SI NANANG LEONA

Ni Ernesto Lawagan

Inaasam sa aki’y iabot ang puso mo;

Ang pulot ng pag-ibig ating pagsaluhan.

Sa gabi ikaw sana’y maging liwanag ko,

Tulad ng tanglaw ng buwan sa kaitaasan.

– Iniliwat mula sa tulang Nalpay a Namnama.

SA kasaysayan ng Pilipinas, isang bayaning babae ang tila nawawaglit sa kaisipan ng mga Pilipino. Bagama’t hindi siya lumaban sa mga mananakop sa pamamagitan ng itak o punglo, katulad nina Gabriela Silang (1731-1763) at Teresa Magbanua (1868-1947), maituturing siyang pangunahing bayani ng bansa, lalo na sa larangan ng panitikan. Siya si Leona Florentino (1849-1884), ang “Ina ng Panitikang Pangkababaihan” at “Ina ng Panulaan” sa Pilipinas.

KILALANIN NATIN SI NANANG LEONA

Si Leona Josefa Florentino ay isang makata, satirista at manunulat na ipinanganak sa Vigan, Ilocos Sur, noong Abril 19, 1849. Siya ay anak nina Marcelino Pichay Florentino (1803-1866), isa sa pinakamayaman sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, at ni Isabel Juliana Mariano. Sa talaan ng lahi, siya ay isang malayong pinsan ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal (1861-1896), mula sa panig ng mga ninuno ng kaniyang ina at sa lolo sa ina ni Rizal.

Maraming maituturing na tula ang naisulat ng mga sinaunang Pilipino bago pa man dumating ang mga mananakop na Kastila sa ating kapuluan, kagaya ng mga dal-lot at dung-aw ng mga Ilocano, dalit at tanaga ng mga Tagalog, ambahan ng mga Mangyan, siday at bikal sa Kabisayaan. Idagdag pa ang mga hindi mabilang na bugtong at salawikain, subalit karamihan sa mga ito ay walang tiyak na may-akda. Ang mga pinakamatatandang epiko naman na Biag ni Lam-ang ng mga Ilokano, Handiong ng mga Ibalon at Hinilawod ng mga Suludnon ng Panay ay mula sa oral tradition o salit-saling salaysay at hindi tuwirang tukoy ang mga orihinal na may-akda. Bagama’t marami ang kumikilala kay Pedro Bukaneg (1592-1630) bilang may-akda ng Biag ni Lam-ang, ang tiyak lamang na mapapatunayan sa kasaysayan ay siya ang nagsaayos ng epiko sa kabuuan nito. Siya rin ang kauna-unahang pinangalanang makatang nakapagsulat ng tula sa Pilipinas kaya siya ang itinatalang “Ama ng Panulaan” sa bansa.

Sa mga kababaihan naman, si Leona Florentino ay nagsimulang sumulat ng mga tula sa Ilokano sa edad na siyam na taong gulang na ikinamangha ng kaniyang ina, na siyang kaniyang unang guro. Subalit nang kaniyang panahon, hindi pinapayagan ang mga kababaihan na tumuntong sa mataas na paaralan at pamantasan. Kaya’t ang ginawa na lamang ng kaniyang ina ay kumuha ng mga tutors o tagapagturo, kabilang dito ang paring si Evaristo Abaya (c.1820s-1893) na kura ng Vigan. Dito siya natuto ng wikang Kastila. Namangha ang pari sa taas ng antas ng panulaan ni Leona sa batang edad.

Naudlot ang pag-aaral niya nang ipinakasal siya ng kaniyang ama sa edad na 14 anyos sa kaniyang nakatatandang pinsan na si Elias Llanes de los Reyes (1844-1883) na noon ay alcalde mayor ng Vigan. Sa sunud-sunod na taon, nagkaroon sila ng limang anak.

Sa kabila ng pagiging batang ina at hindi nakatuntong ng pamantasan, naging masugid siyang mambabasa ng mga aklat sa panitikan at kasayayan, at ipinagpatuloy niya ang pagsusulat, hindi lamang ng mga tulang Ilokano kundi maging sa wikang Kastila, at ng mga satira at dulang pang-uuyam. Tumatak sa kaniyang isipan at pananaw ang lipunan at katayuang kinaroroonan niya na ang isang babae ay walang karapatan at kalayaan para sa kaniyang sariling layunin at pangarap. Sumibol ang kaisipang, bagama’t siya ay nabibilang sa isang marangyang pamilya at anak ng isang mayamang tao, siya ay babaeng walang tinig at walang katanggap-tanggap na pananaw, “isang harding puno ng halimuyak, ngunit siya ay bulaklak na walang kalayaang mamukadkad.”

Pumanaw si Nanang Leona sa edad na 35 sa sakit na tuberculosis. Pumanaw siyang nalulungkot na hindi nakamtan ang mga pinapangarap, na maranasan ang kalayaan bilang isang babaeng may sariling adhika at inaasam. Laman ang hinanaing na ito sa marami niyang tula. Sa Panagpacada (Pamamaalam): “Silaladingit toy puso nga agpakada, Adios laing, napusaksak nga asusena; Iti sayamusam ti barukong ko ipenpennaka, tapno dinto maumag ti agdaplay a banglona.” (sa aking pagliliwat, “Malungkot ang puso sa pamamaalam, Adios na lang, napakabangong asusena; Sa halimuyak ng dibdib ko kita’y iingatan, Upang lumalaganap nitong bango’y huwag mawala.”). Ang sinasagisag ng asucena ay “katatagan ng isang adhikain,” na bagama’t hindi niya maabot ay pilit niyang pinanghahawkan.

Dahil sa karamihan ng kaniyang mga tula at satira ay tumutukoy sa pangarap ng isang babaeng magkaroon ng malayang pananaw, karapatan at karampatang halaga sa lipunan, binansagan siyang “Ina ng Panitikang Pangkababaihan.”

Tinatayang mahigit tatlong daang tula sa Ilokano at Kastila ang kaniyang nakatha, subalit dahil sa mga kakaibang nilalaman nito at sa umiiral na gender discrimination noon, ni isa man dito ay hindi nailimbag. Karamihan din sa mga ito ay sadyang sinira noong panahon ng patriarchal Spanish colonial era dahil sa progresibong kamalayang nilalaman nito. Sa paglipas ng panahon, 22 lamang ang natira upang matunghayan ng makabagong henerasyon. Kabilang dito ang Nalpay a Namnama (Nausyaming Pag-asa), Panagpacada (Pamamaalam), As-Asug ti Maysa a Napaay (Mga Hinanakit ng Isang Nausyami), Naangaway nga Cablaaw (Kaaya-ayang Pagbati), Panay Pacada (Laging Paalam), Emilia (na sinulat niya para sa kaniyang kalaro sa kaarawan nito), Ken Castora (Para kay Castora Benigna, na kaniyang kababata at matalik na kaibigan na madalas niyang kapalitan ng kanilang mga pangarap sa buhay), Para Ken Carmen (Para kay Carmen, na para sa kaniyang anak na si Maria Carmen), at Rucrunoy (Pagtatalaga). Ilan naman na isinulat niya sa wikang Kastila ang Felicitacion Satirica (Pagbating Mapang-uyam), Declaracion Simbolico (Paghahayag ng Sinasagisag), Coronacion de una Soltera en sus dias (Pagpuputong sa Isang Dalaga sa Kaniyang Kaarawan), at isang tulang walang pamagat na binigyang titulo na Extraño entierro del deseo (Kakaibang Pagkalibing ng Paghahangad).

Ang kanyang mga tula ang kauna-unahan mula sa Pilipinas na naitanyag at kinilala sa ibang bansa, sa Exposicion General de Filipinas sa Madrid, Spain, noong 1887, at sa St. Louis International Exposition sa Missouri, USA noong 1904. Ito ay isinama rin sa Bibliotheque Internationale des Oeuvres des Femmes (Pandaigdigang Santalaalaman ng mga Gawa ng mga Kababaihan) noong 1889. Iniliwat din sa mga wikang English, Austrian, Polish, Bahasa, Kastila, Pranses at Aleman ang kaniyang mga tula. May mga sipi ng kaniyang mga tula na matatagpuan sa archives ng mga silid-aklatan sa Europe kabilang na sa Paris at London. Siya ang kauna-unahang makatang Pilipino na nabigyan ng mga ganitong karangalan, kaya binansagan siya na “Ina ng Panulaan” sa Pilipinas.

ANG INA AT ANG LIDER-MANGGAGAWA

Tila pinagtiyap ng pagkakataon na ang artikulong ito ay maisulat ko sa buwan ng Mayo, na siyang buwan ng mga ina at ng mga manggagawa. Si Leona Florentino ang “Ina ng Panitikang Pangkababaihan” at “Ina ng Panulaan” sa Pilipinas, samantalang si Isabelo de los Reyes (1864-1938) na kaniyang anak ay ang nagtatag at unang pangulo ng Union Obrera Democratica na unang unyon at kalipunan ng mga manggagawa sa bansa. Kaya siya ang itinuturing na “Ama ng Kilusang Manggagawa sa Pilipinas.” Malaki ang naging impluwensiya sa kaniya ng mga akdang sinulat ni Karl Marx (1818-1883), at dahil sa kaniyang aktibismo at progresibong pananaw sa lipunan, pamahalaan at maging sa larangan ng pananampalataya, binansagan siyang “Ama ng Sosyalismo sa Pilipinas.”

Naranasan at nakita ni Belong ang mga karahasan, paniniil at panunupil ng mga Kastilang prayle sa murang edad. Ito ang nagbunsod sa kaniya na maging kritiko at aktibista laban pananampalatayang Romano Katoliko na kaniyang kinamulatan. Namuno pa siya ng isang protesta at welga laban sa mga pari dahil sa pang-aabuso ng mga ito sa mga mag-aaral na katutubo. Sa kasaysayan, kilala rin siya bilang kasama ni Gregorio Aglipay (1860-1940) na nagtatag ng Iglesia Filipina Indepediente (Malayang Simbahan ng Pilipinas) na higit na kilala ngayon bilang Philippine Independent Church o Aglipayan Church.

Si Isabelo de los Reyes o Belong sa kaniyang mga kababayan ay ipinanganak ni Nanang Leona noong Hulyo 7, 1864, nang ito ay 15 taong gulang. Ngunit limang taong gulang pa lamang si Belong nang inihiwalay ng kaniyang ama si Nanang Leona na ang sinasabing dahilan ay ang sakit nito sa baga. Bagama’t ayon kay Belong, ito ay dahil hindi katanggap-tanggap sa kaniyang ama ang mga layunin at adhikain ng kaniyang ina lalo sa karapatan ng kababaihan.

Matapos mamatay ang ama ni Belong noong 1883, pumunta siya sa kinaroroonan ng kaniyang ina na noon ay may sakit na tubeculosis. Bagama’t maiksi lamang ang panahon ng kanilang pag-uugnayan dahil namatay si Nanang Leona noong Oktubre 4, 1884, naging makabuluhan naman ito. Maraming natutuhan si Belong sa kaniyang ina na naging panuntunan niya sa buhay, sa pagsusulat at panitikan, at sa progresibong pananaw sa lipunan. Isa siya sa naging masugid na tagapagtaguyod ng pagkakamit ng kasarinlan ng Pilipinas, karapatan ng kababaihan sa edukasyon at sa paghahalal ng mga mamumuno sa pamahalaan.

Katulad ng kaniyang ina, si Belong ay isa ring prolific na manunulat, na nagkaroon ng laksang katha sa kaniyang panahon. Ang kaibahan ay nailimbag ang mga akda ni Belong at nakamtan niya ang maraming parangal na hindi naigawad sa kaniyang ina.

Noong 1887, kasabay ng paglilimbag at pagbabahagi ng kaniyang mga isinulat na akda, ibinahagi rin niya ang mga tulang isinulat ng kaniyang ina sa Exposicion General de Filipinas sa Madrid, Spain. Naulit ito sa International Exposition sa Paris, France noong 1889, at sa St. Louis International Exposition sa Missouri, USA noong 1904. Sa pamamagitan nito, natanyag ang kaniyang ina sa daigdig, isang babae sa larangan ng panitikan na tila imposible nang panahong iyon.

Taong 1889 nang itatag ni Belong ang El Ilocano, na ayon sa National Historical Commission of the Philippines, ay ang kauna-unahang pahayagan inilimbag sa salitang vernacular ng Pilipinas. Siya rin ang may-akda ng Biblia Filipina (1908), na itinuturing na unang pagliliwat sa bansa ng apat na ebanghelyo ng Bagong Tipan.

ISANG professor of literature na ayaw magpakilala ang nagpadala sa akin ng isang request na aking basahin ang mga tula at ang kasaysayan ng buhay ni Leona Florentino, at magbigay ng review at dissection dito. Ito ang nag-udyok sa akin na sulatin ang artikulong ito. Nabasa umano niya ang aking rebyu sa aklat ng mga tula – Dungól – ng Palanca awardee na si Rebecca Añonuevo (Liwayway, Oktubre 2024) at pinuri at nagustuhan niya ito.

Sa unang bahagi ng artikulong Si Nanang Leona na lumabas noong nakaraang buwan ng Mayo ay tinalakay ko ang buhay ni Nanang Leona, ang kaniyang mga pangarap at adhikain, at ilang nilalaman ng kaniyang mga tula. Sa ikalawang bahaging ito ay mababasa ang mga katanungan tungkol sa kaniya na naghahanap ng kasagutan.

PEMINISTA O LESBIYANA

Kaakibat ng request sa akin na sulatin ang artikulong ito tungkol kay Leona Florentino ay ilang katanungan na nakaintriga sa akin. Isa rito ay kung si Nanang Leona umano ay peminista o lesbiyana. Sa pagsasaliksik ko, pinagtatalunan nga ng mga manunuri at tagasulat ng kasaysayan ang tungkol dito dahil sa nilalaman ng mga tula at satiro na kaniyang isinulat.

May mga tula ngang isinulat ni Nanang Leona na tila ang pinatutungkulan ay pag-ibig sa isang babae. Kaya may mga nagsapantaha na siya ay isang lesbiyana. May nagsabi pa na ito raw ang isang dahilan kung bakit siya ay hiniwalayan ng kaniyang asawa, na pinabulaanan naman ng kaniyang anak.

Kinailangan kong hasain ang aking Ilokano upang tunay na maunawaan ang mga tulang kaniyang sinulat, at gumawa ng sarili kong pagliliwat. Humingi rin ako ng tulong sa mga bihasa sa wikang ito sa literal, makahulugan o matalinhagang pagliliwat. Bukod dito, kinailangan ding gumawa ng emotional forensics o matamang pag-aaral ng damdamin, pag-iisip at katayuan ni Nanang Leona nang sulatin niya ang mga tula.

May pakiwari na sa maraming talata ng kaniyang mga tula ay ibinabadya niya ang pagmamahal sa isang babae. Isa sa pinakatanyag niyang tula ay ang Nalpay a Namnama (Nausyaming Pag-asa o Nausyaming Inaasam). Ang nilalaman ng tulang ito ang tampok na pinagbabatayan ng ilang manliliwat na siya ay umibig sa isang kapuwa babae. Himayin natin ang mga argumento. Una, sa salitang Tagalog higit na tugma ang pagliliwat na “nausyami” kaysa “nabigo” o “naglaho” na ginamit ng ilang nagliwat. Kasi ang pamagat mismo ng tula ay hindi naman tumutukoy sa pag-iibigan kundi sa isang adhikain. Saan nausyami si Nanang Leona? Sabi ng ilan, sa isang babae na kaniyang minahal na hindi nagbigay ng katumbas na pagmamahal, kaya marahil “nabigo” ang ginamit nila sa pagliliwat. “Atoy ngatan ti ayat a kunada. Aldaw rabii pampanunuten ka. Summangpet ka, lubong ko nga natalna. Ket biag gummulon sa dinakita ka.” (sa aking pagliliwat, “Ito kaya ang pag-ibig na sinasabi nila. Araw at gabi ay iniisip kita. Dumating ka sa daigdig kong payapa. Nabulabog ang buhay nang ika’y makita.”) Sa unang basa, tila nga totoo ang pakiwari nila.

Isa pang punto ay ang paggamit niya ng salitang Ilokano na Imnas na maaaring iliwat sa Tagalog na “dilag” o “magandang babae” at sa matalinhagang kahulugan ay “musa” o “diwata.” Sa kaniyang tulang Panagpacada: “Timudem man! O imnas ni ayat, Ti un-unoy toy seknan ni rigat; Imatangam, o puso ket imutektekannak, Anusem a paliiwen toy daksanggasat.” (sa aking pagliliwat, “Ako nawa’y dinggin! O diwata ng pag-ibig, ang mga daing sa dinaranas na hirap; Pansinin, o puso at sa akin ay tumitig, pagdalitaang bigyang saya ang pagkasawing-palad.”).

Ngayon, balikan natin ang buhay ni Nanang Leona. Siya ay nabibilang sa mayamang pamilya, nabubuhay na may karangyaan, nagsisimulang mangarap, ngunit ang mga kababaihan ng panahong iyon ay walang karapatan katulad ng kalalakihan. Hindi siya nakapag-aral katulad ng mga kasinggulang niyang kalalakihan, at sapilitang ipinakasal sa edad na 14 anyos. Kaya ang nanghihimagsik niyang isip na puno ng pangarap ay tulad sa nanambitang tila nawawalan na ng buhay. Ang mga pangarap niyang pinigilan at hindi na magkakaroon ng katuparaan – ang “Nausyaming Inaasam.”

Sa tulang As-Asug ti Maysa a Napaay: “Nasnebanak ti nasaem a sasainnek, ay ayat! Ta diman la agtanak ti lak-amen a tuok ken rigat; Isuna kaden isunan, ala isunan yantangay daytoy biag, Diak duaduaenen a suminan itoy bagik a daksanggasat.” (sa aking pagliliwat, “Nabababad ako sa makikirot na daing, ay pag-ibig! Sapagka’t hindi tumitigil ang pighati at hirap; Tumigil ka na, tigil na sa buhay ko’y pagpapasakit, Walang alinlangang papanaw ang katawang sawing-palad.”). Dito makikitang muli ang kaniyang mga hinaing. Bagama’t binanggit ang salitang “pag-ibig,” hindi ito tumutukoy sa isang tao manapa’y sa isang babae, kundi sa kaniyang pinakaaasam sa adhikain.

Kung pakasusuriin at uunawaing mabuti, hindi talaga patungkol ang mga sinasabi ng kaniyang mga tula sa isang babae. Ang hinagpis niya, ang “nausyaming inaasam,” ay patungkol sa pangarap na karapatan sa lipunan. Ang “musa” o “diwata” ay sumasagisag sa pangarap niya sa larangan ng panitikan na maiuugnay sa siyam na musa ng panulaan, na mga anak nina Zeus at Mnemosyne sa mitolohiyang Griyego. Sila ang mga personipikasyon ng pagkamalikhain at katalinuhan sa sining at panitikan, mga babaeng pinipitagan maging ng mga kalalakihan. Dito ang salitang imnas ay hindi tahasan o tuwirang tumutukoy sa di-umanong babaeng minamahal ng may-akda, kundi sumasagisag sa karapatan ng isang babae na inaasam niyang makamtan. Ang “pamamaalam” at “hinanakit” ay patungkol din sa pangarap na ito, sa kawalan ng pagkakataon at kabiguan ng mga kababaihan sa umiiral noong lipunang patriyarka.

Totoong may mga tula siyang isinulat na ang pamagat ay mga pangalan ng mga babae (kabilang ang Emilia, Ken Carmen, Ken Castora) at ang nilalaman ay pagpuri, pagsinta at pamimitagan, ngunit suriin natin kung kani-kanino ito inihandog. Dahil magaling at mabilis siyang makagawa ng mga talata ng tula, karaniwang hinihilingan siyang bumigkas o sumulat nito para sa mga kaarawan at kasalan ng mga kamag-anak, kaibigan at kababayan. Isa rin itong napapagkamalang paghahayag niya ng pagsinta sa mga babae. Ayon sa kaniyang anak na si Isabelo de los Reyes, kahit hindi nailimbag ang mga tula ni Nanang Leona, tumatatak ito sa isip ng mga nakarinig o nakabasa kahit nang panahong namayapa na ito. Siya ang pangunahin sa kasaysayan na nagbigay ng tulay sa pagitan ng oral o pabigkas at written traditions ng panulaang Ilocano.

Isa pang bagay na tila hindi isinasama sa argumento ay marami siyang mga kaibigang lalaki na nagpapagawa ng mga tula para sa mga kasintahan ng mga ito. Pansinin at unawain, “Pinagduadua no sika ket agmaymaysa wen no ti pusom addan nakaala. Toy manong mo, piman nga agsagaba, no awan kanton, malpay tay namnama.” (sa aking pagliliwat, “Pag-aalinlangan kung ikaw ay nag-iisa o ang puso mo ay may nagmamay-ari na. Itong kuya mo, patuloy na nagdurusa, kung mawawala ka, wala na ang pag-asa.”). Hindi dahil sa ginamit niya ang salitang manong ay ipinalalagay na niya ang sarili na isang lalaki. Kundi ginamit niya ito sa paraang pinaghahambing niya ang pagsinta ng isang lalaki sa pinipitang karapatan ng isang babae. Pansinin din na ang istilo ng pagsusulat ng tula ni Nanang Leona ay ang madalas na paggamit ng metaphor at simile, ang paglalarawan ng isang bagay o pananaw gamit ang ibang bagay na maaaring walang kaugnayan sa isa’t isa. Narito makikita ang paghahambing niya sa isang lalaking sumisinta sa isang babae na nag-aalinlangang mapasakaniya ang pag-ibig nito, sa inaasam ni Nanang Leona na karapatan para sa kababaihan na kung hindi niya makakamtan ay tulad sa pagkawala ng pag-asa.

Kung sisiyasatin ding mabuti at uunawain ang mga talata ng tula, madalas niyang itinatago ang “naunsyaming inaasam” sa kabiguan ng isang umiirog dahil sa lipunang nabababalot ng hipokrasya. Sa kaniyang tulang As-Asug ti Maysa a Napaay, muli niyang inihambing ang pag-ibig ng isang lalaki sa kaniyang pinapangarap na makamtang karapatan ng isang babae: “Ay ayat, ayaunayen ti sanaang nipatay sumkennakalkaldaang, Ta iti maysa nga agayat a dida pagayatan, nakasaksakit nakem a maimatayan.” (sa aking pagliliwat, “O pag-ibig, na malabis ang pasakit na nakamamatay kapag sa iyo ay sumanib, Pagka’t ang isang umiibig na hindi iniibig, napakasakit na ikamamatay ng isip.”). Marahil nabasa niya ang epikong-awit ni Francisco “Balagtas” Baltazar (1788-1862) na Florante at Laura (1838) na naglalaman ng “O pagsintang labis ang kapangyarihan……, pag ikaw ay nasok sa puso ninuman, hahamaking lahat masunod ka lamang.” Sa kaniyang kamalayan gumawa siya ng isang antithesis: kung ang kay Balagtas ang pag-ibig ay hahamak sa lahat masunod lamang, ang kay Nanang Leona ang pag-ibig ay nakamamatay kapag hindi nakamtan; ang kay Balagtas ay literal na pag-ibig at ang kay Nanang Leona ay sumasagisag sa isang adhikain.

Sa huli, ang kaniyang anak na si Isabelo delos Reyes ang nagpatunay na ang mga tula ng kaniyang ina ay hindi nagpapahayag ng pag-ibig sa kapuwa babae, bagkus ang nilalayon nito ay tungkol sa karapatan ng mga kababaihan na inaasam niyang makamtan. Isa pang pagpapatunay ay ang pagtanyag ng mga tula ni Nanang Leona sa ibang bansa na nang panahon iyon ang kamalayan ng mga kababaihan ay tungo sa karapatan at pagkakapantay-pantay subalit sumasansala sa lebiyanismo dahil hindi ito itinuturing na normal sexual orientation nang panahong iyon.

BAKIT WALA PANG GAWAD PAMBANSANG ALAGAD NG SINING?

Isa pang katanungan ay kung bakit si Nanang Leona ay hindi pa nagkakaroon ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining. Ang National Artist Award, na ngayon ay itinaas ang antas at tinatawag ng Order of the National Artists o Gawad ng mga Pambansang Alagad ng Sining, ay naitatag noong Abril 27, 1972 sa pamamagitan ng Proclamation No. 1001 ni Pangulong Ferdinand E. Marcos (1917-1989). Ito ang pinakamataas na ipinagkakaloob na pambansang parangal sa mga mamamayan ng Pilipinas na nagkaroon ng katangi-tanging gawa at tagumpay sa larangan ng sining kung saan kabilang ang panitikan at panulaan.

Hindi pa ba sapat na siya ang “Ina ng Panitikang Pangkababaihan” at “Ina ng Panulaan” sa Pilipinas, at kauna-unahang makatang Pilipino na natanyag sa iba’t ibang bansa? Ayon pa kay Eulogio B. Rodriguez (1893-1949), literary historian, manunulat, at dating director ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas, “Si Leona Florentino ang pinakadakilang makatang Pilipino ng kaniyang Panahon.” Ang tanong nga ay “Kung maging sa kabilang buhay ay naghihinanakit siya at dumaraing, isang ina na tila hindi binibigyang halaga?”

Ang sinasabing dahilan nito ay ang eligibility timeframe kung saan katulad ng pambansang bayaning si Jose Rizal at ang dakilang pintor na si Juan Luna (1857-1899), matagal nang namayapa si Nanang Leona. Walang retroactive clause ang batas na lumikha sa gawad parangal at ang special exemptions nito ay sumasakop lamang sa taong 1965 hanggang 1972. Marahil panahon na rin para amiyendahan ang batas upang ang malaon ng namayapang mga alagad ng sining na mga Pilipino ay mabigyang parangal. Bigyan natin ng halaga ang mga pioneers ng ating mga katutubong sining at panitikan.

Kung pagsasama-samahin ang lahat ng mga naiambag ng mag-inang Nanang Leona at Belong, ang kanilang buhay at adhikain, at mga gawa at katha, para na rin itong isang kasaysayan sa loob ng isang kasaysayan.