DALAWANG MUKHA NG MAYO

Ni BIENVENIDO A. RAMOS

(Unang nailathala: LIWAYWAY, May 27, 1963)

i.

Nakatawa

ang elena

at sa madlang nanonood ay may ngiti,

at ang bawa’t mangitia’y nagbubunyi;

Natupad na

ang panata:

di-iilan ang hinalaw na dalaga,

sa nalabi ay siya rin ang napita;

May pighati

ang lunggati

kung di siya ang napiling maging reyna…

(yao’y hindi malilimot na sandali!)

ii.

Naluluha

ang matandang

nagmamasid sa elenang nagdaraan—

ang mithi ng anak niya’y napagbigyan!

natutuwa’t

kahit dukha,

anak niya ang sagalang itinanghal—

puring-puri sa magandang kasuotan!

Maharlika

at pasadya

ang sa reynang baro’t sayang kumikinang

na katumbas ng bakurang isinanla!