Ni JOSE M. BONOAN
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 7, 1949)
Nakatunghay ako sa bughaw na tubig
ng tulog na lawa:
(Kay-gandang larawan ng pusong may hapis;)
sa bulang naglisaw, ang pagal kong isip,
nagbabagong diwa
at nakikiamot ng tuwang malinis;
Sa munting paligid ng tubigang iyan,
ang guniguni ko
ay may nakikitang pagtinging sugatan;
akay-akay siya ng nangakaraan
na daling nabuyo
sa kuhilang awit niyong kamusmusan
Saka malasin mo ang nagtayong iyon
na puno ng Lungkot:
piping mga tanod ng lumang panahon;
wala ni isa mang ibong nakakanlong
liban sa himutok
ng hanging humalik sa libong, sa burol.
Nabakas ko rito ang sama ng loob
ng isang umalis na basa ng luha ng tapat na lingkod;
nagunita ko ring dito nagsilubog
iyong maririkit
na kaliwanagang di likha ng Diyos!









