5 Pelikulang Pilipino na Nagwagi ng mga Parangal na Mapapanood sa Netflix

ni Erwin Vicentino

Naging takbuhan natin ang Netflix para sa aliw at libangan ng panonood ng mga pelikula’t serye ngayong nahaharap tayo sa pandemya. Iniligtas tayo nito mula sa pagkabagot, at ngayon, lalo tayo nitong bibigyang interes dahil sa mga lokal na pelikulang idinagdag dito.

Sa kalalabas pa lamang ng orihinal na pinoy anime na Trese na talaga namang inabangan sa Netflix, narito pa ang listahan ng mga pelikulang pilipino na nagwagi ng mga parangal at dapat mong mapanood sa Netflix.

1. Kalel, 15 (2019)

Poster mula sa https://www.imdb.com/title/tt11530234/?ref_=tt_mv_close

Isang makapangyarihang at mapanakit na pelikula patungkol sa mga isyung panlipunan tulad ng estigma sa sakit na HIV, kahirapan, droga o bisyo, at magulong pamilya. Likop ng mga tensyon at mga sikreto, isang binatilyo ang naghahanap ng mga patunay habang naglalayag sa sariling buhay kasama ang magulo niyang pamilya. Ang Kalel, 15 ay sa panulat at sa direksyon ni Jun Lana. Nanalo siya ng Best Director award sa Black Nights Film Festival sa Tallinn, Estonia para sa pelikula niyang ito noong 2019. Nanalo rin ang pelikula ng Best Screenplay noong nakaraang taon (2020) sa Gawad Urian Award.

2. Pamilya Ordinaryo (2016)

Poster mula sa https://www.imdb.com/title/tt5891626/

Malupit at masalimuot na reyalidad ng pagiging magulang sa murang edad at pamumuhay sa mundo ng kahirapan ang ginalugad ng pelikulang Pamilya Ordinaryo. Matapos dukutin ang kanilang walang gulang na anak, hindi lang sa patalim kumapit ang binatilyo’t dalagitang mag-asawang sina Jane at Aries. Habang hinahanap ang kanilang anak, isiniwalat ng pelikula ang bulok at bigong sistema ng lipunan, ang malupit at katakot-takot na trato sa buhay ng mga maralita. Ang Pamilya Ordinaryo ay sa panulat at direksyon ni Eduardo Roy Jr. Nag-uwi ng maraming parangal ang pelikula, kabilang na ang Best Film at Best Director sa Cinemalaya Independent Film Festival noong 2016 at Indie Movie of the Year sa Star Awards para sa mga pelikula noong 2017. Naging nominado rin ito bilang Best Film sa Venice Film Fest Festival at Stockholm Film Festival. Hindi lang iyon, nanalo rin ng mga parangal ang mga nagsipagganap sa pelikula sa Harlem International Film Festival, Hanoi International Film Festival, at sa the Asia Pacific Screen Awards.

3. Babae at Baril (2019)

Poster mula sa https://www.imdb.com/title/tt11156674/?ref_=tt_mv_close

Sa misogonista at patriyarkal na lipunan, isang babae ang nakahanap ng boses at kapangyarihan sa pamamagitan ng pangangalabit ng gatilyo. Isang drama-krimen at pemenistang pelikula na umiikot sa kuwento — literal, ng isang babae at baril. Nahahati ang pelikula sa dalawang parte at kung paano sila magtatagpo — ang babae at baril. Sinusundan nito ang kuwento ng isang babaeng nagtatrabaho sa isang almasen na nakararanas ng kasuklam-suklam na trato mula sa kamay ng kalalakihan sa paligid niya, mula sa mga katrabaho hanggang sa mga bastos na catcallers na nakasasalamuha niya sa pang-araw-araw. Ngunit binago ang buhay niya ng isang baril na nasa labas ng kanyang bahay. Dahil sa pagal at suya, binigyan siya nito ng pagkakataon para sa paghihiganti. Ang Babae at Baril sa direksyon ni Rae Red ay naiuwi halos lahat ng mga parangal sa ika-43 Gawad Urian, kabilang na ang Best Picture, Best Director, Best Actress para kay Janine Gutierrez, Best Editing, Best Cinematography, at Best Production Design.

4. Hintayan ng Langit (2018)

Poster mula sa https://www.imdb.com/title/tt9174006/

Isang kamangha-mangha at nakaaantig na pelikula tungkol sa dalawang dating magkasintahan na pinaglayo at muling pinaglapit ng tadhana (at kamatayan) — pero ngayon, sa purgatoryo. Pinagbibidahan ito ng mga batikang aktor sa bansa na sina Gina Pareño at Eddie Garcia. Ang Hintayan ng Langit ay sa direksyon ni Dan Villegas at sa panulat ni Juan Miguel Severo mula sa kanyang one-act play. Matapos makatanggap ng mga nakamamanghang suri mula sa mga kritiko, nag-uwi rin ang pelikula ng mga parangal gaya ng Audience Choice Award at Best Screenplay sa QCinema International Film Festival noong 2018. Nanalo rin ito ng Golden Sarmatian Lion Award (President’s Prize) mula sa ika-12 Orenburg International Film Festival sa Russia.

5. Fan Girl (2020)

Poster mula sa https://www.imdb.com/title/tt11091664/

Isang pelikulang gagambalain at bibigyan kang balisa dahil sa mga seryosong paksang tinatalakay. Sinusundan ng pelikula ang kuwento ng isang labing-anim na gulang na babaeng si Jane (Charlie Dizon), isang tagahangang humaling na humaling sa kanyang iniidolong si Paulo Avelino (Paulo Avelino) at sa kung paano niya ito susundan at makikilala. Ang pantasyang nakadikit sa kanyang hinagap ay mauuwi sa isang bangungot. Sa pagpapakita ng iba’t ibang anyo ng pang-aabuso, mula sa catcalling hanggang sa masalimuot na panggagahasa, ang pelikula’y matapang na binuo upang maging pahayag laban sa misogonistang sistema at lipunan. Ang Fan Girl ay sa panulat at direksyon ni Antoinette Jadaone. Nagwagi ang pelikula ng mga parangal sa Metro Manila Film Festival noong nakaraang taon (2020), tulad ng Best Picture, Best Screenplay, Best Director, Best Actor at Actress, Best Cinematography, Best Editing, at Best Sound. Nag-uwi rin ito ng mga parangal sa Ika-2 VP Choice Awards at The Entertainment Editors’ Choice ngayong taon.