puspusan.

Inaraw-araw ni Berto ang pag-alis ng bahay. Nguni’t laging bigo si Berto.

Samantala, pagdating niya ng bahay sa hapon, makikita na lamang niyang sunog sa araw ang makinis na balat ng kanyang asawa. Pinagsasabihan niya ang asawa na huwag nang ulitin iyon, nguni’t may laging matuwid si Lourdes.

“Tutulong muna ako sa kanila hangga’t hindi ka nakakikita ng trabahong maiibigan mo. Dangkasi’y ayaw mong gumawa sa bukid, e. Mabuti namang hanapbuhay itong pagtatanim ng tabako…basta may tiyaga at sipag ka lang.

Walang magawa si Berto kundi tumahimik. Alam niyang hindi makatwiran ang kanyang panig. Gayon man, hindi rin siya nawalan ng pag-asa na makakikita siya ng mabuting trabaho, iyong sa opisina.

Nguni’t nakaraan pa ang dalawang buwan ay wala pa rin siyang makitang trabaho.

At isang hapon ay ipinasiya niyang lunurin sa basi ang kanyang kabiguan. Kinayag niya ang ilang kaibigan na uminom kina Baket Petra.

Walang anu-ano’y nakita na lamang niyang bumubungad si Lourdes na patungo sa kanilang kinaroroonan. Sa ayos ng kanyang asawa’y natitiyak agad ni Berto na kagagaling lang nito sa bukid. Hindi man nakasabog ang buhok nito’y hindi naman maayos, darang sa araw ang balat, may mga talsik ng putik sa damit, at putik-putikan ang mga paang nakabakya. Parang nanliliit si Berto sa harap ng kanyang kaibigan.

—Saan ka pupunta? — nababaghang tanong ni Berto sa asawa.

—Bibili ako ng sabong mabango, — tugon ni Lourdes.

Bumili nga ng sabong pampaligo si Lourdes, at nang mabayaran iyon ni Berto ay umalis na.

—Tila napapabayaan mo na si Lourdes, Berto, — nasabi ni Baket Pekta pagkaalis ni Lourdes. —Tila kumukupas na ang kanyang ganda.

—Medyo nahihiyang sa bukid, e, — ani Berto.

—Pero, — bawi rin ni Baket Pekta, —masipag ang iyong asawa, at di tulad sa mga ibang babaing kapag nakatuntong na ng kolehiyo ay ayaw nang gumaspang ang mga palad.

Nang gabing iyon ay hindi maidlip-idlip si Berto. Unti-unting nagliliwanag sa kanya ang katotohanang hindi na darating ang mabuting trabahong araw-araw ay siyang inaasam-asam niya. At alam niyang habang patuloy na wala siyang trabaho, patuloy rin ang paglusong ni Lourdes sa bukid.

At, gumitaw sa kanyang mga balintataw ang larawang lagi niyang kinatatakutan. Alam niyang pagkaraan pa ng ilang linggo ay malaki na ang ipagbabago ng anyo ni Lourdes. Maglalaho na ang kagandahan nitong sinasamba ng kanyang puso’t kaluluwa, at kung magkagayon, wala na siyang maipagmamalaki sa kanyang mga kaibigan.

Kinabukasan ay hindi nanaog ng bahay si Berto. Hindi rin siya nakabihis na tulad ng dati. Isinuot niya ang pantalon niyang luma’t may sulsi, at bago nanaog ay sinabi niya kay Lourdes:

—Dito ka na lang sa bahay. Ako na ang pupunta sa bukid, — at siya’y nanaog na. Nguni’t pagtuntong niya sa lupa’y may pahabol siya kay Lourdes. —Sarapan mo ang luto pagka’t tiyak na pagod ako pagdating ko rito mamaya.

—Basta ikaw, — nakangiting pangako ni Lourdes at pinabaunan ng isang flying kiss si Berto.