Ni SEVERINO REYES
(Muling nailathala: LIWAYWAY, Setyembre 10, 1962)
SI Kapitan Chimo, na taga-Pandakan noong araw, ay totoong maawain. Tuwing magpipista sa kanilang pook ay naghahandog siya ng saganang pananghalian sa mga pulubi, na karamiha’y bulag.
Nang pistang iyon sa Pandakan, bisperas pa lamang ay nagkaroon na ng mga panauhin si Kapitan Chimo. Kabilang sa kanyang mga panauhin, si Kabisang Lucio, isang mayamang taga-Tayabas na maawain din.
“Kaibigang Chimo,” ani Kabisang Lucio, “bukas ba’y magpapakain ka uli ng mga pulubi, gaya ng gawa mo tauntaon?”
“Oo, kaibigang Lucio.”
“Ang ibig ko sana,” ani Kabisang Lucio, “pag nagkakatipon na rito bukas ang mga pulubi ay ipakilala mo ako sa kanila.”
Dumating ang kinabukasan. Sa halamanan ni Kapitan Chimo ay nakahalayhay na ang tatlong mahahabang mesang naliligiran ng mahahabang bangko. Ikasampu pa lamang ng umaga ay mahigit nang dalawang daang pulubi ang naroon. Kasama ni Kabisang Lucio, si Kapitan Chimo ay nagtungo na sa halamanan. Napagitna ang kapitann at nagsalita. Ipinakilala niya sa mga pulubi si Kabisang Lucio. Pagkatapos ay ang kabisa naman ang nagsalita.
“Mga kaibigan,” simula ni Kabisang Lucio, “nais kong maghandog ng tulong, at ang tulong na ito’y ukol sa mga bulag na pulubi lamang. Sa amin sa probinsiya, ako’y may isa pang malaking bahay na walang nakatira. Ibig kong dalhin sa aking bayan ang mga bulag na nag-iisa na sa buhay. Aampunin ko sila at ititira sa bahay na iyon. Kung sino sa inyo ang ibig sumama sa akin ay mangyaring magsitindig lamang.”
Walong bulag na pulubi ang nagsitindig.
“Ano, natatalaga ba kayong walo na sumama sa akin?” ang tanong ni Kabisang Lucio.
Parang iisang taong tumugon ang walo: “Opo, Ginoo.”
NASA Tayabas na ang walong bulag at nakatira na sa bahay ni Kabisang Lucio Dasmarinas. Ang bahay ay nakatirik sa tabi ng malawak na niyugan ng kabisa. Doon sila pinadadalhan ng kabisa ng pagkain.
Ang walong bulag ay nagkaroon ng mainam na libangan at pampalakas pa ng katawan. Pagkaumaga ay umaakyat sila sa mga punong niyog at namimitas ng buko.
Isang araw ng Sabado ay bumagyo. Nang dakong hapon ay humimpil ang malakas na hangin, kaya kinaumagahan, araw ng Linggo, ay aliwalas na ang panahon.
Gaya ng dating gawi, ang walong bulag ay nanaog ng bahay at namitas ng niyog. Pitong bulag ang nagsiakyat sa mga punong niyog at isa ang naiwan upang mamulot ng napipitas. Ang naiwan sa ibaba ay si Pilo, ang bulag na siyang pinakabata sa walo.
Walang anu-ano’y may narinig si Pilo na bumagsak.
“Isa!” ang sigaw na pagbilang ni Pilo.
Dalawa pa ang narinig ni Pilo na magkasunod na bumagsak.
“Tatlo na!” ang muling sigaw ni Pilo.
Nagsunud-sunod ang pagbagsak hanggang sa maging pitong lahat. Naghintay si Pilo, ngunit wala na siyang narinig pa.
“Aba, pipitong niyog itong inihulog ninyo!” ang wika ni Pilo. “Isa pa para sa akin!”
Walang tugong narinig si Pilo. Samantala, sa dako roon ay may nakakita pala sa nangyayari. Ang nakakitang iyon ay sumigaw.
“Bulag!” tawag ng tinig na narinig ni Pilo. “Natitirang buhay na bulag! Lumapit-lapit ka rine sa akin. Hindi ako makapariyan sa iyo pagka’t ako’y lumpo.”
“Sino ka?” sigaw ni Pilo.
“Ano ba’ng nangyari’t nawala ang kasama ko?”
“Patay na silang lahat.”
“Ha? At Bakit?”
“Hindi mo ba nalalamang kahapon ay bumagyo? Balibali ang mga punong niyog. Kaya nang magsiakyat ang mga kasama mo ay nahulog silang lahat. Hayan sila’t patay na!”
“Samakatwid, ang mga kalabog na narinig ko’y hindi kalabog ng niyog kundi kalabog nila nang sila’y mahulog?”
“Oo. Kaya kailangang tayo’y umalis agad sa pook na ito. Baka mapaghinalaan pa tayo na siyang pumaslang sa kanila.”
Nakalapit na si Pilo sa lumpo.
“Paano ang gagawin natin ngayon?” ani Pilo. “Paano tayo makaaalis dito? Bulag ako at ikaw nama’y hindi makalakad.”
“May paraan,” anang lumpo.
“Malakas ka rin lamang at malaki ang iyong katawan, pasanin mo ako. Ikaw ang magiging paa ko at ako naman ang iyong magiging mata.”
Nayag si Pilo. Pinasan niya ang lumpot at lumakad na siya.
Maya-maya, may natapakan si Pilo.
Nagkulong ang dalawa sa silid. Si Pilo ay sumandal sa pinto upang huwag maibukas iyon buhat sa labas. Ang lumpo ay sumilip naman sa butas sa dinding. Nakita niya ang dumating na tatlo kataong may dalang bayong. Ang isa sa mga iyon ayy naglatag ng isang kumot na habing-Iloko at ibinuhos doon ang laman ng bayong na mga salaping ginto.
“Ano ba ang natapakan kong ire?” ang tanong ni Pillo.
“A, lubid na kabo-negro.”
“Kunin mo,” ani Pilo.
“Anhin natin iyan?”
“Basta kunin mo. Darating ang oras na magagamit natin iyan kaya huwag mong itatapon.”
Sinunod ng lumpo ang utos ni Pilo Maya-maya’y nakatisod si Pilo ng isang talim ng palakol. Ibinaba niya ang pasang lumpo at dinampot ang talim ng palakol.
“Tanganan mo iyan,” ani Pilo sa lumpo. “Kakailanganin din natin iyan.”
Nagpatuloy ng paglakad si Pilo, pasan ang lumpo. Kaginsa-ginsa’y isang malaking bagay ang natisod niya.
“Ano ba ang natisod kong ito?” ang tanong ni Pilo.
“Bombo iyan ng banda ng musiko.”
“Kunin mo nat dadalhin din natin.”
Pagkaraan ng maraming sandaling paglalakad ay nagwika ang lumpo: “Bulag, nagugutom na ako.”
“Humanap tayo ng makakain,” ang tugon ni Pilo.
“Ikaw ang may mata kaya sabihin mo sa akin pag nakakita ka.”
Isang malaking bahay sa gitna ng bukid ang naraanan nila. Nagtuloy sila roon.
“Aba, diyablo!” ang naibulalas ng lumpo nang sila’y makapasok.
“Walang tao rito!”
Napahinga sila sa loob ng bahay. Ngunit hinda pa sila nalalaunan doon ay nakarinig na sila ng papalapit na mga tinig. Nagkaroon sila ng kutob na tulisan ang mga iyon.
“Pugad pala ng mga tulisan ang bahay na ito!” ang nawika ni Pilo.
“Umalis tayo rito!”
“Wala nang panahon,” ang wika ng lumpo.
“Pagnanaog tayo’y masasagupa na natin sila.”
Nagkulong ang dalawa sa silid. Si Pilo ay sumandal sa pinto upang huwag maibukas iyon buhat sa labas. Ang lumpo ay sumilip naman sa butas sa dinding. Nakita niya ang dumating na tatlo kataong may dalang bayong. Ang isa sa mga iyon ayy naglatag ng isang kumot na habing-Iloko at ibinuhos doon ang laman ng bayong na mga salaping ginto.
“Bulag,” ang bullong ng lumpo kay Pilo, “mga tulisan nga sila.”
Ngunit ang pag-uusap ng dalawan ay naulinigan ng mga tulisan. Sabay–sabay silang nagbunot ng gulok. Itinulak nila ang pinto ng silid, ngunit hindi iyon nabuksan sapagka’t nakasandal doon ang malaking katawan ni Pilo.
“Magsilabas kayo riyan!” ang sigaw ng puno ng mga tulisan.
Pinalaki ni Pilo ang kanyang tinig nang siya’y tumugonn: “Ulol! Kapag lumabas ako’y mamamatay kayong lahat.”
“Sige, lumabas ka!”
Bahagyang iniawang ni Pilo ang pinto at inihagis sa labas ang lubid na kabonegro.
“Para makilala ninyo kung ano ang ayos ko, naiyan ang isang hibla lamang ng buhok ko.”
“Malaki ngang tao iyan,” ang wika ng isa sa tatlo.
“Ang lakki ng kanyang buhok!”
“Lumalabas ka,” anang puno. “Hindi ako natatakot sa iyo, higante ka man!”
Inihagis ni Pilo ang talim ng palakol sa labas ng pinto.
“Ayan ang isang ngipin ko!”
Biglang binayo nang sunud-sunod ni Pilo ang bombo. At saka siya humalakhak nang pagkalakas-llakas, saliw sa pagbayo sa bombo.
“Iyan ang tawa ko, pakinggan ninyo,” ang sigaw ni Pilo.
Nasiraan ng loob ang tatlong tulisan. Nagpanakbuhan sila.
NANG matagal-tagal nang nakaalis ang mga tulisan ay nagturing si Pilo: “Umalis na tayo rito.”
Inapuhap ni Pilo ang kumot na kinabubuntunan ng mga kinulimbat ng mga tulisan. Isinilid niya sa bayong ang mga kayamanan.
“Hala, sumampa ka sa balikat ko at papasanin kita,” ani Pilo sa lumpo.
“Patutungo tayo sa dakong gubat at doon na natin paghatian ang kayamanang ito.”
“Bakit ikaw ang magdala niyan? Pasan mo na ako’y ikaw pa ang magdadala niyan. Tila wala kang tiwala sa akin,” anang lumpo.
“Wala nga, inaamin ko.”
“Alisin mo na sa loob mo ang pag-aalinlangan. Total wala ka rin namang magagawa kung lolokohin kita.”
“Wala pala! Kung lokohin mo ako, hindi mo pakinabangan ang kayamanang ito pagka’t hindi ka makalakad. Maski ako bulag, kapag nahagip kita’y kayang-kaya kitang patayin sa sakal. Kaya kaiingat ka!”
Sa gayong pagtatalo ay nakaratiing sila sa gubat.
“Ilatag mo na ang kumot at ibuhos mo iyang laman ng bayong,” anang lumpo.
“Hintay nga. Huwag kang apurado!”
“Aba, bakit ka ba ganyan? Napakadiskumpiyado mo naman!”
Nayamot ang lumpo at sinampal niya si Pilo sa mata. Isang malakas na sipa ang iginanti ni Pilo, at kahit hindi niya nakikita ang sinipa ay tinamaan naman ito.
Sa sandaling iyo’y naganap ang isang himala. Ang mga mata ni Pilo, sa pagkasampal ng lumpo, ay biglang nagkaroon ng liwanag; nakakita siya. Ang lumpo naman, sa pagkakasipa ni Pilo, ay nakatayo at nakalakad. At totoo yata ang kasabihang kastila na El que roba al ladron tine cien anos de perdon, na ang ibi sabihin ay “Ang magnanakaw na nagnakaw sa magnanakaw rin ay may isang daang taong kapatawaran.”
Nagyakap nang mahigpit ang dalawa. Tumingala sila sa langit at nagpasalamat sa Maykapal sa biyayang inihulog sa kanila.








